Chapter One
Naghanda sa pagbaba ng bus si Chelsea nang marinig niya na isinigaw ng konduktor ang lugar na destinasyon niya. Sumunod siya sa ibang pasaherong lumapit sa unahan.
Ilang sandali pa ay huminto ang air-conditioned bus sa tapat ng East Avenue Medical. Isa-isang bumaba ang mga nauna sa kanya na pawang empleyado ng ospital, mga nurse aide. Nakilala niya ang mga ito sa suot na uniporme.
Walang pagmamadaling sumunod siya sa ibang mga taong papasok sa ospital. Napansin niya ang matandang babaeng naka-wheelchair na naghihintay sa tapat ng ER pharmacy, habang nakapila naman sa pagbili ng mga kakailanganing kagamitan at gamot ang mga bantay ng mga pasyenteng kung hindi nasa emergency room ay nasa ward na.
Sa harapan ng Trauma Center ang Emergency Room ay nakaparada ang isang ambulansiyang may nakasulat na Municipality of Cavite. Kasalukuyang nagmamadali ang mga staff na mailipat sa stretcher ang isang duguang lalaki. Marami sa nakatayo roon ang nag-uusyoso sa nangyayari.
Pagsipat niya sa main entrance ng ospital ay marami nang tao roon gayong mag-aalas-siyete pa lang ng umaga. Iba-iba ang reaksiyon sa mga mukha ng mga ito. May nanghihinayang habang ipinaliliwanag ng guwardiya na alas-diyes pa ang oras ng dalaw. Ang iba ay nagpasyang umuwi na lang muna.
Dalawa ang naringgan niyang mag-aalmusal na muna sa Jollibee kaysa tumunganga raw doon nang tatlong oras. Ang ilan ay nakatingin lang na parang walang pakialam, halata sa mga mukha ang puyat at pagod. Ang mga ito marahil ay kasama ng iba pa na doon na nagpalipas ng magdamag sa harap ng ospital.
Mayamaya pa ay isang patpating lalaki ang dire-diretsong umuna sa hanay. Bago makapasok sa pinto ay sinita ito ng guwardiya. Nagpaliwanag ang lalaki ng kailangang-kailangan nitong makita ang nanganak na asawa.
Hindi ito pinapasok dahil hindi pa nga oras ng dalaw. Pero nagpumilit ito at mangiyak-ngiyak na sinabing may pakiramdam itong hindi mabuti ang kalagayan ng asawa.
Halata sa mukha ng lalaki ang panlulumo habang hawak sa nanginginig na mga kamay ang reseta. Hindi niya tiyak kung ang panginginig nito ay dahil sa galit sa guwardiyang ayaw magpapasok dito, o dahil sa nerbiyos na nararamdaman.
Pagkatapos ng ilang diskusyon ay pinagbigyan din ng guwardiya ang pagmamakaawa ng lalaki. Pinapasok na nito ang huli at gumalaw na muli ang hanay. Pagdaan niya sa tapat ng guwardiya ay nagmagandang umaga pa ito sa kanya. Sinuklian niya iyon ng ngiti bago diretso na siyang humakbang patungo sa kinaroroonan ng elevator.
Naghintay siya kasama ng ibang nurses na kagaya niya ay volunteer din doon. Binati niya ng magandang umaga ang elevator boy na kabatian niya. Alam na nitong sa ikaapat na palapag ang baba niya kaya hindi na niya kailangang sabihin iyon.
Pagkaraan ng ilang sandali ay bumukas ang elevator sa ika-apat na palapag. Nagpasalamat siya bago lumabas kasabay ang dalawang volunteer nurse. Naglakad siya sa hallway papasok sa 4 North Male Surgery Ward.
Nang sapitin niya ang nurse station at makita ang mga kasamahan ay ngumiti siya. Isang araw na naman ng panibagong eksperiyensiya mula sa sarisaring kuwento ng mga pasyenteng naka-confine doon.
"Nurse, mataas pa rin ba ang lagnat ng asawa ko?" bakas sa boses ang pag-alala ng isang mid-40's na babae.
Nakita ni Chelsea ang pag-aalala sa mukha ng babae nang magtanong habang sinisipat niya ang thermometer.
"Thirty nine point two.... mataas pa rin ang lagnat niya, Nanay. Ituloy lang ninyo ang pagpupunas sa kanya para bumaba ang lagnat niya. Kagabi pa ho ba ito?" tanong niya rito
"Mas mataas kagabi. Nagdedeliryo na nga siya kaya ipina-X-ray siya ng doktor. Awa ng Diyos naman ay walang komplikasyong nakita ang doktor sa baga niya. Binigyan siya ng mga gamot at nilagyan ng oxygen at nebulizer...." mahabang pahayag ng babae sa kanya.
"Normal naman ang blood pressure ni Tatay" sabi niya habang inaayos ang sphygmomanometer
"Punasan lang ninyo nang punasan pati kilikili at singit-singitan" advice niya rito.
"Iyon nga ang ginagawa ko kagabi pa. Hindi ako umidlip man lang dahil nag-alala akong baka paggising ko ay kung ano na ang nangyari sa kanya..."
"Ipanatag ninyo ang loob ninyo, Nanay" she assured her.
"Nakaligtas na sa operasyon si Tatay. Nasa recovery na siya"
Muli niyang tiningnan ang information sheet na nakadikit sa hospital bed nito.
Sa loob ng walong oras na duty niya sa ospital ay ilang beses din niyang binabalikan ang mga pasyente sa male ward. Kung hindi kukunan ng vital signs ay paiinumin o tuturukan ng gamot sa suwero.
Pawang mga operado sa kung saan-saang bahagi ng katawan ang mga pasyente roon. Iba-iba rin ang dahilan ng pagkaka-opera. Mayroong naaksidente sa motorsiklo, nasaksak, nasagasaan, nahulog sa kung saan, nabagok ang ulo, binaril, pinukpok ng kahoy sa mukha ay mayroon ding kung ilang beses nang inoperahan dahil sa cancer.
Iba-ibang pasyente, iba-ibang kuwento. At doon din niya nakita ang iba-ibang paraan ng pag-aaruga ng mga kapamilya sa kanilang mga pasyente. Doon din niya nakita ang ilan na wala man lang bantay at dalaw.
Madalas sabihin sa kanya ng ibang kasamahang volunteer nurse na huwag siyang magpapaapekto sa mga pasyente roon. Na trabaho lang ang lahat na hindi praktikal kung isasangkot niya ang puso niya sa kanilang mga gawain.
Pero hindi niya maiwasang maawa sa kalagayan ng nga pasyente, lalo na iyong tila kinalimutan na ng mga kapamilya at kaibigan, ilang linggo na roong nakikipaglabang mag-isa sa karamdaman.
*****
"May bagong dating na pasyente sa thirty-twenty. Vehicular accident victim. Walang pagkakakilanlan kaya "Mister X" lang ang inilagay na pangalan. I think taong grasa iyon, ang dumi-dumi!"
Napatingin si Chelsea kay Sarah, kasamahan niyang nurse doon, nang marinig ang sinabi nito. Magra-rounds na siya at tinatapos lang niya ang paghahanda sa mga gamot ng mga pasyente nang pumasok ito sa nurse station.
"Kawawa nga, eh. Basta na lang daw iyon iniwan ng nakasagasa. Mabuti at nagmagandang-loob ang mga tanod, dinala rito" sabi naman ni Kelvin.
Iniwan niya ang dalawa na topic pa rin ng usapan si Mr. X. Kasama niya ang isa pang staff nurse sa pagbibigay ng gamot sa mga pasyente. Tulak-tulak nila ang de-gulong na tray na kinalalagyan ng mga gamot, karayom at suwero.
Una nilang pinuntahan ang ward thirty-twenty. Nakita niya ang Mr. X na sinasabi ni Sarah. Inookupa nito ang 3020 C na malapit sa bintana ng ward. Inuusyoso ito ng ibang bantay roon.
Nakakabitan ito ng oxygen at suwero. Siguro nga ay isa itong taong grasa dahil napakarumi nito. Para bang lahat ng dumi ng lansangan ay nakadikit na sa buhok at katawan nito.
"Ikaw pala si Mister X" sabi ng kasama niyang si Jennie nang mapatapat sila sa hospital bed nito.
Nakita niyang nakamulat ang mga mata ng lalaki. Nakatingin sa kawalan.
"Nurse, pakilinis n'yo, kawawa naman" sabi ng isang nag-uusyosong bantay roon.
"Sige ho, babalikan namin siya" sabi niya sa babae.
Kasabay niyon ay napatingin siyang muli sa mukha ng lalaki. Husto namang tumingin ito sa kanya. Hindi niya alam kung bakit bigla na lang kumabog ang dibdib niya.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro