Chapter 3
To feel the whole chapter, you can play this song on youtube. Search the youtube channel, TaiGekTou. Title: Song of the fleeting blossom.
Chapter 3
Susi
Sa paanong paraan namamangha ang isang diyosang katulad ko? Sa mga bagay na likhang sining ng isang maestro, na ang dala'y matinding emosyon na maging ang sariling pintig ng iyong puso'y gumagawa ng sariling musika.
Ngunit anong klaseng sining ang taglay ng kilalang hari ng kasaysayan na ang kanyang natural na pagtindig lamang ay tila lalagutan ng hininga ang sinumang sisilay sa kanya?
Na ang isang diyosang katulad ko na may mga matang hindi nasanay sa paghanga sa perpeksyon ng isang lalaki'y ngayon ay hindi mapagkaitan ang matinding admirasyon.
Ang kanyang isang kamay ay nakatago sa kanyang likuran habang ang isa'y pormal na niyang inilahad sa akin.
Hindi ko na namalayan ang minutong lumipas habang ang aking mga mata'y nakatitig sa kanya.
"Hindi mo ba pauunlakan ang pagmamagandang loob ng isang estatwa?" nanatiling bahagyang nakayuko sa akin si Haring Thaddeus habang hindi niya inaalis iyong kamay niyang nakalahad sa akin.
Unti-unti kong inabot sa kanya ang nangangatal kong kamay. Ang inasahan kong lamig na mararamdaman sa kanya ay napalitan ng init ng kanyang mga kamay, na tila hindi siya nagmula sa isang malamig at walang buhay na bato.
Siya'y parang tunay na nabuhay, ngunit nasisiguro ko na ang Haring siyang nasa harapan ko ay parte na ng mahikang may ihip ng oras at panahon. Ngunit bakit ang presensiya niya'y tila hinigitan na ang sa akin?
Inalalayan ako ng hari hanggang sa tuluyan na akong matayo ng maayos. Pinilit ko ang sarili kong kumilos bilang isang diyosa, may sariling postura at malakas na presensiya na hindi kakakitaan ng panghihina at panliliit sa sarili, ngunit hindi ko iyon magawa sa harap ng kilalang Hari ng Sartorias.
Hinila ko ang aking kamay mula sa kanya at agad ko iyong itinago sa aking likuran. Nararamdaman ko ang matinding pangangatal niyon sa likuran ko kaya inihawak ko roon ang isa ko pang kamay upang patigilin iyon sa panginginig.
Sa isang hawi ng hari, ang magulong silid ay unti-unting gumalaw at bumalik sa dati nitong kagandahan. Mula sa mga larawan, sahig, pader, kisame, bintana at mga malakristal na ilaw. At habang nangyayari iyon ay kapwa na kami nakatanaw ng hari sa mga larawan na bumabalik na sa kanilang mga posisyon.
"Sa aking mga ipininta, mahal na diyosa, ano ang masasabi mong siyang iyong pinakamagugustuhan sa lahat?"
Ngayo'y nakasalikop nang muli ang mga kamay ng hari habang pinagmamasdan ang kanyang mga obra maestra.
Gumala ang aking mga mata sa bawat larawan na naroon, halos lahat iyon ay magugustuhan ko dahil sa angking ganda ng kanyang estilo sa pagpinta, ngunit nang unang pumasok ako sa silid na ito, hindi lang iisang larawan ang siyang lubos na nakaagaw ng aking atensyon bukod sa larawang siyang inakala kong daan upang muli kong makausap ang hari.
Humiwalay ako sa tabi ng hari at kusang humakbang ang aking mga paa patungo sa kaliwang bahagi ng silid at natigil iyon sa harapan ng larawan na masasabi kong may kakaibang misteryong dala.
Marahan kong itinuro ang larawan. Hindi ko masasabing ito ang siyang pinakamaganda o aking magugustuhan, pero hindi mapapayapa ang sarili ko kung hindi ko iyon bibigyan ng atensyon sa mga oras na ito.
Naglakad patungo sa akin si Haring Thaddeus at pinagmasdan din niya ang itinuro ko.
"What can you say about this painting?" tanong sa akin ng hari.
"Kaiba siya kumpara sa natitirang mga larawan. Ang iyong estilo'y naririto pa rin kaya hindi ito nagawang mapansin ni Naha, ngunit kung pagmamasdan ang kabuuan ng lahat ng larawan, ang isang ito'y tila ibang mensahe ang nais ipahiwatig, Haring Thaddeus."
Kung ang karamihan sa kanyang gawa ay magagandang lugar mula sa iba't ibang parte ng emperyo, ang siyang nasa harapan namin ay tila isang anino.
Sa unang tingin ay aakalain mong isa lamang iyong maliit na kubo sa tabi ng isang puno, pero kung matalas ang iyong mata at sana'y katulad ko na pagmasdan ang bawat parte at detalye ng isang gawang kamay, agad makikita na isa iyong anino ng lalaki na tila nagtatago at may pilit na tinanaw habang nakasilip sa isang bintana.
Saglit akong lumingon sa hari na hanggang ngayon ay nakatitig sa larawang siyang aking napili.
"Alam kong ang bawat itinakda sa aking mga anak ay may kani-kanilang klase ng mga matang espesyal lamang sa bawat partikular na larawang nilikha ko..."
Agad kong nakuha ang siyang ibig sabihin ni Haring Thaddeus, ang mga larawang naririto ay may sariling buhay at kusa lamang ito magpaparamdam sa tamang mga mata. Hindi ito nagawang mapansin ni Naha dahil ang larawang ito'y nakatakdang ang aking presensiya lamang ang kikilalanin.
Hindi ko mapigilang yakapin muli ang sarili ko habang nakatitig sa hari. Mula sa pinakamaliit na detalye'y tila planado na niyang lahat. Ganito katalino at kalakas ang tinitingalang hari ng Sartorias, na hindi ko maiwasang ilang beses itanong sa hangin kung bakit hinayaan niyang maagang matapos ang kanyang buhay.
"May nais ka bang itanong sa akin, Mahal na Diyosa ng Buwan?" kaswal na tanong ng hari.
Sa mga nagdaang itinakdang babae sa bawat Gazellian, sa paanong paraan nila nagawang panatiling nakatindig ang kanilang mga binti sa harap ng mahiwagang haring ito? Sa paanong paraan sila nakapagsalita ng tuwid at sa paanong paraan nila napanatag ang pintig ng kanilang puso?
Napakamakapangyarihan ni Haring Thaddeus na maging ang diyosang katulad ko ay hindi mapigilan ang panliliit.
"M-Mahal na hari, alam kong ang aking katanungan ay hindi mo na kailangan. Sapagkat sa sandaling tumapak na ang aking mga paa rito ay nalalaman mo na ang aking pakay. Ang sitwasyon ko at ang kasalukuyang hari ng Sartorias ay..."
"Ang aking magiting na panganay..." sumilay ang tipid na ngiti sa labi ng hari.
Yumuko ako at pinagsalikop kong muli ang mga kamay ko. Mariin kong pinisil ang aking sarili. Kung sana'y narito si Dastan sa piling ko habang kaharap ang kanyang ama, siguro'y hindi ganito lubos kabigat ang nararamdaman ko.
"Ako'y kilala nang kriminal mula sa dalawang mundo. Sa mundong kung saan ako isinilang at sa mundong kumupkop sa akin. Ang punyal..." nakagat ko ang pang-ibabang labi ko pero sa huli'y muling kumawala ang hikbi ko hanggang sa masapo ko ng aking mga palad ang mukha ko dahil sa tuloy-tuloy na pagtulo ng aking mga luha.
"N-Nasaksak ko po si Dastan... nasaksak ko po ang lalaking pinakamamahal ko... ng mga kamay na ito..." halos hindi ko magawang titigan ang mga palad ko na ngayo'y napupuno ng aking mga luha.
Tila ako'y nakakakita ng dugo sa mga iyon.
"Wala na akong nagawang tama, lagi na lang pagkakamali..." walang tigil sa pagyuyog ang aking mga balikat habang hindi ko na magawang tingnan iyong mga kamay ko.
Habang nasa ganoon akong sitwasyon naramdaman ko ang paglapit sa akin ng hari at ang marahan niyang paghawak sa mga kamay kong nababasa ng luha.
"Ang iyong pagsilang ay isa nang malaking regalo hindi lang sa anak ko, kundi sa kapakanan ng hinaharap ng Sartorias. Marahil ay ika'y nahihirapan ngunit nasisiguro kong darating ang araw ay lubos ka ring sasaya, Diyosa ng Buwan..."
"Ngunit kailan ang araw na iyon, Mahal na Hari? Tila ako'y unti-unti nang nauubos sa walang katapusang paghihirap na ito."
Simula nang ako'y isilang sa Deeseyadah, tanging paghihirap ang siyang namamayani sa akin at ngayo'y minsan akong nakatikim na kaligayahan ay agad naman itong inagaw sa akin.
"Isinilang kang may angking kapangyarihan, Leticia. Kapangyarihang may kalakip na matinding responsibilidad. Ang iyong nararanasan ang siyang huhubog sa 'yo bilang isang magiting na reyna sa hinaharap."
"Natatakot ako at nangangamba nab aka hindi ko iyon magawang panindigan..."
Binitawan niya ang aking mga kamay at ang ilang daliri ng hari'y nagtungo sa aking baba upang bahagya niyang itaas ang aking mukha at magtama ang aming mga mata.
"Sa tuwing ika'y nanghihina, lagi mong tatandaan na isang Gazellian ang umiibig sa 'yo..."
"Mahal na Hari..." tipid na pinunasan ng hari ang luha sa pisngi ko bago niya ako muling tinalikuran at humarap sa larawan na siyang napili ko.
Mariin akong pumikit at huminga ng malalim. Kailangan kong patatagin ang loob ko, dahil ang pakikipag-usap na ito sa hari'y nasa umpisang yugto pa lamang ng aking paglalakbay.
"Nais kong malaman ang iyong pakay sa silid na ito, Diyosa ng Buwan." Ulit niya. Ngunit sa pagkakataong iyon ay may higit na awtoridad ang kanyang katanungan.
Yumuko ko sa nakatalikod na hari at buong loob kong ibinuka ang aking mga labi.
"Kung ang unang larawang nakita ni Naha'y isang hari sa harap ng puno, ngayo'y ang larawang napili ko'y isa pa ring hari..."
Pansin ko ang ilang paggalaw ng daliri ng hari sa kanyang likuran na tila ang pagsagot ko sa kanyang sariling bugtong ay nagdadala ng kawilihan.
"Anino ng isang haring nagkukubli at itinatago ang kanyang presensiya. Ngunit ikaw nga ba'y nanatili sa 'yong pinagtataguan, Mahal na Hari?" humalakhak si Haring Thaddeus sa unang pagkakataon dahilan kung bakit nag-angat ako ng tingin sa kanya.
"Ang pagmasdan lamang siya ang bagay na hindi ko kayang tagalan..."
Ngumiti ako nang tumama ang kumpirmasyon ko, dahil ang sinisilip ng hari ay si Reyna Talisha.
Muling inilahad ng hari ang kanyang mga kamay sa akin. "Sana'y limitado lang ang iyong saksihan sa larawang ito..." sumilay ang hindi inaasahang ngiti sa kanyang mga labi. Isang pilyong ngiti na madalas kong nakikita kay Caleb.
Nang tanggapin ko ang kanyang mga kamay ay tila nagkaroon ng sunog at malaking apoy ang loob ng silid dahil sa matinding init na dulot nito habang tila hinihigop kami ng larawan sa ibang mundo.
At nang sandaling ang aking mga mata'y magmula, ako'y nag-iisa na lamang habang nasa gitna isang silid na laman ay mga bulaklak, mga aklat at tsaa.
Kasalukuyang nakaupo sa isang maliit na mesa ang batang bersyon si Reyna Talisha habang nagbabasa ng aklat at pinaglilingkuran ng mga tagasunod ng tsaa.
"Mahal na Prinsesa, pinasasabi ni Prinsipe Thaddeus na siya'y dadalaw matapos ang kanyang pag-eensayo kasama si Prinsepe Raheem."
Namula ang pisngi ni Reyna Talisha bago siya marahang tumango. Nang maiwan siya mag-isa sa silid ay marahan niyang sinuklay ang buhok niya gamit ang mga daliri niya.
Nakaguhit ang ngiti sa kanyang mga labi habang tahimik na naghihintay sa katok sa pintuan, at nang sandaling dumating na nga ang oras na iyon, parang ako mismo ang nasa posisyon ni Reyna Talisha dahil sa lukso ng dibdib ko.
Iniluwa ng malaking pintuan ang kakisigan ng batang Thaddeus na hindi talaga maipagkakailang kahawig ng bunso nilang anak.
"Mahal ko..."
Hindi pa man nakakarating sa gitna ng silid si Haring Thaddeus ay inilahad na niya ang kanyang braso sa reyna, tumayo na si Reyna Talisha at patakbong sinalubong ang hari na nagawang siyang buhatin.
Kanilang mga labi'y naglapat na tila walang hangin na hahadlang sa kanila.
"Nalalapit na ang ating kasal, ako'y higit na nasasabik, Talisha..."
"Ako rin, Mahal na Prinsipe..."
Nanatili roon sa silid si Haring Thaddeus at hinayaan niyang ipagpatuloy ng Reyna Talisha ang pagbabasa ngunit nakakalong sa kanya.
"Bukod sa sarili ko'y may nais akong iregalo sa 'yo, Talisha..." bulong ng batang Thaddeus sa pagitan ng halik sa mga balikat.
"H-hindi na kailangan..."
"Ngunit iyon ay pinaghirapan kong kuhanin para lamang sa 'yo. Gusto mo ba iyong ibigay ko sa—"
Lumingon si Reyna Talisha at sinapo niya ang mga pisngi ni Haring Thaddeus.
"Tatanggapin ko..."
Lumabas ang pangil ni Haring Thaddeus ngunit agad niya rin iyong pinigilan. Kinuha niya ang maliit na kampana na siyang tumatawag sa atensyon ng mga tagasunod.
May pumasok na dalawang babaeng bampira na may dalang malalaking tela na tila may nakabalot. Nang tumango na ang mga tagasilbi ay agad ang mga iyong lumisan at naiwan muli ang Hari at Reyna.
"Ano ang mga ito, Thaddeus?"
"Bagay na inaasam ng lahat, mahal ko..." naglaro ang mga daliri ni Haring Thaddeus sa gitna ng dibdib ng reyna. "Na ngayo'y pag-aari ko... at iaalay sa 'yo..."
Isa-isang binuksan ni Reyna Talisha ang tela at napatulala siya sa mga nakalatag sa kanyang mga mata. Maging ako'y napasinghap sa aking mga nakikita.
Maliit na kahon dala'y musika, kwintas na ang bato'y tila nahuhugis sa isang patak ng luha, pamilyar na punyal, lumang lampara, pilak na kadena, lumang banga at isang maliit na bunga na tila nakapreserba sa isang eleganteng bote.
Napatakip ako sa aking mga labi habang ang aking mga mata'y nagpabalik-balik sa mga makakapangyarihang gamit at sa hari't reyna.
Ang mga simbolismong siyang gumagabay sa mga itinakda sa kanilang mga anak ay siyang unang inialay ni Haring Thaddeus kay Reyna Talisha.
Ngunit inaasam ng lahat?
Pilit kong pinakaisip ang bawat mga salitang lumalabas sa kanilang bibig, hanggang sa tuluyan nang rumehistro sa akin ang mensaheng nais iparating ng nakaraang ito.
Ang mga simbolismo ang susi... susi sa kwebang inaasam-asam...
.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro