Chapter 27
Chapter 27
Luha
Nagmulat ang aking mga matang ang natutulog na hari ang siyang unang sinalubong. Gumuhit ang ngiti sa aking mga labi nang maramdaman ko ang mga brasong nakayakap sa akin sa ilalim ng kumot na nakabalot sa aming mga katawan.
"Dastan..." bulong ko sa nakapikit na Gazellian.
Ngunit wala akong naramdamang pagkilos mula sa kanya. Mahimbing na natutulog ang hari.
Sa dami ng pinaghirapan niya, nararapat lang siyang makaranas ng pahinga at ngayong ako'y nasa kanyang mga bisig.
Mas idinikit ko ang aking sarili sa kanya at marahan kong inilapat ang aking mga labi sa kanyang noo. Ngayong ako'y nasa kanyang mga bisig, nagagawa na niyang ipikit ang kanyang mga matang may kapayapaan.
"Mahal ko..." usal niya.
"Matulog ka nang mahimbing, Dastan, dahil paggising natin sabay nating haharapin ang Parsua..."
"Salamat, Leticia..."
Marahan kong pinagladas ang kamay ko sa mahabang buhok ng hari, hindi ko maiwang humanga sa kakisigan niya na ngayo'y nasisinagan ng liwanag ng kanyang sariling puno.
Nanatiling nakabukas ang malaking bintana ng silid, dahilan kung bakit ang manipis na kurtinang puti nito ay kasaluukuyang nililipad ng hangin, ang tindi ng liwanag na nagmumula ngayon sa puno ng Hari Sartorias ang siyang namamayani sa kabuuan ng gabi. Hindi lang sa aming silid... kundi sa kabuuan ng Parsua Sartorias.
Nakagat ko ang pang-ibabang labi ko upang patigilin ang aking pagngiti habang pinagmamasdan si Dastan. Ang kanyang puno'y sumisimbolo sa kanyang emosyon.
Napaligaya ko ang Hari ng Sartorias.
Bago ko muling ibinalik ang aking sarili sa pagkakatulog, mas isiniksik ko ang aking sarili sa kanya, ilang segundong pinaglaro ang tungki ng ilong sa kanya at kinintalan siya ng halik sa kanyang mga labi.
"Mahal na mahal kita, Dastan..." sumulyap ako sa boteng nakapatong sa maliit na lamesa.
Iyon ang ibinigay sa akin ni Naha na siyang ginagamit ng mga bampira upang hindi magbunga ang kanilang pagsisiping.
Ipinapangako kong bibigyan ko si Dastan ng napakaraming supling... ngunit hindi sa panahong ito. Sa panahong maaaring isilang siyang digmaan ang siyang sasalubong.
"Gusto ko sana'y prinsesa... ngunit alam kong nais mo'y prinsipe. Pangako sa susunod, Mahal ko..." bulong ko kay Dastan bago ko ipinikit ang aking mga mata.
***
Akala ko ay sa muling paggising ko'y liwanag na ng umaga ang sasalubong sa akin, ngunit hindi ang Sartorias ang siyang aking nakikilala ng aking mga mata sa mga oras na ito.
Nasa Deeseyadah akong muli. Mukhang dinala na naman ako ng aking panaginip sa mundong inakala kong habangbuhay akong mamahalin.
Ang puno ng En Aurete. Ang punong nagluwal sa akin. Ang punong siyang pinanggalingan ko. Sa harap ng puno ay isang diyosa. Hindi ko siya magawang pangalanan sapagkat ang kanyang mukha'y tila sadyang pinalabo upang hindi ko makilala.
"Leticia..." maging ang boses niya'y hindi ko makilala.
Kung sabagay... si Diyosa Neena lamang ang lubusang kilala ko sa Deeseyadah.
"Narinig ko ang iyong sinapit..."
"Hindi na ako nagugulat. Ang buong Deeseyadah ay nasisiguro kong nalalaman ang aking sitwasyon, isa akong taksil na diyosa."
Pinili kong hindi pagmasdan ang diyosang tagabantay ng puno, sa halip ay ibinigay ko ang atensyon sa mga diyosang sanggol na ngayo'y kapwa nasa loob ng bunga ng En Aurete.
Ngayon lamang ako nagkaroon ng pagkakataong lubos na pagmasdan ito.
"Hindi ako makakarating sa panaginip na ito kung wala kang nais iparating sa akin. Bakit ako naririto? Ano ang siyang nais mong sabihin?"
Biglang nawala sa aking harapan ang diyosa, marahas na sana akong lilingon sa aking likuran upang siya'y hanapin ngunit napasinghap ako nang mas makalapit siya at hawakan niya ang dulo ng aking buhok.
"Maaaring magtagumpay ka sa posisyon ngunit tila may nakakalimutan ka..."
Kumunot ang aking noo. "Hindi kita maintindihan..."
"Pinaalala kong nagmula ka sa Puno ng En Aurete, Leticia..."
Muli akong tumanaw sa punong sinasabi niya at sa mga bunga kung saan naroon ang mga sanggol na diyosa.
Hindi ko agad nakuha ang ibig sabihin niya nang ilang minuto, ngunit nang magtagal ang aking mga mata sa puno ay unti-unting rumehistro sa akin ang mensaheng nais niyang iparating sa akin.
Marahas kong tinabig ang kanyang kamay at napaatras ako. Ilang beses akong umiiling sa kanyang harapan.
"Kaya ko... ako ang siyang magbibigay sa kanya..."
"Wala kang kakayahan magdala ng buhay sa loob ng iyong katawan dahil nagmula ka sa Puno En Aurete."
Mabilis nag-init ang sulok ng aking mga mata habang wala akong tigil sa pagluha.
"Nagawa ni Reyna Talisha... nabigyan niya ng walong supling ang hari."
"Hindi nagmula sa En Aurete si Talisha, sa simula pa lang ay malaki nang pagkakamali ang diyosa ng mga alaaala."
Umawang ang bibig ko sa aking narinig. "Hindi maaari... gusto kong ako ang magbigay sa kanya... nangako ako sa kanya."
"Bumaba ka man sa lupa, Leticia, lagi mong tatandaan na likha ka pa rin ng Deeseyadah, at may mga bagay na kailanman ay hindi magbabago."
"Hindi..." marahas kong tinakpan ang tenga ko upang wala nang marinig sa kanya. Ngunit nagpaulit-ulit sa aking isipan ang kanyang mga salitang tila mga patalim na sumasaksak sa aking dibdib.
Nang gabing iyon, hindi ko alam na ang kaligayahang dulot ng pag-iisa namin ni Dastan ay masusundan ng sunud-sunod na masalimuot na mga panaginip, dahil matapos akong dalhin sa Deeseyadah ay sumalubong sa akin ang pagtatalo nina Haring Thaddeus at Reyna Talisha.
Ang kamatayang hindi ko inaasahang magmumula sa kamay ng isang diyosang nagmamahal lamang.
Hindi ko maiwasang maalala ang nakaraan. Hindi ko akalain na gagambalain pa rin ako ng bangungot na iyon. Umaasa ako na sa sandaling matapos ang paglalakbay na ito at sa muli naming pagsasama ni Dastan ay maaari kaming humanap ng solusyong magkasama.
Maaaring sa kanyang puno... maraming paraan. Ngunit si Dastan, ang inakala kong hari na marunong maghintay ay tila nakahanap na ng ibang solusyon.
Masisisi ko ba siya? Papalapit na ang pangmalakihang digmaan. Buhay niya ang siyang nakasalalay sa bawat takbo ng oras at kailangan ng prinsipe na papalit sa kanyang posisyon kung sakaling may mangyaring hindi naaayon sa kanyang plano.
Wala ako sa piling niya.
Siya'y hari at may emperyong pinangangalagaan. Kailangan niya ng anak... kailangang isilang ng bata bago pa man mangyari ang digmaan.
Pinahid ko ang tumakas na luha sa aking mga mata at mas tinuon ko ang aking atensyon sa punong walang buhay.
"What the hell is going on? Ano ang ibig niyang sabihin?" nalilitong tanong ni Rosh.
Sinimulan ko na muling humakbang patungo sa puno. "Itutuloy ko na ang ritwal."
"Leticia." Mas madiing tawag sa akin ni Rosh.
Hindi ko na siya pinansin. Ayokong humarap sa kanilang lahat. Makikita nilang sa kabila ng pagputol ko sa koneksyon namin ni Dastan ay lubos pa rin akong nasasaktan.
Buntis na si Alanis.
Hindi akin ang prinsipeng sinasabi ng matanda. Wala akong kakayahang magdala ng buhay dahil galing ako sa Puno ng En Aurete, gumamit kami ng langis at lalong wala akong nararamdaman na buhay sa sinapupunan ko!
Hindi akin ang panganay. Hindi siya naghintay. Kailangan niyang tuparin ang kanyang tungkulin.
Dahil simula pa lamang nang magkrus ang mga landas namin ni Dastan, hindi lang iyon tungkol sa pagmamahalan naming dalawa. Ang istorya namin ay hindi lang umiikot sa aming pag-ibig kundi sa walang katapusang tungkulin at responsibilidad!
Ganoon ang mga hari at reyna... tungkulin muna bago pag-ibig. Dahil maraming buhay ang siyang umaasa sa amin, maraming buhay ang siyang dapat ipaglaban at ang mga puso namin ang siyang huli naming dapat bigyan ng pansin.
Trono.
Siguro nga'y hanggang trono lamang at kapangyarihan ang siyang maigagawad ko sa Nemetio Spiran...
"Leticia!"
Akala ko'y hahayaan na ako ni Rosh na ipagpatuloy ang pagtahak sa patay na puno nang marahas niyang hinila ang aking palapulsuhan at iniharap niya ako sa kanya.
Hindi ko na nagawang itago ang mga luha sa aking mga mata at tuluyan na akong pinagmasdan ng tatlong lalaki na ngayo'y kapwa may bahid ng matinding pagtataka.
"A-Ano ang nangyayari?"
Akala ko'y manhid na ako, malakas at magagawang kalimutan siya sa kaunting mahikang iyon. Ngunit talaga palang higit na mas malakas ang pagmamahal ng mga diyosang katulad ko.
Siguro'y nagtagumpay akong tanggalin iyon kay Dastan, ngunit sa akin ay nagtraydor ang sarili kong kahilingin.
"A-Are you pregnant?"
Gusto kong sumagot ng oo sa kanya. Gusto kong akuin kay Rosh at sabihin na ako ang ina ng paparating na prinsipe, sana ako na lang.
Sana ako na lang. Ngunit wala akong kakayahan.
Hindi ako ang ina ng unang anak ni Dastan.
Tuluyan nang nanghina ang aking tuhod. Ngunit alerto si Rosh at agad niya akong inalalayan upang hindi ako matumba.
"Hindi ako, Rosh... hindi ako ang siyang sinabi niya."
Nagsinghapan sina Hua, Nikos at Rosh. Nakita kong tinakapan ni Nikos ang tenga ni Divina upang hindi nito marinig ang usapang nararapat lamang sa matatanda.
"Nagbunga..."
Marahas napatayo si Rosh. "This is a mistake. It could be another woman from Gazellian. Baka buntis ulit si Claret? It could be Kalla, Lily... or Naha." Napangiwi si Rosh nang banggitin niya ang pangalan ni Naha.
Bago pa man ako umalis ng Parsua Sartorias, narinig ko na ang plano ng mga babae sa palasyo ng Parsua Sartorias.
Wala pang balak si Lily na sundan ang kambal, hindi pa rin nais ng Prinsipe ng mga nyebe na sundan si Divina, natatakot pa rin hanggang ngayon si Kalla dahil sa malaking trauma niya sa puting sumpa, at lalong hindi pa rin nais ni Evan na magkaanak sila ni Naha.
Sa kanilang magkakapatid, tanging si Dastan lang ang nangangailangan ng anak sa gitna ng digmaan. Bakit hindi ko agad naisip ito? Sana'y sinubukan ko, sana'y hindi na ako nag-alinlangan, baka sakaling may nabuo.
Hinawakan ko ang tiyan ko at pilit kong dinaman kung may buhay, kung may nabuo sa nangyari sa amin ni Dastan, ngunit wala akong maramdaman...
Sa halip ay bumabalik sa akin ang mga alaala ng pinag-usapan namin ng diyosa na siyang nangangalaga sa Puno ng En Aurete.
Ang mga responsibilidad ni Dastan at ang mga pangako na hindi ko magagampanan sa kanya.
Ako'y mananatili pa rin kanyang reyna... dala ang aking kapangyarihan at lahat ng karanasan ngunit may pinakamalaking kakulangan.
Hindi ko na mapigil. Pilit kong pinupunasan ang mga luhang nag-uumapaw mula sa aking mga mata.
Wala akong tigil sa pagpunas. Bakit hindi natanggal? Bakit hindi nawala ang pagmamahal ko sa kanya? Mahal na mahal na mahal ko pa rin siya at ang sakit na ang batang inaasam-asam niya ay hindi galing sa akin.
Hindi galing sa akin...
Bumalik sa akin ang mga alaala ni Dastan at ang tipid niyang mga ngiti at halakhak sa tuwing kasama niya sina Divina, Dawn at Dusk. Hindi man sabihin sa akin ni Dastan, ngunit nakikita ko na noon pa man sa kanyang mga mata ang pagnanais niya ng mga supling.
Ngunit dahil nirerespeto niya ang desisyon ko, hinayaan niya ako at hindi siya humiling sa akin ng bagay na nais niya.
Nagsisisi ako... sana'y sinubukan ko... sumugal dahil ang buhay sa sinapupunan ko na siyang bunga ng aming pagmamahalan ang siyang pinakamatibay na patunay ng aming pagmamahalan... hindi lang para sa amin kundi sa buong emperyo.
Ngunit ito at nahiwalay na kami sa isa't isa. Paghihiwalay na dulot ng tungkulin at responsibilidad.
Bakit ganito kahirap ang kailangan kong maramdaman? Bakit hindi na lang hayaan ng tadhanang maging masaya ang diyosang katulad ko?
Bakit kailangang maranasan ng diyosa mula sa kasaysayan, ni Reyna Talisha at maging ako ng lahat ng paghihirap na ito?
Ang tanging ginawa lang namin ay magmahal ng wagas. Nagmahal lang kami ng mga nilalang na nasa lupa, ito na ba ang kaparusahan? Kasalanan ba ang magmahal?
Bakit hindi kami bigyan ng pagmamahal na walang kapalit na matinding sakit? Bakit ganoon?
Hindi lang daang punyal, kundi libo-libong punyal na ang siyang nararamdaman ko sa puso ko.
Umaasa ako na sana'y matanggal...
Nag-angat ang aking mga mata kay Rosh na tila humihingi ng tulong sa kanya. Ngunit maging siya'y hindi ako matingnan ng diretso. Maging siya'y hindi alam kung paano tutulungan ang katulad ko.
Ang problema sa pag-ibig na maging siya'y hindi rin malutas.
Gusto ko nang hawakan ng puso ko at patigilin iyon sa patibok, dahil sa bawat tibok niyon ay mas tumitinding kirot, na hindi ko na alam kung magagawa ko pang lunasan.
Lumuhod na sa harapan ko si Rosh at ang tanging ginawa niya na lamang ay yakapin ako ng mahigpit at hayaan akong humagulhol ng pag-iyak.
"Sana ako na lang, Rosh... sana ako na lang..." ngunit wala akong buhay na maramdaman.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro