Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 28

Chapter 28

Unang mga hakbang

Hindi na ako pinahintulutan ni Rosh lumapit sa puno at sinabi niyang makapaghihintay ang ritwal. Humingi siya ng tulong kay Hua na kung maaari ay ilabas muna si Divina at libangin upang hindi marinig ang usapan tungkol sa kanyang kinikilalang hari.

Katulad ni Rosh at sa kung sinumang nilalang na naninirahan sa Sartorias, isa si Divina sa may walang hanggang katapatan kay Dastan at ang marinig niyang lumuluha ang Diyosa ng Buwan dahil sa kinikilala niyang hari ang hindi nais mangyari ni Rosh.

Maging ako'y hindi ko nais masira o mabahiran ng masamang imahe ang pangalan ni Dastan sa mga mata ni Divina, lubos ang paghanga ng prinsesa sa kanya at ayokong maging dahilan ako ng pagkakaroon ng lamat doon.

Ang matandang babaylan ay biglang nawala, marahil ay naramdaman niyang kailangan ko ng pribadong oras.

Si Rosh at Nikos ay nanatiling nasa tabi ko, ngunit hindi mawari kung ano ang dapat nilang gawin.

Kahit ako'y hindi na magawang utusan ang sarili kong pigilan ang aking mga luha. Tila ay sarili na itong mga buhay at wala nang nais pakinggan sa mga kagustuhan ko.

"Ano ang gagawin ko, Rosh? Ginawa ko na ang alam kong magtatanggal sa akin mula sa sakit. Ngunit hindi tumalab sa akin..." halos mamaos na ang boses ko.

Mas pinamayani ko ang matinding galit nang sandaling magkaharap kami ni Dastan, sinigurado ko na iyon ang mag-uumapaw higit sa pagmamahal ko sa kanya.

Inakalang sa paraang iyon... ang sakit ay unti-unting mawawala. Magmamanhid at manlalamig tulad na siyang aking inaasahan, ngunit isang paalala lamang ng katotohanan sa akin, nanghina akong muli at unti-unting kinikitil sa mga realisasyon.

"Leticia..." tanging pagtawag na lamang sa aking pangalan ang nagagawa ni Rosh.

Alam kong maging siya ay wala na rin paraan naiisip upang patigilin ang pagluha ko.

Katulad ng mga diyosang bumaba sa lupa, ang sakit na tiinis nila mula sa pagmamahal ay maaari nilang tanggalin kung puputulin nila ang kanilang matinding koneksyon mula sa lalaking kanilang minamahal.

Hindi man ipinakita sa akin... ngunit siguro'y sinubukan nilang tanggalin ang sakit. Humanap din sila ng paraan upang malunasan ang paghihirap na itong katulad sa akin.

Ngunit tila nasagot na ang aking katanungan... ang paraang iyon ay hindi tatalab sa amin, sapagkat ang pagmamahal ng isang diyosa'y higit pa sa kanit anong nilalang na nabubuhay sa mundong ito.

Ang pagmamahal namin ay walang katumbas na halos maging sanhi ng aming kamatayan.

Napatayo na si Rosh, ngunit ang kanyang mga mata'y nakatuon pa rin sa akin. Napahilamos na siya sa kanyang sarili, bago muling namaywang at pinagmasdan ako.

"It could be you, Leticia... you're pregnant."

Positibo man ang mga salitang iyon, ang kanyang boses ay may halo na rin ng pag-aalinlangan na tila sarili niya'y hindi na rin niya mapaniwalaan.

Ilang beses kong hiniling na sana'y ako na nga.

Ako na lang sana, Dastan...

Ngunit kay rami na ng mga kumpirmasyong paulit-ulit na sumasampal sa akin. Mga kumpirmasyong nagsasabing tumigil na ako at tanggapin ko na ang katotohanan na hanggang trono lamang ang siyang kayang gampanan ko.

At hindi ang pagiging ina ng anak ng Hari ng Sartorias.

"S-Sumuka ako ng dugo na isang indikasyon na may..." muli akong humikbi.

"Bumalik sa alaala ko ang ipinaliwanag sa akin ng Diyosa mula sa Deeseyadah, ang isa sa nangangalaga sa Puno ng En Aurete kung saan ako isinilang... at isa pa... gumamit kami ng..." minasahe na ni Rosh ang kanyang sentido.

Ang realisasyon na ako'y nagmula sa puno ay isa nang malaking kasagutan na imposible ang kahilingan ko.

"D-Dastan has a symbolic tree, right? How about—" mas lalo akong humikbi sa sinasabi ni Rosh.

"Kailangan ay naroon si Leticia sa mismong puno kung iniisip na mo baka may batang nabuo..." si Nikos na ang siyang sumagot.

Sa pagtigil niya sa Deeseyadah ay may mga kaalaman na rin siyang nalalaman tungkol sa paraan ng pamumuhay ng mga diyosa.

"Shit."

Ang kaninang prinsipe na buo ang loob at malaki ang tiwala sa kanyang kinikilalang hari ay ngayon ay kakikitaan na ng pag-aalinlangan.

"This is a huge mistake. This is a mistake. Hindi gagawin ni Dastan--"

Hinawakan ko na ang kamay ni Rosh. Tumungo siya sa akin at nag-angat ako ng tingin sa kanya habang panay ang pagluha ko.

"Tama na, Rosh... hindi ko na nais umasa. Nasasaktan akong lalo..."

Akala ko'y mananatili siyang nakatayo sa harapan ko, ngunit muli niya akong dinaluhan at siya na mismo ang nagpunas ng luha ko.

"Bakit kailangang magsabay-sabay ang suliranin mo?"

Hinawakan ko ang kamay niyang nakahawak sa aking pisngi. "Hindi ko na rin alam, Rosh. Hindi ko na alam..."

Si Nikos ay nanatiling nanunuod sa amin ng walang salita. Hindi ako iniwanan ni Rosh at ipinaramdam niya sa akin ang kanyang buong presensiya sa nakalipas ng ilang oras.

Hinayaan nila akong manatiling tahimik, nanatili akong nakaupo sa isang malaking ugat, ganoon din sina Rosh at Nikos habang paminsan ay nag-uusap na rin.

"Mabuti at pumayag si Divina na hiwalayan ka, Rosh."

"Hua's a good diversion."

"The princess is really fond of you."

"I know."

Lumingon na sa akin si Rosh. "Makabubuti siguro kung ipagpabukas na natin ang ritwal, Leticia. Ang iyong pahinga at kahandaan ang siyang higit na mahalaga. Hindi magandang pwersahin mo ang iyong sarili..."

Akala ko'y hindi na mauubos ang aking luha, ngunit nang sandaling salubungin ko ang mga mata ni Rosh, hindi na malabong imahe niya ang nakikita ko.

"Maayos na ako, Rosh. Mas hindi makabubuti kung hahayaan nating may masayang na oras."

Tinanaw ko ang kabuuan ng bulwagang kubo upang hanapin ang matandang babaylan.

Dapat kong paulit-ulit na ipaalala na ang pagiging reyna'y hindi lang para sa hari. Ang pagiging reyna'y para sa nilalang na kanyang pamumunuan at kailangang protektahan.

Pinili ako ng buwan... ng tadhana upang maging reyna, hindi lang dahil kay Dastan kundi sa kung anong abilidad mayroon ako na maaari kong gamitin upang itama ang lahat ng maling nangyari sa Nemetio Spiran na may bahid ng kamay ng mga diyosa.

Wala na akong magagawa, kahit ilang balde pa ang iluha ko, hindi niyon matatanggal ang katotohanan na hindi ako ang babaeng maghahandog sa kanya ng mga tagapagmana.

Maaaring ako nga ang karapat-dapat maging reyna, ang siyang may kapangyarihan at kakayahang mamuno sa lahat. Ngunit ang tungkulin higit na nais kong gampanan ay ibang babae ang gumanap.

Nakagat ko ang pang-ibabang labi ko.

Dapat magpatuloy ako at panindigan ang labang sinimulan ko. Buo man ang puso o pira-piraso...

Dahil nang sandaling tanggapin ko ang aking tadhana at sundin ang yapak ng isang reyna, hindi ko na pag-aari ang kalahati ng puso ko, dahil ang kalahating parte niyon ay hawak na ng Emperyo at ng katungkulan ko.

"L-Leticia, huwag mong pilitin ang sarili mo." Mas madiing sabi ni Rosh.

"Tama na, Rosh." Umiiling na sabi ko. "Dahil kahit anong gawin ko, wala nang mangyayari... napapagod na ako sa sakit. Napapagod na akong mag-isip na baka may ibang paraan... kung uunahin ko ang puso ko at ang sakit na nararamdaman ko, hindi tayo uusad. Walang makakamit na tagumpay ang paglalakbay na ito."

Ang ritwal na isinagawa ko sa pagitan namin ni Dastan ay may malaking posibilidad na gumana sa kanya.

Sa ginawa kong iyon, siguro'y higit siyang magkakaron ng pagkakataong bigyan ng pansin ang paparating na digmaan na hindi magagambala mula sa isiping may diyosang tumakbo mula sa kanya.

Na may Leticia... na nasaktan...

Dapat ay sa aking paglalakbay na ako lubos na magbigay ng atensyon. Ngunit paano ko iyon gagawin kung ang pagmamahal ko sa kanya'y higit sa lahat? Paano kung sa simula pa lang ay sa pagmamahal na iyon ako kumukuha ng lakas? Pagmamahal na siyang unti-unti rin kikitil sa akin.

Siguro'y naramdaman na ng matandang babaylan ang aking pangangailangan, dahil mabilis siyang nagpakita sa aking tabi upang bigyan ko siya ng hudyat sa aking pagsisimula.

"M-May paraan ka bang nalalaman?" tanong ko.

Hindi ko man iyon sabihin ng kumpleto sa kanya, alam kong nalalaman niya kung ano ang siyang ibig kong sabihin.

Ang matandang babaylang ito ang isa rin sa nagbigay sa akin ng kumpirmasyong ang hari'y totoong nagtaksil sa akin, katulad ng kanyang ama.

Akala ko'y sasagutin niya ako, ngunit tila hindi na nais pang pahabain ng matandang ang pagdurusa ko... o ang patuloy na pag-asa.

"Maraming maaaring maging epekto ang ritwal sa punong ito..." panimula niya. Hindi na ako nagulat sa kanyang sinabi. Ang bawat ritwal o kaya'y mga isinasagawang mahika ay laging may nakasunod na epekto.

"W-What? Side effects?" hinawakan muli ni Rosh ang aking palapulsuhan at bahagya niya akong inilayo sa matanda.

Mariin akong humarap kay Rosh at tinanggal ko ang kamay ko mula sa kanya.

"Rosh..."

"Ang punong ito ay tumubo matapos ang ritwal na isinagawa ng dating hari at reyna ng Parsua Sartorias. Ang mga susi ay pinaghiwa-hiwalay gamit ang kanilang sabay na presensiya... ibig sabihin ay mas mainam na gumamit ng dalawang presensiya upang ganap na makuha ang eksaktong mga lokasyon ng mga susi. Ngunit kung isang presensiya lang ang gagamitin..."

Hindi natapos ng matandang babaylan ang kanyang sasabihin dahil pinutol iyon ni Rosh sa panibagong katanungan.

Umawang ang bibig ko. "Can I help?" tanong ni Rosh.

Mariin akong umiling kay Rosh. Natatandaan kong sinaluhan ni Haring Thaddeus si Reyna Talisha sa loob ng bilog upang hindi masira ang katawan ng reyna.

May nangyari sa kanila habang ginagawa ang ritwal na iyon.

Siguro'y naintindihan ni Rosh ang pagiging tahimik ko at hindi pagsagot sa kanya, dahil sunud-sunod siyang inubo.

"I'm sorry. I can't help." Siya na mismo ang sumagot sa sarili niyang katanungan.

Wala sa sarili akong napalingon sa kanya, kasabay ng pag-usbong ng aking kuryosidad. Sa tagal ng panahon ng paghihintay niya sa babae mula sa salamin, minsan ba'y tumingin... o kaya'y tumikim siya ng iba?

Nagtama ang aming mga mata. Halos mapatalon siya. "Sorry... I can't help, Leticia."

Sa kabila ng nararamdaman kong bigat sa dibdib, hindi ko maiwasang tipid na mapangiti sa reaksyon niya. "Hindi ako humihingi ng tulong, Rosh."

Napahinga siya ng maluwag sa sinabi ko.

Ibinalik ko ang aking atensyon sa matandang babae. "Ano ang maaaring maging epekto kung iisa lamang ang magsasagawa ng ritwal?"

"Marami... maaaring mawalan ng kapangyarihan at manghina..."

Nanatili akong tahimik at hinintay pa ang mga salitang sasabihin niya. "Mawalan ng alaala... o kaya'y kamatayan."

Hindi ko alam kung bakit tila inasam-asam kong mangyari sa akin ang isa sa mga epektong iyon. Kung iyon na nga lang ba ang natitirang paraan upang ihiwalay ko ang matinding koneksyon ko sa kanya.

Ngunit sa sandaling mawala ang aking mga alaala, masisiguro ko ba na ang mawawala'y tanging siya lamang? Paano kung pati na rin ang paglalakbay na ito at ang mga ipinaglalaban ko?

Huminga ako nang malalim at muling tinanaw ang puno. "Handa na ako."

"May posibilidad ba na walang magiging epekto? Paano kung higit na malakas si Leticia laban sa ritwal na iyan?" tanong ni Rosh.

"Maliit lamang ang posibilidad." Mabilis na sagot ng matanda.

Biglang tumahimik si Rosh.

Bago ako tuluyang lumapit sa puno ay humarap na ako sa kanilang dalawa ni Nikos.

"Maraming salamat sa pagtulong sa akin sa paglalakbay na ito. Hindi ako makakarating sa kubong ito ng wala ang inyong mga tulong." Hinawakan kong sabay ang kamay nilang dalawa.

"Maghintay lamang kayo, pangako... magiging madali lamang ito..." marahan kong pinisil ang kanilang mga kamay.

"Leticia..." usal nilang sabay.

Hindi ko alam kung ano ang siyang nagtulak sa akin, ngunit kusang humakbang ang aking mga paa upang mas lumapit sa kanila. Tumingkayad ang aking mga paa at magkasunod kong binigyan ng yakap sina Rosh at Nikos.

Nang sandaling tuluyan ko na silang talikuran, kusa nang nagliwanag ang aking mga mata, bahagyang hinipan ng hangin ang aking katawan dahilan kung bakit sabay na sumayaw ang aking mahabang buhok at kasuotan, kasabay nang pagbabago ng aking anyo.

Pinili kong isuot ang puting kasuotan na siyang ginamit ko nang sandaling piliin ako ng buwan na siyang maging diyosang maglilingkod sa kanya.

Inilahad ng matandang babae ang kanyang kamay sa akin upang gabayan ako sa tamang daan na siyang aking dapat tahakin. Bawat apak ng aking mga paa'y sa sahig na may mga guhit ay may kaakibat ng kahulugan sa ritwal na isasagawa ko.

Akala ko'y hindi na ako tuluyang lilingon pabalik kina Nikos at Rosh. Ngunit nang sandaling makarinig ako ng ingay ay muli kong ibinalik ang aking mga mata sa kanila... ngumiti akong may luha sa mga mata.

Ang isang tuhod nina Nikos at Rosh ay kapwa nakaluhod, ang kanilang ulo'y bahayang nakayuko habang ang isa nilang kamay ay nakahawak sa kanilang dibdib. Isang paraan ng paggalang.

Paggalang sa kanilang kinikilalang reyna. 

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro