Chapter 26
Chapter 26
Katanungan
Ang inakala kong pananatili namin sa karwahe ay hindi rin nagtagal dahil sa lakas ng pwersang humihila sa amin patungo sa bangin.
Ngayo'y kapwa kami nakasabit sa karwahe at mariin na nakakapit dito gamit ang aming sariling mga kapangyarihan. Gamit ko ang aking gintong tali habang kapwa nakahawak doon ang aking kamay. Si Rosh ay ang kanyang halaman, habang ang isa niyang braso ay nakapulupot kay Divina, sina Hua at Nikos ay kapwa sariling kamay ang mga gamit upang manatiling konektado sa karwahe.
Habang tumatagal ay ramdam ko ang mas lalong pagbulusok namin.
Tila kami'y nilalamon ng bangin at dinadala sa mas nakapangangambang kadiliman.
Ang sigaw ni Divina ang siyang namamayani sa bawat segundong lumilipas.
Anumang oras ay mararating na rin namin ang dulo ng banging ito at kailangan namin ng bagay na siyang maaaring sumambot sa amin. Naglabas akong muli ng mga punyal na siyang nagsisilbing liwanag namin.
Hindi ko pa magawang matanaw ang ibaba... ang dulo ng bangin na ito.
"Hua and I will handle the carriage." Sabi ni Nikos.
Pangalawang karwahe na itong ginagamit namin, nag-aalala na akong sa sandaling makababa kami ay wala nang buhay ang aming mga kabayo.
Tipid akong lumingon kay Nikos at tumango sa kanya. Hindi ko na naman kailangang sabihin kay Rosh ang siyang dapat niyang gawin. Siya ang pinili ng prinsesang magprotekta sa kanya.
Mas itinuon ko ang aking atensyon sa babagsakan namin.
"Ilog!" sigaw ni Hua.
Iyon din ang siyang nakikita ko. Ang kaalamang tubig ang siyang sasalubong sa amin ay hindi sapat upang makaramdam kami ng kaligtasan.
Inihanda ko na ang aking nagliliwanag na kamay upang alalayan ang sarili ko sa aking pagbaba. Si Rosh ay gumawa rin ng paraan gamit ang kanyang halaman, si Hua ay muling nagbago ng kanyang anyo, habang si Nikos ay nanatiling nakahawak sa karwahe upang umalalay.
"Mababaw lang." Usal ni Rosh.
Naunang nakababa sina Hua, Nikos at ang karwahe dahilan kung bakit marahas na umapaw ang tubig. Sabay-sabay kaming nabasang tatlo sa ere bago tuluyang lumapat ang aming mga paa sa tubig.
"It's cold!" sigaw ni Divina na may kasamang pagtawa.
"Goodness! We landed safely." Nanghihinang sabi ni Nikos na humiga na sa bubong ng karwahe dahil sa pagod.
Ibinalik ni Hua ang binatilyo niyang anyo at katulad ni Rosh ay napaupo na rin siya sa pangpang ng ilog. Tanging si Divina lang ang siyang may natitirang lakas, dahil nagtatampisaw na siya sa tubig habang nilalaro si Rosh na wala nang reaksyon.
Nanatili ako sa gitna ng ilog, kalahati ng binti ko ay nakalubog habang ang aking mga mata'y naglalandas sa paligid.
Akala ko'y walang katapusang rumaragasang tubig ang siyang sasalubong sa amin, ngunit tila ang banging ito'y parte lang ng kagubatan. Pero kung lubos kong gagamitin ang aking konsentrasyon, malalaman kong malaki ang pagkakaiba ng presensiya nito mula sa tulay o sa kagubatan.
"Nandito na tayo..." mahinang bulong ko.
"Yes..." usal ni Rosh.
Hinayaan ko lamang muna silang magpahinga at bawiin ang kanilang mga lakas, bago ko sinabi sa kanilang kailangan na namin kumilos.
"Hindi na namin kailangang sumakay sa karwahe. Ilang minuto lang ng paglalakad... alam kong mararating na natin ang kubo..."
Pinili namin iwanan ang karwahe at ang mga kabayo upang bigyan ang mga iyon ng sapat na pahinga.
"Goddess of the Moon..."
Napatungo ako kay Divina na hinawakan ang aking kamay at sinabayan ako sa paglalakad. Akala ko ay hindi na siya hihiwalay kay Rosh.
Kahit si Rosh ay tila nagulat nang humiwalay sa kanya si Divina, nang sandaling magtama ang aming mga mata ay nagkibit balikat lang siya bago siya namulsa.
Kaming dalawa ni Divina ang nangunguna sa paglalakad habang pinili ng tatlong lalaki na manatili sa aming likuran. Alam kong sa kabila ng panatag na presensiyang nararamdaman namin, alerto pa rin silang tatlo sa maaaring mangyari.
Habang tumatagal ay mas tumataas ang mga halaman na siyang aming nadadaanan, kaya hinahawi pa namin ang mga iyon upang makita namin ang aming dapat tahakin.
Nakailang hawi ako ng naglalakihang halaman, hanggang sa tuluyan ko nang naramdaman ang presensiyang pinaka-inaasam ko.
Ang presensiya ng kubo na naging pamilyar sa akin nang sandaling ipakita sa akin ni Haring Thaddeus ang nakaraan.
Mas malaking halaman ang siyang nakaharang sa amin, ngunit hindi iyon hadlang upang sabay-sabay namin iyon hawiin. At nang sandaling ang mga daho'y nahawi...
Aming mga mata'y napako sa munting kubo... sa kubo kung saan nagsimula ang lahat. Ang lugar kung saan pinaghiwa-hiwalay ang susi...
Susi sa kapangyarihang hinahangad na kahit sinong nilalang na nabuhay sa Nemetio Spiran.
"N-Narito na tayo..." nangangatal ang boses ko.
Halos hindi na ako makapaniwala. Ang dami na naming napagdaanan at ilang beses na akong pinanghinaan ng loob upang marating ang lugar na ito...
Ngunit ngayo'y abot kamay ko na. Nasa harapan ko na.
Wala sa sarili akong humakbang patungo roon. Ramdam ko ang pagpisil ni Divina sa aking kamay.
Ang kubong walang buhay ay unti-unting nagkaroon ng kulay at buhay. Napasinghap ako nang lumingon akong muli kay Divina.
Muntik ko nang makalimutan na ang kubo'y magbubukas lamang kung may kikilanin siyang parte ng susi... si Divina... ang susing iginawad ni Haring Thaddeus kina Claret at Zen sa halip na isang relikya.
Sa mahabang buhok ni Divina ay may naglalabasang nagliliwanag na kulisap na tila matagal na ang mga iyon naninirahan sa kanya.
Ang basbas ni Haring Thaddeus.
"Wow..." namamanghang usal ni Divina habang pinagmamasdan ang mga nagliliwanag na alitaptap.
Sinubukan niyang hulihin ang bawat alitaptap na nagmumula sa kanya ngunit lumalayo ang mga iyon sa tuwing kanyang hahawakan. Dahil sa pagkawili ng munting prinsesa, tuluyan na niyang tinanggal ang isa niyang kamay sa akin at wala sa sarili niyang hinabol ang mga alitaptap na unti-unti siyang dinada sa kubo na ngayo'y higit na nagliliwanag sa mas dumaraming alitaptap.
Kahit sina Nikos, Hua at Rosh ay napatulala sa kabuuan ng lugar. Hindi iyon kasing ganda kumpara sa magagandang lugar na nakikita namin sa Parsua o kaya'y sa mga daan na maaari namin tinahak patungo rito. Ngunit may kung anong presensiyang inilalabas ang munting kubo na magpapatulala sa kahit sinong mga mata...
Tahimik, simple at unti-unting nagliliwanag mula sa maliliit na butil. Nang banayad na umihip ang hangin at kusa kong hinawakan ang buhok ko, hindi man lang natinag ang misteryong inihahatid ng kubo.
"I'm starting to have goosebumps..." usal ni Nikos.
"Something is wrong in this place." Dagdag ni Hua.
Akala ko'y maganda na ito sa larawang ipininta ng hari, sa aking panaginin, ngunit tila ang kubo'y maihahalintulad sa isang magandang kalidad ng alak, na sa pagtagal ng panahon ay higit na nagiging kaakit-akit...
Hitik sa misteryo.
Bago pa man makarating sa pintuan ng kubo ay kusa na iyong nabuksan. Ang kubo'y tuluyan nang kinilala ang isa sa susi.
"Let's go." Ani ni Rosh.
Nauna na siyang humakbang patungo sa kubo. "Divina, huwag kang makulit. Come here."
Sumunod agad sa kanya si Divina na inilahad ang kanyang mga braso. "Carry me, Prince Rosh."
Hindi na nagsalita si Rosh at binuhat na niya si Divina. Lumingon siyang muli sa akin at tumango. Gusto niya pa rin ay ako ang maunang pumasok.
Huminga ako nang malalim at humakbang papalapit sa kubo, pero ramdam ko ang presensiya nilang apat sa aking likuran na handang gumabay sa akin kung anuman ang mangyari.
"We're here, Leticia. It's okay..." sabi ni Rosh nang maramdaman niya ang pag-aalinlangan ko.
"Salamat..."
Mariin muna akong pumikit bago ako taas noong humarap sa pintuan ng kubo.
Nagsimula na akong humakbang, mga hakbang na tila kay bigat dahil sa bawat lapat nito sa lupa ay naririnig ko ang malakas na ingay nito.
Alam kong ilang hakbang lamang ang aking ginawa, ngunit tila kay layo na ng nilakad ko dahil sa tindi ng tensyon, ramdam ko ang paglandas ng pawis sa aking noo at maging ang hindi kumakalmang tibok ng puso ko.
Bumilang ako ng hanggang tatlo ngunit hindi nawala ang kaba ko, muli kong ipinikit ang aking mga mata at umaasa na mawala iyon tensyon, ngunit nang sandaling magmulat ako...
Tuluyan nang sumalubong sa akin ang kabuuan ng kubo. Kaiba sa unang beses na ito'y nasaksihan ko.
"Oh my goodness... what kind of ritual is—" hindi na maituloy ni Nikos ang kanyang sasabihin.
Ibang-iba ang bulwagan kung saan sabay pinaghiwalay nina Haring Thaddeus at Reyna Talisha ang mga relikya. Dahil sa abot ng aking pagkakaalala... wala iyong puno sa gitna.
Punong walang buhay, dahil tanging kahoy lamang iyon at mga sanga. Wala man lang kakikitaan ng maliit na dahon. Ngunit ang malaking pupukaw sa pansin ng lahat ay ang hugis ng natindig na tuyong puno na tila may katawan doon na ipinako o kaya'y sinakripisyo.
Ang sahig ng kubo'y katulad pa rin ng dati na may iba't ibang guhit na konektado sa punong nasa gitna. Kung hindi ako nagkakamali ay roon tumayo sina Haring Thaddeus at Reyna Talisha... sa posisyon ng punong iyon nabuo si...
Nanlamig ang puso ko ng saglit kong maalala ang kanyang pangalan.
Nagkalat ang malalaking ugat ng puno sa kabuuan ng kubo. Bahagyang lumuhod si Rosh habang nananatili siya buhat si Divina upang hawakan ang ugat ng puno.
"Alive... but looks dead."
"May bantay rito... nagtatandaan ko." Nang sabihin ko iyon ay iginala ko ang aking mga mata na tila magagawa kong mahanap ang babaylan na siyang nakausap ni Reyna Talisha.
Ngunit ilang daang taon na ang lumipas simula nang gawin nila ni Haring Thaddeus ang ritwal, malaki ang posibilidad na ang matanda'y hindi na nabubuhay pa sa mundong ito.
"Mabubuhay mo ba, Rosh?" tanong ni Nikos. Lumapit siya kina Rosh at Divina at dinungaw niya ang kamay ni Rosh na nakahawak pa rin sa ugat ng puno.
"I can't. This is a sacred place. Wala akong karapatang galawin ang puno rito kahit gustuhin ko."
Nanatiling nakahawak ang kamay ni Rosh sa puno at marahan niyang ipinikit ang kanyang mga mata. Narinig ko ang singhap ni Divina na nakayakap sa leeg ni Rosh habang hindi mawala ang kanyang titig sa prinsipe.
"My boyfriend is concentrating... shhh..." inilagay ng prinsesa ang kanyang daliri sa tapat ng kanyang labi at lumingon siya sa amin.
Sabay ngumisi sina Hua at Nikos bago tumango kay Divina.
"The tree is whispering..." usal ni Rosh. "It's faint... I can't hear it clearly..."
Lumuhod na rin ako at katulad ni Rosh ay sinubukan kong humawak sa ugat ng puno. Ngunit nang sandaling gawin ko iyon ay biglang may eksenang pumasok sa isipan ko, malabo iyon, ngunit nakaramdam ako ng matinding kirot sa dibdib.
Isang malakas na pwersa ang siyang nagtulak sa akin papalayo sa puno.
"Leticia!"
Bago pa man ako tuluyang tumilapon sa labas ng kubo ay mabilis nagtungo sa aking likuran si Nikos upang ako'y alalayan.
Wala na sa konsentrasyon si Rosh dahil siya ngayo'y nakamulat na at gulat na nakatitig sa akin.
"What happened?" tanong niya.
"Kung may ibinubulong siya sa 'yo, Rosh... may nais siyang ipakita."
Sabay-sabay kaming muling tumanaw sa malaking puno. Namayani ang katahimikan sa kabuuan ng kubo.
Akala ko'y isa sa amin ang babasag nito at makakaisip ng sunod na hakbang na siyang aming tatahakin...
"Ano ang ginagawa n'yo rito?"
Halos mapatalon kaming lahat sa tindi ng pagkagulat nang makarinig ng boses mula sa aming likuran. Inilabas ni Nikos ang kanyang asul na apoy, si Hua ay ang kanyang espada, gumapang ang mga halamang ugat ni Rosh mula sa labas, ngunit ako'y nanatiling nakatayo at walang ginawa.
Nakikilala ko ang matandang babae, kung gayo'y nananatili siyang buhay.
Malakas na hangin ang pumatay sa apoy ni Nikos, tumilapon ang espada ni Hua at naputol ang mga gumagapang na halamang ugat ni Rosh.
Itinaas ko ang aking kamay sa ere. "Siya ang bantay sa lugar na ito..."
"Ipakilala n'yo ang inyong mga sarili bago ko kayo ihalo sa punong ito at—" agad akong mas lumapit sa matanda at nagyuko ako sa kanya bilang paggalang.
Nagsinghapan sina Nikos, Hua at Rosh, dahil kinikilala nila akong isang diyosa at reyna, ang pagyuko ay hindi ko dapat ginagawa.
Ngunit hindi na ako ang reyna...
"Leticia... isa ako sa mga diyosa mula sa Deeseyadah, ang diyosang kasalukuyang nagmamay-ari ng buwan."
"Mula na naman pala sa Deeseyadah."
"Narito ako upang kolektahin ang susi... ang susing pinaghiwa-hiwalay nina Haring Thaddeus at Reyna Talisha..."
"Upang?"
"Hindi naman lingid sa inyong kaalaman ang nalalapit ng pangmalakihang digmaan sa mundong ito, nagbalik ang dalawang emperyong pinili kong maglaho sa pagsugal kong labanan ang sumpa sa pagitan ng mga lobo at bampira, ngayo'y sila'y naghihiganti at patuloy na nakahahanap ng mga emperyong kanilang magiging kaalyansa sa darating na digmaan... higit na malaking digmaan kumpara sa labanan ng mga lobo at bampira...narito ako upang itama ang aking pagkakamali..."
"Ngunit ang susi'y nararapat lamang mapasakamay sa isang reyna... nakikita kong hati na ang puso mo sa titulong iyon..."
"W-What? You are the Queen, Leticia. Ano ang sinasabi ng matandang iyan?" iritadong tanong ni Rosh.
Mukhang nakalimutan ni Rosh ang sinabi ko sa kanya sa karwahe.
"You are the only Queen of Parsua, Goddess of the Moon." Dagdag ni Divina.
Kahit sina Hua at Nikos ay ganoon din ang sinabi sa akin. Kinagat ko ang pang-ibabang labi ko.
Ang titulo'y hindi lang naman tungkol sa kanya... kundi sa kaligtasan ng napakaraming nilalang. Hahayaan ko ba iyong mapunta sa ibang kamay dahil lamang sa puso kong winasak.
Ang paglalakbay na ito'y ang siyang humuhubog sa akin upang maging isang reyna, bakit ko iyon bibitawan kung ang hari'y lumihis ng landas at naghanap ng ibang init ng iba?
Ako ang reyna.
Ako lamang ang natatanging uupo sa tronong iyon.
"Ako'y isang diyosang bumaba sa lupa... at nakatakdang mag-reyna sa mundong ito. Handa na akong simulan ang ritwal..."
Sa sulok ng aking mata'y nakita ko ang tipid na pagguhit ng ngiti ng matandang babaylan sa akin.
"Leticia..." usal nilang lahat.
Sinimulan ko nang humakbang papalapit sa walang buhay na puno at ang bawat hakbang ng mga paa ko'y natatapakan ang mga nakaguhit na simboliko sa sahig ng kubong bulwagan.
Sa bawat hakbang ko'y inakala kong ang aking pagiging reyna lamang at ang tungkulin ang siyang yayakap sa akin, ngunit sa kabila ng bulong ko sa buwan at asul na apoy... nakikita ko pa rin ang imahe niya.
At ang sakit na akala ko'y panlalamig at pagmanhid na lamang ay muling nabuhay sa huling katanungan ng matandang babaylan.
"May munting prinsipeng paparating, Diyosa ng Buwan, siya ba'y matatanggap mo?"
Munting prinsipe na hindi sa akin unang nanggaling.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro