Chapter 24
Chapter 24
Kagubatan
Tila naiintindihan ng lagusan ang aking sitwasyon dahil hindi na ako bumilang ng segundo nang bigla itong nagpakita sa akin. Mas binilisan ko ang aking paglipad sa takot na magawa pa akong sundan ni Dastan.
Hindi ko na talaga kaya... ang pagmamahal ko'y may hangganan din, ang sakit na kaya kong tanggapin ay may limitasyon din at higit sa lahat, ang diyosang katulad ko'y napapagod rin.
Ngayo'y ang paghanga ko'y hindi ko na mawari kay Reyna Talisha, paano niya nagawang mabuhay sa sakit sa kaalamang...
Sa kaalamang...
"Paalam, Dastan..."
Nang sandaling tuluyan na akong nakadaan sa lagusan at dalhin ako nito sa loob ng karwahe, agad akong bumalik sa aking totoong anyo. Ramdam ko pa rin ang matinding panlalamig ng buong katawan ko.
"L-Leticia..."
Hindi ko magawang salubungin ang mga mata ni Hua o kaya'y magsalita man lang. Halos hindi ko na magawang pangalanan ang natitirang emosyong nararamdaman ko.
Siguro'y ngayo'y nakakaramdam pa rin ako, ngunit alam kong unti-unti'y magmamanhid ako at tuluyan nang makakalimot sa sakit na dulot ng aming pagmamahalang hindi ko na kayang panghawakan pa.
Kumuyom ang mga kamay ko na nakapatong sa aking mga hita.
"Magmanhid ka na. Magmanhid ka na. Magmanhid ka na..." paulit-ulit na bulong ko sa isipan ko.
"Ano ang nangyari?" tanong muli ni Hua.
Umiling lamang ako sa kanya. Hindi na niya ako pinilit at pinili niya na lamang hayaan akong manahimik sa loob ng karwahe habang nakatulala sa lugar na siyang aming dinaraanan.
Oras ang lumipas bago ako natauhan sa aming sitwasyon. Naliligaw kami at hanggang ngayon ay hindi mahanap nina Nikos at Rosh ang daan na siyang dapat namin tahakin.
"Where are you going, Goddess of the Moon?" tanong ni Divina na ngayo'y kalaro si Hua.
"Outside. Kailangan nina Rosh at Nikos ang tulong ko."
"Divina wants to come too."
"You stay here with Hua, be a good girl, okay? I'll be right back." Pansin ko pa rin ang matinding paninitig sa akin ni Hua na parang may napapansin na siyang matinding pagbabago sa akin. Maging si Divina ay ganoon din ang reaksyon sa akin.
Sanay siyang may kasamang lambing at hinahon ang mga salita ko, ngunit ngayo'y tila may halong lamig.
Siguro'y mabagal ang proseso ng ginawa kong pagtanggal sa koneksyon naming bilang itinakda sa isa't isa dahil sa tuwing ang kanyang mukha'y sumasagi sa aking isipan ay kumikirot pa rin ang dibdib ko, ngunit siguro'y sa sandaling maabala ako at ituon ko ang aking atensyon malayo sa kanya.
Unti-unti'y... makakalimutan ko na ang sakit at ang pagmamahal na sana'y pinagsasaluhan namin.
Lumipad ako sa labas ng karwahe at nagtungo ako sa unahan, narinig ko ang pagtatalo nina Nikos at Rosh na tila nalilito na rin sa daan.
"Hindi ba't dumaan na tayo riyan?" tanong ni Rosh.
"Sa kabila tayo dumaan, Rosh." Sagot ni Nikos.
Nanatili akong nakalutang sa bubong ng karwahe habang nakatungo sa kanilang dalawa.
"Ilang oras na tayong umiikot, Nikos. Sana'y nakarating na tayo sa kubo."
"Maaari ba akong tumulong?" tanong ko sa kanilang dalawa mula sa ere.
Sabay nag-angat nang tingin sina Nikos at Rosh sa akin, ngunit kakaiba ang rumehistro sa kanilang mga mukha. Hindi pagkagulat na ako'y nasa himpapawid o nasa taas ng bubong, kundi kunot sa noong tila may hindi sila maintindihan.
"Kanina ka pa riyan, Leticia?" tanong ni Nikos.
Tumango ako. Bumaba na ako sa karwahe at piniling pumagitna sa kanilang dalawa.
"Y-Your presence is different..." ani ni Rosh. "Something is absent..." dagdag niya.
"Someone." Pagtatama ni Nikos.
Suminghap si Rosh. "I... I can't feel him in your..." hindi niya magawang ituloy ang kanyang sasabihin.
"What happened inside the carriage? Paanong—"
"Paumanhin ngunit hindi ko na nais makarinig ng katanungan tungkol sa kanya at sa koneksyon mayroon kami. Hindi na ako ang kanyang reyna."
Napatayo si Rosh sa karwahe sa kabila ng patuloy na pagtakbo ng kabayo. "Ilang oras lang akong nawala sa loob ng karwahe—"
Mariin akong napapikit. Maaari ba na hindi na kami dumaan sa usaping ganito? Na walang magtataka kapag hindi na nila maramdaman ang presensiya ng Hari ng Sartorias sa akin?
Sinabi ko sa sarili ko na hinding-hindi ko sisirain ang pangalan ni Dastan sa harap ng ibang bampira, lalo na sa mga nilalang na mataas ang tingin sa kanya.
Ngunit punung-puno na ako. Sawang-sawa na ako sa kaalaman nilang perpekto si Dastan at kaya niyang gawin ang lahat ng tama para sa pagmamahal.
Oo, pagmamahal para sa emperyo... ngunit hanggang doon na lamang iyon.
"Kakapit pa ba ako sa kanya, Rosh? Kung ibang babae na ang kinakapitan niya gabi-gabi? Tapos na kami ng Hari ng Sartorias. Halos isang oras akong sumuka ng dugo ng gabi bago n'yo ako nakitang walang malay sa pangpang ng isang batis. Bampira ka, kayo ni Nikos at alam n'yo ang isa sa indikasyong may ibang nilalasap na nilalang ang kabiyak mo."
Sagot ko na hindi man lang kumukurap sa unahan. Tanging ingay ng karwahe ang siyang namayani ng ilang minuto habang kapwa nakatitig sa akin sina Nikos at Rosh na hindi makapaniwala sa kanilang narinig.
"Kilala ko si Dastan, Leticia... hindi niya magagawa ang bagay na iyon."
Marahas akong lumingon sa kanya at ang mga mata ko'y matatalim ang ibinibigay. "Nagmula mismo sa kanya ang kumpirmasyon, Rosh. Alam kong nasa kanya ang katapatan mo at maiintindihan ko kung pipiliin mo na rin putulin ang pagtulong sa akin upang bumalik sa Parsua para—"
Naupo siyang muli sa karwahe at hinawakan niya ang tali ng kabayo.
"My loyalty is yours, and I'll die fighting for this journey, but I refused to believe about him cheating on you."
"Hindi kita pipilitin."
Narinig kong saglit na tumawa si Nikos. "Like father like son, I guess."
"Shut up, Clamberge IV!" sagot sa kanya ni Rosh.
Nabaling na ang atensyon namin sa daan kung maging ang mga kabayo namin na nagsisimula na rin magpakita ng sintomas ng kalituhan.
Naglabas akong muli ng aking punyal at ang bawat puno na siyang dinadaanan namin ay nilalagyan ko na palatandaan.
"Bakit hindi mo agad iyon naisip, Rosh?"
"My roses can't glow in the dark, Nikos. Hindi rin natin makikita kung sandaling bumalik lang pala tayo."
Hinayaan ko silang magtalong dalawa habang nasa daan ang konsentrasyon ko. Bawat punyal na iniwan ko sa katawan ng puno ay mas pinagliliwanag ko, pero ramdam ko na umiikot pa rin kami.
Pinaglalaruan ko na ang isang punyal na nasa aking kamay habang patuloy sa paglipad ang iba patungo sa bawat puno. Tila hindi nauubos ang mga puno na hindi ko nalalagyan ng palatandaan.
"This is a trick again..." ani ni Hua.
Tumango si Rosh. "Nang lumabas si Leticia, ngayon ko mas napagmasdan ang mga puno sa paligid. Hindi sila ganoong karami... iilan lang ang klase ng puno na nakapalibot sa atin. Tatlong klase."
Nanatili kaming nakikinig ni Nikos. Kung usapang halaman si Rosh ang siyang dapat naming pakinggan.
"Can you see?" ani muli ni Rosh.
Gumala ang mga mata namin sa bawat puno na nilalagyan ko ng punyal na nagliliwanag. Totoo nga ang sinasabi ni Rosh, tatlo lamang ang klase ng puno sa paligid.
"Sa umpisa pa lang ay inililigaw na tayo ng kwebang ito." Sabi ni Rosh.
"Are we inside the mist again? Katulad ng sa tulay na nagkakaroon ng kakaibang mundo?"
"Probably." Tipid na sagot ni Rosh.
"Buhay ang kagubatan..." ani ni Nikos.
"Sa mundong ito... lahat ay buhay at ang tanging kailangan natin gawin ay sagutin ang kanilang mga misteryo. Sana lamang ay walang mga nilalang ang naipit sa lugar na ito."
Muli akong umangat sa ere at mas pinarami ko ang punyal na pumapalibot sa akin habang tanaw ko sa ibaba ang kabuuan ng kagubatan, ang ilang parte nito'y nagliliwanag na dahil sa aking punyat, ngunit marami pa rin ang parte nito na napupuno ng kadiliman.
Isang malaking bilog na kagubatan na may tatlong klase ng puno at nasisiguro ko na nagtatago lamang dito ang kubo na siyang hinahanap namin.
Bumaba akong muli sa karwahe at pumagitna kina Nikos at Rosh.
"Kailangan ko ng tulong n'yong dalawa..."
Sabay silang tumango sa akin. "Kailangan natin si Hua upang magpatakbo ng karwahe at pabilisin ito sa sandaling makita na natin ang daan."
Nagliwanag ang mukha ni Rosh na tila nababasa ang aking isipan. "Nakita mo rin?" tanong niya.
Tumango ako. Kumunot ang noo ni Nikos sa amin. "Care to share? Wala akong alam sa mga halaman."
"There's a pattern, Nikos." Sabi ni Rosh. "Hindi natin malalaman ang daan kung hindi naglagay ng liwanag si Leticia sa bawat puno at hindi ko makikilala na tatlo lang ang mga klase nito."
"I still don't get it."
"The series of trees has a pattern. It could be the message giving us the exact direction. The forest is testing us. The forest wants every traveler not just to focus on the given path, but also to the things around us." Mahabang paliwanag ni Rosh.
"At hindi namin magagawang mabasa ang mensahe kung wala ka, Rosh."
"In every journey, it is not always all about the goal in front of you. But also, those things around your path that would grow your senses and mind."
"Look not just in the front, but also around us..." dagdag ni Nikos sa mga sinabi ni Rosh.
"Tatlong klase ng puno. Dalawang klase ng liwanag ang siyang hawak natin." Inilabas ni Nikos ang kanyang asul na apoy at mas pinaliwanag ko ang punyal na siyang hawak ko.
Kinagat ni Rosh ang pang-ibabang labi niya habang nag-iisip ng bagay na maaari niya rin pagliwanagin.
"I can't remember anything useful... wala akong kapangyarihan na—" hanggang sa pitikin niya ang kanyang daliri.
"I got mine. I can help."
"I have blue, Leticia has yellow... how about you? Hindi masyadong makikita ang pula, Rosh."
"I have white roses, Nikos."
"Malaki ang kagubatan, Rosh. Masyadong marami ang magagamit mo—" umiling siya sa akin.
"This forest is better than that bridge, Leticia. Mas kakayanin ko rito." Tipid na sabi niya.
Hindi na ako sumalungat sa sinabi niya. Simula nang makilala ko si Rosh ay hindi ko man lang siya nakitaan ng pangamba ngunit nang naroon kami sa loob ng tulay, lubos ko siyang nakitaan ng kahinaan.
Iba talaga ang nagagawa ng pag-ibig... pagmamahal...
Huminga na ako nang malalim at pinangalanan na ni Rosh sa amin ang tatlong klase ng puno at isa-isa na namin iyong ibinahagi.
Hindi ko alam kung magagawa ba namin makalayo sa paglalakbay na ito na wala ang tulong niya.
"Careful with your fire, Nikos. Baka masunog mo ang kagubatan. This isn't a cursed forest. It's just tricky."
"I know."
Tinawag na rin namin ang atensyon nina Hua at Divina na siyang ngayon ay nasa harap na rin ng karwahe.
"Sina Nikos at Rosh ang magdidikta ng direksyon habang mananatili ako sa itaas. Sa sandaling malagyan na namin ng palatandaan ang bawat puno at mabasa namin ang mensahe, kailangan n'yong pabilisin ang karwahe."
Sabay tumango si Hua at Divina na mariin nang nakahawak sa tali ng mga kabayo.
"There must be a guardian here." Ani ni Divina.
"Hindi mawawala..." dagdag ni Rosh. "Wise Princess..." namula ang pisngi ni Divina sa papuri sa kanya ni Rosh.
Gumamit muli ako ng gintong tali. Nakapulupot na iyon sa bewang nina Nikos at Hua na magpapanatili sa aming koneksyon sa karwahe.
Kapwa na nakaposisyon sina Divina at Hua, alerto at handa sa direksyong sasabihin namin. Habang ako sina Nikos at Rosh ay nasa ibabaw na ng bubong ng karwahe, mga buhok namin na kasalukuyang nililipad ng malakas na hangin.
Nanatili ako sa gitna kung saan ang aking mga mata'y nakatuon sa unahan, aking dalawang kamay ay mariin nakahawak sa dalawang punyal, si Nikos ay nakaharap sa kaliwa habang ang isang kamay ay nagniningas ng asul na apoy, habang nasa kanan naman nakatingin si Rosh na hawak ay puting rosas.
Tama si Rosh...
Wala pa kami sa kalahati ng paglalakbay na ito.
At kung ang pagmamahal ko'y walang tagumpay at magandang katapusan...
Sisiguraduhin kong ang paglalakbay na ito'y hahantong sa kaligayahan... kaligayahan na rito ko na lang siguro makakamtan.
Huminga na ako nang malalim.
Nagawa nila akong itakas mula sa Parsua Sartorias at sa mga paratang na kailanman ay hindi ko gagawin.
Napalaya namin ang mga bampirang humarang sa amin sa himpapawid sa gitna ng mga halamang sapot, nagliliwanag na punyal at asul na apoy.
Nagawa namin palayain ang napakaraming kaluluwang piniling isakripisyo ang kanilang mga buhay para sa kanilang minamahal.
At ngayon...
Anong kalayaan? Anong misteryo ang nais ihatid ng kagubatang ito sa amin at sa paglalakbay na ito?
"Ngayon na!" malakas na sigaw ko.
Nang sabihin ko iyon, sabay-sabay kaming tatlong tumalon sa ere dala ang iba't ibang klase ng liwanag na siyang maglalandas sa mensaheng siyang aming sasagutin.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro