Moving Closer 14
"Nakilala namin si Elise nung libing ng kapatid niyang si Phoebe. Sumama kami ni Julian kay Ate Tia para makipaglibing sa namatay niyang ka-schoolmate--na si Phoebe nga. Curious kasi kami ni Julian kung gaano siya kaganda at kung ano ba ang ikinamatay niya. Ang bali-balita kasi noon, nakalimutang huminga. Ayun pala binangungot--inatake sa puso." salaysay ni Deejay habang isa-isa kami nitong binigyan ng orange juice at si Julian naman ang nagbigay sa amin ng sandwich.
Pagkatapos ay pumuwesto na ang mga ito ng upo sa katapat naming bench dito sa loob ng isang maliit na canteen. Na walang ibang customer kundi kami lang.
"Tapos, na-encounter ko sa Dreamland si Phoebe at ako ang napili niyang bantayan. Ikinuwento niya sa akin ang lahat lahat ng nangyari sa kanila ni Trinity. At doon na nagsimula--- naging kaibigan namin si Elise, masinsinang nag-isip ng plano para mapalapit kay Lucila sa personal at iyon nga, ang meet and greet para makilala namin siya sa personal. Hindi lang namin in-expect, literal na nasurpresa kami sa pagsulpot mo, Trisha." litanya ni Julian.
"Pasensya na kung nagsinungaling kami sa'yo, lalo na doon sa sinabi ko tungkol kay Lucila na totoong tao siya. Kabaligtaran iyon. Pero kaming kaharap mo rito, totoo kami sa'yo rito, at totoo rin ang mga extra ability namin na sinabi ko sa iyo," ani Ate Tia.
"Naiintindihan ko po," sagot ko. "Sobra nga po akong nagpapasalamat sa inyo at kahit kakakilala niyo pa lang sa akin, pinagkatiwalaan niyo agad ako."
"Nakalimutan mo na 'ata ang sinabi ko sa'yo noong meet and greet natin. Napaginipan ko na ang lahat nang mangyayari nung araw na iyon. At dahil doon nabigyan na rin ng liwanag kung sino ang kausap kong babae sa pangitain ko na iyon, which is ikaw, Trisha. Isa ka rin sa naging dahilan ko kung bakit ko itinuloy ang meet and greet nating mga Lucid Dreamers."
"Oo nga pala, Ate Tia, ano nga pala yung sasabihin mo sa amin na bagong pangitain mo," namumuhalang sambit ni Deejay. Ubos na niya ang sandwich niya.
"Hindi pa masyadong malinaw pero kailangan nating mag-ingat sa bawat kilos natin. Sa pangitain ko, nakita ko ang itim na usok na makikipaglapit mismo sa atin. Hindi ko alam kung ano ang rason niya pero sigurado akong hindi maganda ang pakay niya."
"Baka sumisimbolo lang iyong itim na usok na iyon kay Lucila dahil kampon nga siya ni Epiales."
"Hindi ko alam basta mag-ingat na lang tayo at kung maaari--- tayong lahat na naririto--- pakitunguhan pa rin natin ng maayos si Lucila. Hangga't hindi natin nakukuha ang pakay natin sa kaniya, huwag tayong titigil sa pakikipagplastikan," paalala ni Ate Tia, na sinang-ayunan naman agad nina Julian at Deejay.
"Okay, kill her with kindness and bury her with a smile hanggang sa tuluyan siyang mamatay sa sobra niyang konsensya. Iyon ay kung may konsensya pa siya. Tsk!" Muli na namang umikot ang mata ni Elise, at saka nito kinagatan ang sandwich niya.
Wala naman akong nagawa kundi ibuntong hininga na lamang ang lahat ng mga nalaman ko.
---
"Ayos ka na ba? Iyang leeg mo, masakit pa ba? Kung idaan ka muna kaya namin ni Ate Tia sa hospital para mapa-check iyan," anang katabi kong si Julian.
"Hindi na. Salamat," pakling tugon ko rito habang nakapako pa rin ang aking mga mata sa labas ng bintana nitong van na sinasakyan namin.
Wala pa sa kalahatian ang araw na ito, drain na drain na ako. Hindi ko pa rin talaga matanggap ang lahat ng nalaman ko tungkol kay Lucila. Hindi ako makapaniwala na ganoon siyang klaseng tao. Ngayon pa lang, parang hindi ko na sya kayang harapin o sabihin na nating plastikin pa at magpanggap na lang din tulad nila. Hindi ko na siya kayang pakisamahan.
Huminto ang van sa harapan ng pamilyar na gate. Nandito na pala kami.
"Thank you, Ate Tia and Julian. Mag-iingat kayo." Bumaba na ako ng van. "Salamat pala ulit dito, Julian." Tukoy ko sa suot kong blessed rosary bracelet na ginamit niya para mapaalis si Epiales sa katawan ng ka-boardmate ni Lucila.
"Lagi mo iyan isuot, ha," bilin ni Julian.
Nakangiti akong tumango sa kaniya. "Salamat. Ingat kayo." Kaway ko sa kanila, pumihit agad ako patalikod sa kanila at humakbang papasok ng bukas naming gate.
Una ko agad napansin ang ibat ibang uri ng kotse na nakaparada sa parking lot nitong Mansion namin. Mukang may mga bisita sina Mommy at Daddy.
"Chat at videocall na lang ulit," pahabol na sigaw pa ni Julian.
Huminto ako sa paglakad para lingunin ang mga ito pero bandang hulihan na lang ng van ang nahagip ng paningin ko. Umalis na sila.
Nagpatuloy na ako sa paghakbang. Imbis na sa pinaka-front door ako dumiretso sa likod bahay na lang ako dumaan para hindi ako makaistorbo lalo na at mukang may mga importanteng bisita.
Pagpasok ko, bumungad agad sa akin ang nakatalikod na mestiso at matangkad na lalaking paakyat ng attic.
Automatikong humakbang ang mga paa ko pasunod dito habang pinagmamasdan kong maigi ang likuran niya. Pamilyar siya pero hindi ko alam kung saan ko siya eksaktong nakita.
Huminto ito sa paghakbang paakyat. Huminto rin ako at inabangan ang pagharap nito pero--
Halos humiwalay ang kaluluwa ko sa sobrang pagkakagulat sa humawak sa kanang braso ko. Nandudumilat ko itong nilingon, humahagikgik na si Jodie ang tumambad sa aking paningin.
"Jodie!" iritableng bulalas ko sa pangalan ng pinsan kong pasaway. Ang hagikgik nito ay unti-unting naging tawa.
"Sayang hindi ko nai-video reaction mo!" Halos mapaupo na ito sa baitang na kinatatayuan namin sa sobra niyang tuwa. "Gulat na gulat yarn?!"
"Tsk!" Iritable kong ibinalik ang aking tingin sa pamilyar na lalaki pero wala na ito. Nakaakyat na siya. Si Jodie naman kasi, eh!
"Sandali lang..." Natigil ito sa pagtawa at pinalo niya ang sarili niyang noo. "may linuluto pala ako sa kitchen!" Kumaripas agad ito ng takbo papunta doon.
"Iyan kasi..."Napailing na lang ako sa kaniya at nagpatuloy na ulit sa paghakbang paakyat pero natigilan ako nang may maapakan akong sapatos. Sa takot ko na mahulog ay napakapit agad ako sa railings ng hagdan at hinawakan din naman agad nito ang isa kong braso para alalayan ako.
Nandudumilat kong tinignan ang may-ari ng sapatos na naapakan ko at mas lalo akong nandumilat nang makilala ko ito. "I-ikaw..."
----
Moving Closer 14
(June 01, 2024)
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro