
Chapter 5
Chapter 5
-- REYNA --
Pagpapakilala
Ang kalawakan ng madilim na kalangitan ay ngayo'y nagliliwanag dahil sa muling pagsilip ng buwan. Ngunit ang higit na namayani'y hindi lang ang liwanag, kundi mga anino at pagaspas ng mga pakpak.
Nang sandaling lumingon ako sa kanila at humalo ang luha't galak sa aking puso, halos hindi na ako makapaniwala sa nakikita ko. Simula nang sumiklab ang makasaysayang trahedya mula sa pitong matataas na trono, hindi na muling nakihalubilo ang mga anghel sa iba pang nilalang, tila sila ang lubos na nagkubli sa lahat. Hindi ko akalain na ang aking simpleng panalangin ay maririnig nila.
Tila ang oras ay tumigil sa pagitan naming lahat.
Ang kanilang mga mata'y nakatuon sa akin, ilang hibla ng kanilang puting balahibo'y humahalo sa hangin, kasabay ng aking ginto gintong alikabok.
Habang ang aming mga atensyon ay nakatuon sa isa't isa, tila hinila ang aking buong presensiya sa isang mahabang panaginip, ito ba'y dala ng kanilang puting kapangyarihan o kaya'y ito pa rin ay dala ng aking kagalakan?
Kasiyahang hindi ko na alam na muli kong mararamdaman sa gitna ng paglalakbay na ito. Sa kabila ng mga mata kong nahuhumaling sa bawat pagaspas ng kanilang mga pakpak... ang aking mga mata'y tila tumagos sa aking sariling mga alaala.
Ang lahat ng pinagdaanan ko...
Hindi ko akalain na ang Leticia noon ay magagawang makarating sa lugar kung nasaan ako ngayon. Isa lamang akong napakahinang diyosa noon, takot sa responsibilidad at mas gugustuhing manatili sa mga bisig ni Diyosa Neena. Hindi ko akalain na darating na ang munting mga kamay ko na hindi makaukit ng magagandang sining noon ay hahawak ng higit na mahalaga sa isang mundo. Buhay. Buhay ng napakaraming nilalang.
Sa dami ng pinagdaanan ko... akala ko'y imposible na akong makarating sa dulo. Hindi ko akalain na makikita ko pa rin ang sariling kong buhay at humihinga.
Simula nang magtanghal ako sa harap ng napakaraming diyosa at angkinin ako ng buwan bilang kanyang bagong tagapangalaga. Sa tuwing naalala ko ang una kong tagumpay na iyon... hindi pa rin matanggal ang lubos kong galak.
Nang sandaling makilala ko si Nikos at mangakong itatama ang lahat ng maling paratang sa kanya. Ang unang karerang ipinanalo ko laban sa kapwa ko mga diyosa, kailanman ay hindi ko makakalimutan ang ngiting iyon sa akin ni Nikos. Hindi ko man siya tuluyang pinalaya noon... nakita ko sa mga mata niya ang saya at pasasalamat.
Ang unang hakbang ko nang sandaling maupo na ako sa aking responsibilidad bilang diyosa ng buwan, ang aking unang subok upang itama ang pagkakamali ng sumpa, dahilan kung bakit nagawa kong isakripisyo ang dalawang emperyo na ngayo'y handa akong kitilin... ang pagmamahalan ng isang bampira at lobo'y muling naibalik sa aking panunungkulan. Ngunit siya rin naging dahilan ng isang malaking digmaan. Digmaan sa mga emperyong namulat sa maling paniniwala. Dugo at buhay ang napakaraming isinakripisyo, isang malaking pangyayaring nakapagpababa sa akin sa lupa.
Ang diyosa ng buwan ay bumaba sa lupa upang itigil ang digmaan, ngunit hindi ko akalaing sa oras din iyon ay may isang bampirang aangkinin ako sa gitna ng libong nilalang na nagsisiklab sa galit. Nakilala ko si Dastan... ang haring itinakdang siyang uupo sa mundong ngayo'y pilit kong inaayos.
Sa kaalamang imposible iyong mangyari, ako'y pilit kumawala sa kanya at hindi siya pinaniwalaan ngunit sa pagbabalik ko sa mundong akala ko'y aking tahanan, unti-unti na akong namulat. Ako'y ikinulong at pinarusahan sa desisyong alam kong tama, akala ko'y doon na ako magwawakas ngunit isang sakripisyo ang mas nakapagpalakas sa akin upang magpataloy at lubos na tumakbo. Si Diyosa Neena, ang kaisa-isang diyosang nagmahal sa akin sa Deeseyadah ay inilay ang kanyang buhay upang madala ako sa mundo ng mga bampirang ligtas. Ang sumpang ipinataw sa akin ng mga diyosa'y ginawa niyang baliktarin sa pagsasakrispyo ng sarili niyang buhay.
Ang sumpang anim na beses kong kamatayan ay tinapatan niya ng anim na prinsipeng buong puso akong sasalubungin sa sandaling tumapak ang aking mga paa sa lupa. Doon ay nakilala ko ang magkakapatid na Gazellian at si Rosh. Ang mga Gazellian at si Rosh na hanggang ngayon ay handa akong tulungan sa lahat ng oras. Nagkaroon man kami ng hindi pagkakaunawan dahil sa walang katapusang suliranin, nagawa ko man kamuhian ang magkakapatid nang akalain kong tinalikuran nila ako, alam kong sa sarili ko na pansamantala lamang iyon, dahil nang sandaling unang nakilala ko sa kanila, alam kong kailanman ay hindi na mawawala ang paghanga ko sa kanila. Ngunit ang siyang lubos na nagkaroon ng malaking ambag sa aking pagbaba ay hindi lang ang magkapatid, kundi si Rosh, ang prinsipeng unang naglahad sa akin ng kamay... mga kamay niyang hindi lang isang beses inilahad sa akin, halos hindi ko na iyon mabilang.
Nagkaroon ng mga pag-atake, labanan, walang katapusang diskusyon, ilang daang luhang pumatak, pagdanak ng dugo, galit, hinagpis, sakripisyo, iba't ibang emosyon, hindi maubos na palaisipan at ngayon paglalakbay. Natuto akong lubos na lumaban, ramdam ko ang mas tumitindi kong lakas, ito ba'y dala lang ng aking lahat ng naranasan o tamang sabihin na sa kabila ng presensiyang pinag-aagawan namin ng aking anak ay iyon din ang mismong pinagkukuhanan ko ng lakas?
Dahil sa paglalakbay na ito... hindi na lang ito para sa Nemetio Spiran, sa amin ni Dastan at sa tronong pilit naming ipinaglalaban at sa napakaraming nilalang na nais naming imulat sa katotohanan. Ito'y para na rin sa prinsipeng nabubuhay sa sinapupunan ko.
Sana'y katulad ko'y pilit ipinaglalaban ni Dastan ang Nemetio Spiran upang ang mundong sasalubong sa aming anak ay matiwasay at payapa... alam kong anuman ang mangyari... ang mga mata ni Dastan ay hindi magbibigay ng galit sa aming anak. Ang kanyang mata'y mapupuno ng pagmamahal at hindi galit at paninisi.
Wala sa sarili kong hinawakan ang aking tiyan habang nakatanaw sa mga anghel.
"Mga anghel, anak..."
Si Harper na biglang natigil sa pag-awit ay biglang nawalan ng malay at ang kaanyuang ibon ni Kalla ay kusang humiwalay sa kanya.
Narinig ko ang sigaw ng kanyang mga kapatid mula sa ibaba.
"Harper!" akma ko na sanang sasambutin ang katawan niya, maging si Kalla na bumalik sa maliit na ibon ay sinubukan din habulin ang katawan ni Harper kahit alam niyang hindi niya iyon magagawang buhatin, ngunit may isa nang anghel ang mabilis na nakasambot sa kanya.
Nang sulyapan ko ang mga Gazellian, lahat sila'y handa nang gumawa ng kilos upang matulungan si Harper. Si Claret na nagliliwanag ang kamay, sina Zen at Caleb na kapwa nakatuntong ang mga paa sa sariling kapangyarihan na tila handa ng tumalon, si Seth na nakalipad na at maging sina Blair at Rosh na nakalabas na rin ang pulang sinulid at halaman.
Kasabay kong lumapag sa lupa ang mga anghel, nauna lamang ang lalaking may buhat kay Harper. Si Caleb ang unang sumalubong upang kuhanin ang katawan ng kanyang kapatid.
"Salamat... akala ko mabibingi na ako kanina. I was ready to cover my ears." Napailing si Claret sa sinabi ni Caleb.
Ang grupo namin ay natipon sa isang lugar, ang lahat ng mga Gazellian, si Nikos, Hua, Iris, Lucas at maging si Rosh ay piniling manatili sa aking likuran. Hinayaan nila akong siyang humarap sa grupo ng mga anghel na bigla na lamang nagpakita sa amin.
"M-Maraming salamat..."
Panibagong lalaking anghel ang siyang humakbang at mas lumapit sa akin. Tipid siyang ngumiti. "Para saan? Sa aking pagkakatanda'y..." sumulyap siya kay Harper.
"Ang prinsesa ang siyang lubos na may ginawa..."
Tipid akong lumingon kay Harper, napangiti ako sa kanyang maamong mukha na kasalukuyang natutulog. Kung wala siya at ang kanyang makapangyarihang boses... alam kong hindi kami maririnig ng mga anghel na nasa harapan ko.
"Salamat..."
Sumulyap din ako kina Kalla, Claret at Iris na siyang tumulong sa akin. Kung wala sila'y hindi magiging posible ang isang ito. Minsa'y hindi rin talaga marahas na labanan ang kasagutan sa lahat.
Isang panalangin at hindi labanan.
Muli akong humarap sa mga anghel. Hindi ko alam kung paano ko uumpisahan sa kanila ang mga dapat kong sabihin. Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako makapaniwala na bigla silang magpapakita sa amin.
"Erm... excuse me? What are we going to do with them?" lahat kami'y naagaw muli ang atensyon ni Caleb na buhat ang kapatid niya. Nakaturo siya sa mga bampirang ngayon ay nakahilata sa lupa.
"We can cleanse them." Ani ng isa sa mga babaeng anghel.
Ilan sa mga anghel ay kanya-kanyang nagtungo sa mga bampirang kanina'y kalaban lamang namin. Tama nga ang hinala ko, katulad ng mga nauna naming mga kalaban, sila'y nasa ilalim din ng mahika.
Gumala ang mga mata ko sa mga natirang anghel sa harapan ko, hindi ko maramdaman kung nasaan ang anghel na tagapangalaga.
"N-Nasaan siya?"
Ngumiti sa akin ang namumuno sa kanila. "Ipinasusundo ka niya sa amin."
"Si Leticia lang?" biglang sagot ni Rosh.
"Ikinalulungkot kong hindi maaaring isama ang lahat sa inyo, ilan lamang."
"Siguro'y mas mabuting kami mga babae naman ang sasama." Ani ni Claret.
"W-What? Sasama ako." Pagtutol ni Zen.
"Zen, kailangan n'yong magpahingang lima. Hayaan n'yo nang kami ang sumama kay Leticia sa oras na ito." Pagiit ni Claret.
"At least add one—" lumingon si Rosh sa mga naiwan kanina. "Lucas, Nikos or Hua?"
Hindi ko na kailangang magsalita pa. Biglang humakbang si Hua at tumabi sa akin. "I'll join them."
Sina Lucas at Nikos ay hand ana rin sumama ng salubungin ko ang mga mata nila. "Dito na lamang kayo. Kung sakaling magkaroon muli ng engkwentro, maaari n'yo silang protektahan." Sabi ko na sabay-sabay tinutulan ng apat na itinakdang prinsipe at ni Caleb.
Dahil hindi naman mahilig makipagtalo sina Lucas at Nikos, kapwa lamang sila tumango sa akin.
"But Harper is still sleeping..."
Nang sabihin iyon ni Caleb, may isang babaeng anghel na lumapit sa kanya, nag-angat iyon ng kamay at marahang hinawakan ang noo ni Harper, hindi na kami naghintay ng ilang minuto dahil unti-unti na rin nagmulat ng mga mata ang prinsesa.
"Welcome back, Princess." Ibinaba na ni Caleb ang kanyang kapatid na saglit natigilan nang makita ang dami ng anghel na nasa paligid namin.
"So, it was not a dream."
"That was a one hell of performance—ops!" napasulyap si Caleb sa mga anghel na nasa harapan namin. "I am sorry about the hell."
Hindi man lang nagpakita ng emosyon ang mga anghel sa sinabi ni Caleb, nakarinig ako ng mura mula kina Rosh at Zen, napahampas sa kanyang noo si Claret habang napaikot ang mga mata ni Harper. "Seriously, Caleb!"
Nakapagpalit na ng anyo si Kalla at siya na ang nagpaliwanag kay Harper ng sunod naming gagawin. "Alright."
Akala ko ay magkakaroon pa kami ng pag-uusap ng namumuno sa kanila, ngunit tila kinailangan siya ng kanyang mga kasamahan. Masyadong malakas iyong mahika na ginamit sa kanila. Sinubukan kong mag-alok ng tulong dahil nagawa ko rin minsan maglinis nang pigilan ako ng ilan sa kanila.
"Higit na kailangan ang iyong kapangyarihan sa ibang pagkakataon, Diyosa ng Buwan." Sina Kalla at Claret ay inilayo na rin ako agad roon.
Habang hinihintay namin matapos ang mga anghel, nagkaroon kaming muli ng pagkakataong harapin ang isa't isa. Dahil sa kaunting sandaling na magkakaharap kami, mas naglinaw sa akin ang pinsalang natanggap ng mga prinsipe. Maging si Caleb na kanina'y naririnig ko lamang nagbibiro ay nakikitaan ko na rin ng panghihina.
Sina Blair, Zen, Rosh at Seth ay kapwa na nakaupo sa ilalim ng puno, ang kanilang likuran ay mga nakasandal na roon na hindi na magawang itago ang tindi ng panghihina. Habang si Caleb ay pinipilit na lamang tumayo, si Harper na mismo ang kusang nagtulak sa kapatid niyang umupo upang magpahinga. Yumuko na si Claret at sinimulang gamutin ang pinsala sa katawan ng prinsipe ng mga nyebe.
"Are you sure? Paano kung—"
"Shut up, Zen. Let me heal you. Marami pa kayo."
"But listen to me, baby."
"Zen, magpahinga muna kayo! Bakit ba ayaw mong makinig sa akin? Nabibingi ka na naman? Manang-mana talaga sa 'yo si Divina."
"W-Woah, stop right there, baby. Inaano ka namin ni Divina?"
Biglang natawa si Rosh. "Yeah. That princess..."
Saglit napalingon sina Claret at Zen na mukhang nagulat sa reaksyon ni Rosh. Napatitig din ako kay Rosh, baka nakakalimutan niyang walang nalalaman sina Claret at Zen na nakasama rin namin sa paglalakbay si Divina.
Si Caleb na mabilis nabasa ang sitwasyon ay eksaheradong umubo. "C-Claret? I think I am dying... patapos na ba iyang kapatid ko? Wala nang gamot ang kasutilan..."
Ang ilang salitang iyon ang nagpaagan ng tensyon sa pagitan naming lahat at napunong saglit ng tawanan ang lahat.
Napahinga ng maluwag si Rosh nang mukhang nawala na sa kanya ang atensyon ng lahat. Habang saglit na napapangiti ang lahat sa tabi ng hindi kalayuang puno'y nag-iisa si Hua. Lumapit ako sa kanya at tipid na ngumiti.
"Hua..."
"Leticia..."
Nang nagtama ang aming mga mata, bakas iyon ng pag-aalinlangan. "H-Hindi mo ba nais... ang tungkol sa mga sinabi ko..."
"Natatakot ka ba na nag-iba ang tingin ko sa 'yo dahil sa kaalamang nalaman ko na kung sino ang siyang dati mong pinaglilingkuran?"
Hindi man siya tumango, agad kong nakuha ang sagot niya. Tumabi ako sa kanya at sumandal din ako sa punong kanyang sinasandalan. Katulad niya'y nag-angat din ako ng tingin sa kalangitan.
"Ilang beses akong nais magduda sa 'yo, Hua. Simula pa lamang... ngunit laging may nagtutulak sa akin, bumubulong... na ikaw... higit sa mga nilalang na nakilala ko ang dapat kong pagkatiwalaan. Ngayon pa ba ako magdududa sa 'yo?"
Nang sandaling lumingon ako sa kanya at tipid na ngumiti, pansin ko ang nangingilid na luha sa kanyang mga mata.
"Sa mata ng nakararami'y nakilala ko na siya... ngunit nais kong malaman kung anong klase siya ng hari sa 'yong mga mata, Hua. Sino si Haring Andronicus?"
Sa unang pagkakataon, muli kong nakitang ngumiti si Hua na umabot sa kanyang mga mata.
"He's the purest king, Leticia... he doesn't deserve this... all the hatred."
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro