Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 33

AN: You can listen to the music above. You can imagine it as the song of the performance. 

Chapter 33

Paglinlang ng Reyna

Bagaman natapos na ang pagpapakilala ng magkakapatid na Gazellian, at nasundan na iyon ng iba pang grupo, ang impresyong kanilang iniwan sa kabuuan ng bulwagan ay talagang nag-uumapaw, na kahit gaanong ganda ang masaksihan ng lahat mula sa iba pang manananghal ay hindi pa rin makaahon ang libong mga mata sa pagkamangha sa magkakapatid.

Wala na sa gitna ng bulwagan ang posisyon ng magkakapatid at kasalukuyan na silang nasa tabi para panuorin ang kanilang mga katunggali, ngunit ang atensyon ng nakararami'y nakasunod sa kanila.

Ipinagpatuloy ko ang pagpapanggap na Diyosa Eda habang ibinibigay ang atensyon sa bawat grupo, ngunit hindi rin nagtagal ay nagsimula na rin kumilos ang magkakapatid na Gazellian.

Wala na sa kumpulan ng magkakapatid si Casper, at nakita ko na lang ang pinakabatang prinsipe ng Gazellian na nakasuot na ng uniporme ng kawal ng palasyo. Siya'y kasalukuyan nang nasa likuran ni Filipus Vidarr, ang demonyo habang nakayuko na tila may mensaheng ibinubulong.

Nang sandaling matapos si Casper sa pagbulong ay tipid na sumulyap sa akin si Filipus Vidarr, hindi na siya nagpaalam sa kahit kanino mula sa natitirang trono at hindi na siya nag-aksaya ng oras na tumayo at iwan ang kanyang pwesto.

Huminga ako nang malalim, pinanatili kong nakakrus ang aking mga hita at hinayaang lumilis ang aking nagningning na kasuotan, dahilan kung bakit lumantad iyon sa harapan ng mga tumititig sa akin.

Itinukod ko ang isa kong siko sa aking trono at bahagya kong ipinatong doon ang aking baba habang patuloy ang panunuod sa ibaba.

Kung ang pagkakakilanlan ko sa mga oras na ito'y ako bilang si Leticia, kailanman ay hindi ko magagawang umupo ng ganito, ngunit si Diyosa Eda ay kaiba sa akin. Hindi na ako nagulat nang marinig sa isipan ko ang ilang tikhim ni Dastan.

Bagaman si Diyosa Eda ang nakikita ng lahat sa akin, nasisiguro kong si Leticia pa rin ang nakikita ng aking hari.

"At saan naman magtutungo si Vidarr?" tanong ng isa sa pitong trono.

Wala namang sumagot sa kanya, sa halip ay may ilan lang sumunod ng tanaw kay Vidarr, ngunit sa huli'y nagkibit balikat na lamang. Ilang beses kong tinapik ang aking hintuturo sa kaliwang hawakan ng aking trono. Sila kaya'y may napapansin na sa pagitan ni Diyosa Eda at Vidarr sa panahong ito?

Tipid akong lumingon kay Andronicus Clamberge III, pero agad ko rin binawi ang mga mata ko nang mapansin na bahagya siyang nakangisi habang tila bumubulong kay Erin, ang puting lobo, habang namumula.

Doon ko nakumpirma na hindi pa ginagalaw ng mga diyosa si Clamberge ng mga panahong ito.

Mariin akong napapikit. Kung sana'y hinayaan na lang nila ang kapayapaang ito, kung sana'y hindi na sila naghangad pa ng higit na kapangyarihan, kung sana'y hindi nila inasam ang pagdanak ng dugo.

Naninikip ang dibdib ko sa nasasaksihan ko, dahil alam kong ang kasiyahang ito'y mauuwi rin sa katapusan— isang masalimuot na katapusan.

"Dastan, nakahanda na ba siya?"

"I will kill him if he's not."

"Dastan!"

Tipid na tumawa si Dastan sa isipan ko. Habang patuloy ang pagpapakilala ng iba't ibang grupo, unti-unti rin nauubos ang magkakapatid na Gazellian sa kanilang kumpulan kanina upang gawin ang kanilang misyon.

Si Casper ay nilapitan na si Filipus Vidarr at nasisiguro ko na siya na ring magdadala kay Diyosa Eda, si Finn ay nanatili sa tabi ni Dastan upang manipulahin ang mga Gazellian sa panahong ito upang hindi sila makilala, si Lily ay kasalukuyang gumagawa ng paraan upang kuhanin ang atensyon nina Diyosa Neena at Diyosa ng asul na apoy at si Evan na nakaantabay sa biglaang maaaring mangyari.

Si Casper ang siyang magbibigay sa amin ng senyales na maaari na akong gumalaw sa aking pagtatanghal.

Pagtatanghal ni Diyosa Eda sa mata ng lahat, ngunit lingid sa kaalaman ng nila'y iyon ay ritwal upang iligtas ang hinaharap.

Mabigat ang paghinga ko, hindi ko alam kung paano makukuha ni Lily ang atensyon ng dalawang diyosa sa panahong ito. Sina Diyosa Neena at Diyosa ng asul na apoy ay nasisiguro kong maingat sa panahong ito dahil paano sila makakaabot sa panahon kung kailan ako nabuhay kung agad nang nalaman na sila'y kapwa kakampi ni Diyosa Eda?

Kasabay nang pagtatapos ng huling grupo'y ang biglang pag-ihip ng malakas na hangin, senyales ni Casper na maaari ko nang isagaw ang ritwal. Dahil ang ritwal na ito'y hindi lang nakasalalay sa akin, kundi pati na rin kina Diyosa Eda at Vidarr, Diyosa Neena at ang Diyosa ng asul na apoy.

Kung hindi man sila tuluyang natawag ni Lily, nasisiguro kong makukuha na ang kanilang atensyon.

Masigabong palakpakan ang siyang pinakawalan ng lahat para sa huling nagtanghal. Tila bumagal ang oras nang sandaling nagsimula na ang mga iyong maglakad papalabas ng gitna ng bulwagan, dahil ang ibig sabihin niyon ay nasa akin na ang pagkakataon at atensyon ng lahat.

Hindi bilang si Leticia, kundi si Diyosa Eda, ang pinakamalakas na diyosa sa kasaysayan.

Nang sandaling tumayo na ako mula sa aking trono, kusa kong pinalutang ang aking nagliliwanag na katawan pababa sa gitna ng bulwagan. Walang nangahas pumalakpak o gumawa man lang ng ingay bilang paggalang sa akin.

Unti-unti kong inangat pakanan na tila gumagawa ng kalahating bilog ang aking kanang kamay at nang sandaling makarating iyon sa ibabaw ng aking ulo, biglang namatay ang lahat ng klase ng liwanag sa kabuuan ng bulwagan at ang tanging natira'y ang aking nagniningning na katawan.

Malakas na panimula ng pinagsama-samang instrumentong pangmusika ang biglang umalingawngaw sa paligid. Mula sa iba't ibang klase ng trumpeta, tambol, gitara at biyolin. At sa bawat bitaw ng musika'y sinusundan iyon ng kanilang pagliliwanag.

Tila mahikang bigla na lang lumitaw sa paligid ng malaking bulwagan ang mga musikerong may iisang asul na uniporme, ngunit ang higit na nagpasinghap sa lahat ay ang nilalang na hindi nabigyan ng pagkakataon magkaroon ng magandang kasaysayan.

Albino Rigidon Quazello, ay nakilala bilang traydor dahil sa pagtatangkang kitilin ang sariling kapatid, ngunit lingid sa kalaman ng kasaysayang ilang beses pilit binago, ang kanyang dahilan ay upang pigilan ang kapatid na makipagsabwatan sa pagpatay kay Vidarr at pagpapahirap sa diyosa.

"He deserves a better history." Bulong ni Dastan.

Huling nagliwanag ang katawan ni Albino Rigidon Quazello kasabay nang pag-alingawngaw ng nakapangingilabot at lamig niyang boses na buong bulwagan ay halos mapatayo.

Maging ako'y halos magwala ang puso sa kakaibang dala ng kanyang boses.

Kung dati'y kadalasang gintong punyal at sinulid ang gamit ko, sa pagkakataong ito'y pinili kong gamitin ay gintong alikabok. Marahas kong itinapak pauna ang kanan kong paa at agad ko iyong sinundan ng aking kaliwa, sinadya kong payanigin ang bulwagan.

Ilang beses kong inikot ang katawan ko habang may nakabukang mga braso, kumukumpas na mga kamay at natatangay na kasuotan, at sa bawat tapak ng paa ko sa lupa'y pagyanig at pag-angat ng mga alikabok na unti-unting nagiging ginto.

Sa bawat pag-angat ng alikabok sa paligid ko'y nananatili iyon sa ere, hanggang sa ang bulwagan ay tila naging isang kalawakan at napupuno ng gintong mga bituin. Panay ang alingawngaw ng boses ni Albino habang mas tumitindi ang musikang inilalabas ng bawat instrumento sa paligid.

Ngunit lingid sa kaalaman ng lahat, ang pagyanig ay may higit na dahilan, gayun din ang boses ni Albino Quazello na nilalang na mula sa karagatan. Higit kong kailangan ng halaman sa mga oras na ito.

Kaya nang sandaling muli kong itinapak ang dalawa kong paa sa lupa at yumanig ang bulwagan, hindi lang gintong alikabok ang siyang nakapagpamangha sa lahat, dahil tuluyan nang nawala ang liwanag na nagmumula sa kalangitan at natakpan iyon ng kakaibang kadiliman.

Akala ko'y sigawan ang siyang maririnig ko, ngunit tila tinakasan na ng emosyon ang lahat nang manunuod nang makita ang paparating na malaking parte ng karagatan na tila lalamon sa buong bulwagan.

"Buong akala ko ay si Tobias lang ang makakagawa niyan. A golden tsunami..." bulong ni Dastan sa isipan ko.

Wala sa plano kong ibagsak ang tubig sa bulwagan, sa halip ay gagamitin ko ang nagliliwanag na tubig bilang panakip sa totoong ginagawa ko.

Ang nakabukas na bulwagan ngayon ay unti-unting nagsara sa pamamagitan ng namumuong nagliliwanag na tubig sa ibabaw nito.

"Your performance and the elegance of the show will cover everything..." tumango ako sa sinabi ni Dastan.

Hindi na ako muli nanatili sa lupa at hinayaan kong lumutang ang katawan ko, sa gitna na bulwagan, sa gitna ng gintong mga alikabok, sa mga patak ng gintong tubig at sa libong mga matang sasaksi ng aking makasaysayang panlilinlang.

Muli kong ikinumpas pababa ang kanang kamay ko, at unti-unti'y sinundan iyon ng halamang ugat mula sa karagatan sa taas, ganoon din ang ginawa ko sa aking kaliwang kamay hanggang sa mas dumami pa ang naglabasang halamang ugat sa karagatan at nagmistula iyong mga palamuti sa itaas.

Sinimulan kong tawirin at magiliw na hawakan ang bawat ugat hanggang sa iyon ay naging tila isang malaking lambat. Dinala kong muli ang aking katawan sa gitna 0at mabagal akong umiikot sa iisang posisyon, habang ginagawa ko iyon unti-unting bumaba ang halamang lambat hanggang sa abutin nito ang bawat musikero sa kabuuan ng bulwagan.

Singhapan ang namayani sa buong paligid, dahil sa bawat mabagal na pag-ikot ng aking katawan ay sa unti-unting pag-angat ng mga musikero at paglakas ng musika na tila buong mundo ng Nemetio Spiran ay nakaririnig.

Sa kabila ng pagkamangha ng buong Nemetio Spiran na maging ang mga nilalang na wala sa bulwagan at palasyo'y naririnig ang pagkanta ni Quazello, may buhay nang kasalukuyang iginuguhit.

Hindi man nakatakdang isilang sa mga susunod na taon, ngunit nasisiguro kong kanyang mga mata'y magmumulat sa tamang panahon.

Iisa lang ang masisiguro kong magiging matinding koneksyon ng anak ni Diyosa Eda sa lalaking itinakda sa kanya, halaman— halaman na siyang ginawa kong parte ng aking pagtatanghal.

Dahil hindi lang simpleng pag-aangat sa mga musikero ang siyang ginawa ko, kasalukuyan nang gumagapang ang halamang ugat sa silid nina Diyosa Eda at Vidarr.

Ang diyosang katulad ko'y may kakayahang isalin sa halaman o punong may basbas ang buhay na magmumula sa amin. Kasabay ng kanilang pag-iisa'y maaari niya roon iyakap ang buhay ng diyosang magmamana ng kanyang kapangyarihan.

Ang pakikipag-isa ng diyosa at ang pagsasalin ng kanyang kapangyarihan ay hindi kailanman maikukubli, ngunit kung kasabay ito ng aking pagtatanghal sa katauhan mismo ni Diyosa Eda...

Iisipin na dala lang ito ng aking makasaysayang pagsalubong sa pagdiriwang.

Hindi mawala ang ngiti sa aking mga labi sa patuloy na pagkumpas ng aking mga kamay, pag-ikot ng aking katawan at paglapat ng aking mga mata sa paligid kung saan inaakala nilang ang kanilang hinahangaan diyosa.

Ako lang ang siyang may kakayahang makakita ng nangyayari sa labas ng karagatan, kaya nang sandaling makakita ako ng kakaibang kulay ng apoy— asul, halos tumulo ang luha ko sa galak.

Ako man o si Lily ang dahilan ng pagkakuha ng kanyang atensyon, lubos akong nagagalak.

Pinagpatuloy ko ang pagtatanghal sa harapan nilang lahat habang hinihintay ang tuluyang pagsasalin ni Diyosa Eda sa kanyang unang anak. At nang sandaling maramdaman ko nang dumadaloy na mismo sa halamang ugat ang buhay ng diyosang katulad ko'y itinakda ring mamumuno, huminga ako nang malalin. Itinigil ko ang aking paggalaw at unti-unti kong sabay na inangat ang aking mga kamay.

Ang maliliit na halamang ugat ay dahan-dahang yumakap sa aking mga paa, pataas sa aking mga binti, hita, baywang hanggang sa umabot iyon sa aking mga braso at mga kamay.

Ang paggapang ng halamang ugat pabalik sa karagatan sa itaas ang siyang senyales na handa ko nang ipasa sa Diyosa ng asul na apoy ang pangangalaga sa anak ni Diyosa Eda.

Nanatiling nakapikit ang aking mga mata habang dama ang tindi ng kapangyarihang dala ng susunod na pinakamalakas na diyosa.

Siguro nga'y matagal pa ang iyong pagbangon, ang pag-angkin sa trono at ang pagyakap sa mga responsibilidad, ngunit ipinapangako kong habang ako at si Dastan ang siyang tinitingala ng lahat, hinding-hinding masasayang sakripisyo ni Diyosa Eda—ang iyong ina.

Ibinulong ko na ang huling basbas ko.

"Siya'y ilang daang taon mabubuhay sa loob ng halamang lotus, magpapalutang-lutang sa iba't ibang karagatan sa mundo ng mga tao, at sa pagdating ng panahon, ika'y aabutin mula sa karagatan ng dalawang kamay— mag-asawang may butihing puso na humihiling ng supling. Ika'y isisilang bilang tao, ngunit darating ang panahon na ika'y magbabalik at sasalubungin muli ng halaman— halamang mula sa pag-ibig."

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro