Prologue
“Kat, sorry nadamay ka pa dito ha? Yung pesteng boyfriend ko kasi e! Kung hindi sana siya nagpumilit na matulog dito ng ilang gabi, hindi sana tayo magkakaproblema kay Ms. Ann.” Sambit ni Nicole sa akin. Roommate ko si Nicole sa dorm. Pang-ilang ulit na nga ba niya itong sinasabi sa akin? Pito? Walo? Nawala na ako sa bilang. Ang tanging nasa isip ko na lang kasi ngayon ay kung paano ko nga ba masusulusyunan ang problema ko sa dorm.
BAD SHOT. Iyan ang mga salitang makakapaglarawan sa nangyari sa aming dalawa ni Nicole. Na-bad shot kaming dalawa sa head ng dorm na tinutuluyan naming dalawa. Ilang beses na sigurong na-bad shot si Nicole sa head ng dorm namin na si Ms. Ann pero dahil sa mabait o sadyang tanga lang ako, lagi kong sinasalo ang roommate ko. Madalas pinagsasabihan lang kaming dalawa pero sa sitwasyon naming dalawa ngayon, feeling ko hindi na uubra ang simpleng usapan.
Mahigpit kasing ipinagbabawal sa dorm namin ang pagpapatulog ng mga outsiders sa kwarto namin. Mas bawal kung lalaki pa yung outsider. Nasa ladies dorm kasi kami kaya mahigpit na mahigpit ang mga patakaran nila Ms. Ann dito. Nung simula, wala naman kaming problema ni Nicole pero siyempre nagbabago nga naman ang lahat. Naging pasaway si Nicole at sino pa nga ba ang madadamay kung hindi ang roommate niya mismo hindi ba? Oh wait. Ako nga pala yung roommate niya. Isang malaking facepalm.
“Wala yun, ano ba? Tumigil ka na nga diyan!” Sabi ko sabay ngiti. Sa sitwasyon ko ngayon, iisipin mo na pilit lang yung ngiti ko. Sinong matinong tao nga ba ang mapapangiti pa kung alam niyang may problema na siya sa tinitirahan niya di ba? Pero hindi kasi ako ganun sabi ng magulang ko. I could say na mabait ako sa lahat ng mga kaibigan ko. Sa tagal ng pagsasama naming dalawa ni Nicole sa dorm, naging malapit na rin naman ako sa kanya kaya itinuturing ko na rin siyang kaibigan. For good times and bad times ang pagkakaibigan namin kaya eto, pareho kaming problemado. Ang tanga ko na ba masyado?
“Hindi ako naniniwala!” Sagot ni Nicole sa akin.
“E di wag. Bahala ka nga diyan!” Pabiro kong sagot kay Nicole kaya napatawa siya.
Akmang babatuhin pa lang sana ako ni Nicole ng isang unan nang biglang may kumatok sa pintuan ng kwarto naming dalawa. Napatigil kaming dalawa tapos napatingin kami sa isa’t isa. Wala kasi kaming idea kung sino ba ang taong iluluwal ng pintuan ng kwarto namin kapag nabuksan na ito ng isa sa amin. Kadalasan naman kasi, hindi na kumakatok ang mga kasama namin sa dorm. Sisigaw na lang ang mga iyon na papasok sila o kaya naman ay sasabihin na lang agad ang kailangan nila sa dalawa.
“Err. Sino yan?” Sigaw ni Nicole.
“Hulaan mo!” Sagot ng tao mula sa labas ng pinto.
“Leche ka kuya! Anong ginagawa mo dito?” Bigla kong sigaw tapos napansin kong medyo lumaki yung mga mata ni Nicole. Ang totoo kasi niyan, kahit na may boyfriend na si Nicole, crush pa rin niya yung kuya ko. Hindi ko nga alam kung ano ba yung nakita ni Nicole kay kuya e. Wala namang kwentang tao yun. Puro gala tapos akala mo kung sino. Masyadong gwapong gwapo sa sarili. Sarap sakalin o kaya buhusan ng muriatic acid e.
“Papasukin mo na nga lang ako. Tatanong tanong pa e.” Napa-iling na lang ako sa sinabi ni kuya at nagsimulang maglakad papunta sa pintuan ng kwarto namin. Wala naman akong magagawa e. Kahit na ayaw ko siyang harapin at papasukin sa kwarto namin, kailangan ko pa ring gawin.
Pagkalakad na pagkalakad ko, agad agad namang tumayo si Nicole at inayos ang sarili sa harapan ng salamin. Nagpigil na lang ako ng tawa kasi masyadong obvious ‘tong si Nicole. Kulang na lang ata magkandarapa na siya sa harap ni kuya e.
Pagkabukas ko ng pinto, isang mapanlokong ngiti ang isinalubong sa akin ni kuya. Tiningnan ko si kuya mula ulo hanggang paa at bigla akong napa-iling sa nakita ko. Nung nagsalubong muli yung mata naming dalawa, bakas na bakas ang pagtataka mula sa mukha ni kuya.
“Bakit ang sama mong makatingin?” Tanong niya sa akin.
“Kuya Liam, alam kong hindi ka pupunta dito ng walang dahilan. So bakit ka nandito?”
“Ganyan na ba talaga ang tingin mo sa akin ha?”
“Oo. Kaya go. Sabihin mo na kung bakit ka nandito.” Sagot ko sabay pamewang. Napa-iling na lang si kuya dahil sa ginawa ko tapos tinulak niya na ako papasok ng kwarto. Langya lang. Talagang dinadaan niya sa dahas ah? Hindi porket lalaki siya at mas matanda siya sa akin gaganyanin na niya ako! Hindi man lang ako respetuhin. Kainis.
“Kuyaaaa! Bawal ka dito! Sa labas na lang tayo mag-usap please?” Pagpupumilit ko with matching hatak pa kay kuya palabas ng kwarto namin. Pero as usual, hindi nagpatalo sa akin si kuya. Nagawa pa niyang umupo sa kama ko. The heck. Magiging ka-amoy na niya yung kama ko! Ayoko sa pabango niya e! Kainis talaga si kuya! Isusumbong ko talaga siya kina mommy!
“Nag-paalam na ako sa dorm manager niyo. Alam naman niyang kapatid kita e.”
“Miski na kuya! Sa labas na lang tayo mag-usap please? Libre mo na rin ako. Hahaha.”
“Langya. Sabi na e. Yan lang ang habol mo. Tara na nga.” Malakas na pagkakasabi ni kuya sabay tayo mula sa kama. Nagsimula na rin siyang lumabas ng kwarto at agad naman akong sumunod sa kanya. Si Nicole? Ayun. Naiwan sa loob ng kwarto at halatang nanghihinayang dahil hindi man lang niya nakausap si kuya. Lagot siya sa akin mamaya! Aasarin ko siya nang bonggang bongga!
Pagdating naming dalawa ni kuya sa isang restaurant malapit sa dorm na tinitirahan ko, umorder na agad kami ng makakain. Dahil ngayon na lang ulit kami nagkita, nilubos ko na yung ang pag-order. Lahat na yata ng paborito ko ay sinabi ko na sa naka-abang na waiter. Medyo nagugulat na nga yung waiter sa dami ng order na sinasabi ko e.
“Uhm. Gusto ko ng lasagna, pepperoni pizza, chocolate cake saka mocha frappe yung 16 oz. Ay wait. Pati pala buffalo wings saka Caesar salad.” Sabi ko sabay baba ng menu na hawak ko.
“Kat, sabihin mo. Ilang araw ka ng hindi kumakain ha?” Tanong sa akin ni kuya.
“Alam mo kuya?”
“Hindi pa.” Pagputol ni kuya sa akin kaya tinignan ko siya nang masama.
“Leche ka talaga! Hindi pa kasi ako tapos!” Sigaw ko kay kuya tapos biglang nagpatawa yung waiter na naghihintay pa rin sa order naming dalawa. Leche. Isa pa ‘tong waiter na ‘to. Feeling close lang. Makatawa akala mo kasama sa usapan!
“Ano na nga kasi?” Natatawang tanong ni kuya sa akin kaya lalo akong napasimangot at nainis.
“Wala. Ayoko na. Umorder ka na nga lang!” Sagot ko tapos sinunod naman ako ni kuya. Umorder na nga siya tapos hindi na niya ako kinulit tungkol sa pagkabitin ng sasabihin ko kanina. Kainis. Wala man lang concern! Hindi man lang na-curious! Useless brother is useless talaga. Argh.
Tahimik na naghintay kaming dalawa sa inorder namin. Hindi na muna nangulit si kuya tapos ganun na lang din ako. What’s the point naman kasi of starting another conversation di ba? Simula pa lang, binabara na ako ni kuya. Wala lang patutunguhan yung usapan naming dalawa. Nagpaka-busy na lang ako sa pagbabasa ng romance novels na naka-save sa cellphone ko. Si kuya naman, feeling ko nagsimula ng makipag-text sa bestfriend niya. Ganun naman palagi e. Kapag wala na siyang mapulot sa akin, dun na siya sa bestfriend niya. Well technically, kapag sobrang gipit lang naman si kuya at kailangang kailangan na niya ng opinyon ko saka lang siya lumalapit sa akin. Usually tungkol pa sa babae yung tanong niya. Hindi man lang tungkol sa akin. Hindi ko talaga alam kung bakit ito ba naging kakambal ko e. Ang dami namang pwedeng maging iba!
Pagdating ng order naming dalawa, nagsimula na agad akong kumain. Hindi ko na hinintay pa si kuya. Ilang araw na rin naman akong nagtitipid sa mga gastusin ko e. Saka minsan lang manlibre si kuya! Kailangang lubus-lubusin na. Pero kung iisipin, may kaya naman talaga kami ni kuya pero mas pinipili kong gamitin yung naiipon kong pera mula sa allowance ko para makabili ng kung ano mang gustuhin ko. Damit, libro, bag, sapatos – you name it, I will save for it. Iba kasi yung feeling na nakakabili ka ng mga kung anu-ano tapos pinaghirapan mo yung perang ginamit mo. Kabaligtaran nun yung sitwasyon ni kuya. Lahat na ata ng gustuhin niya, ibinibigay agad sa kanya nina mommy at daddy. Kaya eto kami ngayon. Mukhang mas mayaman si kuya sa akin kahit na ang totoo, kambal naman talaga kaming dalawa at pareho lang kami ng estado sa buhay.
“Kuya, teka. Bakit ka nga ba kasi nagpunta sa dorm ko?” Tanong ko kay kuya sabay kagat sa isang slice ng pizza. Napailing si kuya sa ginagawa ko pero hindi ko na lang siya pinansin. Pakialam ba niya? Sa favorite ko yung four cheese pizza e! I know mukhang ngayon lang ako nakakain sa mamahaling restaurant dahil sa ginagawa ko pero the heck. Hindi pa ba sanay si kuya sa ganitong way ng pagkain ko? Hindi naman toally nawala yung manners ko sa katawan e. Pinupunasan ko pa rin naman yung dumi sa mukha ko. Nag-eexcuse pa rin naman ako kapag dumighay ako. Kainis lang to. Ang lakas maka-judge akala mo kung sinong mabait.
“Pwede bang dahan dahan ka lang kumain? Para ka namang di pinapakain nang maayos e!” Sita sa akin ni kuya pero isang belat lang ang sinagot ko sa kanya. Lalong napailing si kuya dahil sa ginawa ko. Yes! Naka-one point na yata ako kay kuya!
“Kuya, go na kasi. Ano na nga? Ano ‘to? Laging bitin? Fill in the blanks ang peg?”
“Eto na nga e! Bakit ka ba nagmamadali? Tss.”
“Wow naman kuya. Hiyang hiya ako sa pagmamadali ah? Sino ba yung kanina pa paputol putol yung sinasabi ha? Ako ba?”
“Sino ba yung sabat nang sabat ha?” Tanong ni kuya sa akin tapos napatahimik na lang ako. Halatang pinipigilan ni kuya yung pagtawa niya tapos pinipilit niyang mag-seryoso. Kainis naman kasi e! Hihingi hingi siya ng favor sa akin tapos ganito siya mag-react. Sapakin ko ‘to ng makita niya kung sino ang binubwisit niya e.
“Ganito kasi. Teka. Mag-promise ka muna na di ka tatawa!” Nahihiyang sagot ni kuya sa akin. Ngayon lang siya nagkaganito at I have to say na nakakatawa yung itsura niya. Parang magrerelease ng kung anong kailangan ni mother earth e. Hindi ko maipalawinag kung kailangan na ba niyang mag-CR o sadyang may problema lang siya na ewan.
“Okay fine. Ang arte mo lang. Di ako tatawa. Happy?” Sagot ko na lang ka kuya. Huminga ng malalim si kuya at pagkatapos ay tinignan niya ako sa mga mata.
“Kat, paano ba malalaman kung may gusto ang babae sa isang lalaki?” Literal na napa-faceeplam ako sa narinig ko mula kay kuya. Kung pwede lang na sakalin at bugbugin ko na si kuya sa loob ng restaurant, siguro ay ginawa ko na. Kaso may manners naman ako kaya hindi ko na lang ginawa. Ayaw ko rin naman maging eskandalosa. Baka ma-headlines pa kami ni kuya: LALAKI BINUGBOG NG KAPATID NA BABAE DAHIL NANGHINGI NG PAYO TUNGKOL SA LOVE LIFE.
“Seryoso ka ba diyan ha?” Tanong ko kay kuya.
“Mukha ba akong nagjjoke?”
“Leche ka. Pa-suhol suhol ka pa yan lang pala ang itatanong mo! Iwan na nga kita diyan!” Sigaw ko kay kuya sabay subo ng isa pang slice ng pizza. Bago ako tumayo, dinampot ko muna yung mocha frappe sabay walk out kay kuya. Dire-diretso ako palabas ng restaurant na parang bang walang nangyari.
Pagdating ko sa dorm, isang mangiyak-ngiyak na ni Nicole ang naabutan ko. Mukhang buhat niya ang problema ng buong mundo. Napaisip tuloy ako kung ano ba ang nangyari sa sandaling panahon na nawala ako sa dorm. Gusto ko pa naman na sana siyang lokohin dahil kay kuya. Mas mababawasan na kasi yung chance niya kay kuya lalo pa’t mukhang may nagugustuhan na namang iba yun.
“Uy Nics. Anong nangyari?” Tanong ko kay Nicole.
“Ano muna yung pinag-usapan niyo ng kuya mo?”
“WALANG KWENTA YON. Wag mo ng alamin. So, ano ngang nangyari?” Tanong ko ulit na siyang nagpa-iyak kay Nicole.
“Kat, sorry pero kailangan na ata nating umalis sa dorm.” Hindi na ako nakasagot kay Nicole. Ang tanging tumatakbo na lang sa utak ko ay “PUTRAGIS. MAPAPATAY KO ANG BOYFRIEND NI NICOLE!”
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro