Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Prologue


Panay ang patak ng luha at pagsigok ni Andie habang takbo-lakad niyang binabagtas ang kahabaan ng madilim na eskinita na patungo sa highway. Panay rin ang lingon niya dahil kailangan niyang siguruhin na hindi siya nasusundan ng kanyang amain na si Tiyo Kardo. 

Hindi siya dapat masundan ng amain niya. Hindi dapat. Dalawang buwan na siyang malaya. At kahit na anong mangyari, hinding-hindi na siya babalik pa sa poder nito. 

Mula nang magka-isip siya, namulatan na niyang lulong sa alak ang amain niya. Ang sabi ng nanay niya, mabait naman daw si Tiyo Kardo. Kaya lang, nadedemonyo ng alak.  Sa iilang pagkakataon, nasaksihan niya ang kabutihang iyon na sinasabi ng nanay niya. Kaya lang, nitong mga huling taon, lalo nang mag-highschool siya at masesante ito sa pabrikang pinapasukan nito, lagi na lang itong gigil sa kanilang mag-iina. Laging nakabunton ang galit nito sa kanila lalo na sa kanya na madalas pa nitong tawaging malas

Alam naman niya, noon pa man, hindi siya nito tunay na anak dahil anak siya ng nanay niya sa dati nitong asawa na ayon sa nanay niya, namatay sa sakit sa baga. Pero hindi naman 'yon sapat na dahilan upang bugbugin siya nito nang walang patumangga. Binalak na rin niya itong isumbong sa mga kinauukulan, kaya lang, pinipigilan siya ng nanay niya. Kung dahil ba sa mahal talaga ng nanay niya ang amain o may iba pang dahilan, hindi na niya alam. Basta ang alam niya, hindi na niya kayang magtiis sa poder ng amain.

Dalawang buwan na ang nakalilipas anang maglayas siya sa kanila. Matapos siya nitong ilublob sa drum na puno ng tubig dahil sa hindi lang siya nakabili ng alak nito, tulayan na siyang lumayas sa kanila. Sinang-ayunan iyon ng nanay niya.  Binigyan siya ng Nanay niya nang isang libo upang makaalis sa kanila. Alam niyang iniipon  iyon ng nanay mula sa pagseserbidora sa karinderya para sa graduation ng bunso niyang kapatid na si Karl, pero binigay pa rin nito iyon sa kanya. At pinapangako siya nito na hindi na muling babalik pa sa kanila kahit na anong mangyari. 

Nasaktan siya sa sinabi nito. Pero alam niya, iyon ang makakabuti sa kanila. Kung siya ang ipinagpuputok ng butse ng Tiyo Kardo niya dahil sampid siya, dapat nga talaga siyang lumayo. 

Dahil walang tumatanggap ng renta sa bahay sa halagang isang libo lang, napilitan siyang makipamuhay sa mga batang-kalye. Napasama siya sa isang grupo ng mga namamalimos. Nang maubos ang pera niya, nakilimos na rin siya upang kumita ng pangkain. Doon siya nakita kanina ng Tiyo Kardo niya malapit sa bakery na pinaglilimusan niya. 

Sa takot niya, nagtatakbo siya. Hindi niya alintana ang malakas na pagbuhos ng ulan. Ang importante makalayo siya sa presensiya ng amain. Kaya naman siya napadpad ngayon sa eskinitang iyon dahil sa pagtakas. 

Napasigaw siya nang bigla siyang bumagsak sa sementadong daan ng eskinita. Sumigid ang sakit mula sa siko at tuhod niya. Napatingala siya sa langit. Madilim pa rin ang langit. Senyales na hindi pa titila ang ulan. 

Mabilis siyang umupo. Noon niya napansin ang isang bato na nakaharang pala sa daraanan niya subalit hindi niya napansin.  Agad niyang tinignan ang mga sugat niya. Napangiwi pa siya nang mapatakan ng ulan ang mga iyon at kumalat ang hapdi  mula roon. 

Pinilit niyang tumayo kahit na pakiramdam niya, nabugbog ang tuhod niya dahil sa pagkakadapa.  Pero kailangan niyang umalis. Hindi siya dapat maabutan ng amain doon. 

Maya-maya pa, may dalawang pamilyar na mga kamay ang umalalay sa kanya. Nang mag-angat siya ng tingin, ang pamilyar na mukha ni Kevin ang nakita niya. Kababata niya si Kevin. Gaya niya, binubugbog din ito ng amain nito. Nang mabalitaan nitong naglayas siya, umalis na rin ito sa kanila at sinamahan siya sa pamumuhay sa kalsada. 

"Kanina pa kita hinahanap," anito bago siya inalalayan sa pagtayo. Mabilis nitong isinampay ang kanang braso niya sa balikat nito at hinapit ang baywang niya bago siya inalalayan sa paghakbang. 

"N-nakita ko si T-Tiyo Kardo," aniya. 

"Oo, sinabi ni Heidi," anito bago habang patuloy sila sa paglalakad. Ang Heidi na tinutukoy nito ay isa sa mga batang kasama nila na namamalimos.

Hindi na lang siya umimik. Nagpatuloy sila sa paglalakad hanggang sa marating nila ang silong ng hagdan ng isang istasyon ng LRT. Doon sila pansamantalang tumutuloy ng mga kasama nila. 

Mabilis na naglabas ng damit sa bag si Kevin. Bag niya iyon, dala niya nang maglayas siya. Pumunit ito ng isang mahabang piraso at mabilis na itinali sa sugat niya sa tuhod. Tumingin ito sa kanya. 

"Aalis muna ako para makapagpalit ka," anito,  bago inayos ang mga karton upang takpan ang espasyo na kinaroroonan niya. Nang makaalis ito, mabilis siyang kumuha ng damit sa bag at nagpalit ng tuyong damit. Alam niya, kapag nagmabagal siya, pulmunya ang aabutin niya. At sa estado niya ngayon, bawal magkasakit. 

Kusa niyang hinawi ang mga karton nang makapagpalit siya. Maya-maya pa muling bumalik si Kevin sa puwesto niya. Subalit pagbalik nito, hindi na ito nag-iisa. May kasama na itong lalaki na sa tantiya niya ay kaedaran lang ng Tiyo Kardo niya sa edad na lampas kuwarenta. Maamo ang mukha nito at palangiti. 

Pilit siyang tumayo, lumipad ang mga mata kay Kevin. "Sa kanya ako nanghingi ng pambiling alkohol at bulak para sa sugat mo," ani Kevin. 

Ngumiti lang ulit ang lalaki. Hindi nagsalita. 

"S-Salamat po," alanganin niyang sabi. 

Matipid na tumango ang lalaki bago ipinagala ang mga mata sa tinutuluyan nilang espasyo. "Ako nga pala si Elias. Puwede ninyo akong tawaging Chief." 

"A-ako po si Andie C-Cortez . Siya naman po si--"

"Kevin Sarmiento," putol ng lalaki sa kanya. "Nagpakilala na siya sa akin kanina," dugtong pa nito. Tumango-tango siya. "Malamig at sigurado  ako, mamaya pa titigil ang ulan. Gusto ninyo ba akong samahan na maghapunan sa bahay namin kasama ang anak ko? Dadalawa lang kasi kami at sigurado ako, matutuwa siya na makakita ng mga kaedaran niya."

Napakurap siya. Tinantiya niya kung may nararamdaman siyang takot sa lalaki. 

Wala. Sinsero ito sa alok nito. 

Maya-maya pa, lumipad ang tingin niya kay Kevin. Maliit itong tumango. 

Pagkain at pansamantalang masisilungan. Hindi na masama, naisip niya. 

Nang bumaling siya sa lalaki, "Sige po," sabi niya. ###

1020words/11:53am/0727201

A/N: Welcome sa Mr & Mrs. Lavigne. This is the 4th installment of Protector Series. Hope you stick with me till the end. :)

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro