Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 29

Chapter 29

Paalam

Simula nang ako'y isilang sa Deeseyadah, hindi ko inisip na labis akong maghahangad ng mga bagay na lubos na susubok sa aking kakayahan.

Noo'y nais ko lang maging ordinaryong diyosa na walang hawak na responsibilidad, diyosang simpleng sumusunod sa batas at nakikinig sa bawat balita tunkol sa mundong siyang nakamulatan ko.

Isang pamumuhay na simple lamang at walang komplikasyon. Hindi ba't halos lahat naman ay nais ang kapayapaan? Malayo sa problema at sakit, malayo sa suliranin at paghihirap.

Iyon ang pinapangarap ng nakararami, isang mundong ang ligaya ang siyang namamayani at hindi kaguluhan. Ngunit nang namulat ako sa katotohanan, nakilala ang mga nilalang na lubos na naabuso sa likod ng huwad na perpeksyon ng mundo, natuto akong sumugal... natuto akong lumaban at higit sa lahat natuto akong magsakripisyo.

Kasabay ng pagbukas ng aking mga mata'y ang puso kong natutong umibig at mangarap... mangarap na maghandog na totoong kapayapaan sa piling niya.

Ngunit mukhang ang pangarap na iyon ay magagawa kong matupad... na wala sa tabi niya.

Isinusumpa kong ito na ang huling araw na siya'y magiging dahilan ng aking mga luha. Isinusumpa kong sa sandaling matapos ang sumpang ito, ang aking mga mata'y tititig lamang sa kanya dahil sa kanyang posisyon at kapangyarihan... ngunit ang aking puso'y wala nang mga mata sa kanya.

Isinusumpa kong sa ritwal na ito'y tuluyan nang papanaw ang Leticia na lubos na umiibig sa kanya, ang diyosang gagawin ang lahat para sa kanya.

Ako na ang puputol sa paulit-ulit na trahedyang nararanasan ng mga diyosang bumaba sa lupa. Hindi dapat ganito ang siyang ipinararanas nila sa amin.

Ang diyosa mula sa kasaysayan ay nagmahal lamang ngunit paulit-ulit na pinarusahan, si Reyna Talisha'y umibig lamang sa kabila ng kanyang misyon at ako'y pilit lamang itinatama ang lahat ng mali at humihiling na siya'y kapiling... ngunit ano itong isinusukli nila sa amin?

Ako ang unang puputol sa aming walang katapusang paghihirap, ang unang diyosang lalaban sa sakit at patuloy na sakripisyo... ang unang diyosang pipiliing higit na kalimutan ang pagmamahal.

Dahil hindi ko na nais pang masundan kami at maranasan ang paghihrap na ito. Hindi dahil kilala kaming may purong puso at busilak na puso'y bibigyan namin sila ng walang hanggang dahilan upang pagsamantalahan kami...

Kami'y may damdamin din... at marunong mapagod.

Ipinagpatuloy ko ang aking paghakbang papalapit sa patay na puno. Ang aking mga nakaapak na paa'y maingat na tinatahak ang bawat simbolong nakaukit sa sahig, mga guhit na kung saan sabay na naglandas ang pinaghalong dugo ni Haring Thaddeus at Reyna Talisha.

Sa bawat laban ko sa Deeseyadah, tanging si Diyosa Neena ang siyang nakasuporta sa akin, ang kasuotang napili ko'y siya pa ang gumawa nang sandaling gamitin ko ito at angkinin ako ng buwan. Hindi ko akalaing darating muli ang pagkakataong gagamitin ko ito sa ibang pagkakataon.

Ibang uri ng laban...

Ilang hakbang pa lamang ang siyang aking nagagawa nang makarinig ako ng pamilyar na himig ng plauta.

Tila ramdam na ramdam din ni Rosh ang tensyon sa loob ng kubong bulwagan at ang kanyang plauta ang siyang tanging naiisip niyang paraan upang ibsan ang bigat nito.

Ipinikit ko ang aking mga mata kasabay nang pagbuka ng aking mga braso at palad. Dinama ang bawat himig ng plauta, kasabay nang unti-unting paglabas ng dalawang punyal sa aking mga palad. Mariin humawak doon ang aking mga kamay at nang sandaling nagmulat ang aking mga mata, napakaraming punyal na ang nagliliwanag at kasalukuyang nagliliwanag sa ere.

Ang mga bintana ng maliit na kubo'y sabay-sabay na nabuksan, dahilan kung bakit pumasok ang hangin mula sa labas, ang aking kasuotan ay sumasayaw kasabay nang aking mahabang buhok.

Isa-isang lumipad ang aking mga punyal sa bawat parte ng malalaking ugat ng puno at sa mismong katawan nito.

Hindi ko na siya nais makita pa o saktan ang sarili ko, ngunit hindi ko tuluyang mararating ang katapusan ng paglalakbay na ito kung hindi ako susugal sa huling pagkakataon.

Siya'y sa mismong lugar na ito nabuo at ang koneksyon ko sa kanya'y nanatiling buhay, ang ritwal ay posible pa rin... sa pagitan namin dalawa.

Ang katumbas ng mga susi ay ang buong presensiya ni Dastan, ngunit ngayong naiipit siya sa paparating na digmaan, ang kweba ang siyang huling kailangan niyang isipin.

Ang kweba'y itinakdang ako ang magbubukas... kahit anong mangyari.

Ang mga punyal na ngayo'y na kapwa nakatusok sa mga naglalakihang ugat at sahig na may mga simbolo'y isa-isa kong binigyan ng koneksyon sa pamamagitan ng mahabang gintong laso na nagmumula sa dalawang punyal na nasa kamay ko.

Maliit na gintong laso na ngayo'y kapwa nakatali sa bawat dulo ng hawakan ng mga punyal. At nang sandaling masiguro kong ang laso'y konektado na sa lahat ang dalawang punyal na hawak ko'y sabay kong pinalipad sa ere, dahilan kung bakit nahila ang mga laso sa bawat punyal na natusok sa ugat.

Narinig ko ang singhap ni Nikos habang pinapanuod ang aking ritwal.

Sa pagsunod at pagtuwid ng gintong laso mula sa dalawang punyal sa ere, tila gumawa iyon ng malaking tatsulok. Gintong tatsulok na unti-unting nagtataklob sa akin, sa punong walang buhay at maging sa buong bulwagan mula sa mga mata nina Rosh, Nikos at maging ng matanda.

Sa halip na kadiliman ang siyang lumamon sa akin dahil sa pagtaklob ng mga laso'y, mas matinding liwanag ang siyang yumakap sa akin.

Nanatiling nakataas ang dalawa kong mga braso sa ere upang mapanatili ang dalawang punyal sa itaas, ngunit ang mga mata ko'y ngayon ay nakatuon sa unahan.

Sa harapan ng patay na puno na nasisiguro kong tatawag sa kanya... sa kanyang puno upang doon siya dumaan at muli akong harapin.

Si Leticia... ang nakilala niyang diyosa na tanging nais lang ay sundin ang kagustuhan niya at bigyan siya ng ligaya.

Pinigilan ko ang sarili kong hindi ikuyom ang aking mga kamao nang sandaling ang kanyang kabuuan ay unti-unti nang gumuguhit sa aking mga mata.

Ang pamilyar na tindig at ang presensiya...

Si Dastan Lancelot Gazellian na nakatitig sa kanyang dalawang palad na tila nagtataka, bago pa man niya ako tuluyang maramdaman ay sabay kong ibinaba ang aking dalawang kamay.

Dalawang punyal ang siyang lumipad patungo sa kanya at walang kahirap-hirap ko siyang ipiniit sa patay na puno.

"L-Leticia..." sinubukan niyang gumalaw ngunit nadagdagan ng hindi lang tatlo o maging apat na punyal, kundi sampung punyal ang sunud-sunod na tumama sa kanyang katawan upang mapanatili siya roon sa puno.

Siniguro ko na kahit tumagos ang mga punyal na iyon sa kanyang balat, hindi nito tuluyang makikitil ang hari. Dahil kapwa mga daplis na pagtama lamang iyon upang dumaloy ang kanyang dugo sa puno.

Alam kong magagawa niyang makatakas sa mga punyal na iyon at makalaban sa akin, ngunit pinili niyang manatili at pagmasdan akong may mga matang punung-puno ng kalituhan. 

Lumipad sa ere ang aking buong katawan at mas inilapit ko ang aking sarili sa kanya.

"What. Are. You. Doing. Leticia?" madiin ang kanyang mga salita sa akin.

Hindi ako sumagot sa halip ay sinulyapan ko ang bawat patak ng dugo niyang ngayo'y unti-unting umaagos sa sahig.

Hindi ko siya sinagot, sa halip ay kumuha rin ako ng punyal at walang kurap na gumawa ng hiwa sa palad ko.

"Leticia..."

Pilit akong nagbingi-bingihan sa pagtawag niya sa pangalan ko. Kung ganoon ay hindi rin tumalab sa kanya? Maaaring tumalab din ngunit nakikilala niya pa rin ako.

Pinili kong tumalikod sa kanya upang hindi ko siya lubusang makita, mas ibinigay ko ang atensyon ko sa sarili kong dugo na ngayo'y humahalo na sa kanyang dugo na dumadaloy sa bawat guhit sa sahig.

"Leticia... siya lang ang natatangi kong paraan..."

Kinagat ko ang pang-ibabang labi ko. Hindi ako lilingon sa kanya. Tapos na kami, ito na ang huli naming pagkikita na makikilala siya ng puso ko. Ito na ang huli naming pagkikita na maapektuhan ako sa pagtawag niya sa akin.

"I love you..."

Hindi ko na napigilan at lumipad ang aking punyal sa harapan niya. Humihingal ako habang ang isa kong kamay ay nasa ere at nakatutok sa kanya. Ang punyal ay ilang hibla na lang ang distansya mula sa kanyang mukha.

"Tumigil ka sa kasinungalingan mo, Gazellian!"

Tumutulo na ang aking dugo habang nakaangat ang kamay ko sa ere. "Tapusin na natin ito, Dastan."

"Sawang sawang sawa na ako sa pagmamahal n'yong pumapatay sa aming mga diyosa..."

"You will kill me? Just like my mother did to my father. You've seen my mother's version? May nakakita na ba sa paghihirap ni ama? Nakita mo na ba ang lahat ng sakripisyo ko, Leticia?"

Tumawa ako ng pagak sa sinabi niya.

"Ano ang karapatan mong kwestuyunin ang sakripisyo naming mga diyosa sa inyo?! Mga bampirang walang alam kundi kalupitan!"

Hindi man lang kumurap si Dastan nang mas ilapit ko ang punyal sa kanya, maging ang mga punyal na nasaksak sa kanyang katawan ay hindi man lang nakapagpatinag sa kanya.

"Sa tingin mo ba'y hindi kalupitan ang natatanggap ko sa 'yo, Leticia? Sa tingin mo ba'y hindi pa ako nakakaranas ng kalupitan? Ikaw ang inaasahan kong magbibigay sa akin ng ginhawa sa mundong ito na pilit akong sinusukat... ikaw, Leticia ang aking lakas--"

Muli akong tumawa ng pagak. "Ilan kami Dastan?! Ilan kaming sinabihan mo niyan?!"

Nag-iwas siya ng tingin at nakita ko kung paano siya mariing pumikit. "This. This might be the answer... kaparusahan ko sa lahat ng kaalamang pilit kong itinago. How my mother killed my own father, how I let Danna and my own brother suffered for years..."

Suminghap ako sa sinabi ni Dastan. "A-Alam mong si Reyna Talisha..."

Hindi na kailangan pang kumpirmahin ni Dastan ng salita ang dapat ay sasabihin ko. Alam niya ang matinding dahilan kung bakit nagsiklab si Reyna Talisha ng mga oras na iyon, ngunit hindi man lang siya nag-alinlangang gawin iyong muli.

Ginawa niya iyong muli sa akin... tulad ng pagpapahirap na ginawa ni Haring Thaddeus sa kanyang sariling reyna.

Anong klaseng puso mayroon ang mag-amang ito? Paano nila nagagawang sikmurain halong mamatay kami sa kakaisip na may nilalasap silang ibang babae gayong kami'y sa kanila lamang nagsusumamo.

Ngayon ko napatunayan na hindi lang responsibilidad, kakayahan at katalinuhan ang siyang sinanay at pilit na pinanatiling matatag ni Haring Thaddeus sa kanyang panganay na anak, kundi papaano higit na matatagin ang kanilang emosyon.

Hinubog ni Haring Thaddeus si Dastan gaya ng kung paano siya naging kilala bilang pinakamagiting na Hari ng Sartorias.

Na sa harap ng libong nilalang sa Nemetio Spiran, siya'y ulirang hari, punung-puno ng abilidad, katalinuhan at kakayahan, ngunit sa likod nito'y pagsasakripisyo sa babaeng iginawad sa kanila ng tadhana.

Tila kami'y ginagawa lang nilang kasangkapan, ang mga diyosang katulad ko na umiibig lamang ay lubos nilang pinagsasamantalahan.

"Wala kang puso, Dastan... mga wala kayong puso!"

Malamig niya akong tinitigan sa kabila ng punyal na nangangatal sa kanyang harapan.

"I am."

Nang sabihin niya iyon, sabay-sabay kong inutusan ang aking mga punyal na mas dumiin ang pagkakatusok sa kanyang katawan.

"Ginagamit n'yo lang kami! Ako dating pinakamalakas na diyosa... si Reyna Talisha... ako... mga manggagamit kayong mga bampira! Sinabi n'yong mahal n'yo kami ngunit kapangyarihan pa rin ang lubos n'yong sinasamba!"

Hindi siya nagsalita sa akin at nanatiling malamig ang kanyang mga mata. Bumagsak ang punyal na nasa harapan niya.

Kung sa ibang pagkakataon ay sasabayan iyon ng aking luha, ngunit tila natuyo na iyon sa tindi ng galit ko kay Dastan.

Mas umagos ang dugo niya sa puno, ngunit ang sa akin ay kaunti pa rin ang bawat patak. Hindi pa rin ipinakikita sa akin ang eksaktong lokasyon ng mga susi.

Sinabi ko sa sarili kong ito na ang huling pagkakataon na siya'y lalapatan ng aking mga matang ang aking puso'y malugod pa rin umiibig sa kanya, sisiguraduhin kong ang oras na ito'y habang buhay bubulabog sa kanyang gunita...

Sa kaalamang wala na siyang diyosang matitikman na may kasing tamis na aking dugo... wala na siyang mahahawakang sasagot sa mas matindi niyang uhaw kahit ilang leeg ang kanyang tikman.

Nang magliwanag muli ang aking kasuotan kasabay nang unti-unting paglipad ng aking sarili papalapit sa kanya, inihantad ko sa kanya ang aking kahubaran.

Dalawang punyal ang siyang sabay kong pinadaplis sa aking mga braso, hita at ibabaw ng dibdib, dahilan kung bakit nagningas ng sabay ang kanyang mga mata at bahagya nang gumalaw ang kanyang katawan sa pagkakapiit sa puno.

Akala ko'y mananatiling dugo ang kulay ng kanyang mga mata ngunit bumalik iyon ng saglit sa pagiging itim.

Muli'y tila ibinalik ang aking hari... ang aking si Dastan na nangakong ako lamang... at wala nang iba.

Yumakap ang aking mga braso sa kanyang batok at kusang bumaba ang kanyang mga pangil sa ibabaw ng aking dibdib. Sabay umagos ang aming dugo sa bawat bahagi ng guhit sa sahig, sa katawan ng puno at maging sa malalaking ugat.

Naramdam ako ng maiinit na patak ng likido sa aking dibdib, bago unti-unting naglaho ang Hari ng Sartorias mula sa aking mga yakap.

At huling bumulong sa akin.

"Patawad..."

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro