Chapter 11
Hi, angels! I know everything is getting fuzzy about this series, especially the deep connections in my previous stories. But don't worry as the chapters move forward, I'll try to refresh your mind. Anyway, please bear with my suppeer deep tagalog in this whole series! It will look inappropriate if I use lesser deep Tagalog. If your head is already spinning lol You may check my other stories! (Prince Series, stand alone & Ferell Series). Hindi masyado dudugo ilong natin dun.
Happy reading!
Chapter 11
Koneksyon sa unang prinsesa
Buong akala ko'y ako lamang ang lubos na magugulat, sapagkat inaasahan ko nang alam na ni Rosh ang lahat. Ngunit ang prinsipeng tila naglalaro sa mga galamay ng hari't reyna ng Parsua Sartorias ay nakitaan ko rin ng pagkagulat.
Walang nalalaman si Rosh tungkol dito.
Mas dumiin ang mga titig ko kay Nikos. Tila mas bumaba ang temperatura dahil sa tindi ng tensyong namamagitan sa aming tatlo at ang tanging namamayani ay ang ingay ng karwahe.
Maraming beses na akong sumalungat sa Deeseyadah at ang pagsalungat na iyon ay kinikilala nilang kataksilan at kasalanan, ngunit hindi ako dumating sa punto na may mas malalim pa silang itinatago na tanging sina Haring Thaddeus at Nikos lamang ang nakakaalam.
"Ibig sabihin..." nasapo ko na lamang ang aking mga labi habang nanlalaki ang mga mata kay Nikos.
Tumango siya na parang nababasa niya ang aking iniisip. "It's not just about the famous history of the powerful goddess and my bloodline. Hinahabol nila ako dahil katulad ni Thaddeus ay may nalalaman ako..."
Nanatiling tahimik si Rosh ngunit ang kanyang buong atensyon ay na kay Nikos din.
Sobrang bilis ng pintig ng puso ko habang pinuproseso ang ilang mga katagang sinasabi ni Nikos. Kung sila'y matagal nang nais kitilin ng mga taga Deeseyadah dahil sa kanilang nalalaman...
Tumulo na ang luha ko nang bumalik sa aking alaala ang nakita ko sa nakaraan na siyang mismong ginawa ko rin kay Dastan dahilan kung bakit narito ako sa sitwasyong ito.
"Si Reyna Talisha..." nanghihinang sabi ko.
Saglit na kumunot ang noo ni Rosh at mapait na tumango sa akin si Nikos.
"Si Reyna Talisha ang ipinadala ng Deeseyadah upang kitilin si Haring Thaddeus." Nanghihinang sabi ko.
Ang tanging nakita ko lang sa nakaraan ay ang pagtatalo nina Reyna Talisha at Thaddeus na hindi ko kakakitaan na suliranin dala ng Deeseyadah, buong akala ko'y pagtatalo lamang iyon tungkol sa kanilang relasyon.
"At nagtagumpay ang mga taga Deeseyadah..." mahinang sabi ni Rosh.
Napasandal na siya sa kanyang upuan at marahang napatingala sa bubong ng karwahe.
"How complicated is this world? Ako bilang itinakdang bampira mula sa propesiya ng asul na apoy ay nabuhay sa akalang si Danna ang pumatay kay Haring Thaddeus, dumating si Claret at nilinis ang kanyang pangalan at doon isiniwalat na mga mangkukulam ang siyang dahilan... mga dating bampira na ipinilit maging itinakda mula sa huwad na apoy..."
Nakagat ko ang pang-ibabang labi ko.
"Huwad na apoy..."
"Apoy na tinawag ng mga hangal na konseho upang pumili ng mga itinakdang babaeng bampira, taliwas sa paraan ng asul na apoy. Ngunit iba ang siyang naging epekto nito sa mga babaeng bampira... naging masama sila na labag sa kanilang kalooban at tanging si Danna lamang ang siyang nanatili sa kanyang sariling kaisipan." Dagdag ni Rosh.
Kumuyom ang mga kamay ko.
"Isa ang ang ibig sabihin nito, Rosh. Ang huwad na apoy na iyon at ang masamang resulta nito ay..." kinagat ko ang pang-ibabang labi ko. Hindi ko magawang isipin na aabot hanggang doon ang gagawin ng mga taga Deeseyadah upang masigurong makikitil nila si Haring Thaddeus.
"Ang huwad na apoy na iyon na sinabi mong naghatid ng kasamaan sa mga bampira ay mula mismo sa Deeseyadah..."
Habang tumatagal ay nasusundan ko na ang koneksyon ng lahat. Ngunit bakit hinayaan pa rin ni Haring Thaddeus ang kanyang katapusan kung alam na niya na posibleng mangyari?
Kung tutuusin ay kaya niya nang iligtas ang kanyang sarili. May kulang pa... may dapat pa akong malaman.
"Nikos... maaari ko bang malaman kung ano ang lihim?"
"Leticia, matagal ko nang nais ikalat ang lihim na nalalaman ko. Ngunit katulad ni Thaddeus ay wala akong kakayahan upang ibahagi ito sa iba, dahil kapwa kami isinumpa ng mga diyosa na sa sandaling ang lihim ay ibinigay namin sa iba... ang aming puso'y titigil sa pagtibok."
Umawang ang bibig ko sa sinabi niya.
"Ngunit kong nais mong—" marahas akong umiling sa kanya at hinawakan ko ang kanyang mga kamay.
"Nangako ako sa 'yo, Nikos. Mabubuhay ka ng matagal. Makikita mo pa si Naha... hindi ako nagmamadali sa lihim ng Deeseyadah... siguro'y hindi pa ito ang panahon."
Naramdaman ko ang saglit na pangangatal ni Nikos nang banggitin ko ang pangalan ng anak niya.
"She will not forgive me if I allowed you to die. Damn their secrets." Muling ibinalik ni Rosh ang kanyang atensyon sa bintana.
"Sapat nang nalaman ko pansamantala na hindi lang ang dugo ng pinakamataas na bampira ang siyang habol nila sa 'yo. Katulad ng asul na apoy, Nikos, gagawin ko ang lahat upang protektahan ka."
Tipid siyang ngumiti sa akin. "Salamat, Leticia..."
Muli na siyang bumalik sa labas ng karwahe at sinamahan doon si Hua. Tipid kong sinulyapan si Rosh bago ako sumandal sa aking upuan.
"Kung iisipin... aakalain ng lahat na ang problema ng mga Gazellian ay nagsimula sa digmaan noon upang iligtas si Lily. But it was beyond that..." ani ni Rosh na nakatingin pa rin sa bintana.
"Nagsimula lahat sa Deeseyadah, Rosh, totoo nga ang sabi ni Reyna Talisha, noon pa man ay nagpahiwatig na siya kay Haring Thaddeus na ang kanyang katalinuhan at kuryosidad sa maraming bagay ang siyang magpapahamak sa kanyang buhay."
"He's been aware, Leticia. Trust me."
"Nasasabi mo iyan dahil katulad ka rin niya, Rosh. Ikaw at si Haring Thaddeus..."
"I wonder... bakit ako at hindi ang isa sa mga anak niya? Katulad kaya ng kanyang mga anak ay may nakita rin siya sa akin? Pero nais kong salungatin ang sinasabi mo, Leticia. I will never be like him."
Lumingon akong muli sa kanya. "Bakit?"
"My mate will not kill me, Leticia. I will never allow her. I will make her choose me over her responsibility. She will not hurt me... she will not..."
"Hindi iyon ginusto ni Reyna Talisha, Rosh..."
May hindi ako maipaliwanag sa parteng iyon ng nakaraan. Nagtatalo sina Haring Thaddeus at Reyna Talisha, tungkol ba talaga iyon sa relasyon nina Danna at Haring Thaddeus?
Hindi buo ang nakita ko at parte lang iyon.
Si Reyna Talisha ang siyang inaakala kong siyang nagmanipula sa akin upang gawin ko iyon sa sarili niyang anak, ngunit paano kung hindi siya?
"Ano kaya ang sitwasyon ng Parsua sa mga oras na ito?" natanong ko na lamang.
"Nasisiguro kong naghahanda na sila sa paparating na digmaan, Leticia. Iniwan natin ang Parsua na may badya ng pagsugod na pinamumunuan ng mga emperyong siyang naglaho noon..."
"Digmaang higit na malaki kumpara sa digmaang pinigilan ko noon."
"Buong Nemetio Spiran, Leticia... ubusan ng lahi..." sa paglalakbay naming ito, ni minsan ay hindi ko naramdaman na panghinaan ng loob si Rosh. Ngunit nang banggitin niya ang digmaan hindi na mawala ang titig ko sa kanya.
Alam namin pareho na kahit magpakita pa ako sa gitna ng labanan ay walang mangyayari.
Hindi ito sa pagitan ng mga lobo at iilang mga bampira, kundi labanan ng iba't ibang lahi, lalo na sa mga nilalang na nagmula sa pitong pinakamatataas na pwesto sa kasaysayan.
"Ang paglalakbay na ito ay may matinding dahilan, Leticia. Hindi ka bibigyan ng pangitain ng Haring Thaddeus kung wala itong patutunguhan... kailangan nating mapasok ang kweba sa lalong madaling panahon..."
Mariin akong tumango sa kanya.
"Kailangan natin makabalik sa Parsua bago sumiklab ang digmaan. Kailangan ka ni Dastan.... Kailangan ako ng Parsua..."
Hindi na kami muli nag-usap ni Rosh. Habang nanatili kaming tahimik dalawa, ramdam ko ang pagbigat ng mga talukap ko hanggang sa maramdaman ko na may mainit na kamay na humawak sa aking pisngi at sumandal ang sarili ko sa pamilyar na balikat.
"Rest..."
Ang panaginip sa isang diyosa ay pangkaraniwan na lamang, ngunit ang makitang muli sa aking panaginip si Diyosa Neena, tila isa iyong napakalaking surpresa.
"Diyosa Neena!"
Mabilis akong tumakbo patungo sa kanya na nakaupo sa kanyang balon. Mahigpit na yakap na may kasamang luha ang siyang isinalubong ko sa kanya.
"Diyosa Neena..."
Marahan niyang sinapo ang aking magkabilang pisngi at pinunasan niya ang aking mga luha.
"Leticia... ang aking matapang na si Leticia..."
Lalo akong napahikbi sa sinabi niya.
"Sa bawat pagkikita natin, Leticia, nararamdaman ko ang magagandang pagbabago sa 'yo, mas lumalakas, tumitibay at tumatatag. Ang iyong mga karanasan ay hinuhubog ka bilang isang magiting at karapat-dapat na diyosa at reyna..."
Hinawakan niya ang aking dalawang kamay at marahan niya akong inalalayan maupo sa kanyang balon.
"Diyosa Neena... ako ngayo'y nasa isang paglalakbay."
Ngumiti siya. "Alam ko... lagi akong nakagabay sa 'yo..."
Nang haplusin niyang muli ang pisngi ko ay hinawakan ko ang kamay niya, pumikit ako at mariin kong dinama iyon.
Ramdam ko ang suporta sa akin nina Rosh, Hua at Nikos, maging ang mga Gazellian bago ang nangyaring trahedya sa pagitan namin ni Dastan, ngunit iba pa rin kung kapwa mo diyosa.
"Sana'y nasa tabi kita katulad ng dati, Diyosa Neena..."
Ngumiti muli siya. "Hindi ako ang diyosang nakatakdang tutulong sa 'yo, Mahal na Reyna..."
Umiling ako. "Hindi pa ako reyna..."
"Ngunit para sa akin, Leticia, nang sandaling isilang ka'y ikaw ang magiging reyna, hindi lang ng mundong minamahal ng haring iyong iniibig kundi ng mga diyosa... dahil ikaw ang totoong may ginintuang puso higit sa mga nagniningning na sining sa Deeseyadah..."
"Kay sarap pakinggan ng iyong mga papuri, Diyosa Neena..."
"Iyon ang katotohanan..."
Nag-iwas na ako ng tingin sa kanya. Mariin ang hawak ng mga kamay ko sa balon.
"Ang bilis ng panahon... dati'y ang tanging suliranin ko lamang ay ang kaanyuan kong hindi naayon sa nakararami... ngunit ito ako ngayon... at may sariling paglalakbay na pinamumunuan at emperyong kailangan balikan dahil sa paparating na digmaan."
Ang aking koneksyon sa mga Gazellian ay nagsimula kay Lily. Sa panganay na prinsesa ng mga Gazellian at ang kanyang pag-ibig sa isang lobo.
Bilang diyosa ng buwan, nalalaman ko ang mga patakarang siyang dapat kong sundin, ang ilang daang taong ipinagbawal at ang paulit-ulit na paniniwala. Ngunit sumugal ako ng ilang beses... dahilan kung bakit may mga nawalang emperyo.
Ang pagnanais kong putulin ang malaking hidwaan sa pagitan ng mga lobo at bampira gamit ang pag-ibig ay nahantong sa malaking digmaan. Isang digmaan na pinaglaban ng mga Gazellian at ng buong Parsua.
Isang digmaan na aking hinangaan at pilit sinuportahan dahilan kung muli akong lumabag sa isa sa pinakamalaking batas ng mga diyosa. Ang bumaba sa lupa.
Ang ikatlong diyosang bumaba sa lupa matapos ang makasaysayang paghihirap ng pinakamalakas na diyosa sa nakaraan.
Diyosa ng asul na apoy.
Diyosa na siyang sinasamba at pinag-alayan na buhay na babae na siyang naging puno.
At ako... ang diyosa ng buwan.
Hindi na nakapagtataka ang naging koneksyon ni Lily sa ikalawang diyosa na siyang bumaba. Lalo na tanggapin ng mahiwagang puno ang mga kamay ni Lily upang kumuha ng kanyang bunga, dahil naramdaman nito ang dugong nananalaytay kay Lily. Mula iyon sa diyosang pinag-alayan sa kanya, ang diyosang may kayang magmanipula ng mga alaala, ang nag-iisang reyna ng Parsua Sartorias, si Reyna Talisha.
Kung iisipin ang aakalaing matinding koneksyon ng mga Gazellian sa Deeseyadah ay ang paglalakbay nina Haring Thaddeus at Danna sa nakaraan na naging dahilan ng pagtulong nila sa pinakamalakas na diyosa sa kasaysayan. Ngunit lingid sa kaalaman ng lahat, ang koneksyon ng mga Gazellian sa mundong pinanggalingan ko'y nagmula sa kanilang ina, kay Reyna Talisha.
At ngayong nalalaman ko na ang kanyang buong pagkatao, mas naiintindihan ko na ang koneksyon sa bawat yugto ng buhay ng kanyang mga anak.
Simula kay Zen at ang mga mangkukulam na manipulado ng mga taga Deeseyadah, si Lily at ang digmaang pinigilan ko na naging dahilan ng pagpiit sa akin ng mga diyosa, si Finn at ang sumpang ipinataw ng pinakamataas na diyosa, si Evan at ang pagmamahal niya kay Naha na siyang unang susi upang mapalaya ang diyosang inakala ng lahat ng patay na, at ngayo'y kami ni Dastan at ang paparating na digmaan na maging ang mga diyosa'y kasama.
Sina Reyna Talisha at Haring Thaddeus ay sinubukang labanan ang nakatakda sa kanila sa pamamagitan ng pagmamahalan. Hindi man iyon pangmatagalan ngunit nakikita ko sa kanilang nakaraan, kasama ang kanilang mga anak na humantong sila sa lubos na kaligayahan.
Hindi man sila humantong sa sabay na katapusan, sinigurado ng nagmamahalang hari't reyna na ang kanilang mga anak ay makakarating sa katapusang hindi luha ang guguhit kundi mga ngiti.
Ang gabay nila'y nagtagumpay mula kina Zen at Claret, sa pagsubok nina Adam at Lily, sa katatagan nina Finn at Kalla, at sa sakripisyo nina Evan at Naha.
Sisiguraduhin ko... na darating din kami ni Dastan sa katapusan. Katulad ng kanyang mga kapatid ay darating din kami sa katapusan, na kung may bahid ng luha'y dala iyon ng kaligayahan.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro