Chapter Seven
🌹🌹🌹
Naging paksang muli ng usapan si Xerxes habang nasa pantry sina Chelsea at nanananghalian. Panay ang bangka ni Sarah sa usapan na para bang ito ang nag-alaga kay Mr. X hanggang sa gumaling ito at magbalik sa dating katinuan, gayong ang totoo ay ayaw man lang nitong lapitan noon ang lalaki.
"I think he's kinda cute when he's younger" sabad ng bagong nurse volunteer na si Lovern, kikay na parang ang komedyanteng si KitKat.
"Eeww!" bulalas ni Sarah
"Okay ka lang? Pagnasaan ba si Mister X?"
"Why not? Ako yata ang nagpunas sa kanya kahapon at..."
Kinilig ito. "He's big! Ayy!"
"Grabe naman ang babaeng ito!" bulalas nito.
"Pati iyon ay binigyan ng malisya. Nakakadiri ka!"
"At bakeet? Lalaki rin naman si Mister X, ah!"
"Ano ka ba, manyak?" natatawang bulalas ni Sarah.
"Kay Chelsea na iyon, ano!"
Tawanan ang lahat sa sinabi nito. Siya naman ay pangiti-ngiti lang habang kumakain.
"Really? Type mo siya?" baling sa kanya ni Lovern
"Tumigil ka nga, para kang sira diyan!" natatawang bulalas niya.
"Naaawa lang ako roon sa tao"
"Diyan nagsisimula iyan. Kapag naawa ka sa isang tao, ang kasunod do'n, mai-in love ka na sa kanya"
"Sarah, puwede ba! Are you talking from experience?" ganting biro niya rito.
"Well.... yeah" pag-amin nito.
"Pero hindi sa isang kagaya niya, ano? Ano ako, baliw? Eeww! Ayoko siyang halikan!"
"Eh, 'di, huwag mong halikan. Puwede ka namang makipag-sex nang hindi mo na kailanganing halikan"
Sindak ang lahat sa sumunod na sinabi ni Lovern.
Ngayon lang sila nakakilala ng nurse na bulgar magsalita. Kung hindi lang sa suot nitong cap at puting uniporme ay iisipin niyang nagtatrabaho ito sa bar.
"Naku, para naman kayong mga santa. Sino ba ang virgin pa rito?"
Parang ibig niyang mapahiya nang siya lang ang magtaas ng kamay. Tawanan ang mga ito sa pagiging naive niya.
"Talaga? Hindi ka pa nakikipag-sex sa buong buhay mo? At your age?" hindi na tanong sa kanya ni Lovern na para bang isang malaking kasalanan iyon.
"Let me guess" ani Sarah na naunahan siyang sumagot
"inire-reserve mo iyan sa lalaking pakakasalan mo?"
"Bakit may ibang dahilan pa ba?"
"It's a modern world, Chelsea" sabi naman ni Maribeth na kasamahan din nila roon.
"Dapat alam mo lang ang limitations mo pagdating sa sex. Huwag kang magpapabuntis. Dahil ang mga lalaki, iiwan kang parang basahan kapag may laman na ang tiyan mo"
"Are you talking from experience?" nagbibirong tanong ni Maribeth.
Napansin niya nang sandaling matigilan si Maribeth bago iniba ang topic ng usapan.
*****
"May problema ba, Miss Chelsea?"
Napatingin si Chelsea kay Xerxes sa tanong nito. Napakunot-noo siya.
"Wala naman. Bakit mo naitanong?"
"Malamig ang mga kamay mo" sabi nito.
"B-baka may sinat ka lang. Hindi naman malamig ang mga kamay ko" pagdadahilan niya.
Pero ang totoo ay nanlalamig nga siya mula pa kaninang lapitan niya ito. Unang pagkakataong naligo si Xerxes. At unang pagkakataon din na, sabi nga ni Aling Nora, ay nagmukha itong tao. Naaamoy pa niya ang mabangong shampoo at sabon na ginamit nito.
"Salamat nga pala rito sa mga damit na ibinigay mo. May isa lang sana akong request..." sabi nito habang pilit hinuhuli ang mga mata niya.
"Ano iyon?"
Sinenyasan siya nitong lumapit at may ibinulong ito sa kanya.
"Briefs..." sabi nito.
"K-kung hindi naman nakakahiya sa iyo"
"Ha?"
Naramdaman niya nang mag-init ang kanyang mga pisngi.
"S-sige, ibibili kita ng kailangan mo"
"Thanks. Mababayaran ko rin iyon sa iyo"
"Huwag mo nang alalahanin iyon"
Ngumiti ito. Parang nagulat pa siya nang makita ang mapuputi at pantay-pantay na tubo ng ngipin nito bagaman may sungki ito sa gilid sa kaliwang itaas. Bakit noon lang niya napansin iyon?
Ano ba itong naiisip ko? Bakit ko ba pinapansin pati ngipin ng lalaking ito? Ni hindi nga niya alam ang pagkatao niya, at gaya ng sinabi ni Sarah, hindi ako dapat makaramdam ng anumang damdamin para sa kanya. Gagawin ko lang katawa-tawa ang sarili ko, sita niya sa sarili.
"Miss Chelsea..."
Paalis na siya nang hawakan nito ang kamay niya.
Napalunok siya nang muling bumaling ito. "May kailangan ka pa ba, Xerxes?"
Ilang sandaling nagtama ang kanilang mga mata bago ito bumuntong-hininga. Mayamaya pa ay binitawan din nito ang kanyang kamay.
"Wala na, Miss Chelsea. Gusto ko lang magpasalamat sa pagmamalasakit na ibinigay mo"
"Trabaho ko ang tiyaking maayos ang kalagayan ng bawat pasyente rito"
"Pero special ang treatment na ipinagkakaloob mo sa akin.... you can't deny that"
"Really? Hindi ko napapansin iyon..." tanggi niya kahit totoo namang espesyal ang atensiyon niya kay Xerxes kompara sa ibang mga pasyente.
Ngumiti ito bago inabot ang kamay niya.
"Ano't anuman, nagpapasalamat pa rin ako"
*****
"May problema ka, ano?" tanong ni Lovern kay Chelsea habang kumakain sila sa Jollibee nang hapong iyon.
"Sabihin mo sa akin. Puwede mo akong pagkatiwalaan"
Tumingin siya rito bago napabuntong-hininga. Dapat ba niyang sabihin kay Lovern ang nararamdaman niya para kay Xerxes?
Baka pagtawanan lang siya nito, at pagkatapos ay ibalita sa ibang kasamahan nila na naloloka siya.
"Hulaan ko, gusto mo?" patuloy nito nang makita marahil ang pag-aatubili niya.
"Tungkol ito kay Mister X?"
"Lovern!"
"Kitam? Sa reaksiyon mo pa lang ay huling-huli ka na. Nahuhulog na ang loob mo sa kanya, ano?"
"Hindi"
Nagpasya siyang itago ang nararamdaman niya.
"Hindi siya ang pinoproblema ko"
"So, may problema ka nga? Problema mo ang sarili mo dahil hindi ka makapaniwalang mahuhulog ang loob mo sa isang kagaya niya?"
"Alam mo, Lovern, makulit ka. Sinabi ko na ngang----"
Nagseryoso si Lovern. Tumitig ito sa kanya na tila ba sinasalamin nito ang kaluluwa niya. Bigla siyang natigilan at napabuntong-hininga. Magagawa pa ba niyang magsinungaling?
"All right, all right! Aaminin ko na. Si Mister X nga ang pinoproblema ko"
"You're falling for him?"
"No!" bulalas niya.
"Hindi iyon..."
"Aaminin mo na rin lang sa akin ang totoo, Chelsea, bakit magtitira ka pa?"
"Ay, naiinis ako sa iyo!" natatawang bulalas niya at nagbibirong hinampas ito sa braso.
"Naiinis ka kasi totoo?"
Tumawa ito.
"Huwag kang mag-alala, hindi ako kagaya nina Maribeth o ng ibang tao na huhusgahan ka. Sa nagkagusto ka sa isang kagaya niya, eh, ano'ng magagawa mo? Bakit, hindi ba sinabi ko namang cute siya? Pinagnanasaan ko nga si Mister X, hindi ba?"
Nilangkapan nito ng biro ang huling sinabi.
"Sira ka talaga"
"Kung sira ang ulo ng tanong nagpapakatotoo, ako na ang pinakabaliw!" bulalas nito at kinindatan siya.
"So, ano nga ang problema kay Mister X?"
"Siguro nga ay tama ka, Lovern. Nahuhulog na ang loob ko sa kanya. At ang isa pa sa pinoproblema ko, matatapos na ang duty ko sa hospital ngayong darating na Friday. Tatlong araw na lang ang natitira"
"Eh, di, dalawin mo siya. Bawal ba iyon?"
"Ang iniisip ko nga ay ang sasabihin nila..."
"Hay, naku, magkaiba kasi tayo ng paniniwala sa buhay..."
Sabay pa silang nangalumbaba ni Lovern. Sabay rin silang natawa sa reaksiyon nila.
🌹🌹🌹
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro