Chapter Eleven
🌹🌹🌹
Pasado alas-siyete na ng gabi nang dumating sila sa Sta. Lucia mula Zambales. Kanina, pagkatapos ng reception ay tinawagan niya si Lovern at kinumusta. Sinabi nitong okay lang naman si Xerxes. Hindi na niya nakausap ang lalaki dahil nakalabas na si Lovern ng ospital.
Sinabi nitong nakakapanibago raw ang katahimikan ni Xerxes kaya laging nakabantay sa lalaki si Aling Nora. Nag-alala ang mga ito na baka maisipan na lang nitong tumalon mula sa balkonahe dahil lagi raw itong nakatitig doon.
" 'Nay, magpapaalam sana ako" sabi niya pagpasok nila sa bahay.
"Bakit? Gabi na, ah. Saan ka pupunta?" nagtatakang binalingan siya nito.
"Birthday pala ni Lovern. Hinihintay nila ako. Nandoon daw lahat ng volunteers na kasamahan namin sa East Avenue. Magtatampo ang mga iyon kapag hindi ako dumating"
"Saan ba ang bahay ni Lovern? Ipahahatid kita sa kuya mo..."
"Naku, 'Nay, huwag na" naglalambing na niyakap niya ito.
"Magta-taxi na lang ako. Sa Anonas iyon. Pagod na si Kuya sa pagmamaneho at dapat na siyang magpahinga"
Pinili niyang magsinungaling dahil ayaw niyang makipagtalo kung sakaling kuwestiyunin ng inay niya kung ano ang gagawin niya sa ospital.
Pinagmasdan siya nito. Tila nakakaramdam ito na hindi siya nagsasabi ng totoo.
"Kina Lovern ba talaga ang punta mo? Teka, nakilala ko na ba ang Lovern na iyon?"
"Nakilala mo na siya, 'Nay. Mabait iyon. Saka, naroon ang lahat ng kasamahan namin. Baka isipin nilang killjoy ako. Pumayag ka na. Tatawag ako sa iyo pagdating ko roon"
"Sige. Lumakad ka na habang maaga-aga pa. Kapag inabot ka ng alas-otso ay hindi na kita papayagan"
Nagkukumahog siyang nagpalit ng bihisan para hindi siya abutan ng oras na taning nito. Quarter to eight ay palabas na siya ng bahay bitbit ang bag niya.
Pagkalipas ng kulang isang oras ay nasa East Avenue Medical Center na siya. Nakahabol pa siya sa oras ng dalaw. Pero kahit pasado alas-nueve pa ay papapasukin naman siya ng guwardiya dahil namumukhaan na siya nito.
Bago pumanhik sa fourth floor ay tinawagan niya ang inay niya at sinabing naroon na siya sa bahay nina Lovern.
Agad siyang nagpaalam at sinabing mauubos na ang load niya nang maramdaman niyang kakausapin pa nito ang "birthday celebrant"
"Hi, Chelsea, ano'ng ginagawa mo rito?" tanong sa kanya ng head nurse na naka-duty nang mga oras na iyon sa nurse station.
Bilang props ay dinalhan niya ang mga ito ng pizza.
"Dadalawin ko lang si Carlo dahil lalabas na yata sila sa isang araw" sabi niya para hindi maging kuwestiyonable ang pagpunta niya sa ward.
"Ah, ganoon ba? Sige, thank you sa pizza"
"Welcome.."
Huminga siya nang malalim bago siya pumasok sa 3020. Naroon na si Arazo at matutulog ito katabi ang asawang si Susan.
Ngumiti si Aling Nora pero hindi nagsalita nang sumenyas siyang huwag muna itong maingay na naroon siya. Nakahiga si Xerxes at natutulog nang pumasok siya hanggang sa makalapit sa kama nito.
Pinagmasdan niya ang mukha ng lalaki. Hindi niya maunawaan ang damdaming nararamdaman niya nang mga sandaling iyon. Masaya siya na makitang muli ito. At alam niya, ganoon din ang mararamdaman nito sa kanya.
"Hi.." bati niya nang sa wakas ay magising ito.
Nakita niyang nagulat ito pagkakita sa kanya.
"Chelsea..."
Parang anghel ang boses nito nang sambitin ang pangalan niya.
Tila may mumunting kamay na humaplos sa puso niya at nagbigay sa kanya sa kaginhawahan. Ngumiti siya at ginagap ang kamay nito.
"Nagbalik ka..."
"I'm sorry, nagyaya si Kuya sa Zambales at hindi puwedeng hindi ako sumama. Sinabi ba sa iyo ni Lovern?"
"Oo. Pero hindi ko siya pinaniwalaan. Akala ko'y nagdadahilan ka lang para hindi ka na pumunta rito"
Nakita niyang emosyonal ito.
"Na-miss kita" malambing na pahayag nito.
"Dalawang araw lang naman iyon..."
Nakadama siya ng hiya nang makitang nakangiting pinagmamasdan sila nina Aling Nora at Carlo. Pero hinayaan sila ng mga ito.
"I missed you, too" bulong niya kay Xerxes.
Nakita niya ang pagsilay ng matamis na ngiti sa mga labi nito. Kasunod niyon ay hinila siya nito at hinaplos ang pisngi niya.
Hindi pa niya naramdaman ang ganoong kaligayahan sa buong buhay niya. Na para bang kapag katabi niya ito ay naroon ang extension ng kanyang buhay. Maybe she was in love.
No, she was sure about it. Walang pag-aalinlangan. In love na nga siya rito.
"Ang sweet naman ninyo" biro ni Aling Nora nang nakaupo na siya sa silya at pinagmamasdan si Xerxes na masiglang nilalantakan ang dala niyang ensaymada.
"Hindi iyan makausap kahapon. Akala ko nga'y gusto nang tumalon sa balkonahe, eh. Pagalitan mo nga iyan" pagsumbong ni Aling Nora dahil sa pag-alala nito.
"Kayo man ang nasa kalagayan ko'y maiintindihan naman ninyo, hindi ba?" anito kay Aling Nora
"Akala ko'y hindi na babalik si Chelsea..."
"Sige, magkuwentuhan na kayo at alam ko namang missed na missed ninyo ang isa't isa" anito bago nagbalik sa kama ni Carlo.
Nginitian niya ang nakatatandang babae bago ibinalik ang atensiyon kay Xerxes. Seryoso ito.
"Aalis ka rin ba ngayon?"
"Hihintayin ako sa amin, eh..."
Nakita niya ang paglambong ng lungkot sa mga mata nito.
"Puwede bang dito ka na magpalipas ng gabi? Marami akong gustong sabihin sa iyo?"
"Tungkol saan?"
"Sa nakaraan..."
Pinagmasdan niya ito. Nakita niya ang sinseridad sa mga mata nito.
"Sige, babantayan na kita ngayon. Bukas ng umaga na lang ako uuwi"
*****
Maghahating gabi na at ilang oras na rin naman silang magkaharap doon pero wala pa ring sinasabi kay Chelsea si Xerxes. Kung anu-ano na ang naikuwento niya rito, pati tungkol sa buhay niya ay nalaman na nito, pero wala pa rin itong sinasabi.
"Sino ka ba talaga, Xerxes? Ano ang nangyari sa iyo?" seryosong tanong niya nang hindi na siya makapaghintay na kusa itong magkuwento.
"Ang sabi mo kanina ay ngayon mo sasabihin sa akin..."
"Sasabihin ko ang lahat sa iyo, in due time. Sa ngayon, may gusto lang sana akong malaman sa iyo..."
"Ano iyon?"
"Posible kayang..."
Nagpakawala ito ng isang buntong-hininga.
"Maaari kayang.....ang isang katulad ko ay matutuhang mahalin ng isang katulad mo?"
"Ano bang klaseng tanong iyan, Xerxes?"
Tumawa siya upang ikubli ang tunay na nararamdaman. Kulang na lang ay lumabas ang puso niya sa dibdib niya.
"Binuhay mo ang pag-asa ko, Chelsea. You made me live again. Pero nagdadaan ako sa madilim na bahagi ng aking buhay....baka isipin mong sinasamantala ko ang pagkakataon. Ayokong isipin mo na gagawin kitang pamalit sa isang mahalagang taong nawala sa buhay ko"
"Hindi ko maintindihan, Xerxes..."
Hinila siya nito at hinaplos ang pisngi niya.
"You look so much like her..."
"Sino ang tinutukoy mo?"
Pumikit ito bago marahang umiling. Nang muli itong tumitig sa mga mata niya ay nakita niya ang pagtatalo ng kalooban nito.
"Sasabihin ko rin sa iyo kapag handa na ako. Ang gusto kong malaman ay kung mabibigyan mo ako ng pagkakataon..."
Gusto niyang sabihing oo, bibigyan niya ito ng pagkakataon. Pero nagbalik sa alaala niya ang sinabi sa kanya ng kanyang ina. Naisip niya ang maaaring sabihin ng mga tao kapag nagmahal siya sa isang kagaya nito. Baka sabihin ng kuya niya na para siyang mauubusan ng lalaki.
Mas marami pa ang disadvantages kung mamahalin niya si Xerxes kaysa kung kakalimutan na lang niya ito. At least, damdamin lang niya ang masasaktan. At iiyak lang siya nang isang linggo and she would be fine.
Pumikit siya at pinaglabanan ang luhang nais sumungaw sa mga mata niya.
"I'm sorry..." sabi niya nang bawiin ang kamay niya mula sa pagkakahawak nito.
"Wala akong maibibigay..."
🌹🌹🌹
ABANGAN....
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro