Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Moving Closer 4

"Thank you sa pagpunta," ani Ate Tia. Pumuwesto ito ng upo sa tabi ko at pinanood din sina Lucila, Deejay at Julian na abala sa pagkanta't pagkukulitan para bulabugin ang natutulog na si Elise. "Matagal ka na rin bang nakakapag-lucid dream?"

"Opo, mula pagkabata pa po. Akala ko nga po nung una normal lang po siya na panaginip pero habang tumatagal po halos araw-araw na po iyong nagagawa kong pagma-manipula."

"Para ka palang si Julian," manghang-manghang ani Ate Tia. "Kami kasi nina Lucila, Elise at Deejay, bihira lang kami makapag-lucid dream. Once or twice or thrice lang siguro sa isang Linggo. Kung minsan, pinupuntahan lang kami ni Julian para nagkakasama-sama kami sa isang lugar ng Dreamland. Iisang beses nga lang kami nakumpleto nung nasa carnival kami. Ikaw? Bakit hindi ka namin nakikita sa Dreamland?"

"Hindi ko rin po alam, eh. Nung araw nga po na nagkita kami ni Lucila sa carnival galing po ako no'n sa eskinita ni Epiales."

"Naikuwento nga sa amin ni Lucila sa GC. Pero kung mahigit apat na taon ka ng naglu-lucid dream, saan ka napupunta?"

"Kung saan-saan po, sa kung saan-saan pong panaginip. Kung may kaso nga po ang panghihimasok sa may panaginip nang may panaginip. Baka bata pa lang po ako nakakulong na ko," natatawang aniko.

Ngumiti naman ng wagas sa akin si Ate Tia at inilahad sa akin ang kanang kamay niya. Tinanggap ko naman agad iyon para makipagkamay sa kaniya

"Ikinagagalak ko talagang makilala ka, Trisha." Bumitaw na ito sa kamay ko. "Maniniwala ka ba kung sabihin ko sa'yong napaginipan ko na itong nangyayari ngayon?"

"Woah! Talaga po? May gift ka na makita ang future sa pamamagitan ng panaginip?"

Nakangiti itong tumango-tango. "Hindi lang ang hinaharap. Kahit pa ang nakaraan."

"Wow! Gifted po pala kayo. Para po kayong mga sumisikat na psychic sa social media na nakakapag-predict dahil sa mga vision nila."

"Siguro, pero masasabi kong iba ako sa kanila. Once in a blue moon lang ako makapanaginip nang may kinalaman sa hinaharap. Napaginipan ko nga ito noong hindi ko pa sila nakikilala."

"Natatandaan niyo pa ba kung ano napaginipan niyo na iyon?"

"Oo, magkakaroon daw ako ng mga tunay na kaibigan na kailanman ay hindi ako huhusgahan sa kawirduhan ko dahil sa gift ko. Dahil katulad ko din sila, katulad ko kayo. Mukang ikaw nga iyong nasa panaginip ko na mukang inosenteng bato." Natawa ito.

"Po?"

"Iyang si Deejay may third eye iyan. Nakikita niya ang kaluluwa ni Elise," pag-iiba nito ng usapan. Tinignan ko naman agad si Deejay, parang may kausap siya sa isang gilid na hindi namin nakikita tapos bigla siyang tatawa at akala mong may iilagan na hampas. "Buti nga hindi ka natakot kay Elise kahit na alam mong katabi mo kaluluwa niya kanina."

"Hindi naman po kasi siya multo. Naaastigan nga po ako para kasi tayong may kasamang invisible."

"Ang tapang mo naman. Kami nga, kinukuwento pa lang niya sa GC ang tungkol sa out-body-experience niya natatakot na kami, eh."

"Kung nakakatakot po siguro ang itsura ng magpakitang multo. Doon po talaga ako matatakot. 'Tsaka buhay naman si Elise, nag-astral projection lang siya."

"Si Julian..." Biglang sabi ni Ate Tia. Inilipat ko ang tingin ko kay Julian, medyo nagulat ako nang makita kong nakatingin na naman siya sa akin. Ngumiti ito at kumaway sa akin ng isang beses. Tinanguan ko lang siya at ibinalik na ulit ang tingin kay Ate Tia. "mag-iingat ka sa kaniya."

Hindi ko alam kung warning ba talaga iyong sinabi niya o nagbibiro lang siya.

"Bakit naman po?"

"Mahilig iyan sa magaganda," seryosong anito, saka tumawa. Natawa na lang din ako at napangiwi sa sinabi niyang iyon. Akala ko ba naman kasi seryoso talaga iyong sasabihin niya.

"Eh, si Lucila po?" pag-iiba ko ng usapan, tutal mahilig naman siya mag-iba ng topic.

"Kung ano ang nakikita mo sa kaniya, iyon talaga siya. Napakatotoong tao kahit na lukaret."

Natawa ako sa sinabi niyang iyon. "Talaga pong kilalang-kilala niyo na po sila 'no."

"Oo, matagal na kami magkakaibigan ng mga iyan sa social media. Madalas kami magkuwento ng mga personal naming buhay sa GC kaya nakilala namin ang isa't isa. Na-i-add ka na ba ni Lucila sa GC?"

"Opo, kanina pa po nung in-accept ko mga friend request niyo."

"Malapit na mag-10. Malapit na kayo umuwi. Tara na sa kanila. Picture na tayo para sa gagawin kong compilation ng mga get-together natin."

Tumango na lang ako at sumunod sa kaniya patungo kila Lucila. Tamang-tama at gising na si Elise.

"Trisha," tawag sa akin ni Julian nang matapat kami ni Ate Tia sa kinatatayuan niya. Huminto ako para harapin siya. Pero tumabi ito sa akin at itinapat nito sa aming dalawa ang cellphone niya. Kumuha siya ng picture naming dalawa nang hindi man lang ako ready. "Thank you."

"Ayos ka rin, ha," natatawang aniko.

"Maganda ka naman sa picture kahit sa akin ka nakatingin. Kung makikita siguro ito ng IG friends ko, siguradong iisipin nila na girlfriend kita." Napangiwi na lang ako sa sinabi niya. "Joke lang. Remembrance lang ito sa meet and greet nating mga Lucid Dreamers."

"Talaga ba, Julian?" nakangising singit ni Deejay sa usapan namin.

"Oo," may diing sagot ni Julian kay Deejay.

"Sus! Eh, bakit si Trisha lang ang may picture kasama ka. Bakit tayong matagal nang magtropa, wala.

"Akala ko ba kasali ka sa anti-silos group, Deejay?"

"Nakakita ka lang ng maganda, eh, nagka-amnesia ka na diyan."

"Nag-leave ka na ba sa anti-silos group niyo nila Jack Roberto?" patuloy na pang-aasar pa ni Julian dito.

"Naku, ganyan ka."

Natawa na lang ako sa kanilang dalawa. Ang cute nila magkulitan.

"Julian! Deejay! Trisha! Tara na kayo! Picture na tayo!" Kaway sa amin ni Ate Tia. Nakapuwesto na sila ng upo nina Lucila at Elise sa harap ng camera na may stand.

"Tara na nga!" ani Deejay, nagpatiuna na ito sa pagpunta doon para pumuwesto sa tabi ni Lucila pero hinawi naman ito ni Lucila palayo sa kaniya.

Pero pinipilit ni Deejay na pumuwesto ng upo sa tabi ni Lucila. Sa sobrang inis ni Lucila, tumayo siya para hampasin si Deejay at nahulog naman sa kinauupuan nilang upuan sina Ate Tia at Elise dahil sa pag-alis ni Lucila. Akma pang babalik si Lucila sa kinauupuan niya pero napasalampak na lang din siya sa damuhan.

Natawa ko hindi dahil sa nangyari kila Lucila kundi doon sa nakakatawang tawa ni Deejay.

"Ang saya nilang kasama, 'no," ani Julian.

"Oo, sobra," natatawang aniko.

"Pero mas masaya ako kasi..."

"Kasi?"

Inabangan ko kung ano man ang sasabihin niya pero tawa lang ang napala kong sagot.

----
Moving Closer 4
(April 02,2024)

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro