Chapter Eight
🌹🌹🌹
"Salamat sa briefs..."
Isang ngiti lang ang isinukli ni Chelsea kay Xerxes nang magpasalamat ito sa tatlong pirasong panloob na dala niya para dito kinabukasan.
Magdamag niyang pinag-isipan ang mga bagay-bagay, at itinanim niya sa isip niyang dala lang ng awa ang nararamdaman niya para sa lalaki.
Kahibangan kung hahayaan niyang mahulog dito ang loob niya. Pagtatawanan siya ng lahat. At ano na lang ang sasabihin ng ina at kapatid niya? Na wala siyang makuhang matinong lalaki kaya pumatol siya sa isang taong hindi alam ang nakaraan at naging palaboy sa kalsada?
"Miss Chelsea..."
"Kukunan ko pa ng vital signs ang ibang pasyente, Xerxes. Kung may kailangan ka ay papupuntahan na lang kita sa student nurse na naka-assign sa iyo"
"Galit ka ba sa akin?" tanong nito bago pa siya makahakbang palayo sa hospital bed nito.
"Dahil ba sa briefs...?"
"Hindi ako galit sa iyo"
Hindi siya nakatiis at hinarap ito. Ngumiti siya bagaman hindi umabot ang saya sa mga mata niya.
"Marami lang akong gawain ngayon kaya hindi kita puwedeng tutukan. Maraming bagong pasyenteng inilipat sa ward"
Nakakaunawang tumango ito. Pero bakas niya sa mukha nitong hindi nito binili ang dahilan niya. Lamang ay wala itong magagawa kundi paniwalaan iyon.
Pagkapananghali at muli siyang mag-rounds para kunin ang vital signs ng mga pasyente ay inabutan niyang nakatayo sa balkonahe ng ward si Xerxes.
Nakatuon ang mga braso nito sa pasimano habang pinagmamasdan ang paligid partikular ang building ng Bangko Sentral ng Pilipinas na matatanaw mula roon.
"Hi" bati niya rito.
"Kukunan lang sana uli kita ng BP..."
Mula sa Central Bank building ay ibinaling nito ang paningin sa kanya. Sa ilang sandali ay nakita niya ang magkakahalong emosyon sa mukha nito. Tila may nais itong sabihin na hindi nito masabi hanggang sa tila magpasya itong sarilinin na lamang iyon.
Mayamaya ay walang imik na humakbang ito pabalik sa loob ng ward. Naupo ito sa silya at ipinatong ang kanang braso sa ibabaw ng kama.
Tahimik lang ito habang kinukunan niya ito ng BP. Hindi niya napigilan ang mag-usisa at tinanong niya ito kung may nararamdaman ito. Nagtaka siya nang wala itong isinagot maliban sa isang iling.
Hanggang sa mag-a-out na siya nang araw na iyon at silipin niya ito ay kapansin-pansin pa rin ang pananahimik nito.
Paglabas niya ng ospital nang hapon iyon ay diretso na siyang umuwi sa bahay. Naalala niyang sa araw na iyon nga pala ipakikilala sa kanila ng kuya niya ang girlfriend nito.
Tinulungan niya ang inay niya sa paghahanda ng pagkain para sa hapunan. Tatlong espesyal na putahe ang lulutuin nito para sa espesyal na bisita.
Dumating ang kuya niya kasama si Kathryn bandang alas-sais ng gabi. Matangkad ang babae mestiza at halatang may pinag-aralan. Kahit hindi sabihin ng kuya niya ay alam niyang anak-mayaman ito. Napatunayan niyang tama ang hinala niya nang sabihin nitong ang ama nito ay isang corporate lawyer.
"Masarap po ang iniluto ninyo, Tita Cely" sabi nito nang kumakain na sila ng hapunan.
"Ganito rin kasarap magluto ang mama ko. I guess sa kanya ko namana ang hilig ko sa kusina"
"Mabuti at may oras ka pang magluto, anak?"
"Ayokong kumain ng instant meals kaya nagtitiyaga akong magluto"
"She's a great cook" sabi ni Kuya Daniel niya.
Kanina pa niya napapansin kung paano nito titigan ang kasintahan kaya tiyak niyang in love na nga ito kay Kathryn.
"Hindi naman..." nahihiyang sabi ng babae at ginagap ang kamay ng huli.
"Pumupunta ka na pala sa bahay niya, Kuya?"
"He has been to my condo four times. At nagustuhan yata niya ang spaghetti ko kaya panay ang balik niya kahit lagi niyang sinasabing masyado siyang busy sa trabaho"
"Naku, palagay ko ay malakas ang tama sa iyo ng anak ko na iyan" komento ng inay nila na halatang boto agad kay Kathryn.
"Ikaw pa lang ang babaeng dinala niya rito at ipinakilala sa amin"
"Talaga ho?"
Matamis ang ngiti ni Kathryn nang balingan ang Kuya niya.
"You didn't tell me...."
"Kailangan ko pa bang sabihin iyon?" masuyo namang sagot ng huli.
Love was in the air. Pero bakit kahit gusto niya ay wala siya sa mood na kiligin nang mga sandaling iyon?
*****
Alas-nuwebe na ng gabi nang magpaalam si Kathryn sa kanila. Inihatid ito ng Kuya Daniel niya sa tinitirhan nitong posh condominium sa Quezon City pero umuwi rin ito pagkalipas ng dalawang oras.
Nagtaka pa ito nang abutan pa siya nitong nakaupo sa rocking chair sa balkonahe at nakatitig sa kawalan.
"Bakit gising ka pa, bubwit?" tanong nito nang maupo sa silyang nasa tabi niya.
"May pasok ka pa bukas, ha"
Napabuntong hininga ito "Hindi ako makatulog, Kuya..."
"What's wrong?" May pag-aalala sa mukha nito.
"Masama ba ang pakiramdam mo?"
Umiling ito "Hindi naman"
"Baka naman dahil kay Kathryn?"
"Kuya, wala akong masasabi sa nobya mo. Maganda, mabait, marunong makisama. At alam niya kung paano bobolahin si Nanay" ngumiti siya
"Boto kami sa kanya, wala kang aalalahanin" she assured his Kuya.
"Salamat kung ganoon. Baka may kailangan ka, pera....anything? Sabihin mo lang sa akin"
"Wala nga po, Kuya. Nalulungkot lang ako dahil dalawang araw na lang at matatapos na ang duty ko sa East Avenue. Maski paano ay maging kaibigan ko na rin ang mga staff doon. Mami-miss ko sila" nalungkot ito.
"Pati ang mga poging doktor?" biro nito
"Hindi, no!" pinandilatan niya ito at natawa.
Paano kaya kung malaman nitong ang pasyenteng si Xerxes ang dahilan ng kalungkutan niya? Maiintindihan kaya siya ng kuya niya sa bagay na iyon?
"Sige, pasok na at matulog na tayo. Malalim na ang gabi, hindi kita puwedeng iwan dito sa labas. Baka mamaya, may pumasok pa rito at itanan ka"
"Nagpapatawa si Kuya" inirapan niya ito nang tumayo na siya sa pagkakaupo sa tumba-tumba.
Inakbayan siya nito papasok sa bahay.
"Naniniguro lang ako"
*****
"Last day mo pala bukas, Miss Chelsea?"
Inihinto sandali ni Chelsea ang pagsusulat sa maliit na notebook niya nang marinig ang tanong ni Aling Nora. Katatapos lang niyang kunan ng blood pressure si Carlo.
"Oho. Last day ko na nga bukas"
"Mamimiss ka namin" sabi nito sa sinegundahan ni Carlo.
"Ate, hingin ko ang number mo pati ang facebook mo, ha?" sabi sa kanya ng binatilyo.
"Oo, ba!"
Isinulat niya sa papel ang cellphone number at e-mail address niya at ibinigay rito.
"O, hayan, add mo na lang ako, ha?"
"Dapat pala, magpa-burger ka bukas dahil last day mo na" biro pa sa kanya ni Carlo.
"Burger! Burger!" hiyaw nito
"Loko ka talaga. Sige, iyon lang pala, eh"
Sunod niyang kinunan ng blood pressure si Xerxes, at dahil hindi ito kumikibo ay tahimik lang din siya. Dalawang araw na lang niyang makikita si Xerxes at ayaw niyang bigyan ng pagkakataon ang kalungkutan.
"Isang araw ka na lang pala rito?" mayamaya ay sabi ni Xerxes.
"Hindi na pala kita makikita..."
"One month lang kasi ang duty ko rito" aniyang hindi tumitingin.
Pinagalitan niya ang kanyang sarili nang hindi niya makuha-kuha ang BP nito dahil natataranta siya.
"Wala na palang mag-aalaga sa akin..." parang batang bulalas nito.
"Marami namang nurse diyan"
"Pero iba ka sa kanila, Chelsea..."
Pagkasabi niyon ay hinawakan nito ang kamay niya at pinisil.
"Malaki ang utang na loob ko sa iyo"
"Ginawa ko lang ang trabaho ko, Xer. Wala kang utang na loob sa akin" aniyang pinilit maging kaswal kahit ang totoo ay nasa-sormersault ang puso niya.
"Ganoon ba?" malungkot na sabi nito.
Nang magtama ang mga mata nila ay nakita niya ang pagtakas ng pag-asa sa mga mata nito.
Pinigil niya ang sarili niya na maging emosyonal.
"Kahit kanino mangyari iyon ay gagawin ko rin kung ano ang ginagawa ko sa iyo"
🌹🌹🌹
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro