Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 4

Hi, everyone! Every chapter I'll try to add a soundtrack. Actually, while writing a Gazellian chapter, I tend to listen to instrumental music. I just want to share it so you could feel more about the story.  

Goddess of the Mountain - TaiGekTou


Chapter 4

Dalawang uri ng susi

Tulad ko'y ang pagkamangha ni Reyna Talisha sa mga nakalatag na relikya ay hindi mawari.

Buong akala ko'y ang mga kagamitang iyon ay unang inihanda ni Haring Thaddeus para sa amin, sa lahat ng nilalang na iibig sa kanyang mga anak. Ngunit hindi ko akalain na ang mga simbolismong iyon ay may mas malalim pang pinanggalingan.

Ang kapangyarihang dala ng bawat bagay na ibinabahagi sa amin ng hari'y, katumbas ng kanyang matinding pagmamahal sa reyna.

Ngunit kung ibinigay niya na ito sa reyna? Bakit napabalik ang mga ito sa pagmamay-ari ni Haring Thaddeus at nagawa niyang maibahagi sa amin?

Naglandas ang mga mata ko roon sa punyal na ngayo'y pag-aari ko. Buong akala ko'y ang unang humawak niyon ay ang mismong reyna?

Si Haring Thaddeus mismo ang humanap ng kasangkapang kikitil sa kanya?

Mariin kong kinagat ang pang-ibabang labi ko at mas pinagyaman ko ang aking kaisipan sa mga nasasaksihan ko. Alam kong ang parte ng nakaraang ito na siyang ipinakikita ng hari ay magbibigay sa akin ng ilang kasagutan.

"T-Thaddeus, ano ang iyong ibig sabihin?" hindi maalis ang mga mata ng reyna sa mga relikya habang nangangatal pa rin ang kanyang mga kamay sa pagkamangha.

Alam kong sa mga oras na ito ay iisa na ang iniisip namin ni Reyna Talisha.

"Sabihin mo sa akin na nagkakamali ako ng hinala..." hinaplos ng hari ang mahabang buhok ng reyna.

"Hindi ka nagkakamali, mahal ko. Ang mga bagay na iyan ang siyang inaasam-asam ng lahat sa buong emperyo ng Parsua o maging ng buong Nemetio Spiran..."

Napahawak si Reyna Talisha sa dibdib ng hari. "Thaddeus, iisa lang ang nalalaman kong inaasam ng lahat... ang k-kweba... ang mahiwagang kweba..."

Tumango si Haring Thaddeus at marahan niyang inilahad ang kanyang isang kamay roon sa lamesa.

"Ang susi'y inaalay ko sa 'yo, mahal ko..."

Umiling si Reyna Talisha. "Hindi ko ito matatanggap, Thaddeus. Sa paanong paraan mo nalaman na ang mga bagay na ito'y susi...?"

Yumakap ang hari sa reyna at mas inilapit niya ang kanyang labi sa tenga nito.

"Sabihin na nating sa tuwing hindi kita kapiling ay nagbabasa ako ng mga aklat... at ang bawat paglalakbay ko'y nasisiguro kong may katuturan..."

"Thaddeus..." sinapo ni Reyna Talisha ang magkabilang pisngi ng hari.

"Ang iyong katalinuhan at matinding kaalaman sa nakaraan ay posibleng magpahamak sa 'yong buhay. Hindi mo ba nararamdaman ang napakaraming matang naninibugho sa 'yo?" saglit na lumandas muli ang kanyang sa mga relikya.

Humalik ang hari sa labi ng kanyang reyna. "Manibugho silang lahat, Talisha... hindi ko na iyon suliranin pa..."

"Thaddeus, isang kahigitan ang regalong ito para sa akin. Alam mong masaya na ako sa 'yong presensiya."

"Ngunit nais ko'y hawak mo ang aking nakakamit na tagumpay. Nawa'y tanggapin mo ang aking mga pinaghirapan..."

"T-Thaddeus, tatanggapin ko lahat ang nais mong igawad sa akin, ngunit ang mga ito'y kalabisan..."

Biglang nagningas ang mga mata ni Haring Thaddeus at inilabas niya ang kanyang pangil bago muling bumulong sa kanyang reyna. "Higit kong nais bigyan ka ng walang katapusang kalabisan, mahal ko... nang kailanman ay hindi ko makaramdam ng kakulangan sa akin."

Marahang itinulak ni Reyna Talisha ang balikat ng hari. "Ako'y ginagamitan mo na naman ng iyong matatamis na salita, Mahal na Prinsipe..."

Saglit na tumawa si Haring Thaddeus. "O kaya'y natatakot ka sa kapahamakang dulot ng mga relikya? Mahal ko... ang bawat relikyang iyong nasisilayan ay may buhay at marunong kumilala. Ang aking mga kamay ang siyang nakatuklas sa kanila, dahilan kung bakit ako ang kinikilala nilang nagmamay-ari sa kanila. Ngunit sa sandaling naisin kong igawad ang bawat relikya sa aking kagustuhan, kikilalanin nila ang kanilang bagong tagapangalaga..."

"Oh makapangyarihang puno ng En Aurete!" nasambit ko na lamang habang nakikinig sa mga salitang dala ng hari.

Isa lamang ang ibig sabihin niyon, hinding-hindi magwawala sa aming mga kamay ang mga relikyang iginawad sa amin ng hari, dahil kami lamang ang kinikilala ng mga iyon.

Hindi maubos ang paghanga ko kay Haring Thaddeus at sa mga bagay na konektado sa kanya. "Napakahusay..."

Maging si Reyna Talisha ay muling napatitig sa hari, kay Haring Thaddeus na ngayo'y nakangiti na parang si Caleb.

Bumalik na sa pagiging kulay itim ang kanyang mga mata at humiwalay na kay Reyna Talisha dahil sa naramdaman niyang paparating na mga bampira.

Isang pitik sa kamay ang ginawa niya upang muling maitago ang mga relikya sa loob ng magagandang tela.

Nagpaalam na si Haring Thaddeus sa reyna nang may ilang babaeng bampira nang pumasok sa silid upang humiram ng mga aklat.

"Bibigyan ko na kayo ng pribadong oras mga binibini." Yumuko ang makisig na si Haring Thaddeus habang ang isang kamay niya'y nasa kanyang likuran. Uri ng pamamaalam na laging gamit ng lalaking Gazellian.

Nang maiwan ng hari si Reyna Talisha kasama ang mga babaeng bampira ay nanatili na lamang iyon nakatitig sa mga relikya na ngayon ay nakabalot na sa tela.

Habang lumilipas ang oras na nakaupo sa silid na iyon si Reyna Talisha ay nagawa ko rin maupo sa harapan niya habang pinagmamasdan ang kanyang ekspresyon.

Nasabi ko nang minsan na limitado lamang ang nalalaman ko sa makasaysayang kweba na ilang daang taon ng nais buksan ng iba't ibang nilalang.

Hindi ko lubos maisip kung hanggang saan ang kakayahan at katalinuhan ni Haring Thaddeus, na ang mahiwagang kwebang iyon na maging ang mga diyosa'y inakalang imposibleng buksan ay nagawa niyang makuha ang mga susi.

Mga susi na pinili niyang igawad sa mga nilalang na itinakda sa kanyang mga anak. Ngunit sa paanong paraan iyon muling napasakamay ng hari at naibigay sa amin kung ibinigay niya iyon sa kanyang reyna?

Ito ba'y muling tinanggihan ni Reyna Talisha? Ngunit nakikita kong buo ang loob ni Haring Thaddeus na ibigay iyon sa kanya.

Wala sa sarili akong kumuha ng aklat na nasa ibabaw ng lamesa, hindi tumagos iyong mga kamay ko, sa halip ay nahawakan nito ang tila kaluluwa ng aklat. Isa-isa ko iyong binubuklat habang ang mga mata ko'y naroon pa rin sa reyna.

"Ang punyal..." bulong ni Reyna Talisha sa kanyang sarili.

Dumiin ang pagkakahawak ko sa libro. Ang punyal na siyang ginamit niya upang kitilin ang hari. Gusto kong magtagal sa nakaraang ito at patuloy na saksihan ang bawat pangyayaring sasagot sa lahat ng aking katanungan, ngunit alam kong limitado lamang ang pananatili ko rito.

Hinintay ko pang masundan ang pangyayari, ngunit tulad ng ilan kong panaginip ay hindi iyon tuloy-tuloy. Ang mga eksena ay mula sa iba't ibang araw o pagkakataon dahilan kung hindi ko iyon agad magawang ikonekta sa isa't isa.

Nang sandaling magmulat ako ay natagpuan ko ang sarili ko sa ilalim ng isang lumang puno sa harap ng kakaibang kubo.

Huminga ako nang malalim. Nandito na ako sa eksenang inilalarawan ng ipininta ng hari. Nanatili akong nakatayo at nakasandal sa ilalim ng puno habang nakatitig sa kubo. Ngunit hindi rin nagtagal ay may narinig akong yabag ng kabayo.

Hindi man niya tanggapin ang takip sa kanyang mukha ay nasisiguro kong si Reyna Talisha iyon. May nakasabit na malaking tela sa kanyang kabayo, pinaglaro ko ang ilang daliri ko sa kamay habang nakatitig sa tela, ang mga relikya ang siyang dala niya.

Ngunit bakit niya dala sa lugar na ito?

Nang mabuksan ang lumang kubo ay iniluwa nito ang isang matandang babae.

"Nakahanda na ba?" tanong ni Reyna Talisha.

"Nakahanda na, Mahal na Prinsesa..."

"Salamat..."

Nang makapasok na sila sa kubo ay agad na akong nagmadali para sundan sila. Tumagos ang katawan ko sa kubo at kusang tumigil ang aking mga paa sa paghakbang nang ang kubong inaakala kong sobrang liit ay hindi ko aakalang tila isang malaking bulwagan.

Nagkalat ang mga maliliit na nakasinding kandilang pula sa paligid ng nakaguhit na malaking bilog sa gitna. At sa bawat kandila'y may panibagong bilog na hindi kalakihan, na siyang nauugnay gamit ang tila mga ugat na guhit. May mga malalaking simbo rin nagliliyab ang bawat sulok ng bulwagan

Ano ang lugar na ito?

"Maaari mo na akong iwan..."

"Mahal na Prinsesa, ikaw ang aking binalaan na. Ang ritwal na ito'y maaaring iyong ikapahamak..."

Matalim na lumingon sa matanda si Reyna Talisha. "Uulitin ko pa ba ang sinabi ko?"

Yumuko ang matanda at sa isang iglap ay biglang naglaho sa harapan ng reyna. Nagtungo si Reyna Talisha sa gitna ng bilog at ibinaba niya roon ang telang dala niya. Nang buksan niya iyon ay hindi nga ako nagkamali, ang mga relikyang ibinigay sa kanya ng hari.

Isa-isa iyong inilagay ng reyna sa bawat maliit na bilog. Mula sa pamilyar na bunga na nakapreserba sa isang bote, kahon ng musika, kwintas na tila may dalang luha, punyal, lumang lampara, banga, at pilak na kadena.

Nang sandaling mapaghiwa-hiwalay niya iyon ay bumalik sa gitna ng malaking bilog ang reyna.

Ano ang ginagawa niya?

Saglit niyang pinagliwanag ang kanyang daliri at sa isang saglit ay gumawa siya ng hiwa malapit sa kanyang palapulsuhan dahilan kung bakit pumatak ang kanyang dugo sa bilog.

Nagsimula na akong reynang tanggalin ang kanyang mga kasuotan. Hindi ko alam kung bakit, pero ng mga oras na iyon ay hindi ko nais tanggalin ang mga mata ko mula sa kanya.

Habang unti-unting ipinakikita ng reyna ang kanyang kahubaran ay saka lamang sumagi ang nais iparating ng larawan.

Si Haring Thaddeus...

Gumalaw ang aking mga paa at nagsimula akong tumakbo papalabas ng bulwagan. Nang sandaling iluwa ako ng maliit na kubo'y si Haring Thaddeus nga ang siyang nakita ko. Tahimik na nakasilip sa bintana.

Kung sa ibang pagkakataon ay baka maeskandalo ang isang diyosang katulad ko habang pinanunuod ang ginagawa ng hari. Sa paanong paraan siya kaswal na nakatayo roon sa may bintana habang nakatanaw sa naghuhubad na prinsesa?

Nakadaop pa ang kanyang mga kamay sa kanyang likuran at matikas ang tindig na tila nanunuod lamang ng isang pagtatanghal.

Isa lamang ang ibig sabihin nito. Lubos na inaagaw ng ritwal na ito ang kapangyarihan ng reyna na maging ang presensiya ni Haring Thaddeus ay hindi niya maramdaman.

Buong akala ko'y mananatili lamang sa labas si Haring Thaddeus, ngunit nang bumuntong hininga siya at muling nagmulat, ang kanyang mga mata'y nagniningas na.

"Oh mahal ko..."

Ang hari'y pumasok na sa loob ng kubo. Nanlalaki ang mga mata ni Reyna Talisha nang makita si Haring Thaddeus na naglalakad patungo sa kanya.

"T-Thaddeus..."

Tumigil ang hari sa gitna mismo ng bilog kung saan nakaluhod ang reyna sa kanyang hubad na katawan.

Yumuko si Haring Thaddeus at inabot niya ang mukha ni Reyna Talisha gamit ang ilan niyang daliri.

"Sa tingin mo ba'y hahayaan kitang higit manghina sa nalalapit nating kasal?"

"Thaddeus, ayokong dumating ang panahong ang mga bagay na ito'y maging dahilan ng kasakiman. Ang mga ito'y mananatili pa rin ako ang kikilalanin, ngunit mas mabuting wala sila sa iisang lokasyon..."

"At iaalay mo ang sarili mo sa ritwal na maaaring kumitil ng iyong buhay?"

"Thaddeus, pagkatiwalaan mo ako—"

Natigilan si Reyna Talisha nang ang haring nasa kanyang harapan ay nagsimulan tanggalin ang kanyang mga kasuotan.

Mariin akong pumikit. Naiintindihan ko na ang ibig sabihin ng hari bago kami pumasok sa larawan. Nang sandaling siniil na ng halik ni Haring Thaddeus ang reyna'y tumalikod na ako.

"Dalawa tayong maghihiwa-hiwalay sa kanila, mahal ko..."

Unti-unti nang namatay ang malalaking simbo ng bulwagan nang magsimula iyong ritwal. Hindi ko alam kung paano nila iyon ginawa... ang ritwal... bukod sa bagay na ginagawa rin namin ni Dastan.

Ang tanging binigyan ko ng pansin ay ang isa-isang pagliliwanag ng maliliit na bilog na naglalaman ng mga relikya. Matapos ang ilang minutong pagliliwanag ay naglalaho na ang mga susi ng parang bula.

"Thaddeus..."

"Mahal ko, dalawang uri ng susi ang maaaring makapagbukas ng kweba..."

"Una'y ang pitong makapangyarihang relikya... at ang ikalawa'y nasisiguro kong nasasa 'yo rin..."

"Nasa akin?"

"Ang magiging pinakamalakas na bampirang sasambahin ng lahat..."

Narinig ko ang biglang pagsinghap ni Reyna Talisha. Maging ako'y hindi makapaniwala sa aking narinig, hindi sa kaalamang si Dastan ang siyang susi kundi ang rebelasyong...

"Ang ating panganay ay may basbas na ng pitong simbolikong relikya ng makapangyarihang kwebang inaasam-asam ng buong Parsua... ng buong Nemitio Spiran..."

Sa lugar na ito nabuo si Dastan. Sa paligid ng mga bagay na buong kapangyarihan niya ang katumbas.

Nang magliyab muli ang malalaking simbo, kumunot ang noo ko nang makitang naroon pa rin ang mga relikya na nakita ko mismong nagliwanag at naglaho.

"Thaddeus..."

"Sila'y mga replica na lamang, mahal ko. Ngunit ang responsibilidad at kapangyarihang hahawaka'y katumbas na ng susi kweba ng misteryo..."

Iyon na lamang ang huli kong narinig bago ako biglang napamulat, napabangon at marahas na inubo dahil sa likidong naramdaman sa aking lalamumunan.

"Leticia!" nag-aalalang tawag sa akin nina Nikos at Hua na kapwa nakadungaw sa akin.

Kasalukuyan akong nasa braso ni Rosh na may hawak na kakaibang bulaklak na naglalaman ng likido na siyang pinainom niya sa akin.

"R-Rosh, ang mga susi..."

Napahinga siya ng maluwag bago siya humiwalay sa akin at tumayo. Sina Hua at Nikos naman ang dumalo sa akin.

"A dream?" tanong ni Rosh.

Tumango ako. "Kung hindi si Dastan... kailangan nating hanapin ang mga relikya..."

"Relics?" ulit niya.

Ipapaliwanag ko pa sana sa kanya nang muli niyang sinalubong ang mga mata ko.

"Pag-aari na iyon nina Kalla at Naha... babalikan natin?"

Umiling ako. "Replika ang nasa amin, Rosh. Magkakahiwalay ang totoong susi at kailangan natin hanapin..."

Tumaas ang kilay niya. "Ang hawak mo'y hindi replika, Leticia..."

Napatitig ako sa punyal na hawak ko na. Paano iyon lumabas habang ako'y natutulog?

Nagsimula nang mag-inat si Rosh. "Mukhang magsisimula na ang tunay nating paglalakbay... saan ang unang destinasyon, mahal na diyosa ng buwan?"

Pinasadahan ko ng titig sina Hua at Nikos bago ko ibalik ang titig kay Rosh.

"Kung saan unang naghiwa-hiwalay ang mga relikya... sa bulwagan kung saan nabuo--"

Narinig kong saglit na tumawa si Rosh. Mas dumiin ang titig ko sa kanya nang mapansin niya iyon ay tipid siyang ngumiti sa akin para pagtakpan ang ekspresyon niya.

Inilahad niya ang kamay niya sa harapan ko, sa gitna nina Hua at Nikos na parang hindi niya nakikita. "Shall we?"

Tinanggap ko ang kamay niya. "Now, lower guards! Pack up and let our journey begins!"

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro