Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 8

Chapter 8

Karera

Walang tigil sa paglalakad ang aking mga paa na pabalik-balik sa magkasalungat na direksyon sa loob ng aking silid, habang mariing pinuproseso ang mga salitang binitawan ni Nikos.

Ang aking kanang kamay ay bahagyang nakahawak sa aking baba at ang aking kaliwang braso ay nakasuporta rito.

Tulad ng ibinabang desisyon ng mga nakatataas na dyosa, kailangan kong manatili at maghintay para marinig ang kanilang opinyon sa mungkahing aking inihain sa kanila.

Saglit akong natigil sa paglalakad, pinilit pakalmahin ang sarili sa pamamagitan ng paghinga nang malalim, ngunit ang paraang ito ay hindi man lang nakaalis ng patuloy na pagkirot sa aking dibdib.

Labag man sa loob kong magsinungaling at isangkalan ang paniniwalang matagal ko nang kinamumuhian, wala akong magagawa. Ito lamang ang natitira kong alas para makuha ang karapatan mula kay Nikos.

Ngunit ang higit na bumagabag sa akin ay ang mga salitang binitawan nito sa akin. Ilang taon ang lumipas nang huli kaming nagkita at maraming maaaring mangyari.

Nagkaroon siya ng anak at isa itong babae. Hindi ako nagkakamali sa impormasyong tanging mga lalaking bampira lamang ang isinisilang dala ang dugo ni Andronicus Clamberge IV sa hindi maintindihang dahilan.

May ibig sabihin ba ang pagsilang ng babaeng bampira sa kanilang salinlahi? O may mga bagay pa akong hindi nalalaman sa nakaraan?

"Ngunit siya mismo ang nagsabing ang kanyang sariling kapareha ay nagawa siyang talikuran dahil sa dugong nananalaytay sa kanya? P-Paanong nagkaroon siya ng anak?"

Naupo na ako sa aking kama at napatitig ako sa aking mga kamay.

"May hindi pa ako nalalaman, Hua. Kung posibleng nagmahal muli si Nikos at nagkaroon sila ng supling... bakit ito isinilang na isang babae?" tanong ko kay Hua.

"Tila may mali..." sambit ko.

Nasapo ko ng aking mga kamay ang aking mukha habang mariin akong nag-iisip, sa aking mga nakapikit na mga mata.

Sa mata ng mga dyosa mula sa Deeseyadah, matagal nang pumanaw ang pinakamalakas na dyosa na siyang namuno sa pitong maalamat na trono ng kapangyarihan. Nagmahal, tinaraydor, hinagupit ng kasakiman at pumanaw na may bulong ng iba't-ibang klase ng sumpa na magdadala sa kaayusan sa hinaharap.

Kung ang pagsilang ng mga lalaking bampirang may dala ng dugo ni Clamberge IV ay galing sa ilang sumpang iginawad ng dyosa, sa paanong paraan magkakaroon ng pagkakataong maputol ito at may isilang na bampirang babae?

Ang sumpa ng isang dyosa ay kailanman ay hindi na mababago o mabubura sa sandaling pumanaw na ang dyosang naglapat nito...

Ngunit may nag-iisang paraan para magkaroon ng kapangyarihan ang isang dyosa na galawin ang sumpa ng isang partikular na dyosa, ito ay kung may mahigpit itong koneksyon sa kapangyarihang kanyang pinaglilingkuran. Isa nang magandang halimbawa ang iginawad nitong sumpa sa mga lobo at bampira, tanging Dyosa lamang ng buwan ang maaaring makagalaw dito.

Pero sa parte ng salinlahing pagsilang na iisa ang kasarian, wala akong matandaang may dyosang namamahala sa ganitong kakayahan...

Marahas akong napamulat sa huling katagang lumabas sa aking isipan at agad akong nakaramdam ng matinding panlalamig sa aking buong katawan.

"H-Hindi kaya..." nanlalaki ang aking mga matang tumitig sa aking sariling repleksyon sa salamin.

"B-Buhay ang dyosa..." halos hindi ako makapaniwala sa mga salitang binanggit ko.

"H-Hua... isa na bang kapangahasan ang konklusyong ito? P-Paano kung buhay siya? Ngunit nasaan siya? Bakit walang nakakaramdam sa kanya? Posible kayang may nalalaman ang mga nakatataas na dyosa rito?"

"H-Hua... posibleng ang kaalamang ito ang maaaring mag-ayos ng lahat..."

"O posibleng mas lalo itong magpalala sa sitwasyon, nais ko lamang ipaalala sa'yo Leticia na matagal nang lumipas ang napakaraming taon, siya man ang itinalagang pinakamalakas na dyosa noon, hindi maaalis ang kaalamang pinili niyang bumaba sa lupa at talikuran ang tungkulin para sa pag-ibig. Ang mga dyosa ay namumuhi hindi lamang sa kanyang pagpanaw, sa mga traydor, kundi pati na rin sa mismong desisyon nito na naging dahilan ng kanyang pagkamatay. Tandaan mong hindi bukas ang mga dyosang nanunungkulan ngayon sa mga dyosang bumababa sa lupa, isang partikular na halimbawa ang dyosa ng asul na apoy."

Natahimik ako sa sinabi ni Hua, tumayo na ako mula sa kama at marahan akong naglakad patungo sa bintana. Lumanghap ng sariwang hangin at pinagmasdan ang nagsabog na gintong puno sa kapaligiran.

"Anong nais mong ipahiwatig, Dyosang makapangyarihan?"

Patuloy pa sana akong manunuod sa magandang tanawin ng Deeseyadah, nang may malaking puting ibon na may dala ng mensaheng kasulatan ang umagaw sa aking mga mata. Ito ang responsable sa pagpapakalat ng mga balitang inaabangan ng mga dyosa ng Deeseyadah.

Inaasahan ko nang naglalaman ito ng desisyon mula sa mga nakakataas na dyosa, pero higit na nakagulat sa akin ang impormasyong nabasa ko.

"B-Bakit?"

Halos gusutin ko na ang kasulatan habang paulit-ulit itong binabasa, umaasa na sana'y nagkamali lamang ako. Pero sa pagtagal ng aking mga mata rito, sa pag-init ng dugo ko.

"Ano ang nakasulat, Leticia?"

"Anong kailangan nila?"

Nanghihina akong napasalampak sa sahig habang may mga kamay na nakakuyom.

"Isang araw matapos ang pagdating ko sa Deeseyadah, anim na dyosa mula sa kanilang mga pinanunungkulan ang nagpakita at humingi ng oras sa matataas na dyosa at kapwa nila inaaako ang pagpiit sa bihag!"

"Bakit sila humahadlang? Hindi ko maintindihan!" muli kong sinulyapan ang balita. Nakikilala ko ang ilang pangalan ng mga dyosa. Kailanman ay hindi ko sila narinig na umako ng responsibilidad noon pa man.

Maging si Tatiana!

"Matagal na simula nang italaga ka bilang Dyosa ng buwan, ngunit ang araw ng paghalik ng buwan sa karagatan ay tila nakatatak na sa kasaysayan ng mundong ito. Nakilala ang 'yong pangalan Leticia, at maging ang 'yong magandang pamamalakad sa'yong panunugkulan sa nakalipas na panahon. Nakaagaw ka na ng malaking atensyon." Paliwanag sa akin ni Hua.

"Ginagawa ko lamang ang aking tungkulin, Hua! Hindi ko nais ang atensyon nila, lalo't higit--" halos hindi ko matuloy ang anumang sasabihin ko.

Dahil alam kong darating ang panahong ang kanilang mga matang humahanga sa akin ay magiging mga matang nag-aakusa ng pagtataksil.

"Nais nila ang 'yong lumalawak na pangalan, Leticia." Suminghap ako sa sinabi ni Hua.

"Lahat kami ay may taglay ng pangalan! Lahat sila ay hinahangaan ko sa kanilang mga tungkulin. Hindi ko maintindihan..."

"Mahirap man tanggapin, Leticia. Ang inggit ay isang sakit na mahirap lunasan..."

***

Ipinatawag ang lahat ng dyosang nagpahayag ng interes sa pagpiit sa bihag. Kapwa kami nakaupo sa isang mahabang gintong lamesa at sa puno nito ay ang tatlong pinakamalalakas na dyosa ng panahong ito, Dyosa Emma, Victoria at Evelyn.

"Isang malaking surpresa ang pagdating ng mga kilalang dyosa sa mundong ito na may dalang iisang layunin." Panimula ni Dyosa Emma.

"At napagdesisyunan namin na sumang-ayon sa inyong mungkahi." Narinig ko ang saglit na bulungan ng mga dyosang katulad ko. Samantalang nanatili lamang akong tahimik. Ngunit hindi nakaligtas sa akin ang nakataas na kilay ni Tatiana na parang hinahamon ako.

"Ngunit isa lamang sa inyo ang maaaring mangalaga sa ating bihag." Pagtatapos ni Dyosa Evelyn.

Dito nagsimulang magsalita ang anim na dyosa para ipakita ang kanilang malasakit sa aming kaharian.

Unang nagsalita si Dyosa Tatiana. Ilang taon matapos akong italagang Dyosa ng Buwan ay nabalitaan kong naging dyosa ito ng mga panaginip.

"Kung nasa aking pangangalaga ang bihag, maaari ko itong bigyan ng walang katapusang panaginip na magsisilbing kaparusahan niya sa lahat ng kanyang kasalanan. Tayong mga dyosa ay hindi gagamit ng dahas, ang aking mga panaginip ay siyang mainam kumpara sa ibang paraan."

Kasalanan? Nalalaman ba ni Tatiana ang sinasabi niya? May alam ba ito sa totoong nangyari sa nakaraan para magbigay lamang ng kaparusahan?

Tahimik akong nagdarasal na sana'y magawa kong tumagal sa pagpupulong na ito.

Sumunod si Dyosa Leisana, ang dyosa ng mga ibon. Sinabi nitong maaari niyang gawing ibon na may cadena ang bihag para iparanas ang inagaw na kalayaan ng unang dyosa.

Gusto kong sumigaw sa kanya at sabihin matagal nang nakatali si Nikos dahil sa paniniwala ng mga dyosa at mga bampira! Matagal na siyang naiipit!

Sumunod si Dyosa Junal, Mariosa at Kortan. Halos takpan ko na ang aking mga tenga para hindi marinig ang mga iminumungkahi nila. Padiin na nang padiin ang mga kamay ko sa aking kandungan.

Alam ba nila ang kanilang ginagawa?

Nang maramdaman kong sa akin sila ngayon nakatitig, mas iniyuko ko ang aking paningin.

"Nais kong magtanong, mapapasakamay ba ng dyosa ang bihag sa paraan ng kanyang pagpapahirap?"

Nabalot ng katahimikan ang silid at kapwa na kami ngayon nakatitig sa tatlong dyosa.

"Nasanay ang mundong ito sa sining ng pagtatanghal, ngunit sa pagkakataong ito ay masasaksihan ng lahat ng karera ng mga dyosang may iisang layunin." Sagot ni Dyosa Victoria.

"Karera?" tanong ni Tatiana.

"Magkakaroon kayong pito ng karera at ang unang dyosang makakarating sa dulo ang siyang mabibigyan ng karapatang humawak sa bihag."

"Ngunit, hindi ba at ang karera ay isang ritwal kung saan nasa unahan ang-" umangat ang kamay ni Dyosa Evelyn.

"Huwag kayong mag-alala dahil ang bihag ay may takip na puting kasuotan, hindi malalaman ng mga nakabababang dyosa na isa itong lalaki." Paliwanag nito.

"Ang lahat ng detalye tungkol sa mangyayaring karera ay aming ibibigay, ilang araw bago ang nasabing ritwal."

***

Ang Deeseyadah ay mundong punong-puno ng ritwal, pagdiriwang at pagdarasal na laging may kalakip na sining. Ang mundong may nakadikit nang katagang kagandahan.

May iba't-ibang klase ng karera ang mga dyosa at isa rito ang napili para italaga ang dyosang magkakaroon ng kapangyarihang hawakan ang bihag na kinamumuhian ng lahat. Pagkamuhing hindi naman nila alam ang totoong puno't-dulo.

Ang pitong dyosa ay binigyan ng maliliit na kahoy na bangkang di-sagwan na siyang gagamitin sa karera. Kasalukuyan kaming nakalagak sa dulo ng ikatlo sa pinakamaiksing ilog sa mundong ito, pero higit itong kilala sa hindi matigil na pagragasa ng tubig nito na parang kailanman ay hindi kumalma.

Muling nabalot ng napakaraming dyosa ang aking kapaligiran, dahil karamihan ay nais masaksihan ang unang karerang magaganap matapos ang daang taon lumipas. May kanya-kanyang sumusuporta sa bawat mga dyosang kalahok, maging si Dyosa Neena ay naririto para suportahan ako.

Sa dulo ng ilog ay ang gintong kulungan kung saan nakapiit si Nikos na nakasuot ng puting kubon, bahagya itong nakayuko na parang wala nang naririnig sa kabila ng ingay sa buong paligid.

Humigpit ang hawak ko sa dalawang panagwan sa aking mga kamay, kailangan kong mauna anuman ang mangyari. Kahit alam kong higit na makapangyarihan sa akin ang mga katunggaling dyosa, hindi ako maaaring sumuko.

Nangako ako... tutuparin ko.

Ipinaliwanag na ni Dyosa Victoria na maaari namin gamitin ang aming mga kapangyarihan laban sa katunggali naming dyosa. Sumulyap ako sa kalangitan, babago pa lamang kakagat ang dilim.

"Oh Leticia, sa tingin mo ba ay maabutan ka pa ng paglabas ng buwan? Siguradong may nakarating na sa unahan, bago dumating ang 'yong tulong." Nanghahamak na sabi ni Tatiana.

Hindi ko man lang iginalaw ang paningin ko patungo kay Tatiana at patuloy akong tumanaw sa kalangitan.

"Ipinapaalala kong bago ko nakuha ang titulong ito, sarili kong kakayahan ang dahilan kung bakit bumaba ang buwan, Tatiana. Kailanman ay hindi lang ako umasa sa kapangyarihan nito. Hindi ako ang umangkin, dahil ang buwan mismo ang umangkin sa akin."

Narinig ko ang nangngangalit na pagtitimpi ni Tatiana sa akin. Tumayo ako sa aking bangka at nagtungo ako sa una, inilabas ang punyal mula sa aking kasuotan at itinusok ito sa unahan ng bangka. Bumalik sa pagkakaupo at hinawakan ang aking mga panagwan.

Tatlong malalakas na pagtambol ang hudyat ng pagsisimula ng karera. Nagsimulang lumaban sa rumaragasang tubig ang aming maliliit na bangka, ngunit ang mas nakapagpaingay sa lahat ng manunuod ay ang panimulang pag-atake ng bawat dyosa sa isa't-isa. Karamihan sa kanila ay patungo sa akin.

"Leticia!" rinig ko ang sigaw ni Dyosa Neena.

Malalaking ibon mula kay Dyosa Leisana at maliliit na isdang nagsasama-sama para pilit pabagsakin ang aking bangka mula kay Dyosa Junal. Nagsimulang tumagilid ang aking bangka habang patuloy na lumalayo ang mga dyosang kalaban ko.

Gamit ko ang aking panagwan para protektahan ang aking sarili habang patuloy sa pagliwanag ang punyal sa aking harapan.

"H-Hindi... hindi natin sila sasaktan... kailangan lang natin silang--" muli kong ginamit ang lumulutang na punyal na gawa sa tubig pero sa pagkakataong ito ay higit itong malaki.

Akma na itong aatake sa mga ibon at maging sa kumpol ng mga isda, bago ko ikinumpas ang aking mga kamay ay binigyan ko ito ng kakaibang dasal. Isang dasal na magbibigay ng panandaliang huwad na paningin.

Sa paningin ng mga ibon at isda ay sa iisang dyosa sila umaatake, ngunit ang katotohanan nito'y sila mismo ang pumipigil sa isa't-isa.

"Kailangan kong mapabagsak ang mga bangka ng kanilang mga dyosa, bago ang mga ito magkasakitan." Dahil patuloy sa pagtutunggali si Dyosa Leisana at Junal ay hindi na napansin ng mga ito ang paparating kong bangka.

"Patawad, ngunit akin ang paligsahang ito." Pinaulanan ko ng sunod-sunod na punyal ang kanilang mga bangka dahilan kung bakit ito nasira. Ngunit hindi ko hinayaang mawalan sila ng kakapitan nang sandaling makalampas ako mula sa kanila.

Dahil napansin na ni Dyosa Mariosa ang presensiya ko mas binilisan na nito ang pagpapatakbo ng kanyang bangka, siya ang Dyosa na may kakayahang gawin armas ang isang tali. Wala siyang tigil sa paglatigo sa aking direksyon, nahihirapan akong umiwas dahil sa lakas ng tubig.

"Leticia!" panibagong sigaw ni Dyosa Neena nang tamaan ko sa aking kaliwang balikat. Napadaing ako sa sakit dahilan kung bakit nabitawan ko ang isang sagwan.

"H-Hindi nananakit si Leticia! Hindi ba't—" hindi natuloy ni Dyosa Neena ang kanyang sasabihin nang itaas ni Dyosa Victoria ang kanyang kamay.

Parte ito ng karera.

Dalawang tama pa ng latigo ang tumama sa akin na saglit na nagpaluhod sa akin, nang sandaling ako naman ang umatake nagagawa nitong salagin ang mga punyal na pinapaulan ko sa kanya gamit ang kanyang latigo. Ramdam ko na ang pagdurugo ng kaliwang balikat ko.

Wala na akong pagpipilian, tumayo ako ng tuwid at inabangan muli ang kanyang latigo. Huminga nang malalim at handang salubingin ito, pansin ko ang pagkagulat ng lahat sa ginawa ko. Dumilim ang mga mata sa akin ni Dyosa Mariosa at buong lakas niyang inihataw ang latigo, kasabay ng pagdanak ng dugo mula sa aking pisngi, kirot, hapdi at matinding sakit. Naglandas ang luha sa aking mga mata.

Mabilis gumalaw ang aking nangangatal na kamay at mahigpit hinuli ang latigong tumama sa akin. Pinilit niya itong hilahin mula sa akin, pero sa pagkakataong ito ay mas siniguro kong ang buong lakas ko ay nasa aking kamay. Unti-unti nang gumapang ang tatlong maliliit na punyal na kasalukuyang umiikot habang nanunulay sa latigong konektado sa pagitan ng aming mga kamay.

Pagkagulat ang rumihistro ang kanyang mga mata, bago pa man niya nagawang bitawan ang latigong tali ay nakarating na sa kanya ang tatlong punyal. Bago pa man tumama sa kanyang mukha ang mga ito ay agad itong sumabog sa kanyang harapan bilang tubig na may bulong ng pansamantalang pagkabulag.

"H-Hindi ako makakita!" kasabay nang malakas niyang pagsigaw ay ang pagpapauulan ko ng matatalim na punyal sa kanyang bangka dahilan kung bakit ito nasira.

Nangunguna na si Tatiana habang nasa unahan ko na si Dyosa Kortan. Siya naman ngayon ang hinahabol ko, pero ramdam kong unti-unti na akong bumabagal. Si Dyosa Kortan ang dyosang may kakayahang manglunas at magbigay ng lason. Ang bawat atake niya na maaring tumama sa akin ang magiging katapusan ng aking karerang ito.

Hindi biro ang latigo ni Dyosa Mariosa, dahil katulad ko ay may manghika rin itong iginawad dahilan kung bakit ako nanghihina. Ilang beses pilit sinalag ng aking punyal na tubig ang pag-atake ni Dyosa Kortan, ngunit dalawa sa kanyang mga atake ang tumagos at tumama muli sa magkabila kong balikat.

"Leticia! T-Tama na! M-Malapit na si Tatiana!" rinig ko ang boses ni Dyosa Neena na may halo nang paghikbi at awa sa akin.

Dahil ako ang nahuhuli sa karera, halos sa akin tumatama ang kanilang mga atake. Sinubukan kong hawakan muli ang dalawang sagwan pero maging ang mga daliri ko ay bumibigay na, nagsisimula nang manlabo ang aking mga mata, kusa nang nagbabagsakan ang mga punyal na tubig at mas lalo nang lumalayo ang dalawang dyosa.

"Hindi... hindi maaari..."

Nang pilit kong sulyapan ang kulungan ni Nikos, kasalukuyan na itong nakatayo habang ang mga kamay na may posas ay nakahawak sa rehas, nanghihina na itong umiiling sa likuran ng puting kubon na nagtatago sa kanyang pagkakakilanlan.

Nanghihinang bumaba ang aking mga mata sa dalawang dyosa nag-uunahan. Sobrang layo ko na... sobrang laki na ng pagitan namin...

Bumagsak ang aking mga balikat kasabay ng panunulay ng dugong nagmumula sa aking mga balikat. Kusang nawala ang ingay mula sa mga dyosa at napalitan ito ng ingay mula sa pagpatak ng aking sariling dugo.

Likidong kumakatawan ng sakit, kulay ng pagkatalo...

Pula... kulay ng sakit, pagkatalo, pighati...

Pulang dugo...

Pula...

"Pula---" natigil ako sa paulit-ulit na pagsambit sa kulay ng dugo nang muling sumagi sa aking mga mata ang punyal na siyang itinusok ko sa harapan ng aking maliit na bangka.

Agad lumipad ang aking mga mata sa dalawang dyosang kaunting-kaunti na lamang sa kulungan. Sa aking nanghihinang katawang namamayani ang lason at sugat, ubod na lakas akong tumakbo patungo sa unahan ng aking bangka.

Kasabay ng pagbagsak ng aking katawan ay ang pagdaop ng aking kamay na may bahid ng aking sariling dugo sa punyal.

Dahil hindi lang asul na tubig ang kayang dalhin ng punyal.

Kundi pati na rin kulay ng dugo, tulad ng pulang nagliliyab na apoy.

Pag-agos ng dugo'y napalitan ng dalawang mabibilis na linya ng apoy sa ibabaw ng ilog, panibagong pagsilang ng libong punyal sa hangin tangay ang kakaibang kulay ng emosyon.

Libong apoy ng punyal mula sa Dyosa ng Buwan.

Dalawang kamay ang aking pinagdaop sa nakatusok na punyal, dahan-dahang yumuko rito at idinakit ang noo.

"Tama na..." bulong ko kasabay ng pag-ulan ng libong punyal ng apoy sa ilog ng Deeseyadah.

Sa pagkakataong ito, hindi na palakpakan o maging singhapan ng pagkamangha ang aking narinig, dahil ang tanging nagawa lamang ng lahat ng dyosang manunuod ay matulala sa panibagong kaanyuan ng aking punyal.

Ngunit ang aking mga mata'y nasa gitna ng gintong kulungan. Higit na namayani sa aking mga mata ang kristal na likidong nagtatago sa kanyang puting kubon.

Buong ilog ay nagliyab at nag-iisang bangka lamang ang nanatiling nakalutang sa gitna ng mga apoy.

Tumindig sa kanyang katawang nagdurugo ang dyosang umangkin sa karera, kasabay ng kanyang mga matang nagliliyab at mga kasuotang tila parte ng pagsayaw ng mga apoy.

Huling atake ng kanyang punyal ay diretsong nagtungo sa gintong kulungan, sa mga mata ng mga dyosa'y parte ito ng kanyang huling ritwal bilang simbolong ang pangangalaga ay nasa kanyang mga kamay.

Ngunit lingid sa kaalaman ng lahat ang ngiti sa mga labi ng dyosa ay simbolo ng ibang uri ng tagumpay.

Isang musika...

Musika ng pagkalaglag ng posas mula sa nakapiit na mga kamay...

"Malaya ka sa buwan... pangako..."

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro