Chapter 49
You can hear the song above to feel the chapter. Thank you!
Chapter 49: Pagkaubos
"UBUSIN SILANG LAHAT!" umalingawngaw ang malakas kong boses sa kabuuan ng digmaan.
Sinundan iyon ng sigawan at pagtataas ng mga armas sa ere o kaya'y ang kani-kanilang kapangyarihan sa pangunguna ng magkakapatid na Gazellian.
"SUGOD!" mas malakas na sigaw ni Harper na tila nagpayanig sa lupa.
Muling nagputukan ang mga kanyon, marahas na yabag ng mga nagmamadaling kabayo, mga palaso at pana sa ere, nagtutunggaling mga espada at kalasag, at maging iba't ibang kulay ng kapangyarihan.
Marahas hinugot nina Zen, Rosh, Blair, at Seth ang mga bandilang may matulis na bakal sa dulo na siyang gamit nila sa halip na espada sa pakikipaglaban. Ang bawat galaw ng kanilang bandila'y may yakap ng kani-kanilang mga kapangyarihan.
Si Zen na nagagawang yelo ang napakaraming kalaban sa paligid at marahas na binabasag gamit ang bakal na hawakan ng bandila. Si Seth na lumutang sa ere at panay ang marahas na paghagis niyon sa iba't ibang direksyon. Si Blair na piniling balutin ang hawakan ng bandila at gumawa ng tila latigong ang dulo'y nakamamatay na bakal, at si Rosh na nanatili lamang nakatindig sa dulo ng yumawaygayway na watawat habang may hawak na pulang rosas, hindi pa man nakakarating ang mga kalaban sa kanya'y may mga ugat nang pumupulupot sa mga paa nito at unti-unting sinisipsip ang kanilang dugo hanggang sa mga ito'y maging mga kalansay.
Habang sa isang direksyon ay naroon sina Casper, Finn, at Evan. Tila nagkaroon ng sariling panahon sa kanilang posisyon dahil sa tindi ng hangin at paulit-ulit na pagkidlat at kulog. Mapapansin din ang biglaang pag-atake ng mga kalaban sa isa't isa.
Tila nagkakaroon na rin ng lawa sa isa pang direksyon dahil sa kapangyarihan ni Tobias. Karamihan na sa mga Viardellon, kasama si Pryor Le'Vamuievos ay kapwa mga nakasakay na sa mga pandigmang mga ibon.
Patuloy ang pagdatingan sa himpapawid ng mga anghel at demonyo na tumutulong sa amin sa ere. Ang mga lobo mula sa grupo nina Adam at Lucas ay nagdadatingan na rin.
Sina Claret at ang mga kasamahan niyang babaylan ay isa-isang naghiwa-hiwalay sa paligid ng hangganan ng giyera upang gumawa ng isang napakalaking harang upang hindi na makapaminsala pa ang sagupaang ito.
"PROTECT THE ENCHATRESSES!" sigaw ni Zen.
Kung paano naghiwa-hiwalay sina Claret at ang mga babaylan ay ganoon din ang ilang pandirigma upang protektahan sila. Importanteng mapanatili nina Claret ang proteksyon upang huwag nang higit na makapaminsala ang giyerang ito.
Tila gumawa ng bilog ang napakaraming babaylan ng Parsua sa pangunguna ni Claret, si Zen ay ipinaubaya na ang kanyang posisyon sa natitirang itinakdang prinsipe upang protektahan si Claret at ang mga babaylan, limang Viardellon din ang umalis sa grupo nina Tobias upang tumulong, at may ilan din mga anghel at demonyo ang sumali.
Lahat sila'y alam kung gaano kahalaga ang harang at ang proteksyon nito sa mga inosenteng nilalang na maaaring madamay pa sa giyerang ito. Dahil hindi lang kaming nasa loob ng digmaang ito ang nabubuhay sa kabuuan ng Nemetio Spiran, may mga mamamayan kami na ngayo'y sabay-sabay nagdarasal ng katapusan ng madugong labanang ito.
"PROTECT THEM AT ALL COST!" sigaw ni Dastan na ngayo'y nakikipagsagupaan na sa dalawang hari na halinhinan siyang inaatake. Kung ang grupo nina Tobias ay napapalibutan ng tubig, ang kay Dastan naman ay apoy.
Walang tigil sa matinis na pag-sirena ang malaking gintong ibon sa ibabaw ni Dastan na sunud-sunod na inaatake ng mga diyosa, sa paligid ng ibon ay pilit siyang tinutulungan ng mga anghel at demonyo. Ngunit dahil sa laki niyon ay madali pa rin siyang tamaan ng mga atake.
Handa na sana akong mag-angat ng kamay upang tumulong nang dalawang likuran ang biglaang humarang sa paningin ko. Ang pumapagaspas na pakpak ni Seth at ang lumulutang na si Casper.
"Stop hurting our king's pet, bitches," ani ni Casper sa mahinahong boses na tila nagpapaliwanag lang siya ng artikulong kanyang nabasa.
"Come on, Gazellian! You sound so casual!" tipid sinuntok ni Seth ang braso ni Casper. Tipid iyong pinagpagan ng bunsong prinsipe ng mga Gazellian bago saglit na sumulyap sa akin at tumango.
Nais niyang iparating na sila na ang bahalang alalayan ang malaking ibon ni Dastan. Lalo na't hindi biro ang dalawang haring katunggali ngayon ng aming hari.
"Look at your brother Zen, cutthroat! Labas na ang ugat, pugot ang ulo ng lahat ng kalaban."
"Shut up. And please, don't be a burden," muling nabuo ang buhawi sa paligid ni Casper at nagsimula na siyang umatake sa mga diyosa.
"W-Woah! Definitely a fucking Gazellian! Wait! Your brothers will kill me if you got hurt!"
Napahinga ako nang maluwag bago ako muling tumanaw sa unti-unting umaangat na bilog na harang mula sa kamay ng mga babaylan na nagkalat sa paligid, habang walang tigil ang lahat sa pakikipaglaban.
Sina Lily, Harper, at Naha'y kasama ng napakaraming babaeng lobo. Si Lily na bawat lutang ng mga kalaban sa ere ay kapwa napapahawak sa kanilang mga leeg hanggang sa lagutan na ng hininga, sa Harper na maliksing nagpapalipat-lipat sa iba't ibang direksyon at bumubulong lamang sa tenga na agad nasusundan ng pagbagsak ng mga katawan at si Naha at ang kakaibang uri ng kanyang grupo.
"Come on, my dear paintings, minsan lang kayo lumabas. Help me for a bit. Naubusan ako ng oil to make you more realistic today," utos ni Naha sa grupo niyang may kakaibang mga kasuotan.
"M-Miss Naha? I thought it's a tea party?" tanong ng babaeng nakasaya pa. Halos magsiksikan iyong malaking grupo ni Naha sa likuran niya habang pinagmamasdan ang giyera sa paligid nila.
"Ah, later na lang. After nito, okay? Go on," muling sabi ni Naha na itinuturo pa iyong labanan gamit ang pangpinta na hawak niya.
"NAHARA! WHAT IN THE HELL?!" sigaw ni Evan nang makita na nagkakaproblema si Naha.
"I have it under control, Hon, oh my, gosh! Look!" marahas inihagis ni Naha ang hawak niyang pangpinta kay Evan na dumaan sa kanyang tagiliran. Tumagos iyon sa mata ng isang mandirigma na akmang aatake kay Evan.
"Not my handsome hon," ngumisi siya kay Evan. "Go on, I can do this."
Tipid na sumulyap si Naha sa grupo niya sa likuran na napahanga sa ginawa ng kanilang pintor. "Tutulong kayo o ibabalik ko kayo sa pagiging pintura?"
Hindi na sumagot pa iyong grupong kanina ay nagtatago lang sa likuran niya, lahat sila'y hinugot ang espadang hindi nila akalain na nasa likuran nila at sabay-sabay silang tumakbo at sumugod sa mga kalaban.
"CHARGE!"
Tipid na napapalakpak si Naha sa nakita niya. "Divina and Dawn will be proud of me!"
Dapat ay lalapit na si Evan kay Naha ngunit nang maaninaw niya ang lalaking papalapit sa babaeng mahal niya, pinili niyang tipid na tumango at bumalik sa kanyang kaninang posisyon.
"Even your mother... she will be very proud of you," mahinang sabi ni Nikos na piniling humilera kay Naha.
Tipid lumingon si Naha sa kanya, marahang ngumiti at piniling hindi panatilihin ang kanyang mga mata sa ama.
"Akala ko'y hindi ka na lalapit sa akin. What a sweet father! Approaching me in the middle of the war!"
Sa pagkakataong iyon ay mas pinagmasdan na ni Nikos nang malapitan ang kanyang anak. Tipid niyang tinapik ang ibabaw ng ulo nito. "You are just like your mother... brave, beautiful... a fighter."
"Like you..."
"I'll help your paintings. The Queen needs you more."
Tumango si Naha at agad nang tumakbo ang lobong sinasakyan niya upang magtungo sa direksyon ko. Dahil alam nga ng mga diyosa na higit silang mahihirapang kitilin ako nakaagapay sa akin ang makakapangyarihang babae ng Parsua, mabilis silang nakapagdagdag sa kanilang batalyon na aagaw sa atensyon ng mga babae.
Ngunit hindi iyon dahilan upang mapigilan sina Lily, Harper, at Naha na tumulong sa akin. Isama pa ang pagdating ng dalawang panibago naming tulong.
Ngayo'y hindi lang ako at ang ibon ni Dastan ang higit na may kapangyarihan sa himpapawid mula sa aming batalyon, dahil kapwa na kami may mga katulong. Sina Casper at Seth sa kanang direksyon at ang dalawang tagapangalaga ng relikya na ngayo'y nakaagapay sa akin.
Sa himpapawid ay kapwa na kami magkatalikurang tatlo. Sina Naha, Harper, Marah at Lily naman ay ganoon din sa ibaba namin na siya ring pinalilibutan ng mga diyosa.
Bagaman nakikita ko ang lamang namin sa giyerang ito, hindi ako mapalagay. Hindi ako naniniwalang ang walang katapusang pagdagdag ng kanilang batalyon ang kanilang nag-iisang alas. Marami pa silang itinatago na kailangan namin paghandaan.
Ngunit huwag nilang kakalimutan na marami pa kaming alas na itinatago ni Dastan. Lahat ng aming kilos ay panimula pa lamang.
Gumawa na ng malaking bilong sa paligid namin ang grupo nina Tatiana at ang matataas na diyosang hinahangaan ko noon. Handa na sana akong bigyan ng lapat ang kapangyarihan ko sa anghel at demonyong katabi ko, ngunit kapwa nila inangat ang kanilang mga kamay upang pigilan ako.
"No need," ani ni Harper.
Saglit nanlaki ang mga mata ko nang maramdaman sa kanila ang pamilyar na presensiya ng isang diyosa. Si Diyosa Eda!
"We were blessed already," ani ng demonyong tagapangalaga ng relikya.
"Hanggang saan pa ang kasakimang nais mo, Leticia? Hanggang saan pa ang paglilinlang na gagawin n'yo ni Talisha?" mas malakas na sigaw ni Tatiana na halos marinig ng lahat.
Umawang ang bibig ko sa naririnig sa kanya. Sa akin niya pa ibinabato ang lahat ng kasalanang ilan daang taon nilang ikinubli sa lahat?
"HANGAL!" malakas na sigaw ni Lily mula sa ibaba.
Sa halip na sa mga ibabang diyosa siya unang umatake, mabilis nang nabalot ng usok si Lily. Nagningas ang kanyang mga mata, at nagpakita ang kanyang matutulis na pangil at mga kuko. Hindi lang si Lily ang agad napigtas ang pisi dahil maging si Harper ay ganoon din na pinalibutan din ng usok ni Lily upang sabay nilang sugurin si Tatiana.
"Not our mother!"
"Lily! Harper!" sigaw ni Naha.
Sa sobrang bilis ng magkapatid, hindi na namin sila napigilan. Kung inaakala ng lahat na mga kapangyarihan nila ang gagamitin ng magkapatid upang kitilin si Tatiana, nag-uugat na mga kamay na may matatalas na kuko ang inihanda ng magkapatid.
Ang usok ni Lily sa paligid nila ni Harper ay nagmistulang dalawang mahabang laso na nagpaikot-ikot ere at ang dalawang pares ng kanilang nagningas na pulang mata'y tila mga patalim.
Ngunit ang pagnanais nilang maabot si Tatiana'y hinadlangan ng mga diyosang nakapalibot sa kanya. Una'y dalawang diyosa ang humarang, sa isang kurap ay dinaanan lamang iyon nina Lily at Harper lulan ng usok, at sa isang iglap ay dalawang nagniningning sa gintong tumitibok na puso ang hawak ng magkapatid na prinsesa at walang habas iyong pinisil at winasak sa harap ng digmaan, dahilan kung bakit dumanak ang gintong dugo sa kasuotan ng dalawang prinsesa.
Nagsunud-sunod ang mga diyosang humaharang kina Harper at Lily, habang patuloy sa pagbilis ang pag-ikot ng usok at paggalaw ng dalawa. Pansin ko ang pagkabigla ni Tatiana habang pinagmamasdan ang paglapit sa kanya ng magkapatid na tila lalong nagmumukhang mga halimaw na nagniningning ng ginto mula sa dugo ng mga diyosang kanilang kinitil.
"My god, mga kapatid ba natin iyan, Evan?" rinig kong napausal na si Finn.
Kapwa na nakangisi sina Lily at Harper nang makitang iilan na lang ang nakaharang sa kanila, ngunit nang sandaling abot kamay na ng matutulis at duguang kuko ng magkapatid ang dibdib ni Tatiana, dalawang higit na malaki at malakas na diyosang mandigma ang biglang nagpakita sa itaas ng magkapatid na prinsesa. At gamit ang kanilang malalaking siko ay marahas nilang binayo sa batok ang dalawang prinsesa.
"LILY! HARPER!"
Malakas na alulong ni Adam ang siyang narinig ko at higit na nagdilim ang kabuuan ng digmaan dahil sa biglaang pag-angat ng tubig. Dalawang lalaki ang nagmadaling tumakbo patungo sa bumubulusok na katawan ng dalawang prinsesa, sina Adam at Tobias.
Lalong lumakas ang hangin, tumindi ang kulog at kidlat, at tila nabalot ng higit na yelo ang paligid.
Si Lily ay sasambutin na ni Adam at si Harper na handa nang saluhin ni Tobias ay handa na ring salubungin ng isang lalaking anghel.
Nanghahamak ang mga mata sa akin ni Tatiana na nakakrus ang mga braso at nakataas ang mga kilay. "They're all dead."
Ngunit bago pa man mahawakan nina Tobias o ng anghel si Harper, mga buhangin ang siyang bumalot sa kanya. Panibagong bampira ang siyang nagpakita, nakaangat ang kanyang mga braso at malamig na nakatitig sa katawan ng bumubulusok na prinsesa. Bagaman nasisiguro kong hindi ko pa siya nakikita, tila pamilyar ang kanyang mukha.
Ang sabay na paglapat ng mga katawan nina Harper at Lily sa kanilang mga minamahal ang siyang nagkumpira ng kinatatakutan ko. Higit na malakas na alulong ni Adam ang umalingawngaw sa kabuuan ng digmaan at nagkaroon ng sunud-sunod na buhawing gawa sa buhangin sa iba't ibang direksyon.
Malakas na halakhak ni Tatiana ang sumampal sa harapan ko. Hindi ako makahinga nang maayos, lalo na sa kaalamang anumang oras ay hindi lang sina Adam at ang bampirang nagpakita ang sasabog.
Sina Finn, Evan, at Casper ay kapwa nawala na sa kanilang mga posisyon at iisang direksyon ang patutunguhan.
"I WILL FUCKING KILL ALL OF YOU!"
Sa halip na sumama sa pagsugod kina Evan at Casper si Finn, tumalon siya nang napakataas sa gitna ng digmaan. Agad nanlaki ang mga mata ko, maging sina Dastan at Zen ay naalarma.
Si Kalla na kanina pang nasa balikat ko at naghihintay ng utos ko sa susunod naming kilos ay kusa nang lumipad patungo kay Finn. Hindi lingid sa kaalaman ng mga diyosa ang kapangyarihan ni Finn, kaya higit na maraming diyosa ang nagtungo sa direksyon ni Finn upang pigilan siya. Ngunit huli na ang lahat, nagpakawala na ng malakas na presensiya si Finn dahilan kung bakit halos kalahati ng batalyon ng mga kalaban ay isa-isang natumba sa isang iglap lamang.
"DO SOMETHING ABOUT THAT VAMPIRE!" sigaw ni Tatiana.
Akma nang makakalapit ang mga diyosa kay Finn na nanatiling nakalutang at tila wala nang malay, ngunit ang mga mata'y nagniningas pa rin at patuloy na namiminsala ang presensiya nang humarang ang mga anghel at demonyo para tulungan siya.
Si Kalla at ang malaking bersyon ng kanyang puting ibon ang yumakap sa kabuuan ni Finn upang protektahan siya.
Sina Zen, Dastan, Blair, Rosh, Seth, Tobias, Nikos, mga Viardellon at Thundilior ay kapwa na hindi makagalaw sa kanilang mga posisyon dahil higit na magiging komplikado ang lahat kung masisira ang aming depensa.
"At ngayon? Sinubukan mong buhayin si Diyosa Eda upang kunin ang kapangyarihan niya? Wala kang pinagkaiba kay Andronicus at ang kasakiman niya!" sigaw muli ni Tatiana sa akin.
Patuloy sa pagkaubos ang batalyon ni Tatiana dahil kay Finn, ngunit ang paraan na iyon ang huling bagay na nais naming gawin niya.
"Finn..."
Unti-unti na rin nauubos ang mga nakaharang kay Kalla upang proteksyunan si Finn.
"FINN LANCELOT GAZELLIAN!" sigaw ni Dastan habang walang tigil sa pagkikipaglaban sa dalawang hari. Samantalang ako at ang dalawang babaeng tagapangalaga ng relikya'y kasalukuyang nakikipagsapalaran sa tatlong mandirigmang diyosa.
Kasabay nang tuluyang pagkaubos ng kabuuan ng batalyon ng kalaban sa loob ng bilog na ginawa nila Claret, may mahabang sibat ang sunud-sunod na tumagos sa katawan ng malaking ibon na nakayakap kay Finn.
"KALLA!" sigaw ni Rosh.
Ilang batalyon mula sa iba't ibang direksyon ang muling tumakbo patungo sa gitna ng digmaan na tila wala nang katapusan.
Sobrang dami nila...
Hindi lang ang maliit na bersyon ng ibon ni Kalla ang kasalukuyang bumubulusok ngayon, kundi pati na rin si Finn.
"Four down, Leticia. Who else? Sino ang gusto mong isunod ko?"
Mas lalong dumiin ang pagkakakuyom ang aking mga kamao. Marahas akong humugot ng paghinga at mas idinilat ko ang aking mga mata kasabay nang paglalabas ko ng aking libong punyal sa ere.
Ang aking punyal ang siyang pinakamalakas na sandata at wala pang pagkakataong ako'y binigo nito. Isa-isang gumalaw ang aking libong nagliliwanag na punyal at tumutok iyon sa iisang direksyon.
Handa ko nang iangat ang aking isang daliri at walang habas na patayin si Tatiana at ang inosenteng batang nasa sinapupunan niya nang may iangat sa ere ang panibagong mandirigmang diyosa.
Pumipiglas na si Hua ang iniharap nila sa akin. Iniyuko nila si Hua sa aking harapan habang may gintong espadang hawak ang isa sa mga diyosa.
"Cut off his head," nakangising sabi ni Tatiana habang nakaharap sa akin.
"J-Just kill them in one blow, Leticia! They are triggering all of you! Dahil alam nila ang kahinaan n'yo! You value each other and—" nanlaki ang mga mata ko nang inangat na ng isang diyosa ang gintong espada.
Lalong bumigat ang paghinga ko. Ramdam ko ang pangangatal ng mga punyal sa paligid ko at higit na pag-iinit ng buong katawan ko.
"N-No... Leticia, they're trying to trigger you. To explode yourself like Finn..." akma nang tatakbo patungo sa direksyon ko si Dastan ngunit marahas siyang tinamaan ng espada sa kanang braso niya.
"D-Dastan!"
Hindi ko na namalayan ang tumagos na atake sa aking mga punyal dahilan kung bakit may tumama sa likuran ko. Napakalakas niyon ay agad kong nalasahan ang gintong dugo sa labi ko.
Ang dalawang tagapangalaga ng relikya'y hindi na nagawang makalapit at tumulong sa akin dahil siniguro ni Tatiana na magiging abala ang mga ito. Masyado nang magulo sa ibaba na wala na rin magawang makatulong.
Nang sandaling bumaba ang depensa ko at nagsunud-sunod ang gintong enerhiya ang tumatama sa akin, nakita ko na lang ang sarili kong bumubulusok pababa sa lupa.
"LETICIA!" sigaw ni Dastan na nakita kong tinamaan na naman sa kanyang likuran.
Hindi ko na alam kung iaabot ko ang aking kamay kay Dastan o kay Hua na kapwa na nasa bingit ng kamatayan habang bumubulusok ako, nagsimula na rin maglaglagan ang mga punyal mula sa ere.
"Higit kang malakas sa kanya, Leticia... higit kayong malakas..."
Iyon ang pagkakaiba ng batalyon namin sa kanila. Bagaman malakas kami nang sama-sama, kahinaan din namin ang isa't isa, na isang pinsala sa isa'y malaki nang epekto sa aming lahat.
Ang pagbulusok nina Lily at Harper na bumigla sa lahat ang siyang nagsiklab ng aming mga emosyon na nakalimutan na naming ang pagtutulong-tulong at ang aming mga taktika.
Gahibla na lamang ang distansya ng espada mula sa leeg ni Hua, natigil sa pagbulusok ang aking katawan kasabay ng libong mga punyal, mabilis ko iyong pinalipad pabalik sa direksyon nila at bumubulong ng himala.
Kusa nang tumulo ang luha ko at nangatal ang mga kamay ko, iniwas ko na ang aking mga mata sa eksenang habangbuhay kong pagsisihan. "P-Patawad, Hua... hindi man lang kita nailigtas..."
Inaasahan ko na ang halakhak ni Tatiana sa panibagong tagumpay niya. Ngunit higit na malakas na ingay mula sa lupa at pagyanig ang siyang naramdaman ng lahat.
Sa halip na halakhak ng mga diyosa ang siyang umalingawngaw sa buong digmaan, ang halakhak ng prinsepeng siyang nag-iisang may kakayahan lamang gawin iyon ang sumalubong sa libong mata ng digmaan.
Si Caleb na kasalukuyang nakasakay sa ibabaw ng isang napakalaking puting elepante na sa bawat pagtakbo'y yumayanig sa kabuuan ng lupa ng digmaan, ang kanyang kasuotan ay tulad na rin ng mga Attero na tanging ang saplot ay nasa ibaba lamang, maging ang kanyang mukha'y may bahid pa rin ng putik.
Sa likuran niya'y nakasunod ang iba't ibang uri ng Attero.
Wala nang buhay ang dalawang diyosang may hawak kay Hua, dahil kapwa na may nakatarak na matutulis na bato sa kanilang mga puso. Si Hua'y nasa ibaba ng ng lupa.
Patuloy sa pagtakbo ang elepanteng sinasakyan ni Caleb habang naghiwa-hiwalay na ang mga Atteros, may mga manggagamot din silang nagmadaling nagtungo sa aming mga sugatan.
Pumosisyon si Caleb sa ilalim ko at tipid siyang yumuko sa akin bilang paggalang bago siya nag-anunsyo sa lahat.
"I AM SORRY EVERYONE! THE MOST POWERFUL HANDSOME PRINCE IS LATE!"
Ilang mura ang narinig ko sa anunsyong iyon. Ngunit ang higit na nakapagpagulat sa lahat ay ang itinatago ni Caleb sa likuran ng kubon sa ibabaw ng kanyang elepante.
Napasinghap si Naha.
Taas noong inangat at ibinuka ni Caleb ang dalawa niyang kamay kasabay ng paglabas ng dalawang pamilyar na babaeng lumabas sa kubon at kapwa ipinagdaop ang mga kamay sa nakalahad na kamay ni Caleb upang alalayan sila.
"My beautiful ladies..."
Sabay napailing at napairap ang dalawang babae sa lalong pagtaas ng noo ni Caleb.
"Cora and Pearl..." usal ni Claret.
"Handsome pa nga..." kumento ni Pryor.
"Seriously..." naiiling na sabi ni Rosh.
Ngunit hindi pa nagtatapos ang lahat dahil nang muling nahawi ang kubon, iniluwa niyon ang nagliliwanag na katawan ni Diyosa Eda.
Pinagkrus na ni Caleb ang kanyang mga braso at patayog na nakaangat ang mga mata sa mga diyosa sa itaas. Habang sina Cora at Pearl ay pinaggigitnaan siya at si Diyosa Eda sa kanyang likuran.
"It's time to surrender, traitors."
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro