Chapter 12
Chapter 12
Koneksyon sa puting sumpa
Ngayong mas naglilinaw sa akin ang lahat, sa koneksyon ng Deeseyadah sa bawat yugto ng pamilyang Gazellian, nararamdaman kong habang tumatagal ay mas lumalapit na ako sa kasagutan.
Mali ang inaakala ng lahat tungkol sa ugat ng pagkakadawit ng mga Gazellian sa mga diyosa. Hindi iyon dahil sa paglalakbay nina Haring Thaddeus at Danna sa iba't ibang panahon, hindi iyon dahil sa pagtulong nila sa pinakamalakas na diyosa sa kasaysayan habang tumatakas siya mula sa isang pamilyang nagtaksil sa kanya, kundi dahil ang mismong ina ng mga Gazellian ay isang diyosa.
Isang diyosa na binigyan ng misyon sa lupa upang kitilin ang pinakamatalinong Gazellian na isinilang sa ilang daang taong sanlinlahi ng kanilang pamilya. Isang bampira na nakikita ng matataas na diyosa mula sa Deeseyadah na nakikita nilang magiging badya sa mundong inaakala ng lahat na nabuo sa perpeksyon at kagandahan.
Ang Deeseyadah na aking minahal, iningatan at hinangaan ay may itinatago pa lang lihim. Lihim na ngayo'y aking tutuklasin.
"Ang akala ko'y ang Deeseyadah ay isa ng Paraiso..." sambit ko sa aking sarili habang nakatanaw sa labas ng bintana ng karwahe.
"Hindi sa lahat ng oras ay lugar ang Paraiso, Leticia..." sagot sa akin ni Rosh.
Tipid akong ngumiti ng sabihin niya iyon. "Maaaring mga bisig..."
"O pamilya..." dagdag niya.
Hindi na ako sumagot sa kanya at pinagpatuloy ko ang paglalakbay ng aking isipan sa koneksyon ng mga Gazellian sa mga diyosa at sa Deeseyadah.
Dahil sa katalinuhan, kakayahan, kasipagan at natatanging katangian ni Haring Thaddeus, naging badya siya sa mundo ng mga diyosa, sa Deeseyadah. Mga diyosa'y agad umaksyon upang hadlangan pa ang lubos na kaalaman o higit ay ang posibilidad na kumalat ang katotohanan. Ang diyosa ng alaala'y pinababa sa lupa upang kitilin ang bampira gamit ang isang punyal, ngunit ang inakala ng lahat na misyong magbibigay ng katapusan at katahimikan ay siya palang simula ng wagas na pag-iibigan.
Si Diyosa Talisha, isinilang mula sa Puno ng En Aurete upang maglingkod sa Deeseyadah, may kakayahang humawak ng mga alaala at inaasahan ng lahat na mapagtatagumpayan ang misyon ay nahulog at umibig sa binatang prinsipeng nakatakdang lagutan ng hininga sa kanyang sariling mga kamay.
Pag-iibigang dumaan man sa matinding hirap, sakit at paulit-ulit na sakripisyo'y nakatikim din ng walang katapusang kaligayan.
Kaligayan ngunit may sarili rin katapusan. Sapagkat umibig man si Reyna Talisha kay Haring Thaddeus, nagkaroon man ng bunga ang kanilang pagmamahalan, ang nakatakda at itinadhana'y hindi nalabanan.
Sapagkat sa sarili ring mga kamay ng reyna natapos ang buhay ng pinakamagiting na haring nabuhay sa kasaysayan ng Parsua Sartorias.
Ang natitirang katanungan na lamang sa aking isipan ay ang hindi nila paglaban sa katapusang iyon... bakit hinayaan ni Haring Thaddeus at Reyna Talisha na matuldukan sa ganoong katapusan ang kanilang pagmamahalan?
"Minsan ba'y naiisip mo na buhay pa rin si Haring Thaddeus, Rosh? Alam kong hindi lang ako ang nakakaramdam ng presensiya niya. Nasisiguro ko na sa bawat mahalagang paglalakbay ng mga Gazellian ay naroon ang kanyang presensiya..."
"Ilang beses ko na rin iyang naisip, Leticia. Pero tulad ng mga Gazellian at ang paniniwala nila... si Haring Thaddeus ay matagal nang natapos ang buhay."
Nakagat ko ang labi ko.
"Sa tingin mo ba'y mas magiging madali ang lahat kung siya'y naririto?"
"Leticia, matagal nang tapos ang panahon ni Haring Thaddeus. This is Dastan's era..."
"Ngunit hindi ba maaaring magsama ang dalawang magiting na hari?"
"Hindi ko alam kung maniniwala ka sa kasabihang ito pero may isang paniniwala ang mga bampira tungkol sa mga magigiting na haring isinisilang..." muling akong lumingon kay Rosh.
Nang nagtama ang aming mga mata ay ipinagpatuloy niya ang kanyang sasabihin. "Hindi maaaring magsabay sa iisang panahon ang dalawang magiting na hari..."
Natahimik ako sa sinabi ni Rosh. "That's why I told you... this is Dastan's era now. Matagal nang binitawan ni Haring Thaddeus ang panahon niya para ipagpatuloy iyong gampanan ni Dastan."
Hindi ko magawang makapagsalita sa sinabi ni Rosh. Kasabihan lang iyon at paniniwala ng mga bampira, ngunit nang marinig ko iyon mula sa kanya, hindi ko alam kung bakit saglit akong kinilabutan.
"Nemetio Spiran couldn't handle two powerful kings at the same time... kaya ipinaubaya na ni Haring Thaddeus sa kamay ni Dastan ang kinabukasan ng mundong ito."
Ngayon ko mas naramdaman ang bigat at tindi ng responsibilidad na dala ni Dastan. Simula pagkabata ay hinubog na siya ng kanilang mga magulang upang maging handa sa labang ito.
"Dastan..." wala sa sariling usal ko sa kanyang pangalan.
Nawa'y kung nasaan ka man naroon ay hindi ka nawawalan ng pag-asa, hindi panghinaan ng loob at patuloy na tumingin sa tagumpay. Tayo man ay magkalayo, inihiwalay ng tadhana sa isa't isa, darating ang panahon na muli tayong magsasama.
Nakaramdam ako ng saglit na kirot sa dibdib ko. Ang bawat itinakda sa isa't isa ay may kakayahang mag-usap sa kanilang isipan, ngunit ng sandaling ang kanyang punyal ay gumawa ng pinsala sa kanya, tuluyan nang naputol ang konkesyon ng aming mga isipan.
"Maraming salamat sa pagtulong, Rosh..."
"Isang karangalan..." tipid siyang tumango sa akin.
Wala na muling nabuong usapan sa pagitan namin at hinayaan ako ni Rosh na maglakbay gamit ang aking isipan.
Bumalik ang isipan ko sa pagkakakitil ni Reyna Talisha kay Haring Thaddeus, sa paraan kung paano ko nagawang saktan sa parehong paraan si Dastan.
Siguro'y tagumpay ang siyang inaasahan ng mga taga Deeseyadah nang makarating sa kanila ang balitang si Haring Thaddeus ay lumisan na sa mundo, ngunit iyon ay isang malaking pagkakamali. Sapagkat bago pa man tuluyang maubos ang natitirang hangin sa katawan ng hari, siniguro niyang ang kanyang huling kataga'y siyang magsisimula upang malutas ang misteryo at lihim ng Deeseyadah.
Mga sekretong unti-unting sasagutin sa bawat parte ng buhay ng kanyang mga anak.
Inusal niya ang pangalan ni Danna... ang ngalan ng babaeng siyang magkakaroon ng koneksyon sa unang babaeng magpapaibig sa isang Gazellian.
Si Claret na pilit nilinis ang pangalan ni Danna, ang unang lumaban sa mga mangkukulam na likha ng huwad na apoy... apoy na nagmula rin sa Deeseyadah.
Ito'y nasundan ng aking pagsugal... ang pag-ibig sa pagitan ng lobo at bampira na pilit inilaban ng unang prinsesa ng mga Gazellian. Sina Lily at Adam ang siyang nagsiwalat ng totong bersyon ng kasaysayan sa pagitan ng pitong matataas na trono, ang dahilan ng walang katapusang hidwaan sa dalawang lahi at ang sinapit ng pinakamalakas na diyosa.
Matapos malampasan nina Claret at Zen ang laban mula sa mga mangkukulam at matapos mapagtagumpayan nina Lily at Adam ang ilang taong hidwaan sa pagitan ng mga lobo at bampira...
Isa na namang Gazellian ang nagpatuloy sagutin ang lihim... ang sikreto at ang matinding kinatatakutan ng Deeseyadah.
Si Finn, ang ikatlong prinsipe ng Gazellian na tumakas sa unibersidad at napadpad sa makasaysayang tore ng puting sumpa. Kung saan siya'y umibig sa bampirang siyang may hawak na sumpang kinatatakutan ng lahat.
Sa pag-iibigan nina Lily at Adam, nakarating ang kanilang kaalaman sa pagbulong ng diyosa sa hangin upang hindi na muli hayaang may lobo at bampirang iibig sa isa't isa.
Ngunit nang ang pag-iibigan na ni Kalla at Finn ang nagsimulang lumaban, dito nagpatuloy ang kaalamang matapos ang sumpa sa lobo at mga bampira... ay may isa pang sumpang isinilang.
Ang puting sumpa. Ang sumpang inakala ng lahat na wala nang lunas. Ang sumpang iginawad ng pinakamalakas na diyosa sa pamilyang nagtaksil sa kanya, ang pamilyang inakala niyang tutulong sa kanya mula sa mapang-abusong hari.
Sina Kalla at Finn ang siyang nagsiwalat ng pangyayaring naganap matapos makatakas ng pinakamalakas na diyosa mula sa kamay ng mapang-abusong hari ng mga bampira.
Sa kanilang pakikipagsapalaran upang matalo ang sumpa, sina Kalla at Finn ang siyang nagpatunay na ang pinakamalakas na diyosa mula sa kasaysayan ay nananatiling buhay at nasa mahimbing na pagkakatulog dahil sa matinding panghihina.
Doon ay nakilala nila si Haring Tiffon, ang nawawalang kapatid ni Haring Thaddeus na siyang dapat magiging hari. Ngunit ang higit na nadiskubre nina Kalla at Finn ay ang pagkakakinlanlan ng isang babaylan ng mundong kanilang natuklasan...
Si Cora... isang magandang babaylan na bunga ng pananamantala ng mapang-abusong hari ng mga bampira sa pinakamalakas na diyosa sa kasaysayan. Nadiskubre ng mga Gazellian na may bunga...
Bukod sa kasagutan sa lunas tungkol sa puting sumpa, isa pa ang higit na nasagutan nina Kalla at Finn sa gitna ng kanilang pakikipagsapalaran upang mapanalo ang kanilang pag-iibigan at mabigayang muli ng kalayaan si Kalla. At iyon ay ang pagkakadiskubre sa huling bakas na iniwan ng pinakamalakas na diyosa...
Ang pamilyang nagtaksil sa kanya'y ginawaran niya ng sumpa, ang puting sumpa mismo ang siyang naging dahilan upang kitilin ng pamilyang iyon ang isa't isa, sila'y kapwa naging bato at ang mga batong iyon ay inihalo sa bawat toreng umusbong sa iba't ibang kagubatan dahilan kung bakit tila buhay ang mga toreng iyon.
Ngunit sa pamilyang ginawaran ng puting sumpa, isa sa kanila ang nakatakas dahilan kung bakit nagpasalinsalin ang sumpa sa bawat henerasyon at lumapat kay Kalla.
Sa paglipas ng panahon ay unti-unti rin nagiba ang mga tore at ang tanging nanatiling buhay ay ang huling tore na tinigilan ng dating diyosa na siyang nagkukulong kay Kalla.
Sa toreng iyon nagsimula ang pagmamahalan nila ni Finn at sa toreng iyon, nasundan ang pagsagot sa mga misteryo tungkol sa paghihirap ng diyosa mula sa kasaysayan.
Nadiskubre nina Kalla at Finna na may natitirang tore pa na nanatiling buhay bukod sa tore kung saan nakakulong si Kalla at nasisiguro nilang naroon ang diyosa mula sa kasaysayan. Naging palaisipan iyon sa kanilang dalawa, ngunit sa katalinuhang hatid ni Kalla... agad rin nilang nasagutan ang bugtong.
Ang matinding dahilan kung bakit sa kabila ng basbas ng unibersidad sa mga bampirang hindi makakaramdam ng kapareha'y naramdaman pa rin ni Finn si Kalla mula sa malayo. Dahil ang tore na siyang nagkukulong kay Kalla at ang unibersidad na siyang tinakasan ni Finn ay konektado.
Ang isa sa mga tore na may halo ng bampirang naging bato dahil sa puting sumpa ay nasa loob ng unibersidad kung saan isa na naman Gazellian ang nakikipagsapalaran hindi lamang para sa kanyang tungkulin kundi pati na rin sa kanyang pag-ibig.
Sina Evan at Naha sa loob ng unibersidad.
Humugot ako ng malalim na paghinga. Ramdam ko ang matinding panlalamig ng mga palad ko habang patuloy sa pagtakbo ang isipan ko. Ang koneksyon sa bawat pagsubok ng magkakapatid na Gazellian ay talagang kahanga-hanga. Wala akong detalyeng dapat kalimutan at isintabi, dahil kahit ang pinakamaliit na impormasyon ay may dalang gampanin sa buong pagsubok ng magkakapatid na Gazellian.
Hindi ko maiwasang humanga sa mga nagdaang babaeng itinakda sa magkakapatid na Gazellian, dahil sa kabila ng walang katapusang palaisipan, pagsubok, pahihirap at mga sakripisyo, hindi sila nawalan ng pag-asa at patuloy silang lumaban hanggang katapusan.
Ngunit sa bawat pagsubok at paghihirap, hindi nawawala sina Haring Thaddeus at Reyna Talisha upang masiguro nilang patuloy kaming humahakbang patungo sa tamang direksyon, siniguro nilang ang mga itinakdang nilalang na magmamahal sa kanilang mga anak ay hindi lang talino at kakaibang kakayahan ang mayroon, kundi lakas ng loob upang patuloy na sumugal at lumaban.
Dahil sina Adam, Claret, Kalla, Naha at ang mga nakatakda sa kanilang mga Gazellian ay hindi makakarating sa kung anuman kasiyahang mayroon sila ngayon kung hindi sila lumaban katulad ko, hindi nakipagsapalaran, hindi sumagot sa mga bugtong, hindi lumuha at minsang natakot.
Pinahid ko ang kumawalang luha mula sa aking mga mata. Sobrang dami na pala talaga ng napagdadaanan ng mga Gazellian, at nasisiguro ko na sa bawat istorya ng pag-iibigan ng pamilyang iyon, may isang bampira na laging nasa likuran at handang tumulong sa kanila.
Muli akong lumingon kay Rosh. Ang apat na kwento ng pagmamahalang iyon ay kapwa nasaksihan ni Rosh at ngayong kami naman ni Dastan ang lumalaban, naririto siya sa tabi ko at pinadarama sa akin na hindi ako nag-iisa.
Hindi ako dapat mag-alala kay Dastan, dahil nasa mabuting kamay ang lalaking pinakamamahal ko. Ang kanyang mga kapatid ay hinding-hindi siya iiwanan, buhay man ang kapalit. Panatang hindi man nila isalita ay nakikita ko sa kanilang mga mata.
"Ang komplikado ng pagmamahalan ng mga bampira, Rosh."
"Sa mundo ng mga maharlika, Leticia... sa mundong napapalibutan ng kapangyarihan."
"Minsan ba'y naisip mong tumakbo sa tungkulin o humiling na sana'y isa ka na lamang simpleng bampira na walang malaking responsibilidad?"
Sumulyap siya sa akin na parang hindi siya makapaniwala na itatanong ko iyon sa kanya.
"I am always destined to be born as a prince, Leticia. Kahit kailan ay hindi ko hiniling maging normal na bampira. Ilang beses man akong isilang ay mananatili akong dugong bughaw."
Natawa ako sa kanya. "Kung sabagay... hindi ko magawang isipin na ika'y magiging mangangalakal lamang..."
Tipid na tumaas ang sulok ng kanyang mga labi. "Minsa'y naging mangangalakal na rin ako... may isinako na akong babae."
Nanlaki ang mga mata ko pero saglit lamang siyang tumawa. "It's quite fun."
Bigla kong naalala ang kwento sa akin ni Claret at ang kanyang paglalakbay kasama ang mga itinakdang bampira.
Muli akong ngumiti. Sino nga ba ang hindi masisiyahan kung si Rosh ang kasama mo sa paglalakbay? Siya man ay sobra ang taas ng tingin sa sarili'y hindi ko siya magawang kagalitan.
Isa si Rosh sa pinaka magandang nilalang na nasilayan ko nang bumaba ako rito sa lupa.
Tumanaw akong muli sa labas ng karwahe at binalikan ang kwento ng mga Gazellian.
Sa unibersidad... ang pag-iibigan nina Evan at Naha na siyang daan, ang susi patungo sa diyosang pinagkaitan ng masayang katapusan.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro