Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 2

Naalimpungatan ako no'ng madaling araw. Pagtingin ko sa phone ko, it was 2 am. Dahil ramdam ko pa rin yung epekto ng alak, binuksan ko agad yung huling message sa akin ni Glen. Dali-dali akong nag-type ng message para sa kanya.

Nicole

Break na tayo.

Suko na ako.

I was never yours to begin with.

Parang never namang naging tayo.

Kahit 'wag ka nang bumawi.

Okay na.

Tanggap ko na.

Glen's reply came faster than any other text he has sent me before. Natawa ako dahil doon. Kapag break up pala ang usapan, mas mabilis siyang makasagot. Sana noon ko pa 'to ginawa.

Glen
Wtf?

Ano'ng pinagsasasabi mo?
Mag-usap tayo.

I'll be there in 20.

Nicole
Baliw ka ba?

Bawal ka rito.

'Wag na.

Okay lang ako.

Tama na siguro yung ganito.

Glen
Kung sa 'yo, okay lang, sa akin hindi.

Nicole

Talaga ba? Sana noon ka pa naging ganyan.

Baka sakaling hindi ganito ang nararamdaman ko ngayon.

Glen

Damn it, Nyx.

Tumigil ka na nga sa kakaganyan mo.

Mag-usap tayo nang matino.

Nicole

No need. 

Bye Glen.
Thanks for the memories kahit halos wala naman talaga. Haha.

Papatayin ko na sana yung phone ko nung biglang tumawag si Glen. Hindi ko pa sana sasagutin kaso sabi ko nandito na rin lang. Might as well get over it, 'di ba? Dahil doon, sinagot ko na rin yung tawag niya.

"What the fuck, Nicole? Ano ba yung pinagsasasabi mo?" Bakas sa boses ni Glen ang frustration. Napangiti ako. Kahit papaano pala, may epekto rin ako sa kanya. Akala ko kasi, wala na talaga.

"Nabasa mo naman na, 'di ba? 'Yon na 'yon."

"No. Hindi ako papayag."

"Talaga? Sana noon ka pa naging ganyan. Akala ko kasi wala ka na, e," natatawa kong sabi. Narinig ko na naman ang pagmumura niya sa kabilang linya. Lalo akong natawa dahil doon. Alam kong mali pero hindi ko mapigilan ang sarili ko na matawa sa sitwasyon namin ngayon.

"Lasing ka ba?"

"Hindi a," pagtatanggi ko agad.

"Fuck, Nicole. Pupunta na talaga ako riyan!" Bago pa ako makareklamo ulit sa kanya, binaba na niya yung tawag. Napahiga ako sa kama at napatingin sa kisame. Nyeta. Paglalasing lang pala ang solusyon para magkita kaming dalawa.

Wala pang 20 minutes, tumatawag na sa akin si Glen. Nasa labas na raw siya ng dorm. Ayaw ko mang lumabas dahil lagpas na sa curfew, mas ayaw ko namang hayaang mag-isa si Glen sa labas. Parang tanga lang, ano? Kanina, nakikipag-break ako. Tapos ngayon, ito ako. Nag-aalala sa kanya.

Gusto kong sampalin ang sarili ko. Gustong-gusto. Ang rupok ko pagdating sa kanya at kay Liam. Pero ano na nga ba talaga kami ni Glen ngayon? Nakipag-break na ako, 'di ba?

"Nicole..." mahinang tawag sa akin ni Glen pagkakita niya sa akin. Hindi na ako nakapagpalit ng damit kanina kaya suot ko pa rin yung suot ko nung nag-mall ako kanina. Naghalo na yung amoy ng samgyupsal, ramyun, at soju sa akin kaya hindi ako makalapit sa kanya. Feeling ko, ang baho-baho ko bigla.

Nang hindi ako lumalapit sa kanya, si Glen na mismo ang lumapit sa akin. Nagulat na lang ako nang bigla niya akong hatakin papalapit sa kanya. Sa sobrang higpit ng pagkakayakap niya sa akin, pakiramdam ko, parang takot na takot siyang mawala ako bigla.

"Nagbibiro ka lang naman, 'di ba? Hindi pa tayo magbe-break?" mahinang tanong niya sa akin.

"Ewan ko. Feeling ko kasi, 'yon ang tama." Naramdaman ko ang pag-iling niya.

"No. Hindi ako papayag. Lasing ka lang kaya ganyan ka. Sabi ko naman sa'yo, babawi ako, 'di ba?"

"Ilang beses mo na bang sinabi 'yan? Nangyari ba?" hindi ko mapigilang itanong sa kanya. Kumalas sa pagkakayakap niya sa akin si Glen at tiningnan ako sa mata.

"I love you, okay? Sorry kung feeling mo, napabayaan kita. Babawi ako, promise." Kahit na labag sa loob ko, kahit na iba ang sinasabi ng puso ko, tumango ako sa sinabi niya. Hinalikan niya ako sa noo at niyakap niya ulit ako nang mahigpit.

Yung totoo. Kailan ba ako maglalakas loob na panindigan ang desisyon ko? Sana malapit na.

***

"Break na ba talaga tayo?" tanong ni Glen nung nakaupo na kaming dalawa sa side walk. Hindi ko sinagot yung tanong niya. Baka kasi kung ano pang masabi ko. Madulas pa ako bigla na may crush akong iba. Dyahe lang. Sabihin pa niya, two timer ako.

"Ano ba talaga kasi ang nangyari?" tanong niya ulit sa akin.

"Hindi ba dapat ako ang magtanong niyan? Glen, ano ba ang nangyayari?" tanong ko pero hindi ko magawang tumingin sa kanya. Feeling ko kasi, iiyak lang ako 'pag nakita ko ang mukha niya.

Nung hindi siya sumagot, nagsalita ulit ako.

"Paulit ulit na lang kasi, e. Mangangako ka na babawi ka pero ang ending, hindi ka pa rin naman nagpapakita. Pakiramdam ko nga, imaginary na lang na naging boyfriend kita, e. Mas madalas ka pang wala kaysa sa panahong magkasama tayo." Kahit gaanong pigil ko pala, tutulo at tutulo pa rin ang luha ko. Ayaw ko naman talagang makipag-break dito kay Glen. Gwapo naman siya. Medyo may kaya. Nakakatunaw yung ngiti. Makalaglag panty kung pumorma. Kaso 'yon nga. Parang multo naman. 'Di naman siya nag-aaral sa may España pero grabe kung mang-ghost.

"Nicole..." mahinang tawag niya sa akin tapos hinawakan niya yung kamay ko. Papalag pa sana ako kaso nung hinalikan niya 'yon, nyeta. Bumigay na agad ako. Wala na. Ang rupok-rupok ko sa kanya!

"Ano pa ba talaga tayo? Okay pa ba tayo?" tanong ko. Hindi ko na kasi talaga alam kung ano na yung stage naming dalawa. Parang kaming mag-jowa for label na lang. Yung tipong para may mailagay ka lang na pangalan sa Facebook pag nag-update ka ng relationship status. Pero wala kayong updated pictures kaya aakalaing fake account lang yung tinag mo sa status na 'yon.

"I won't make any excuses. Kasalanan ko rin naman talaga kung bakit ganyan yung nararamdaman mo, e. Masyado ko kasing inisip na nandiyan ka lang palagi at maiintindihan mo ako. I'm sorry kung hindi ko agad napansin na sobrang laki na pala ng pagkukulang ko sa 'yo." Bakit gano'n? Imbis na ma-comfort ako sa sinasabi niya, parang mas lalo lang akong naiinis? Wala ba talagang mas valid na reason kung bakit siya nawawala na parang bula? Like busy siya sa school? Strict ang parents niya? O kaya may nahanap na siyang iba...

Anything. Kahit anong dahilan man lang sana! Para naman mapaniwala ko ang sarili ko na enough pa rin naman ako. Na wala akong naging pagkukulang.

Kaso wala, e. Ayaw man lang niyang mag-explain.

"Meron na bang iba?" mahina kong tanong sa kanya. Napabitaw siya sa kamay ko dahil sa naging tanong ko na 'yon. Ano? Obvious agad masyado?

"Nyx naman. Sa tingin mo ba, magagawa ko sa 'yo 'yan?"

"Ewan ko. Hindi naman tayo nakakapag-usap at nagkikita ng ilang linggo. Malay ko ba kung ano nang nangyayari sa 'yo." Hinawakan ulit ni Glen yung kamay ko. Nung nilingon ko siya, nagulat siya nang makita ang mga luha ko. Dali-dali niya 'yong pinunasan. Hinapit niya rin ako papalapit sa kanya. Gustuhin ko man siyang itulak, hindi ko naman magawa. Isa rin kasi 'to sa nagustuhan ko sa kanya⁠—gustong-gusto ko pag niyayakap niya ako nang mahigpit. Para siyang Olaf... mahilig sa warm hugs.

Ilang minuto rin siguro kaming gano'n. Walang nagsasalita. Yakap lang ang isa't isa. Nung naramdaman kong lumayo siya sa akin, tinignan ko siya sa mga mata.

"Glen, break na lang kaya talaga tayo?" tanong ko ulit sa kanya kahit na alam ko naman na ang magiging sagot.

"Ang kulit mo naman, e. Sinabi nang hindi ako papayag."

"E pa'no mo ba balak bumawi? Wala ka naman laging time." Hindi na ako sinagot ni Glen. Hinalikan niya na lang ako bigla. Gusto ko sana siyang itulak kasi hello? Nakakahiya! Sa side walk pa kami naghahalikan. Kaso nung naramdaman ko yung longing, hinalikan ko na lang din siya. Mas okay talagang kahalikan ang totoong tao kaysa unan.

"Promise, simula mamaya, babawiin ko lahat ng oras na hindi tayo magkasama," sabi ni Glen tapos hinalikan niya ako ulit.

After that, hindi na rin kami masyadong nakapag-usap. Niyayakap niya lang ako palagi nang mahigpit na para bang takot na takot na mawawala ako bigla. Nung dinapuan na talaga ako ng antok, pinapasok na niya ulit ako sa dorm. Baka raw kasi hindi siya makapagpigil at iuwi na niya lang ako sa kanila. Not that I mind though. Kilala naman ako ng parents niya. Nakatulog na rin naman ako dati sa bahay nila pero siyempre, kunwari dalagang Pilipina ako. Umayaw rin talaga ako sa naisip niya.

"Pumasok ka na sa loob. Sunduin kita mamayang 9. 11 pa naman ang pasok mo, 'di ba? Sabay na tayong mag-breakfast." Tumango na lang ako sa kanya bilang sagot. Pa-tweetums, kunwari shy type.

"'Wag ka na masyadong mag-isip ng kung ano-ano, okay? I love you," sabi niya sa akin tapos hinalikan niya ulit ako at naglakad na siya papunta sa sasakyan niya. Nung nakaalis na siya, tahimik akong pumasok sa dorm. Hindi alam kung bakit nagpadala ako sa simpleng yakap at halik. Kainis. Ang rupok talaga!

Matutulog na sana ako nung naisipan kong i-check yung phone ko. Nagulat na lang ako nung may nakita akong post ni Liam sa Twitter niya.


Liam Tanciangco @itsLiamK

You deserve the moon and the stars. Don't settle for less.

11:11 PM • 08/12/2019 • Twitter for iPhone

2 Retweets | 15 Likes


Shit. Hindi naman sa feelingera ako, pero para sa akin ba 'to? Gusto ko sanang i-like yung tweet pati yung nag-tweet pero pinigilan ko ang sarili ko. Sinara ko na lang agad yung phone ko tapos pinilit ko na lang na matulog.

***

That same day, para akong zombie nang gumising ako. Ang babaw ng tulog ko. Ikot ako nang ikot. Hindi mawala sa utak ko yung tweet ni Liam. Kinikilig ako na ewan kahit na hindi ko naman sure kung yung tweet na 'yon ay para sa akin or nag-tweet lang talaga siya ng inspirational shit.

Nyeta naman kasi. Ramdam ko pa rin yung mga braso niya nung inalalayan niya akong maglakad. Naaamoy ko pa rin yung pabango niya kahit amoy basura na ako. Nai-imagine ko pa rin yung mga ngiting binigay niya sa akin.

Be still, my heart.

Kanina lang, grabe ako kung makipaghalikan tapos ngayon, ibang lalaki na naman iniisip ko. Choose wisely, ano ba!

"Alam mo, para kang tanga," walang filter na sabi ni Kat. Tiningnan ko lang siya nang masama tapos ipinagpatuloy ko na yung pagsabunot ko sa sarili ko.

Narinig ko yung mahinang pagtawa ni Kat pero hindi ko na lang siya pinansin. Maya-maya lang, nagtanong siya sa akin.

"So, ano na balita sa inyo ni Glen? Nagkita kayo, 'di ba?" Nanlaki ang mga mata ko dahil sa tanong niya. Paano niya nalaman na nagkita kami?

"Stalker ka ba?"

"Sira. Nag-CR kasi ako kanina. Pagtingin ko sa kama mo, wala ka. Nung sumilip ako sa bintana, naglalaplapan na pala kayong dalawa." Shit. Ganoon ba kalala yung halikan naming dalawa?

Naramdaman ko ang pag-iinit ng mga pisngi ko dahil sa sinabi ni Kat. Gusto ko sanang mag-explain o kaya i-defend yung sarili ko pero para saan pa? Nahuli na nga ako, 'di ba? Magmumukha lang akong defensive kapag binuka ko pa yung bibig ko.

"Grabe ka! Hindi naman laplapan 'yon!"

"Okay. Sabi mo, e. Pero ano na nga? Nagpauto ka na naman do'n?"

"Mahal ko pa, e..."

"E mahal ka pa raw ba?" Tumango ako bilang sagot sa kanya. At that moment, hindi ko sure kung sino ang kino-convince ko sa aming dalawa. Kung ako ba o siya. Medyo hindi rin naman kasi ako sure kung totoo ba yung sinasabi ni Glen kanina. Baka mamaya, usapang lasing lang pala.

"Hay. Bahala ka na nga. Basta kapag sinaktan ka ulit, tadyakan mo tapos 'wag ka nang papahalik ulit. Minsan, feeling ko, halikan lang ang gusto niyo, e." Aalma na sana ako sa sinabi niya nung bigla ulit siyang magsalita. "Ah, kanina pa pala vibrate nang vibrate 'yang phone mo. Hindi ko naman tiningnan kung sino yung nag-text o tumawag."

Inabot ko yung phone ko sa side table at pagtingin ko, may 10 messages at 3 missed calls mula kay Glen. Tiningnan ko yung orasan. 8:20 pa lang naman. Imposible namang nandito na agad siya? 9 am pa naman ang usapan naming dalawa, a?

Glen

Nyx, okay na tayo ha?

Wag ka na ulit makikipag-break

Pinag-aalala mo ako

See you later!

Sunduin kita ha?

Babe, sorry

Nagka-emergency lang

Baka hindi na kita mapuntahan

Bawi ako, okay?

I love you

Nag-init ang ulo ko sa mga nabasa ko. Akala ko ba babawi siya? E bakit ganito na naman? Hindi na siya naubusan ng emergency sa katawan. Ambulansya ba siya para sumagot sa lahat ng emergency, ha? Nyeta. Dapat talaga hindi ako nagpadala sa pahalik halik niya, e! Inisip niya na naman siguro na 'yon na lang palagi ang solusyon sa problema.

Dahil sa sobrang sama ng loob ko, nag-reply ulit ako sa kanya.

Nicole

Punyeta ka.

Lagi ka na lang ganyan!

Sawang-sawa na ako.

Ayoko na talaga.

Break na kung break!

Sagot ko sa kanya tapos pinatay ko na yung phone ko. Naligo ako para mahimasmasan kahit papaano. Paglabas ko ng banyo, tinitingnan lang ako ni Kat na parang bang nawiwirduhan sa kinikilos ko. Tinaasan ko lang siya ng kilay tapos nag-ayos na ako. Kinuha ko na rin yung gamit ko. Nagugutom na ako pero baka sa school na lang ako kakain.

Paglabas ko ng gate ng dorm, nagulat na lang ako nang makita ko si Glen na may hawak na bouquet ng roses. Ayos na ayos din ang porma niya at para bang kinakabahan siya sa gagawin niya.

"Glen..." mahinang sabi ko.

"Sabi ko naman sa 'yo babawi ako, 'di ba? Hindi na ako papayag na makipag-break ka ulit sa akin. Bati na tayo, ha?" sagot niya at naglakad na siya papalapit sa akin. Nyeta. Ganito pala ang feeling na maging maganda.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro