Moving Closer 40
"M-m-moises..." Pupunasan ko sana ng aking kamay ang pisngi nito nang unti-unti itong mawala at mapunta ako sa pamilyar na pasilyo na mayroong iba't ibang kulay na palamuting dreamcatcher.
"Welcome to your second home, Trisha." Nilingon ko ang nagsalita. Si Ate Trinity. "Medyo nahirapan ako sa paghahanap nitong teritoryo mo. Kaya naman pala hindi ko makita dahil sarado. Buti na lang talaga, nabuksan na ang tore ni Moises. Sabagay, ako rin naman ang naging dahilan no'n kung bakit ito naisara. Ang sabi ko kasi kay Moises kapag bumalik and for real na ang pagtingin mo sa kaniya saka ito mabubuksan."
"Po? A-ano pong bumalik ang pagtingin? Naguguluhan po ako sa mga pinagsasabi mo, Ate Trinity."
Lumapit sa akin si Ate Trinity at hinawakan nito ang magkabila kong pisngi. At sa hindi malaman na dahilan ay napatitig ako sa kulay kayumangging mga mata ni Ate Trinity at para ako no'n hinigop sa nakaraan.
Nakita ko ang aking sarili na naglalakad sa harapan ng Moises University. Sa tingin ko ay nasa pito o walong taong gulang pa lamang ang edad ko nito. Nakasuot ako ng pantulog at nakaapak ang mga paa.
Dumaan ako sa gilid ng Moises University at saka ako naagtungo sa tapat ng kulay pink na mala-doll house na bahay na mayroong disenyong mga candy, cotton candy, cookies, cupcake at kung ano ano pang mga matatamis na pagkain.
Kumuha ako ng isang cotton candy na nakatusok sa cake na hugis paso at inumpisahan itong kainin.
"Pupunta ka lang ba talaga dito para kumain?" Hinanap ko ang nagsalita. Tiningala ko ang batang lalaki na palipad na pababa ng isang napakataas ng tore. Pagkatapak nito sa lupa ay pinamewangan ako nito. Hindi ako nagkakamali. Si John Sixto Moises ito! "Wala bang pagkain sa bahay niyo at dito ka lagi kumakain."
"Meron! Ano naman pakialam mo kung gusto ko kumain dito? Umalis ka nga dito. Sinisira mo panaginip ko. Wala kang manners and right conduct. Hindi ka marunong rumespeto sa kapwa mo. Ang dapat talaga sa'yo bumalik sa Grade 2."
"Bakit ko naman irerespeto ang trespassing? Baka nakakalimutan mong teritoryo ko ito. Itong tinutuntungan mong lupa, akin ito."
"Maglabas ka muna ng titulo ng lupa para maniwala akong sa'yo ito!"
"Nagising ka lang saglit may nalalaman ka na diyan titulo ng lupa."
"Siyempre, nagtanong ako sa yaya ko! Hangga't wala kang naipapakita sa aking titulo ng lupa. Hindi ako aalis dito."
Tinalikuran ko na ang inis na inis na si Moises at pumasok na ako sa bahay ko.
Kapagkuwan ay naiba na ang eksena, umiiyak ako dahil nasusunog ang bahay ko. At ang may salarin na si Moises ay abot tenga ang ngiti habang pinagmamasdan ang pagkatupok no'n.
Padabog akong umakyat ng tore at sa pinakatuktok nito nagmukmok hanggang sa maisipan kong lagyan ng napakaraming dekorasyong Dreamcatcher ang buong pasilyo ng tore-- na pinangalang 'Tore ni Moises'-- kahit na kaming dalawa naman ang may gawa nito bilang harang sa mga bahay namin. Pero dahil sa wala na akong bahay, ito ng tore ko ang magsisilbi kong ikalawang bahay.
"Anong ginagawa mo diyan?"
Sa sobra kong gulat kay Moises ay nahulog ako sa tinutuntungan kong hagdan. Napapikit na lang ako at tinanggap na mahuhulog ako pero wala akong naramdamang sahig. Dahan-dahan kong iminulat ang aking mga mata at pagmumukha ng namumulang si Moises ang nasilayan ko.
Sinapo ako ni Moises. Iniligtas niya ako.
Nanatili lang nakatitig sa akin si Moises na akala mo bang nakakita ng multo. Unti-unti akong ngumiti sa kaniya at ganoon din naman siya sa akin.
Simula no'n ay nagkaayos na kami ni Moises. Pumayag na siyang dito akong tumira sa ginawa naming tore pero hindi na nito binago pa ang pangalan na 'Tore ni Moises'. At hindi na ako tumutol doon para hindi na kami mag-away pa. Pinagtulungan naming ayusin at pagandahin ang bago kong tahanan at nagsilbi naming playground.
"Jojoy!" sigaw ni Moises mula sa ibaba nitong tore, nag-echo iyon sa buong paligid.
Inisip ko lang na magkaroon ako ng kasing haba ng buhok ni Rapunzel ay nagkaroon na ako no'n. Hinulog ko agad iyon sa ibaba at inabot naman iyon ni Moises -- ang buhok ko ang ginamit niyang hagdan paakyat sa napakataas na tore.
"Bilisan mo naman nangangawit kaya ako," reklamo ko habang nakadukwang ako sa kaniya sa ibaba.
"Sandali lang. May sasabihin pala ako sa'yo, Jojoy," anito, bumitaw ito sa pagkakakapit sa mala-rapunzel kong buhok. Kumapit ito sa railings at saka nito inilapat sa pisngi ko ang labi niya na siyang ikinabilog ng aking mga mata.
Sa sobrang pagkabigla ko ay automatikong dumapo ang kamao ko sa mukha niya na siyang dahilan nang kaniyang pagkahulog sa tore.
"I love you, Jojoy!" tuwang-tuwang sigaw nito na siyang umalingawngaw sa buong paligid.
Automatiko akong dumistansya kay Ate Trinity nang bumalik ako sa aking wisyo.
"Ikaw ang dahilan kung bakit takot na takot siya ma-fall, Trisha. Simula ng iwan mo siya, nung hindi ka na nagpakita pa noong mga bata pa kayo. Kahit imposible na, hinihintay ka pa rin niyang bumalik. Hindi mo alam kung gaano siya kasaya ngayon at sa wakas... bumalik ka na."
"P-pero matagal na akong nakatuntong dito sa teritoryo niya. Matagal na akong nakabalik. Bakit ngayon lang lumitaw itong tore?"
"Ang ibig kong sabihin na nagbalik ay ang feelings mo para sa kaniya. Dati, naiinis ako sa ginawa mo sa kaniya pero ngayon, naiintindihan ko na. Sigurado akong maiintindihan niya rin kung bakit ngayon lang, kung bakit hindi mo siya naalala."
"Alam niyang ako si Jojoy?"
"Hindi, Trisha. At sigurado akong papunta na siya rito para makita ka."
"A-ano?!"
"Oo, Trisha, papunta na siya rito." Nakangiting unti-unting naglaho si Ate Trinity.
"Jojoy! Jojoy!" dinig kong sigaw ni Moises, bakas sa boses nito ang pagkasabik.
Si Moises. Hindi niya ako puwedeng makita rito. Hindi puwedeng malaman niya na ako si Jojoy. At mas lalong hindi puwedeng malaman niya na gusto ko siya.
"Jojoy!" Dinig kong sigaw nito mula sa aking likuran. Animo akong natuod sa kinatatayuan ko at lalong kumabog nang mabilis ang puso ko nang lumipat ito sa harapan ko. "Trisha..."
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro