Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Moving Closer 25

What is the meaning of Crush? - Goggle search

-A strong feeling of romantic love for someone that is usually not expressed and does not last a long time.

"Ah, okay, may expiration din naman pala ang crush. Nawawala din naman pala ang paghanga at hindi nagtatagal ng taon," tumatangong aniko sa aking sarili.

Pero hindi ko pa rin masasabing crush ko ang maingay at abnoy na Moises na iyon. Natural lang na mapuri ko siya dahil totoo naman na guwapo siya, nagsabi lang naman ako ng totoo. At saka kaya ko siya hinahanap sa social media at inaalam ang pangalan niya para patas kami. Kilala na niya ko sa reality kaya dapat kilala ko din siya. Oo, ganoon nga lang. Hindi ko siya crush.

Pinatay ko ang cellphone ko at isinilid na sa loob ng aking sling bag, saka ko sinulyapan ang rear-view mirror. Napakunot noo na lang ako nang makita ko na naman doon si Mang Celso na nakatingin sa akin. Kanina ko pa napapansin na palipat-lipat ang tingin niya sa kalsada at sa akin. Para bang gusto na niya ihinto ang sasakyan sa isang gilid at tumakbo.

"Mang Celso, may problema po ba?" napalitan ko nang tanong rito.

"Huwag ka pong magagalit, Ma'am, ha." Tumango lang ako at hinintay ang iba pa niyang sasabihin. "Para po kasi akong may sakay na white lady tulad sa napanood ko pong palabas sa TV. Katulad po kasi ng suot niyo. Pasensya na po, Ma'am."

Napatingin naman ako sa suot kong white victorian nightgown na talaga namang pantulog ko. Pajama party nga, eh, e'di pantulog ang suot.

"Nakailang tasa po ba kayo ng kape ngayong araw, Mang Celso?"

"Tatlo nga po, Ma'am. Isa sa umaga, isa sa tanghali at isa ngayon bago po tayo umalis." Nakangiti ako nitong nilingon sandali para ipakita sa akin ang ice coffee ng 'Peace Tea Yawa'. "Heto pa pong bigay nila Ma'am Jodie iinumin ko po mamaya."

Ibinalik din niya agad iyon sa cup holder at nag-focus sa pagmamaneho. At pareho pa kaming napasinghap nang may bigla na lang sumulpot na tatawid. Mabuti na lang ay naapakan agad ni Mang Celso ang preno at malayo-layo pa kami sa pasaway na iyon. At mabuti na rin na wala kaming kasunod na sasakyan.

Inis kong tinapunan ng tingin ang lalaking nakapamulsa at akala mo bang siya ang may-ari ng daan na nakahinto pa rin sa harapan ng sasakyan namin.

Binusinahan ito ni Mang Celso dahilan para humarap ito sa amin, unti-unti nanlaki ang mata ko nang masilayan ko ang napakamilyar na guwapo nitong mukha. 

"M-moises! S-si Moises! Moises!" nakaturo kong sabi rito kahit hindi naman niya ako nakikita.

Inismiran nito ang sasakyan namin at nagpatuloy na sa paghakbang.

"Ma'am, kilala po ninyo?"

"Opo, dito na lang ako," aniko habang sinusundan ko ito ng tingin. "Mang Celso, dito na lang po ako!" Kinuha ko agad ang gamit ko at bumaba ng sasakyan habang nakapako pa rin ang aking tingin kay Moises na bumaling papasok ng isang eskinita.

Wala namang sasakyan kaya halos patakbo ko nang tinawid pakabilang kalsada para sundan si Moises pero nung pumasok ako sa eskinita na nakita kong binalingan niya ay hindi ko na siya nakita.

"Imposibleng bigla na lang siya mawala," aniko sa aking sarili habang hinahagilap ko ng tingin ang kahabaan ng eskinita at ang katapat kong nagtitinda ng fishball na kasalukuyang nakatingin sa akin. "Manong, may nakita po ba kayong matangkad na lalaki-- mukang artista na dumaan dito."

"W-wala, Ma'am," tipid na sagot nito at nagpatuloy sa pagluluto ng tinda niya habang kumakanta ng kantang pang simbahan hanggang sa bigla na lang ito nagtatakbo papasok ng kanilang bahay habang sumisigaw ng, "White lady! Multo!"

"Uy, Manong, tao po ako, hindi po ako white lady," depensa ko rito. "May white lady ba na naka-bag at maraming bitbit? Tsk."

Nakarinig ako ng pamilyar na tawa pero hindi ko alam kung saan iyon galing kaya maski ako ay napatakbo na rin paalis sa eskinita na iyon.

-----

"Ahhhhh! Multo!" Pahampas kong ibinigay kay Indigo ang bag ko. "Aray ko naman! Hindi pa nga ako tapos mang-asar, pinutol mo agad. Haha! Ang ganda ng costume mo. Bagay sa'yo maging white lady sa may puno ng akasya. Haha!"

Hindi ako naka-costume at mas lalong hindi ako white lady. Para siyang si Mang Celso at yung nagtitinda ng fishball. Tsk.

"Happy birthday," bati ko na lang dito kesa mapikon sa pang-aasar niya. Hindi ko muna siya sosoplahin. Pagbibigyan ko na lang siya at birthday naman niya ngayon. "Heto, oh, regalo ko sa'yo." Abot ko rito ng dala kong paper bag.

"Thank you, kahit mukang labag sa loob ang pagbati mo sa akin at pagbibigay mo ng regalo," natatawang anito.

Hindi ko na lang pinansin iyon. Pumasok na ako ng mansion nila at hindi na ako nag-abala pang usisain ang itsura ng living room na ginawang venue ng pajama party niya. Basta dire-diretso ako sa paghakbang patungong hagdan.

"Doon na lang ako mag-stay sa guest room niyo. Hindi ako puwedeng makita ni Jodie."

"Okay, dadalhan na lang kita doon ng pagkain at isusunod ko na lang sa iyo itong gamit mo."

"Salamat," tipid na sambit ko. Tuluyan na akong nakaakyat pa-second floor at tinahak ko naman ang hagdan patungo sa third floor kung saan matatagpuan ang guest room nila.

Pumasok na lang ako sa isang room dito, ini-lock agad ang pinto at hinagis ang aking sarili sa kama. Pero agad din akong bumangon nang may marinig akong nagbukas ng shower na nagmula mismo sa loob ng CR nitong guest room na kinaroroonan ko.

Hindi ko na sana iyon papansinin at baka iyon lang yung nagpapansin na kaluluwang ligaw dito sa mansion nila Indigo. Pero nanghihinayang ako sa natatapon na tubig kaya mas pinili ko na lang humakbang patungong CR.

Pagkabukas ko ng pinto, kitang-kita ko kung paano pumihit mag-isa ng dahan-dahan ang shower faucet hanggang sa tuluyan na iyong mamatay.

Isinarado ko na lang ulit ang pinto ng CR at saka ako pumuwesto ulit ng higa sa higaan. Ilang minuto lamang ang lumipas ay unti-unti namang nagbukas ang pintuan ng CR. Bumangon ako para abangan kung sino man ang lalabas doon or kung magpapakita man ang kaluluwang nagpaparamdam sa akin pero wala naman. Pinagmasdan ko na lang ang unti-unting pagsara ulit ng pinto ng CR.

Kasunod no'n ay naramdaman ko ang paglundo ng kamang kinaroroonan ko. Tumabi siya sa akin.

"Totoo ngang wala kang takot sa katawan. Nonchalant yarn?" tumatawang anang boses ng isang lalaki.

"Bakit naman ako matatakot sa'yo? Sino ka ba para katakutan?" ismid ko dito.

"Isa ako sa anak ni Epiales, anak niya ako sa isang mortal. Siguro naman matatakot ka na, anak ako ni Epiales na may kakayahang maging invisible. Pero hindi ako, kami ng mga kapatid ko-- hindi kami masama kagaya niya. Kaya huwag niyo lahatin. Kayo talagang mga Lucid Dreamers masyadong mga paniwalain, tsk!"

"Sino naman nagsabi sa'yong paniwalain kami? Sa tingin mo ba naniniwala ako sa pinagsasabi mo?"

"Totoo nga ang sabi ng step brother ko, nakakainis ka sa pagiging nonchalant mo." Napakunot-noo ako sa sinabi nito. Naramdaman ko ang paglundo ng foam, mukang bumaba na siya ng kama. "Maiwan na nga kita. Baka makita pa ako ng step brother ko dito. Siya nga pala, mag-iingat ka, ang balita ko ikaw ang gusto ni Ama na  mapangasawa niya-- ang pumalit sa bihag niya pero gumagawa na kami ng paraan ng mga step brothers  ko para hindi ka niya malapitan dito sa realidad."

Pumihit ang seradura ng pinto at bumukas iyon.

"Sandali!" Pigil ko dito.

"Huwag ka mag-alala. Hindi kami kalaban. Hindi kami kampon ni Ama. Kakampi niyo kami ng mga step-brothers ko. May dugo man niyang nanalaytay sa amin, hanggang dugo lang iyon pero kahit kailan hindi namin siya itinuring na Ama."

"Ibig mo bang sabihin kaibigan ni Indigo ang step-brother mo?"

"Secret no clue." Humagikgik nitong isinarado ang pinto.

Kung totoo man ang sinasabi ng invisible man na iyon, ibig sabihin, mali ang pag-aakala namin na isa lang ang anak ni Epiales. Madami sila.

Bakit nga ba ngayon ko lang naisip na posibleng magkaanak sa mga natipuhan niya si Epiales!

-----
Moving Closer 25
(July 05,2024)

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro