Chapter 44
Chapter 44: Pagluhod
Simula nang umalis ako sa Parsua Sartorias at maglakbay kasama sina Nikos, Hua at Rosh, hindi ko hinayaang tanging sila lamang ang humarap sa bawat labang sumasalubong sa amin.
Ang paglalakbay namin upang mahanap ang mga susi mula sa mga tagapagbantay na mga babae'y hindi biro, ngunit kailanman ay hinding-hindi ko makakalimutan ang aming karanasan sa gitna ng tulay ng temptasyon. Kasama ang munting prinsesang si Divina, ang biglang pagdating ng presensiya ni Desmond at ang saglit na pagsuko nina Rosh, Hua, at Nikos sa kanilang minimithing kahilingan.
Halos mawalan na ako ng pag-asa ng mga oras na iyon...
Sa paglalakbay na ito'y hindi miminsang bumalik sa aking mga alaala ang karanasang iyon at ang takot na muling maipit sa ganoong sitwasyon, dahil alam kong katulad ko'y may kani-kanila ring kahinaan ang mga nilalang na siyang kasama ko.
Ngunit habang tumatagal ay unti-unti na rin nabubura ang takot at pangamba sa aking puso't isipan, dahil bagaman may kani-kanila ngang kahinaan ang bawat isa, higit kaming marami sa pagkakataong ito at ang kanilang mga kahinaan ay tiyak na mahihigitan ng kanilang kalakasan sapagkat umiikot lamang sa loob ng grupong ito ang pinagkukunan ng lakas ng bawat isa.
Dahil ang mga nilalang na ngayon ay nasa harapan ko at matitikas na nakatindig sa mga naglalakihang ibon, sa gitna ng tumitinding hampas ng malakas na hangin ay hindi pangkaraniwang grupo ng mandirigma... kundi isang pamilya.
Pinagkalooban kami ni Dastan ng pinakamalakas na grupo ng mga mandirigmang kailanman ay hindi mahihigitan ng kahit anong klase ng grupong pinagbuklod lamang dahil sa mithiing pagkamkam ng kapangyarihan.
Ngayo'y pinili kong tumayo sa likuran nila habang si Kalla'y nanatiling nakahapon sa aking kanang balikat at si Hua'y ngayo'y lumipat na muli sa tabi ko.
Sa aming mga naunang laban ay siniguro kong hindi ako mananatili sa kanilang likuran at magiging isang walang pakinabang na reynang ang tanging kakayahan ay mag-utos lamang. Kailanman ay hindi ko iyon pinangarap at lalong hindi ko kayang tiisin ang sitwasyong wala ako sa gitna nila at lumalaban sa tabi nila. Ngunit sa pagkakataong ito, bagaman ako'y ngayon ay nasa kanilang likuran, hindi nila pinaramdam sa akin na ako'y isang klase ng reyna na tanging may kapangyarihan lamang sa mga salita.
Tila sila'y mga mandirigmang nais ipakita sa kanilang reyna ang kanilang kakayahan at ang bigyang diin na sila'y karapat-dapat mapabilang sa aking grupo.
Sa halip na magkaroon ng tensyon ang bawat pagaspas ng pakpak ng dalawang ibon sa papalapit ng mga kalaban na unti-unti na rin gumagawa ng kanilang pormasyon sa himpapawid na tiyak na magbibigay sa amin ng higit na kahinaan, lalo lamang naging banayad at mabagal ang lipad ng mga ibon na tila walang papalapit na panganib mula sa iba't ibang direksyon.
Maging ang lahat ng nilalang na ngayo'y matikas na nakatindig sa aking unahan ay hindi man lang gumawa ng ingay at kakaibang kilos na maaari kong mabasa.
Sa puting ibon ay nanatiling nasa gitna si Rosh at prenteng nakapamulsa, sa kanan niya'y si Claret at kaliwa'y si Iris, habang katabi ng dalawang babae'y sina Blair at Nikos na kapwa nakapamulsa rin.
Sa itim na ibon naman ay nasa gitna rin si Seth, sa kanan niya'y si Harper at kaliwa'y si Zen, habang katabi nila'y sina Caleb at Lucas na kapwa rin mga nakapamulsa maliban sa prinsesa.
"This powerful family is not aware of the word danger and intimidation, Queen Leticia," ani ni Hua na may bahid ng pagkamangha. Dahil alam kong sa mga oras na ito'y hindi lang ako ang humahanga sa mga nilalang na nasa harapan ko.
"I've seen powerful groups in my lifetime but I've never seen any groups like them. Reckless..."
"We have the advantage, Hua. We always have," pagsabat ni Rosh sa unahan.
"We don't need to waste more time, right, Queen Leticia? We move as we fight." Tumango ng sunud-sunod ang lahat sa sinabi ni Harper mula sa kabilang ibon.
"Hmm... a battlefield on air. How can they make it possible then?"
Saglit akong sumulyap kay Hua. Nakahawak ang isa niyang kamay sa ilalim ng kanyang baba habang nanliliit ang mga matang sinusuri ang susunod na hakbang ng grupong nasa harapan namin.
Iyon din ang siyang iniisip ko sa mga oras na ito, ako lang at si Hua ang may kakayahang gumawa ng paraan tungkol sa bagay na iyon.
Maaari akong lumikha ng malawak na bulwagan sa himpapawid na siyang magiging lugar ng labanan ng lahat, dahil kung aasahan lang nila ang dalawang ibon na siyang aming sinasakyan ay magiging limitado lamang ang kanilang mga pag-atake.
Ngunit kung hindi man nila paunlakan ang kaunting pagtulong ko, nasisiguro ko na may kakayahan din si Hua na gumawa ng ibang paraan na maaaring gamitin nila sa labanang ito.
"Maaari kang—"
"My rightful place is always beside the queen," madiin na sabi ni Hua. Isa lang ang ibig sabihin niyon, kahit sabihin ko sa kanyang tumulong siya sa unahan ay higit niyang pipiliin ang manatili sa tabi ko.
Hindi ko na sinundan pa ang dapat kong sasabihin at muli kong ibinalik ang aking atensyon sa mga nilalang na nasa harapan ko.
Dahil nangako akong ibibigay ko sa kanila ang laban na ito, pilit kong pinakalma ang sarili ko at huminga ako nang malalim para sa labanang masasaksihan ko. Ngunit hindi ko mapigilan ang pagkuyom ng mga kamay ko habang nakitang papalapit na ang mga kalaban at mas dumadami ang bilang nilang pumapalibot sa amin.
Hinintay kong gumalaw si Zen at ang kapangyarihan niyang natatanging naiisip kong maaari nilang gamitin upang lumikha ng malaking bulwagan na kanilang gagalawan, ngunit hindi ko inaasahang si Nikos ang siyang unang hahakbang pauna.
Nang una kong masaksihan ang kapangyarihan niya'y matinding gulat at pagtataka ang siyang bumalot sa akin, nais ko man ungkatin ang dahilan at kung paano siya nagkaroon ng ganoong klase ng kapangyarihan, hindi na ako nagkaroon pa ng pagkakataon dahil sa sunud-sunod na pangyayaring nagtanggal na sa aking interes tungkol sa kanya. Ngunit ngayong ito'y nasa harapan ko na...
Sa paanong paraan nagkaroon si Nikos ng kapangyarihang may iisang presensiya ng sa Diyosa ng Asul na apoy?
Sabay ibinuka ni Nikos ang dalawa niyang kamay na naglalabas ng asul na usok, at ang mga usok na iyon na patuloy na kumakapal at dumarami'y unti-unting bumabalot sa aming lahat. Sa una'y aakalain na tanging usok lamang ang inilalabas ng bampirang ilang taong tinutugis ng iba't ibang nilalang dahil sa pagkakaroon ng dugong pinaniniwalaan ng lahat na makasalanan, ngunit habang tumatagal ay ipinakikita na nito sa aming mga mata ang totoong nililika ng kanyang asul na usok.
Hindi bulwagan na siyang aming inaasahan... kundi isang napakalaking asul na hawla na ang bawat detalye'y nababalot ng manipis na asul na usok.
"A birdcage..." usal ni Hua.
Kusang umawang ang mga labi ko at napatingala na lang ako sa paligid dahil sa laki ng hawlang nagkukulong sa aming lahat, dahilan kung bakit naging limitado ang lipad ng mga nagliliparang ibon ng mga kalaban.
Ramdam ko ang paggalaw ng pakpak ni Kalla sa balikat ko na nasisiguro kong humahanga na rin sa mga oras na ito. Muli kong ibinalik ang aking atensyon sa mga nilalang na nasa harapan ko.
Hindi na ako magtataka kung nagkaroon na sila ng usapan sa kanilang mga isipan, lalo pa't naroon sa grupo si Claret na mayroon na rin kakayahang lagyan ng koneksyon ang isipan ng iba't ibang nilalang.
"Now that we caged them, tulad ng utos ng ating reyna, wala tayong ititira!" anunsyo ni Zen kasabay nang paggalaw ng kanyang dalawang kamay at paglabas ng kanyang mga yelong nagsilbing mahabang daan patungo sa iba't ibang direksyon ng mga kalabang ngayo'y wala nang ibang magagalawan kundi ang loob ng asul na hawla.
Sabay-sabay silang tumakbo sa kani-kanilang yelong daan patungo sa kanilang mga kalaban. Sina Iris at Lucas na kapwa nagbago ng mga anyo at malakas na umungol hudyat ng kanilang atake, si Seth na piniling lumipad habang may hawak na itim na espada, si Blair na kasalukuyang pinalilibutan ng pulang sinulid, si Rosh at ang kanyang hawak na rosas, at si Zen at ang kanyang yelong espada.
Tanging si Claret lang ang siyang nanatili sa ibon, ngunit ngayo'y nakaluhod habang ang kamay ay nakahawak sa yelo kung saan nakakonekta ang lahat ng daang nilampasan ng lahat.
At si Harper na ngayo'y kasalukuyang nakaupo sa tila duyang nakasabit sa itaas, sa gitna ng hawla habang mahinahong humuhini na may hatid na lambing sa aming pandinig, ngunit nakamamatay na lason sa pandinig ng mga kalaban.
Hindi ko alam kung kaba, takot... o anong klaseng emosyon ang nararamdaman ko sa mga oras na ito. Ngunit damang-dama ko ang malakas na pintig ng puso ko, labanan ang siyang nasasaksihan ko, nag-anunsyo ako ng dugong dadanak at buhay na aagawin, ngunit bakit tila kay ganda ng aking nasasaksihan?
Ang isang hawla'y kailanman ay hindi ko makikitaan ng ganda... sapagkat sumisimbolo ito ng kawalan ng kalayaan... ngunit binigyan ako ni Nikos at ng grupong ito ng ibang klase ng hawla.
"A cleansing cage..." muling usal ni Hua.
Dahil sa halip na mangibabaw ang karahasan sa aking mga mata, higit lumitaw ang iba't ibang kulay ng kanilang kapangyarihan na naghahalo sa loob ng hawla na tila nasa isa lamang entablado at nagtatanghal.
Ang bawat detalye ng malaking hawla at ang usok na yumayakap dito. Si Harper na siyang nasa itaas at sentro ng lahat na kasalukuyang humuhuni na tila ibong mimithiing angkinin ng lahat. Nagsabog ang bawat piraso ng pulang rosas sa bawat hagupit ng latigo ni Rosh, ang pulang sinulid ni Blair na tila palamuti, ang bawat hampas ng espada ni Zen at ang mga piraso nitong naiiwan na tila mga diyamante... at ang ilang balahibong itim na humahalo sa hangin. Hindi rin mawala sa aking paningin ang nagniningning na mga mata nina Lucas at Iris na tila mga ginto.
"N-Napakaganda..." namamanghang sabi ko.
Minsan ko nang nakasama sa labanan ang mga itinakdang prinsipe, ngunit hindi ko inaasahan na may higit pa silang ipapakita sa akin, isama pa ang mga kapangyarihan nina Lucas, Iris, Nikos, Harper, Caleb at Claret.
Habang patuloy ang pag-atake at labanan, naririnig ko na ang paghalakhak nina Rosh at Caleb, at ang ilang mura ni Zen.
"Tila nabaliktad ang sitwasyon, Mahal na Reyna. Hindi nila inaasahang may laban tayo sa himpapawid... they're not aware that this group can always make its own battlefield. They think that they can ambush us... inisip nilang dahil nanghihina ka, wala nang tutulong sa mga nilalang na ito."
"But they're already a strong army...with or without my power. Mukhang nakakalimutan nilang hindi lang ako ang kinikilala nilang taksil na diyosa..." sumulyap ako kina Claret at Harper na kapwa may patak ng dugo ng isang diyosa.
Hindi na nawala ang panunuod ko sa pangyayari, maging si Hua ay ganoon din na panay ang kumento sa bawat atake ng mga itinakdang prinsipe. May mga pangahas na sumubok atakehin si Harper, ngunit protektado naman ito ng kanyang kapatid na si Caleb, ganoon din kay Claret na may magtangka man na lumapit ay agad pinupugutan ng ulo ni Zen.
Hindi rin naman nawala ang ilang pangahas na nais umatake sa akin, ngunit hindi iyon hinahayaan ni Hua na makalapit sa akin.
Akala ko'y maghihintay pa kami ng ilang oras sa labanan dahil sa bilang ng kalaban, ngunit habang nagsisimulang maubos ang asul na usok sa paligid, unti-unti nang inilalahad sa akin ng biglang pagbaba ng bilang ng mga kalaban na ngayo'y kapwa na mga sugatan.
Bagaman patuloy ang labanan sa loob ng hawla, ramdam ko ang paggalaw nito tulad ng nais naming lahat. Patuloy ang pag-usad ng aming mga ibon patungo sa Parsua Sartorias.
Nabibilang na lang sa kamay ang nananatiling may buhay na kalaban at siniguro nilang may ilang mga diyosa pa ang nanatiling buhay. Sina Harper, Claret, at ang naka-anyong lobong si Iris ang marahas na nagdala ng tatlong diyosa sa harapan ko at marahas nila ang mga iyong itinulak. Ganoon din ang ginawa ng apat na itinakdang prinsipe sa mga nilalang na bitbit nila.
Nanlalaki ang mga mata nina Zen at Caleb nang marahas pinagkrus ni Harper ang kanyang mga braso at taas noo niyang itinulak ang likuran ng isang diyosa sa likuran gamit ang isa niyang paa upang higit na mapasubsob sa harapan ko.
"Luhod... lumuhod ka sa aming reyna."
Sina Iris at Claret ay kapwa rin mas itinulak ang dalawang diyosang nanlilisik ang mga mata sa akin.
"Lumuhod kayo sa totoong reyna," matigas na sabi ni Claret.
Halos maputol ang ulo ng lahat ng mga kalalakihan sa paglingon sa tatlong babaeng hindi nila inaasahang masasaksihan sa ganoong sitwasyon.
Marahas na nanlaban ang isa sa kanila at nagliwanag ang dalawa niyang kamay, nakatayo na siya at gahibla na lang ang mga kamay niya sa mukha ko nang sabay-sabay tumutok sa kanya ang iba't ibang kapangyarihan ng lahat ng nilalang na nasa paligid niya maliban sa akin.
Kapwa kami nagsukatan ng tingin.
"Nagkamali ka ng diyosang pinanigan," bulong ko sa kanya.
Bago pa man may umatake mula sa mga prinsipe, kusa nang gumalaw ang isa kong kamay at gamit ang isa sa mahalagang relikya ng kasaysayan—ang punyal.
Kasabay nang pagtasak ng aking punyal sa kanya'y ang paglandas ng kanyang gintong dugo sa aking mga kamay.
Tipid kong ipinikit ang aking mga mata at umusal ng dasal sa aking isipan. Humiling na siya'y muling ipanganak sa panahong siya'y malaya at hindi na muling magagawang paglaruan ang kanyang puso't isipan.
Naging gintong alikabok ang diyosa... kasabay nang unti-unting pagluhod ng mga nangangatal na diyosa at bampirang kanina'y nais lamang agawin ang aking buhay.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro