Moving Closer 17
"Pasaway kang bata ka! 'Pag ako naging tao ulit isasampay kita dyan sa puno!" inis na sambit ko rito pero puro kokak lang ang lumalabas na salita sa akin dahil ako nga'y naging isang prinsesang palaka.
Literal talagang prinsesang palaka dahil suot ko pa rin ang costume ni Merida ng Disney movie na Brave kahit na anyong palaka ako.
Hagikgik lang ang napala kong sagot sa pilyang batang babaeng may-ari ng panaginip kung kaya naman nagsimula na akong maglulundag para habulin ang nagtatakbong si Moises.
"Hindi ako nagkulang sa paalala sa'yo, Trisha," humahagikgik na sambit ni Ate Trinity.
"Ate Trinity, iniisip ko naman po na bumalik na ako sa dati bilang tao pero bakit walang nangyayari? Ni paglipad ay hindi ko magawa."
"Natural lang iyan, Trisha. May mga tyansa talaga na hindi natin magawa lahat ng gusto natin sa panaginip ng ibang tao. Ang mahalaga naman ay nagagawa mong kumilos ng naaayon sa gusto mo kesa sa kagustuhang mangyari ng may-ari ng panaginip. Ikaw pa rin ang may kontrol sa iyong kilos."
"Makakabalik pa naman ako sa dati 'di ba? Sa pagiging tao?"
"Oo, kung magagawa kang halikan ni Moises o hindi naman kaya-- kung ikaw ay magising."
"Mas gugustuhin ko nang magising na lang kesa magpahalik sa Moises na yun."
Natawa ulit si Ate Trinity. "Para kanina lang manghang-mangha ka sa kagwapuhan ng kapareha mo tapos ngayon mag-iinarte ka ng ganiyan. Umamin ka nga sa akin, Trisha. May crush ka ba dyan kay Moises?"
Muntik na ako masubsob sa damuhan sa tanong niya na iyon. Huminto muna ako sa pagtalon-talon. "Ano! A-anong klaseng tanong po ba iyan?! S-siyempre po wala!"
"Tulak ng bibig, kabig ng dibdib, ha," natatawang hirit pa nito.
Hindi ko na lang iyon pinansin at nagpatuloy na lang ako sa pagtalon-talon hanggang sa maabutan ko ang kinaroroonan ni Moises. Wala na itong matakbuhan. Na-corner ko na siya.
"Moises, ano ba!" singhal ko dito. "Umayos ka nga! Huwag mo ko takbuhan!"
Dahan-dahan itong humarap sa akin. Kapansin-pansin ang panginginig ng tuhod nito. Natatakot ba siya?
"Uy, Moises!"
Nagtatalon pa ako para mapansin ako nito pero natigilan ako sa pagtalon at napahiga ako sa damuhan nang may tumamang malakas na pwersa ng tubig sa aking mukha't katawan.
Nang unti-unti itong humina ay napabulagta na lang akong tuluyan sa damuhan nang makita kong nagmula ang tubig na iyon sa censored na tore ni Moises.
Inihian na naman niya ako! Kadiri ka talaga Moises!
"Moises!" nandidiring sigaw ko.
Agad akong napabangon mula sa pagkakahilig ko sa bathtub. Kinapa-kapa ko sarili ko. Nasa realidad na ako, wala na ako sa Dreamland.
"Hindi na ako prinsesang palaka," aniko sa aking sarili. Nakahinga ako nang maluwag dahil doon.
Tumayo agad ako sa bathtub at dumiretso sa shower room para banlawan ang sarili ko. Para talagang totoo yung ginawang pag-ihi sa akin ni Moises. Nakakadiri!
Dali-dali kong binuksan ang faucet ng shower at hinayaang dumaloy sa akin ang tubig na nagmumula rito.
"Hay naku, Moises, pasaway ka talaga, tsk!" bulong ko sa aking sarili.
At muli na namang rumehistro ang kagwapuhan nito, yung tagpong animo syang modelong rumarampa habang papalapit sa akin kanina. Sa perpektong mukha't tindig niya na iyon sigurado akong nabibilang siya sa mga tinitilian at pinagpapantasyahang artista sa panahon ngayon.
Nandumilat ako sa isiping iyon. "Artista! Tama, baka isa siyang artista!"
----
"Madaming may pangalang Moises sa mundong ito, Trisha," ani Jodie. Abala ito sa pagpapahid ng moisturizer sa mukha niya.
"Alam ko pero nagbabakasakali akong makita ko siya rito sa social media. Kilala ko naman ang mukha niya," paliwanag ko habang patuloy ako sa pag-scroll at matiyagang iniisa-isa ang mga profile picture ng lahat ng may 'Moises' sa pangalan.
"Hindi mo sure. Malay mo, iba pala ang itsura niya sa reality." Natigilan ako sa pag-scroll sa sinabing iyon ni Jodie. "Ako nga minsan napaginipan ko, ako daw si Marian Rivera. Kamukang-kamuka ko talaga si Marian sa panaginip ko. At least 'di ba, kahit sa panaginip lang, naging kamuka ko si Marian Rivera."
Tama siya! Tinigilan ko ang pag-scroll at pumunta ako sa Messenger para i-open ang kadarating lang na message ni Julian.
"Good night, Trisha," with smiley emoji.
"Wait, Julian! May itatanong ako!" sinend ko agad ang reply ko na iyon.
Nag-video call ito na agad ko naman sinagot at tinutok ko ang camera sa gawi ni Jodie-- na kasalukuyang nagsusuklay ng kaniyang hanggang balikat na buhok.
"VC na lang tinatamad ako mag-type. Hi, Jodie!" ani Julian.
Agad namang lumingon si Jodie at kumaway kay Julian sandali kahit na black screen lang ito. "Hello, Julian pogi!"
Natawa si Julian. "Busy na busy sa pagpapaganda, ha."
"Of course!"
Sa akin ko na hinarap ang camera. "Julian, may itatanong pala ako." Nag-on na ito ng camera, nakahiga na siya, halata na sa mga mata nito na antok na antok na siya. "'Di ba, nagpapakita din sa'yo si Moises-- ano ang itsura niya?"
"Bakit bigla ka 'atang naging interesado kay Moises ngayon?" natatawang tanong nito. "Akala ko ba, naiinis ka sa kaingayan niya?"
"W-wala, curious lang ako. Gusto ko lang malaman kung ganoon ba talaga ka-perpekto ang mukha niya. Kasi kung ganoon nga, hindi ka ba nagtataka--- pang artistahin ang datingan niya, eh. Siyempre, Lucid Dreamer tayo, may tyansa din na makapagbago tayo ng itsura kung gugustuhin natin pero hindi ko pa nagagawa iyon."
"Bakit kaya hindi si Moises mismo ang tanungin mo tungkol d'yan?"
"Ayoko nga. Baka isipin pa no'n, interesado ako sa kaniya. Napakahangin pa naman ng lalaking iyon."
"Hindi nga ba?"
"Hindi nga ako interesado sa kaniya. Gusto ko lang talaga malaman kung nag-e-exist ang ganoong perpektong mukha sa realidad."
"Okay, sorry na, hindi na kita aasarin kahit ang sarap mong asarin kay Moises." Tumawa pa itong akala mong walang bukas. Nakitawa rin dito si Jodie, hindi lang ito makapagsalita dahil sa inilalagay nitong kung ano-ano sa mukha niya. "Sige na nga, sasabihin ko na ang ibang nalalaman ko tungkol sa kaniya. Noong nagkasama kasi kami sa Dreamland. Nakita ko ang ID niya, ang name ng school-- St. Peregrine College."
Nanlaki ang mga mata ko. "School ko rin iyon, eh! School namin ni Jodie! Anong uniform niya?! I mean saang department?"
"Engineering student sya."
From Engineering department! Ibig sabihin, may posibilidad na kilala siya ng kaibigan kong si Indigo!
----
Moving Closer 17
(June 11,2024)
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro