Chapter 34
Chapter 34
Pagbabalik
Nang sandaling masiguro kong nasa mabuting kamay na ang unang anak ni Diyosa Eda, hindi ko na rin pinatagal ang pagtatanghal, agad ko rin iyong tinapos kasabay ng malamig na boses ni Albino na tila hanggang ngayon ay patuloy pa rin gumagawa ng musika sa isipan ng bawat manunuod.
Sa halip na malakas na palakpakan ang siyang dapat isalubong ng lahat, ang tanging natanggap ko at ang grupo ng mga musikero'y isang nakabibinging katahimikan.
Halos hindi gumalaw o gumawa man lang ng ingay ang lahat ng manunuod habang ang kanilang mga mata'y nakatuon, hindi lang sa akin kundi sa buong grupo ng manananghal na siyang sumuporta sa akin.
Dahan-dahan na akong bumaba sa lupa, ganoon din ang mga musikero lulan ng mga halaman. Samantalang ang gintong karagatan na tila anumang oras ay babagsak mula sa itaas ay unti-unti na rin naghiwa-hiwalay at naging tila libong patak ng ulan. At nang sandaling ito'y pinili nang bumuhos, naging palamuti na nga ang mga ito sa ere, dahilan kung bakit higit na nagningning ang kabuuan ng bulwagan.
Tipid akong sumulyap sa grupo ng magkakapatid na Gazellian, kapwa nakatuon sa akin ang kanilang mga mata.
Alam kong tagumpay ang ginawa kong ritwal at kasalukuyan nang hawak ng asul na apoy ang buhay ng anak ni Diyosa Eda. Ngunit alam ko sa sarili kong hindi pa rito nagtatapos ang lahat.
Ilang segundo pa ang siyang lumipas bago tuluyang nagising ang mga manunuod sa pagkamangha, una'y iilang palakpak lang ang siyang narinig ko hanggang sa iyon ay nagsunud-sunod na.
Hindi rin nagtagal ay lumapit na sa gitna ng bulwagan ang taga-anunsyo at pormal na niyang inihayag ang pagbubukas ng pagdiriwang.
Iyon ang siyang paalala sa akin ni Diyosa Eda, may inabot siya sa akin singsing na may batong lilac, sinabi niyang ikumpas ko lang ng dalawang beses ang aking kanang kamay at ang singsing na ang siyang bahalang gumawa ng siyang dapat kong gawin.
At nang sandaling matapos ang dalawang beses kong pagkumpas, ang bulwagan na may disenyong para lang sa mga manananghal at tagapanuod ay unti-unting nabago.
Ang itaas ng bulwagan na pawang kalangitan at mga bituin ang siyang makikita'y unti-unting natabunan ng salamin, saglit na nagliwanag na tila makasisilaw sa tititig hanggang sa iyon ay matabunan ng isang eleganteng kisame. Ang kisame'y higit na nabuhay dahil sa magagandang pintang larawan doon at maging ang tila mala-diyamanteng ilaw na siyang pumalit sa mga bituin.
Ang mga nakapaligid na pahagdang upuan ay nagsimula na rin maglaho, hanggang sa ang kabuuan ng bulwagan ay mapatag. Nagkaroon ng mahahabang lamesa na punung-puno ng iba't ibang klase ng pagkain na angkop sa bawat nilalang na naroon. Natakpan ang mga bintana ng magagandang kalidad ng pulang kurtina, ang kaunting bilang ng upuan ay may elegante rin disenyo, at ang lupa na kanina'y aming tinatapakan ay naging konkreto at nalatagan ng malambot at komportableng karpet.
Mahika na mula sa singsing ni Diyosa Eda ang siyang maayos na umalalay sa napakaraming nilalang na kanina'y nakaupo lamang. Hindi bumilang ng ilang minuto bago tuluyang nagbago ang kabuuan ng bulwagan. Kung kanina'y para lang sa manananghal ang lugar na iyon, ngayo'y para na ito sa partisipasyon ng lahat.
Sabay na pagtunog ng trumpeta ang siyang naghayag na malaya na ang bawat nilalang na makihalubilo sa isa't isa. Nawala na ang atensyon nila sa akin bilang si Diyosa Eda, ngunit pinanatili ko pa rin ang pagpapanggap ko. Pinili kong bumalik sa aking upuan habang naroon pa rin ang natitirang mataas na trono at kapwa nakatanaw sa mga nagkakasiyahan, tanging si Vidarr lang ang siyang nawawala.
Habang nakaupo ako sa pwesto ni Diyosa Eda at tipid kong pinaglalaruan ang aking mga daliri, hindi ko mapigilan ang paggala ng aking mga mata. Wala ba talagang nakapansin mula sa mga kalaban? Tila higit akong kinakabahan sa biglaang pagkalma ng kapaligiran.
Hindi rin nagtagal ay nawala na rin sa kanilang mga upuan sina Andronicus at Erin, nang sundan ko sila ng tanaw ay patungo rin sila sa gitna ng bulwagan kung saan naroon ang ilang mga pares na sumasayaw.
Mariin akong napapikit.
May nagawa man ako kina Diyosa Eda at Vidarr, ngunit ano ang magagawa ko sa dalawang ito? Gusto ko silang tulungan, gusto kong pigilan ang sakit na mararanasan nila, ngunit may hangganan ang siyang kilos at kakayahan ko sa panahong ito.
Ngayo'y kusa nang kumuyom ang dalawa kong kamay na nakapatong sa magkabilang hawakan ng aking trono.
"Nais ko silang tulungan, Dastan. Dahil hindi lang sina Diyosa Eda at Vidarr ang biktima rito, sina Andronicus at Erin din... ang natitirang nakaupo sa pitong trono... at ang lahat ng mga nilalang na nabuhay sa panahong ito"
"Lahat ay biktima, Leticia. At hindi lahat ng biktima'y magagawa nating tulungan..."
Gusto kong lumuha sa narinig kong iyon mula kay Dastan. Mahirap man tanggapin pero iyon ang siyang katotohanan. Kung kanina'y humihiling ako na sana'y bumilis na ang oras upang matapos na ang misyong ito, ngayo'y lihim akong humiling na sana'y pahabain pa at hayaang higit pang maranasan nina Andronicus at Erin ang kaligayahan sa tabi ng isa't isa.
Dahil isa-isa na rin umalis sa kanilang mga trono ang mga katabi ko, hindi na rin ako nagtagal pa roon. Napag-usapan na namin ni Diyosa Eda ang eksaktong oras ng pagpapalit namin, ilang beses akong sumulyap sa buhanging orasan, ngunit tila maghihintay pa ako ng higit dalawang oras. Ang magkakapatid na Gazellian ay kasalukuyan na rin naghiwa-hiwalay upang manmanan ang paligid ng bawat matataas na trono habang kumukuha ng impormasyon na maaari nilang magamit pagbalik sa kasalukuyan.
Dahil abala na ang bawat nilalang sa kasiyahan, hindi na nila napansin ang tahimik kong pagkawala o pagtatago, pinili kong manatili sa pinakasulok na bintana, lumabas ako roon, ikinando at hinayaang tumabon ang makapal na kurtina upang hindi ako masilip ng kahit sinong nilalang.
Ngayo'y normal na muli ang karagatan, ito'y tahimik nang muli na may banayad at payapang mga alon. Hinayaan kong kapwa nakabuka ang dalawa kong braso na nakahawak sa baluster habang hindi nawawala ang mga mata ko sa magandang tanawin.
"Hindi ka ba lalabas diyan, salamangkero?" nanatili akong nakatalikod sa kanya habang nakapikit ang mga mata. Marahan kong nilanghap ang malamig na simoy ng hangin na tila walang paparating na delubyo sa panahong ito.
"Ako ba'y mapapatawad sa aking kapangahasan?"
Tipid na gumuhit ang ngiti sa aking mga labi. "Ang pag-istorbo sa katahimikan ng isang mataas na diyosa'y katumbas ay isa nang napakalaking kasalanan."
Rinig ko ang marahang hakbang niya patungo sa akin. Ang kaninang banayad na tibok ng aking puso'y kusa nang nagwala na tila iyon ang siyang una naming pagkikita, ang kanyang epekto sa akin sa anumang panahon ay kailanman ay hindi kumukupas.
Hindi na nag-aksaya pa ng oras ang pinakamakisig na salamangkerong siyang nasaksihan ko. Ang kanyang mga braso'y unti-unti nang pumulupot sa baywang ko at ang balikat kong kanina'y tinititigan niya lamang ay ngayo'y ginagapangan na ng kanyang mainit na mga labi.
Ang kaanyuan kong ilusyon bilang si Diyosa Eda'y naglaho. "Tila higit na kapangahasan ang ginagawa kong ito, mahal kong diyosa..." bulong ni Dastan sa akin.
Kusa nang umangat ang isa kong kamay at marahan inabot ang pisngi ni Dastan. Tipid ko siyang hinaplos. "Kapangahasang ninanais ko..."
Iginalaw ko ang mukha ko upang salubungin mula sa aking balikat ang mainit na labi ng nag-iisang haring mamahalin ko. "Kapangahasang uulit-ulitin ko." Bulong niya.
Muling kumumpas ang aking kamay na may singsing ni Diyosa Eda, dahilan upang magkaroon ng higit na proteksyon ang lugar namin ni Dastan.
Hindi na ako nanatili pang nakatalikod sa kanya, kusa ko nang iniharap ang aking sarili sa kanya, tumingkayad ang mga paa at inabot ng dalawang kamay ang kanyang mga pisngi. Sabay pumikit ang aming mga mata na may mga nag-aalab ng mga labing sabik damhin ang isa't isa.
Kapwa namin nasaksihan ni Dastan ang mga masalimuot na pagmamahalan sa bawat henerasyon. Mula sa panahong ito, sa kanyang mga ninuno hanggang sa kanyang mga magulang. Paulit-ulit akong nagdarasal na sana'y hindi kami matulad sa kanila, na sana'y ang bawat laban naming magkasama'y hindi mauuwi sa sakit at kasaysayang nais baguhin ng susunod na henerasyong makababasa.
Gusto kong manatiling buhay kasama siya at ng magiging anak namin.
Gusto kong mabuhay pa nang matagal...
Hindi ko na napansin ang pagtulo ng aking luha. Nang malasahan iyon ni Dastan ay siya mismo ang kumalas sa aming halik at nag-aalala siyang sinapo ang magkabilang pisngi ko.
"Leticia?"
Umiling lang ako sa kanya. "M-Masaya at malungkot lamang ako, Dastan."
Mabuti na lamang at nagagawa ko na rin gamitin nang maayos ang koneksyon ng aming mga isipan. Hindi ko pa rin nais ipakita kay Dastan ang siyang nakita ko nang sandaling maging paru-paro ako mula sa isa sa aking mga panaginip.
Pilit kong pinalawak ang ngiti sa aking mga labi. Marahan kong hinawakan ang dibdib niya. "Hindi ko akalain na ganoon kaganda ang ipakikita mo, Dastan. Ako'y lagi mong nasu-sorpresa."
"Ngunit higit pa rin ang sa 'yo, Leticia. Ang entablado'y nilikha para sa 'yo."
Hindi na muli nagkaroon pa ng usapan sa pagitan namin ni Dastan, dahil muling nagningas ang aming mga mata, ang kanya'y pula at ang sa aki'y ginto. Lumutang na sa ere ang aking katawan upang higit na maabot ang mahaplos ang minamahal kong hari.
Pinakawalan lang namin ang labi ng isa't isa nang sandaling halos mawalan na kami ng hangin sa katawan. "Nauuhaw ka ba, mahal na hari?"
Agad kong napansin ang saglit na pagkabigla ni Dastan sa katanungan ko. Matagal na nang huling uminom ng dugo mula sa akin si Dastan at ngayon ay mayroong buhay ang aking katawan sa panahong ito, pagkakataon na ito upang bigyan siya ng higit na lakas.
"Leticia..."
Ilang beses lang akong tumango sa kanya. Kusa ko nang ikinawit ang aking mga braso sa batok niya at hinila siya pababa sa akin.
Akala ko'y kakagat na si Dastan dahil nakalabas na ang kanyang pangil at bahagya nang nakaawang ang kanyang labi, pero bigla siyang tumigil at sinalubong ang aking mga mata.
"Is my child not as sutil as Divine? Your blood is not poisoned, My Queen?"
Hindi ko na napigilan ang pagtawa ko sa katanungan ng aking hari. Hindi lingid sa kaalaman ko ang impormasyong iyon. Si Claret mismo ang siyang nagsabi sa akin kung bakit sutil ang siyang tawag ng lahat sa kanilang anak.
"Divine tried to poison her own father for drinking from her mother. They're already arguing from the very beginning."
Tipid akong humalik sa labi ni Dastan. "Hindi ka malalason sa dugo ko, mahal ko. Hindi ka namin lalasunin..."
Nang sandaling saglit na tumaas ang sulok na labi ni Dastan, mas bumilis ang tibok ng puso ko. "Then my child is not sutil like Divina."
Tumawa lamang ako. At nang inakala ko na magpapatuloy siya sa pagkagat sa balikat ko, naramdaman ko na lang ang sarili kong nakaupo na sa baluster at unti-unti nang inilililis pataas ni Dastan ang aking kasuotan. Tuluyan nang lumuhod sa akin ang tinitingala ng nakararaming hari na may nagniningas na mga mata, upang kumuha ng lakas at ipadama sa akin ang kakaiba kirot at pananabik na tanging siya lamang ang makapagbibigay sa akin.
Napapikit ako, kasabay nang pag-angat ng aking mukha sa kalangitan nang sandaling gumapang ang kanyang mga labi pataas sa hita ko, nasundan iyon ng marahang paglandas ng dulo ng kanyang pangil upang balaan ako hanggang sa tuluyan ko na ngang dinama ang kirot ng kanyang mga pangil sa aking balat.
"D-Dastan..."
Pamilyar na ako sa ganoong pakiramdam, ngunit sa tuwing ipinadadama iyon sa akin ni Dastan, tila ito'y unang beses ko pa lamang naranasan.
Nag-init ang buong katawan ko, kusang bumaba ang isa kong kamay ulo niya upang siya'y haplusin. At sa bawat lagok niya at sipsip ng aking dugo'y tila mauubusan ako ng hangin.
Akala ko'y magtatagal pa si Dastan sa pagkagat, ngunit tumigil din siya at tumuwid ng pagkakatayo. Muli'y nagsalubong ang mga labi habang ako'y buhat na niya na may mga binting nakapulupot sa kanya.
Siguro'y kapwa na rin namin nararamdaman ang bagay na alam naming mangyayari sa sandaling matapos ang partisipasyon ko.
Matatapos na ang paglalakbay ko kasama siya... kailangan ko nang bumalik sa sarili kong grupo.
Hindi tumitigil sa paghalik sa akin si Dastan kahit kanina pa akong tumigil. Nakamulat na ang aking mga mata at kasalukuyan ko nang nakikita ang panlalabo ng aking katawan.
Malulusaw na ako sa panahong ito.
At nang sandaling bumitaw na siya sa akin, mariin ang titig ng kanyang nagniningas na mga mata sa akin.
"Magkikita tayong muli, mahal ko..."
Tumango ako sa kanya kasabay nang tuluyang pagkalaho ng katawan ko sa panahong iyon.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro