Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Moving Closer 2

Isang Linggo na ang nakakaraan magmula nang makilala ko si Lucila sa Dreamland pero hanggang ngayon hindi ko pa rin mahanap ang social media niya. At wala rin akong natanggap na friend request or message request man lang mula sa kaniya.

Isa na lang ang nakikita kong paraan para malaman kung parte nga lang ba ng panaginip ko si Lucila. Dadalo ako ngayon sa meet and greet ng Lucid Dreamer.

Sa pagkakatanda ko, gaganapin iyon sa Casa Catalina ng Sta. Luciana, Trias, Bulacan sa ganap na alas-siyete ng gabi. Wala namang nakasulat kung ano ang isusuot kaya hindi na ko nag-effort magbihis pa ng maganda. Okay na itong school uniform ko.

"Naliligaw 'ata tayo, Ma'am," ani Mang Celso- family driver namin. Sumilip naman agad ako sa labas. Wala akong ibang makita kundi ang nagtataasang talahib at ang maliwanag na buwan. "Tignan niyo, Ma'am." Turo nito sa sirang arko na may basurahan sa kaliwang banda na madadaanan namin.

"Nadaanan na po natin ito kanina, ha," aniko. Mga ilang hakbang lamang mula sa sirang arko na iyon ay mayroong bukas na tindahan.

"Pangatlong daan na natin dito, Ma'am. At sa tuwing madadaan tayo sa arko na ito nawawala sa mapa yung sinasabi mong Casa Catalina. Nagha-hang din ang cellphone ko." Halata na sa boses nito ang takot pero pilit lang niyang pinapakalma ang sarili niya.

"Baka nandito na tayo mismo sa Casa Catalina," hinuha ko.

"Nasaan ang Casa Catalina sa liblib na lugar na ito, Ma'am? Kokonti nga lang po iyong mga kabahayan na nakita ko. Diyos ko po! Gabayan niyo po kami! Gusto ko pa po umuwi sa pamilya ko ng buhay!"

Natawa na lang ako sa sinabing iyon ni Mang Celso. Kahit kailan talaga itong family driver namin napaka sobrang nerbyoso. Kape pa more pa nga.

"Mang Celso, ihinto niyo po muna ulit diyan sa tindahan." Hininto naman agad nito ang sasakyan sa tapat ng bukas na tindahan pero wala namang tao kanina. Pero ngayon, baka meron na. "Diyan na lang po muna kayo sa sasakyan. Pakalmahin niyo po muna ang sarili niyo," natatawang aniko habang binubuksan ang katapat kong pintuan at bumaba.

Dumiretso agad ako sa tapat ng tindahan. Kahit papaano ay nagkaroon ako ng pag-asa nang mayroon akong matanaw na matandang babaeng sumilip mula sa maliit na bintana ng tindahan.

"Magandang gabi po. Puwede po ba magtanong?"

"Nakita mo ba ang sirang arko diyan na may nakasandal na basurahan?"

"Opo," sagot ko naman na may kasamang tango kahit ako ang magtatanong, hindi siya.

"Pumasok kayo sa eskinitang iyon makikita niyo hinahanap niyong Casa Catalina," anito kahit hindi pa naman ako nagtatanong.

"May eskinita po ba doon? Puro talahiban lang po ang nakikita namin."

"Mayroon, iha, natatakpan lang ng talahiban."

"Teka po, paano niyo po pala nalaman na doon ako pupunta?"

"Panglima ka na sa mga kabataang nagtanong sa akin kung nasaan ang Casa Catalina. Sigurado naman akong Casa Catalina rin ang pakay mo at nag-iisa lang naman ang Casa na iyon na dinadayo rito sa lugar namin."

Panglima na ako sa nagtanong sa kaniya. Ibig sabihin, totoo talaga si Lucila. Totoo talaga na may katulad kong lucid dreamer sa realidad!

"Maraming salamat po."

"Siguro, natakot ka rin at paikot-ikot kayo sa pagdaan dito sa tindahan ko," natatawang anito.

"Hindi po ako natakot pero yung kasama ko po ninenerbyos na at baka hindi na raw po kami makauwi ng buhay."

Natawa ang matanda. "Akala nga rin ng mga nauna sa inyo, na-engkanto na sila. Mga nagsihinto dito sa tindahan ko para magbaliktad ng pang-itaas at pang-ibaba."

Natawa rin ako sa sinabi ng matanda. "Talaga po? Ginawa nila iyon?"

"Oo, sobrang takot na takot sila. Ikaw nga lang ang nagtanong sa akin na kalmado lang at hindi natataranta kung nasaang lupalop na ba sila naroroon. Nagpasuntok pa nga iyong isa sa kasama niya sa pag-aakalang nanaginip siya," natatawang kuwento pa nito.

"Nakakatawa naman po pala sila," natatawa kong komento.

"Aliw na aliw nga ako sa mga kasamahan mo. Sa sobra kong tuwa, hindi ko napigilan ang pantog ko. Naihi ako sa salawal dahil sa kanila."

"Kaya po pala nung huminto kami rito. Walang tao."

"Malamang ganoon na nga. Kababalik ko lang sa tindahan nang maulinagan ko ang pagdating mo." Nakangiti akong tumango-tango. "Halos lahat ng dumadaan dito sa lugar namin nabibiktima sa pag-aakalang na-engkanto sila. Pero ang totoo niyan, paikot ang daan na iyan kaya iikot at iikot ka lang talaga pabalik sa sirang arkong iyan. Kaya nga bilog-bilugan tawag ng mga taong labas dito sa lugar namin."

"Ang galing naman po pala. Salamat po sa bagong kaalaman. Sa susunod na magpunta po kami dito, hinding-hindi na kami maliligaw at mabibiktima ng daang bilog-bilugan."

"Kaya mamayang pag-uwi niyo sa kabila na kayo dumaan, pa-highway. 'Di bale nang malayo, huwag lang dito at baka mabiktima pa kayo ng mga nag-aabang na masasamang loob diyan sa dulo."

"Sige po, salamat po. Isang-isang tanong na lang po. Iyong mga nauna po sa akin, nagsabi po ba kung anong okasyon ang meron sa Casa Catalina ngayon? Mahirap na po kasi, baka po mamaya, ibang okasyon po pala ang meron don. Mapagkamalan pa po akong gate crasher. Naniniguro lang po ako."

"Walang nabanggit iyong mga nauna sa'yo kung ano ang pupuntahan nilang okasyon pero iyong pinakaunang  babaeng nagpunta diyan. May ibinigay siya sa akin. Sandali lang..."

"Sige po."

Tumalikod ito sa akin at may kinuha sa isang arinola na sa tingin ko ay lagayan niya ng mga napagbentahan niya. Humarap na ulit ito sa akin.

"Sa tingin ko, ikaw na ang huli, isa na lang ang natitirang purselas na ibinilin ng babaeng iyon sa akin." Hinarap ulit ako nito at inilapag sa harapan ko ang isang silver dream catcher bracelet.

Dinampot ko agad iyon sa sobrang pagkabigla. Ganitong-ganito ang itsura ng silver dream catcher bracelet nung una kong apak sa Dreamland.

"Oh, siya, iha. Magsasara na ako ng tindahan ko. Humayo ka na at baka mahuli ka sa inyong pagtitipon-tipon ng mga kaibigan mo. Mukang sabik pa naman ang mga nauna sa'yo na magkita-kita kayo."

"O-opo, thank you so much po talaga. Ako rin po, excited na rin po akong makita sila." Excited na akong makilala ang mga katulad kong Lucid Dreamer.

----
Moving Closer 2
(March 30,2024)

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro