Chapter Nine
🌹🌹🌹
"Chelsea, okay ka lang?"
Kinatok siya ni Lovern nang marahil ay marinig nito ang mga hikbi niya. Pinakalma niya ang emosyon niya at naghilamos.
Hindi maaaring nakita ng mga kasamahan niyang umiiyak siya dahil tiyak na mag-uusisa ang mga ito.
Nang buksan niya ang pinto ng banyo ay nagpasalamat siyang si Lovern na lang ang naroon sa pantry.
"Girl, ano'ng problema?"
"Wala. Mami-miss ko lang ang East Avenue..."
Pinilit niyang tumawa pero napaiyak lang siya. Hinagod ni Lovern ang likod niya bilang pag-alo.
"Halika na. Tama na iyang sentimyento at baka mamaga pa iyang mata mo, eh, magtaka sila. Bukas pa naman ang huling araw mo rito, bukas ka na maging emosyonal para hindi halatang iba ang dahilan ng pag-iyak mo"
Paglabas nila sa pantry ay parang walang nangyaring nagpatuloy sila sa kanilang mga gawain. Nakipagpalit na muna siya ng ward kay Lovern dahil ayaw niyang usisain siya ni Xerxes.
Tuwing madadaan siya sa Room 3020 ay lagi itong nakatingin sa pinto na tila nag-aabang sa kanya. Pero hanggang sa lumabas siya sa ospital nang araw na iyon ay hindi na siya nagpakita pa rito.
"I feel so bad..." pag-amin niya kay Lovern nang nasa Jollibee na sila at nagme-merienda.
Kanina pa niya pinapaikot sa tinidor ang spaghetti pero hindi pa man lang niya tinikman iyon. Wala sa loob niyang mauubos na nga ni Lovern ang pagkain sa plato nito.
"Kaya mo iyan. Masyado ka lang kasing nagpapatangay sa emosyon mo, eh. Kaya nga ba tayong mga nurse ay hindi dapat napapalapit sa ating mga pasyente. Tingnan mo ang nangyayari sa iyo. Nahihirapan ka ngayon"
"Ano'ng magagawa ko? Talaga namang nakakaawa si Xerxes"
"Nakakaawa talaga lalo na kapag napamahal na sa iyo 'yong tao"
Napabuntong-hininga siya. Nagpasya siya na huwag nang makipagtalo dahil may punto naman ito.
"Magdala ka ng kamera bukas, ha? Huwag mong kalimutan" paalala nito sa kanya
"Picture taking tayo!"
*****
Dala ni Chelsea kinabukasan ang digital camera na regalo sa kanya ng Kuya Daniel niya noong magtapos siya sa kolehiyo. Kinuhanan niya ng litrato ang nurse station, ang mga doktor, ang mga ward at mga kasamahan niyang nurse volunteer.
Pati na ang mga pasyenteng naka-close niya----kagaya nina Arazo at Carlo----at mga bantay ng mga pasyente kagaya nina Aling Nora at Susan, ay kinunan niya ng litrato.
Nagmistulang isang photo shoot ang araw na iyon; na siya ang paminsan-minsang photographer at ang mga ito ang kanyang mga modelo.
Kinunan din niya si Xerxes sa kabila ng pagtanggi nito. Walang nagawa ang lalaki nang itutok na niya rito ang camera. Gusto silang kunan ni Lovern nag magkatabi pero siya na ang umayaw. Mas malulungkot lang siya kapag nakita niya silang dalawa sa litrato.
"Chelsea..."
Nag-iisa siya sa nurse station at binabalikan ang mga litratong naka-save sa digital camera niya nang gulatin siya ni Xerxes doon. Bago pa siya makapagtanong kung ano ang kailangan nito ay inilapag nito sa harap niya ang isang tangkay ng rosas.
Naalala niyang isa sa pasyente sa ward na kinaroroonan nito ang dinalhan ng bulaklak ng mga kaanak na dumalaw. Marahil ay hiningi ni Xerxes ang bulaklak para ibigay sa kanya. Nagtaka siya kung para saan iyon. Pero mayamaya rin ay na-realize niya kung ano ang ibig sabihin ni Xerxes.
"Wala akong ibang maibibigay para maipakita ko sa iyo kung gaano ang pasasalamat ko sa mga ginawa mo sa akin..." sabi nito.
"Ako na ang pumunta rito dahil kahapon mo pa ako iniiwasan"
"Hindi kita iniiwasan, Xerxes. Nagkataon lang na busy ako kahapon dahil---"
"Hindi mo na kailangan magpaliwanag, Chelsea. Naiintindihan ko. Gusto ko lang samantalahin ang pagkakataon para pasalamatan ka"
"I hope you get well soon"
Nang maisip niyang baka hindi nito naunawaan ang sinabi niya ay tinagalog niya iyon.
"Sana'y tuluy-tuloy na ang paggaling mo.."
"I'll be fine, Chelsea. You have nothing to worry about" sagot nitong ikinagulat niya.
Hindi lang dahil English iyon kundi dahil sa tono nitong tila bihasang-bihasa sa paggamit ng lengguwahe.
Tumitig siya sa mga mata nito at nakita niya roon ang magkahalong lungkot at admiration. Napakalaki ng pagbabago ni Xerxes sa napakaikling panahon.
Mula sa isang marungis ay malinis na ito ngayon at hindi aakalain ninumam na pinagdaanan nito ang ganoong stage sa buhay.
"Salamat sa bulaklak" sabi niya nang damputin niya ang oras. Hindi na niya alam kung ano ang dapat pag-usapan pa.
"You're welcome"
Malungkot na masaya ang mga kasamahan ni Chelsea nang tuluyan na siyang magpaalam nang araw na iyon. Hindi matapus-tapos ang paalaman at may pahabol pang picture taking.
Idinaan niya sa tawa ang nararamdaman niya kahit parang may kung anong kumikirot sa dibdib niya. Pero hindi niya kinaya nang walang imik na ihatid siya ni Xerxes hanggang sa bungad ng 4 North Male Surgery Ward. Tinangka itong sawayin ng mga tao sa nurse station pero siya na ang nagsabing babalik din ito roon.
"Chelsea..."
Bago nila marating ang dulo ng hallway ay hinawakan nito ang kanyang kamay. Napahinto sa paghakbang ang mga paa niya. She was close to tears ngunit ngumiti siya upang pagtakpan ang lungkot na nararamdaman. Ayaw niyang iwanan ng malungkot na alaala si Xerxes.
"Gusto kong malaman mong ikaw ang nagpabalik sa akin sa kasalukuyan" ang matalinghagang sabi nito habang pinipisil-pisil ang mga palad niya.
"Ibinalik mo sa akin ang pag-asa"
Hindi na niya napigilan ang sarili niya. Hinaplos niya ang pisngi nito.
"Wala akong ginawa, Xerxes..."
Tumikhim siya nang maramdamang tila may bumara sa kanyang lalamunan.
"Akala mo lang, wala pero meron" anito at sinalo ang baba niya.
Tumitig ito sa mga mata niya.
"Kaya dumadalangin ako na sana ay huwag mo akong kalimutan. Maaari bang dalawin mo ako rito?"
"Dadalawin kita, Xes, kung iyan ang gusto mo. Pangako iyan" sabi niya.
Kung nabakas nito sa mukha niya ang pagmamahal ay hindi siya sigurado.
"Salamat..."
Sa pagkagulat niya ay niyakap siya nito.
"Maghihintay ako araw-araw, Chelsea. Magpapasalamat ako na binigyan mo ng pagpapahalaga ang isang kagaya ko" anito nang pakawalan siya.
Ngumiti siya at muling hinaplos ang pisngi nito.
"Babalikan kita, Xerxes. Pangako ko iyan sa iyo"
*****
"Aba, ito ba iyong taong grasa na sinasabi mo, Chelsea?"
Hindi makapaniwala si Aling Cely habang ipinakita ni Chelsea sa ina ang mga litratong kuha niya kay Xerxes.
"Si Mister X ba ito? Parang hindi taong grasa, ah! At kasyang-kasya sa kanya ang mga damit ng kuya mo"
"Si Mister X nga iyan, 'Nay. At saka, hindi naman kasi siya taong grasa gaya ng inakala nating lahat. Nagkaroon lang siya ng amnesia kaya nagpalabuy-laboy sa kalsada" sabi niya na natatawa sa reaksiyon nito.
Nang makapag-usap sila kanina ni Xerxes ay gumaan maski paano ang pakiramdam niya.
"Ano nga kaya ang nangyari, ano? Mukha naman siyang disente. Sinabi na ba niya sa iyo?" tanong nito.
"Hindi pa ho. Kung may naaalala man siya sa nakaraan niya, siguro ay hindi pa siya handang magkuwento. Pero sa palagay ko, isa sa mga araw na ito ay magsasalita na siya"
"Mukhang may conference dito, ah. Ano ang nangyayari?" tanong ng Kuya Daniel niya na hindi nila namalayang pumasok sa kuwarto.
"Wala, Kuya. Nagkukuwentuhan lang kami ni Nanay. Tapos na kasi iyong duty ko sa hospital"
"Ganoon ba? Tamang-tama, iniimbita tayo ni Kathryn para sa forty-five years wedding anniversary ng parents niya. Pupunta tayo ng Zambales bukas at babalik tayo sa isang araw" anunsyo nito.
"Bukas na, Kuya?"
Kung ganoon ay dalawang araw niyang hindi mapupuntahan si Xerxes. Naghihintay pa naman ito. Baka isipin nitong hindi siya marunong tumupad sa pangako niya.
"Yes. Kaya gumayak kayo ni Nanay. Magsashopping tayo" tugon ng Kuya niya.
"Bakit?" nagtatakang tanong ng inay nila.
"Kailangan ninyo ng mga bagong damit" sabi nito
"Wow, napaka-generous ni Kuya! Halika na, 'Nay, baka magbago pa ang isip niya!"
Tumayo siya mula sa pagkakaupo sa kama at hinila ang ina. Nang lumingon siya ay napansin niyang dinampot ng kuya niya ang digital camera.
"Sino naman ang mga ito?" tanong nito habang isa-isang tinitingnan ang mga litrato.
"Mga kasamahan ko sa East Avenue. Mga pasyente....mga bantay ng mga pasyente..." paliwanag niya.
"And this guy?" pinatingin ng Kuya niya na nakaharap at tinuro ang isang lalaki.
"Boyfriend ng kapatid mo" biro ng inay nila nang makitang si Xerxes ang tinutukoy nito.
"Hindi, 'no!" depensa niya
"Okay" sabi nito bago ibinalik ang digital camera sa ibabaw ng kama.
Nagpasalamat siya na hindi na ito nag-usisa pa.
🌹🌹🌹
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro