Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Moving Closer 13

"Maraming salamat sa inyo," nakayukong sambit ni Lucila sa amin, ni hindi man lang ito nag-angat ng ulo para tignan kaming mga kaibigan niya. Tumalikod na agad ito sa amin at inalalayan nito ang ka-boardmate niya papasok ng tinutuluyan nilang boarding house.

Napabuntong hininga na lang ako ng malalim habang pinagmamasdan ko ang papalayo na si Lucila. Hindi man lang niya ako nilapitan para kamustahin tulad ng palagi niyang ginagawa. Ni hindi man lang siya humingi ng tawad para sa pagsisinungaling niya sa akin sa chat niya kanina. Na nakagamit daw ng pinagbabawal na gamot ang ka-boardmate niya kahit alam naman niyang sinasapian iyon.

"Ganoon lang iyon? Matapos natin siyang tulungan sa kalokohan niya, ni hindi man lang tayo kinausap ng maayos. At parang kasalanan pa natin na hindi bestfriend niya iyong natawag niyang espiritu," iritableng ani Elise.

"Elise, hayaan mo muna.." mahinahong saway dito ni Ate Tia. "Ang mas mabuti pa umuwi muna tayo at magpahinga. 'Tsaka na lang natin pag-usapan ang mga dapat nating gawing pag-iingat sa Dreamland  at dito sa realidad."

"Nang hindi siya kasama. Dahil sa ginawa niya nawala na tiwala ko sa kaniya," dugtong pa ni Elise.

"Elise..." may diing banggit ni Ate Tia sa pangalan nito.

"Aish! Bahala nga kayo!" maktol ni Elise, inis na inis itong nanguna sa pagsakay ng sasakyan.

Sumunod na lang din dito ang iiling-iling na si Deejay.

"Hindi ko nakita ang bestfriend ni Lucila sa Dreamland pero nagpakita sa akin si Phoebe. Binalaan niya ulit ako tungkol kay Lucila."

Nandumilat ako sa sinabing iyon ni Julian. "Sino si Phoebe?"

"Guardian siya ni Julian. Dati siyang lucid dreamer," si Ate Tia ang sumagot sa akin. Seryoso itong nakatingin sa tuluyan nang nakapasok na si Lucila.  "Siya ang kauna-unahang inalay ni Lucila kay Epiales bago pa ang bestfriend niyang si Trinity." Mas lalo akong nandumilat sa sinabing iyon ni Ate Tia, sa akin na nito ibinaling ang seryoso niyang tingin. "Hindi pa sana namin ito sasabihin sa'yo ni Julian pero kailangan mo ng malaman ang hidden agenda ko kung bakit ako nagpa-meet and greet kahit na sobrang delikado. Kung gusto mong malaman ang lahat sumama ka sa amin nila Julian."

Nagpatiuna na si Ate Tia sa pagsakay ng sasakyan niya. Napatingin na lang ako kay Julian na unti-unting ngumiti sa akin. Ipinatong nito sa balikat ko ang kanan niyang kamay at tinanguan ako bilang pagsasabing  sumunod na kami kay Ate Tia.

-----

"Umuwi ka na agad pagkatapos niyo mag-usap, ha," bilin sa akin ni Jodie bago ito tuluyang makababa ng sasakyan ni Ate Tia. "Bye! Ingat kayo!" Kaway nito sa akin.

Tipid na ngiti at isang tango lang ang tinugon ko rito. Hinintay muna namin itong makapasok ng gate ng Mansion namin at saka muling pinaandar ni Ate Tia ang sasakyan niya.

"Elise, sa susunod huwag ka na magsasalita ng ganoon at baka may makarinig sa'yo na kapwa kampon no'n. Mabulilyaso pa ang plano natin niyan," panimulang pangaral ni Ate Tia dito.

Tinapunan ko lang ng tingin ang katabi kong si Elise. Animo itong batang nagtatampong nakanguso habang nakahalukipkip. "Sorry na, ang hirap naman kasi makipagplastikan sa kaniya."

"Ang sabihin mo, maldita ka lang talaga, Elise," hirit ng nasa likod naming si Deejay. Natawa naman ang katabi nitong si Julian.

"Magtigil kayong dalawa diyan. Girls talk ito," singhal ni Elise sa mga nasa likuran namin at saka umirap sa kawalan.

"Teka nga pala, Ate Tia, alam na ba ni Trisha ang tungkol sa sikretong plano natin para kay Lucila?" pag-iiba ng usapan ni Deejay.

"Hindi pa siya aware doon," sagot ni Ate Tia.

"Tama ba ang pagkakaintindi ko? Pinagtutulong-tulungan niyo si Lucila?" sa wakas ay naisaboses ko na rin ang kanina ko pang tanong na ito sa isipan ko.

"Nagtulong-tulong kami este tayo para masubaybayan ang kilos ni Lucila. Hindi totoo na strangers kami at nagkakilala lang kami sa Dreamland. At hindi rin totoo na una kaming nagkita-kita nung meet and greet natin," panimulang paliwanag ni Elise.

"Kapatid ko si Julian sa ama," ani Ate Tia. Nandudumilat kong nilingon si Julian. Abot-tenga ang ngiti nito habang nakatingin din sa akin. "Pinsang buo namin si Deejay." Nalipat ang tingin ko kay Deejay na nagbu-beautiful eyes pa habang naka-finger heart. "at itong si Elise-- kapatid siya nina Trinity at Phoebe."

"Kaya hirap na hirap akong makipagplastikan sa kaniya. Ginagamit pa niya ang isa sa kapatid ko para magmuka syang kawawa na naulila sa bestfriend. Alam mo iyon, kailangan ko magtimpi kahit na gustong gusto ko na siya saktan, pahirapan hanggang sa mamatay siya. Itinuring siyang kapatid ni Ate Trinity at ni Ate Phoebe tapos ganoon lang ang igaganti niya, inalay niya mga kapatid ko kay Epiales dahil sa sobrang inggit at selos niya sa mga Ate ko dahil ang atensyon ng demonyong lalaking iyon ay nasa mga kapatid ko. At ang kapalit no'n ay mapasakanya ang lalaking iyon pero--" Nag-una-unahan na ang mga luha nito sa pagbagsak dahilan para hindi na siya makapagsalita pa. Iniyak na lang niya muna ang galit na nararamdaman niya.

Gusto ko sana siyang i-comfort pero para ba akong natuod, ni kamay ko ay hindi ko magalaw dahil sa sobrang windang sa mga ipinagtapat nila.

"Si Epiales pala ang lalaking kinababaliwan niya. Sa madaling salita, nalinlang siya ni Epiales, ginamit siya para mapasakanya sina Trinity at Phoebe at ganoon nga ang nangyari," dugtong ni Ate Tia sa salaysay ni Elise.

"Kung tatanungin mo kung nasaan na mga kapatid ko," lumuluhang kuwento pa ni Elise. "Wala na si Ate Phoebe, patay na siya at na-trap siya sa loob ng Dreamland. Kaya kung sakaling makita mo siya sa Dreamland, iyakap mo ako  sa kaniya. Si Julian kasi, ayaw akong iyakap sa guardian niya. Nakakainis."

"Eh, anong magagawa ko kung sa'yo nagmana Ate Phoebe mo ng kamalditahan. Kahit nga sino na lumapit sa akin sa Dreamland itinataboy niya."

Sang-ayon ako sa sinabi ni Julian dahil maski na ako ay ipinapalayo niya kay Julian at itinulak pa nga niya ako kaya ako napunta sa ibang panaginip. Kaya ako napunta sa Moises University at nakilala ko ang napakaingay na si Moises.

"At si Ate Trinity naman, patuloy pa rin siyang lumalaban." Nagpahid na ng luha si Elise at seryosong ibinaling ang tingin sa akin. "Commatose siya. Itinago namin siya sa isang private hospital para hindi siya matunton ni Lucila at pinalabas namin na patay na siya kahit hindi pa naman." Hinawakan nito ang kamay ko. "Kahit kakakilala pa lang natin, Trisha,  hind ako papayag na  makuha ka ni Epiales. Hindi kami papayag. Hinding-hindi."

---
Moving Closer 13
(May 29,2024)

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro