Chapter 6
A/N: You can hear Leticia's music performance (inspired) from youtube, Weaver girl - Heartstring. TaiGeKTou yt channel.
Chapter 6
Buwan
Sa tagal ng panahon, hindi lang si Hua ang naging kaibigan ko sa aking sariling mundo. Hindi man ako gustong kasama ng mga dyosa na kasing edad ko, may ilan pa ring dyosa na naging mabuti ang pakikitungo sa akin.
Isa na rito ang dyosa ng balon. Siya ang nangangalaga sa mahiwagang balon na may kakayahang umagaw ng mga alaala sa pamamagitan ng patak ng mga luha.
Madalas kaming tumigil ni Hua sa balon para makipag-usap sa dyosa. Ang dyosang nagngangalang Neena.
"Hua, bilisan mo. May nais akong sabihin sa kanya." Natutuwang sabi ko.
Halos lakad takbo ako para lang makarating sa balon at nang sumulyap ako kay Hua ay kasalukuyan na itong lumilipad na may tangay na tangkay ng dalawang dilaw na bulaklak.
Tumigil ako nang mas lumapit sa akin si Hua at hinayaan itong ilagay sa gilid ng aking tenga ang isang bulaklak.
"Maraming salamat, Hua."
Ngayon ay mas malaki na ang kaanyuan ni Hua na maikukumpara ko na sa isang normal na ibong maya.
"Ang isang bulaklak ay para ba kay Dyosa Neena?"
"Oo, para sa dalawang pinakamagandang dyosa ng Deeseyadah."
Ngumiti ako sa kanya at nagpatuloy na akong maglakad. Habang papalapit na kami sa kinaroroonan ng balon, unti-unti naming naririnig ang boses ng dyosa.
At nang sandaling abot tanaw na namin ito, kasalukuyang nakaupo ang dyosa sa balon, umaawit kasabay ng hangin at piraso ng maliliit na dahon.
Bukod sa angking kagandahan at kapangyarihang mayroon ang dyosa ng balon, isa rin ito sa pinakamagaling na mang-aawit.
"Ang galing niya, Hua..."
Sa paglambing at paglamig ng kanyang boses, sa pagsikip ng dibdib ko. Sinabi sa akin ni Hua ang paraan ng kapangyarihan ng dyosa.
Sa tuwing tumatanggap ito ng luhang punong-puno ng hinagpis at sakit, muli niya itong inilalabas sa balon sa pamamagitan ng awitin.
"Saglit na dampi... saglit na ningning... paglalahong dala pati ang puso..."
"H-Hua... tila ang luhang nilamon ng balon na siyang pinalalaya ng dyosa ay higit pa kalungkutan..." hindi ko napansin na nakahawak na ang aking kanang kamay sa aking dibdib.
Sa husay at ganda ng kanyang awitin maging ako'y nakakaramdam ng hinagpis. Isang patak ng luha ang tumakas mula sa aking mga mata.
Hinayaan namin ni Hua na matapos ang dyosa sa pag-awit, nanatili akong nakatayo at pinagsawa ang sariling makinig at manuod sa kagandahan. Pero nang sandaling mapansin na kami ng dyosa, ngumiti ito sa direksyon namin at inanyayahan kaming mas lumapit.
"Ang 'yong tinig ay talagang nakahahanga, Dyosa Neena." Lumapit ako sa kanya at ibinigay ang dilaw na bulaklak.
"Galing ito kay Hua."
"Maraming salamat, Hua. Maaari bang ilagay mo rin ito sa akin?" agad akong tumango sa sinabi ng dyosa at marahang naglagay ng bulaklak sa kanyang tenga.
Kapwa kami ngumiti sa isa't-isa nang pagmasdan namin ang aming repleksyon sa tubig na nagmula sa balon.
"Napakagandang mo, Dyosa Neena." Hinawakan ko ang dalawa niyang mga kamay.
"Ngunit higit kang maganda, Leticia." Tipid akong ngumiti sa sinabi niya.
"Kumusta ang 'yong mga aralin, Leticia?"
"Ginagawa ko ang lahat ng aking makakaya. Kung hindi man ako bigyan ng pagkakataong angkinin ang tamang kaanyuan ng isang dyosa, sisiguraduhin kong naaakama ang aking mga kaalaman." Hinaplos ng dyosa ang aking mahabang buhok.
"Masaya akong marinig ito, Leiticia."
"Sa tingin mo ba ay lumalaki na ako, Mahal na dyosa ng balon?" tanong ko sa kanya.
Tumalon ako mula sa pagkakaupo sa balon, ibinuka ang aking mga braso at marahang umikot sa harap ng dyosa. Sinabi sa akin ni Hua na tumatangkad na ako.
Ngumiti sa akin si Dyosa Neena. "Tumatangkad ka na, Leticia."
"Totoo?" natutuwang sagot ko.
"Mahal na dyosa ng balon, hindi magandang humabi ng kasinungalingan. Alam nating lahat na wala pa rin nagbabago kay Leticia." Napalingon kami sa tatlong dyosa na mga kasing edad ko, kapwa ang mga ito ay hawak na libro at mukhang napadaan lamang.
Nakatungo ang mga ito sa akin dahil higit silang matatangkad at nasa ganap na dyosang kaanyuan.
"Isa pa rin siyang dyosa na pinagkaitan ng kapalaran." Napayuko ako sa narinig ko.
"At kayo? Anong klaseng mga dyosa kayo? Hindi pa ba sapat ang mga aklat na hawak n'yo para maintindihang pang-iinsulto ang ginagawa n'yo?" Sagot ni Hua.
"Kung ang katotohanan ay isa nang uri ng insulto, langgam. Maaari mo nang matahin ang aming titulo bilang dyosa."
Ramdam ko ang presensiya ni Hua at anumang oras ay maaari itong lumaki at atakihin ang mga dyosa, pero maagap kong hinaplos ito.
Hindi ko nais magkaroon ng kaguluhan.
"Tapos na ba kayo? Kung nasiyahan na kayo sa pagdaan dito, maaari bang iwan n'yo na kami?"
Mas humakbang papalapit sa akin ang dyosa na siyang nasa gitna at mariin ako nitong tinitigan. Si Tatiana, matagal ko nang ramdam ang matinding pagkainis nito sa akin, ngunit sa tuwing inaalala ko kung may pagkakataon ba na may nagawa akong hindi maganda sa kanya ay wala akong matandaan.
Ang bawat galit ay may dahilan, ngunit anong klaseng dahilan ang nagtutulak kay Tatiana para patuloy akong kamuhian at matahin nang paulit-ulit?
"Ang balita ko'y ipinatala mo ang 'yong ngalan sa darating na Nodemus."
Narinig kong suminghap ang dalawang dyosa na nasa tabi nito. Ang Nodemus, ay isang uri ng importanteng pagdiriwang para sa lahat ng dyosa. Dahil isa ito sa natatanging paraan kung saan ang ilang dyosa ay naitatalaga sa kanilang tungkulin.
Ang proseso ng pagyakap ng tungkulin ay may dalawang paraan, ang una ay ang ilang taong pag-aaral at pagsasanay, habang ang isa naman ay sa pamamagitan ng natatanging ritwal. Kung saan ang mismong paglilingkuran ang siyang mismong pipili ng dyosang nararapat para umangkin sa kanilang kapangyarihan.
Ang huling Nodemus ay naging matagumpay dahil dalawang dyosa ang mismong niyakap ng kanilang mga responsibilidad, sila ngayon ang kasalukuyang dyosa ng oras at dyosa ng mga lagusan.
Nodemus ang isang ritwal kung saan ipakikita ng isang dyosa ang kanyang natatanging kakayahan na may lapat ng sining at pagmamahal. Ang dyosa ng oras ay nagtanghal sa pamamagitan ng napakaraming sariwang kawayan, ipinakita rito ang kanyang bilis at linis sa pagkilos, isa itong magandang pagtatanghal na halos maubusan ako ng hangin nang sandaling panuorin ito. Habang ang dyosa ng mga lagusan naman ay nagtanghal sa mapapagitan ng makukulay na bato na sa sandaling lumalapat ang kanyang mga paa rito ay nagbabago ang kulay ng kanyang kaanyuan, halos lahat ay napatayo sa huling parte ng kanyang pagtatanghal dahil nang sandaling magtungo siya sa gitna ay yumakap sa kanya ang iba't-ibang kulay na sumisimbolo na kaya niyang pag-isahin ang bawat lugar sa kabila ng kaibahan nito. Ipinarating nito ang koneksyong maaari niyang igawad sa bawat lagusan mula sa iba't-ibang mundo.
"Ang Nodemus ay bukas para sa lahat ng mga dyosa ng mundong ito, wala akong natatandaang isa itong kasalanan, Tatiana." Tumawa ito na may halong pang-iinsulto.
"Sa tingin mo ba ay may magnanais sa'yong hawakan ang isang responsibilidad? Huwag ka nang mangarap, Leticia. Sasayangin mol ang ang oras ng mga manunuod." Itinaas nito ang kanyang kilay sa akin bago ito tumalikod kasabay nang paghawi sa kanyang buhok.
"Kailanman ay hindi kasiraan sa oras ang pagtupad sa isang pangarap na nagmula sa puso, magandang araw, Tatiana."
Pilit akong humarap kay Hua at Dyosa Neena na may ngiti sa mga labi. Alam kong agad nilang nakuha ang kagustuhan ko at hindi na namin pinag-usapan pa si Tatiana.
"Masaya akong sumali ka sa Nodemus, Leticia. Masaya akong salubungin ka sa mundo ng mga tungkulin." Muli akong naupo sa tabi niya at hinayaan kong haplusin niya ang buhok ko.
"Ngunit may napupusuan ka na bang paglilingkuran?" tumango ako.
"Pero kung anuman ang ibigay sa akin ay malugod kong tatanggapin. Kung... may magkakainteres sa akin."
"Ang ambisyon, puso, matinding dahilan at mithiin ng isang dyosa ay mararamdaman sa oras ng pagtatanghal, Leticia." Muntik ko nang makalimutan na isa si Dyosa Neena sa mga dyosang pinili at hindi na kailangang mag-aral nang napakatagal na panahon.
"Dahil nang sandaling nasa harapan nila akong lahat, isa lang ang binubulong ng puso at isipan ko. Ang makatulong... ang makaalis ng sakit at pighati, ito ang narinig ng balon at niyakap niya ako. Hayaan mong marinig ka ng 'yong minimithi, dahil ito mismo ang yayakap sa'yo, Leticia. Nawa'y magtagumpay ka..." humalik sa aking noo ang dyosa ng balon.
"Maraming salamat..."
"Panunuorin ko ang 'yong pagtatanghal."
Nakabalik kami ni Hua sa aking silid na magaan ang pakiramdam, isang malaking pasasalamat ko dahil ang dyosa ng balon ang tumulong sa akin nang sandaling mawalan ako ng malay.
Sinabi sa akin ni Hua ang lahat ng nangyari, matapos kong mangako kay Nikos ay nagpaalam na ito sa akin. Ngunit dumating ang dyosa ng apoy, pero bago pa man lumapit ito sa akin ay nakarating ang mga dyosa para ibalik ako sa aming mundo.
Umabot sa akin ang balitang sinubukan daw akong gamitin ng dyosa ng asul na apoy, pero agad ding namatay ang usapang ito dahil isang malaking kasalanan ang alalahanin pa ang dyosang itinakwil ng aming mundo.
Simula nang magising ako sa tabi ng balon, isang pangarap lang ang madiin kong pinanghahawakan, isang pangako na hinding-hindi ko bibiguin. Mga salitang binitawan ko sa isang bampirang biktima ng maling pagkakataon.
Unti-unti ko nang ipinikit ang aking mga mata.
"Magandang gabi, Leticia..."
Dahil sa pagod ay hindi ko na nagawang pansinin ang matikas na anino mula sa likuran ni Hua.
May kasama ba kami ni Hua sa silid? Ngunit hindi ito anino mula sa isang dyosa...
***
Dumating na ang araw na hinihintay ng lahat. Maraming dyosa ang nakilahok sa Nodemus at bawat isa ay nagniningning sa kagandahan.
Pinili ng mga natakatataas na mga dyosa na malapit sa dagat ang mangyayaring pagtatanghal, marami ang nadismaya pero may ilan rin ang natuwa.
"Nagsanay ka ba, Leticia?" tanong ni Dyosa Neena.
Umiling ako. Saglit siyang nagulat sa kasagutan ko. "Ngunit anong mangyayari-"
"Galing sa puso, aking dyosa. Kung anuman ang nalalaman ko sa mga oras na ito, ito lamang ang ipakikita ko sa kanila."
"Anong instrumento ang gagamitin mo?"
Inilabas ko ang maliit na punyal na kinuha ko mula sa mundo ng mga bampira.
Bago magsimula ang pagtatanghal ay nag-anunsyo ang mga matataas na dyosa at mas pinabigat ng mga ito ang patakaran, dahil nais ng mga itong sa mismong dagat mangyayari ang gagawin ng mga dyosa.
Kailangang lumutang ng dyosa sa dagat at dito isagawa ang pagtatanghal. Sa ganitong paraan ay halos kalahati sa bilang ng mga dyosa ang agad na natanggal dahil sa walang kakayahang lumutang sa dagat na siyang dapat naming kabisaduhin.
"L-Leticia... hindi ba at hindi ka marunong-"
"Ngunit wala silang sinabing hindi maaaring gumawa ng ibang paraan, ililipad ako ni Hua sa ibabaw ng tubig." Ngiting sabi ko.
Tulad ng inaasahan ay kasali rin si Tatiana, ang kanyang mga kamay at paa ay may nakataling maliliit na gintong kampana, sa bawat galaw ng kanyang katawan ay kislap sa mga mata ng bawat dyosang manunuod, ni hindi man lang ito nagawang mabasa ng dagat sa kabila nang malaya nitong pagkilos.
Umani siya nang masigabong palakpakan mula sa aming lahat. Nasundan pa siya ng naggagandahang dyosa na kapwa nagpakita rin ng nakamamanghang pagtatanggahal.
"Ang ang huli... Jewellana Leticia..."
Nagsinghapan silang lahat nang makitang nakatapak ang aking mga paa sa katawan ni Hua na kasalukuyang lumulutang sa dagat.
"I-Isang pandaraya!" sigaw ng isang dyosa na hindi nagawang maglakad sa dagat.
"Wala sa patakarang hindi maaaring gumamit ng ibang paraan para lumutang." Mabilis na sagot ni Dyosa Neena.
Nanatiling tahimik ang mga nakatataas na dyosa, kaya nagpatuloy ako.
Si Dyosa Neena ang tumulong sa aking kasuotan, ito ang nagtirintas ng aking mahabang buhok na nilagyan niya ng maliliit na bulaklak na puti at dilaw. Siya rin ang naglagay sa akin ng isang manipis na kwintas sa ibabaw ng aking ulo at ang maliit na bato nito ang siyang nakatigil sa aking noo. Naglagay din siya ng dalawang maliit na diyamante malapit sa gilid ng aking kanang mata. Habang ang aking kasuotan naman ay purong puti na may hiwa na halos hindi ko mabilang, sobrang haba nito na halos matakpan na ang likuran ni Hua. Bahagyang ipinakikita ng aking kasuotan ang aking mga balikat. Dahilan kung bakit matindi na ang nararamdaman kong panlalamig.
Magkahalong kaba, takot, pangamba, kasiyahan at pag-asa ang nararamdaman ko sa mga oras na ito.
Nang sandaling mas lalong lumalim ang katahimikan ng lahat, habang ang kanilang mga mata'y nasa akin. Unti-unti ko nang ipinakit ang aking mga mata, kasabay nang paghinga nang malalim.
Kung ang lahat ng dyosang nauna sa akin ay nagtanghal sa paraang kaya nilang isantabi ang dagat at gawin ang presensiya nitong isang hadlang na hindi nagawa sirain ang kanilang pagtatanghal, ako'y napiling gawin ang kabaliktaran.
Dahil ngayong gabi...
Ang aking punyal at dagat ay mag-iisa.
Nanatili akong nakapikit habang ang aking mga kamay ay magkadaop, sa gitna nito'y ang punyal. Marahan kong inilapat ang aking mga labi sa malamig na punyal, dala ang dasal, pangarap, pangako at ang aking mga emosyon.
At nang sandaling unti-unti kong pinaghiwalay ang aking mga kamay, nanatili sa ere ang punyal, dahan-dahan itong nag-angat sa aming lahat dala ang mainit na liwanag, at nang sandaling magmulat ako ng mga mata agad nawala ang liwanag at nahulog sa tubig ang punyal.
Nakarinig ako ng sunod-sunod na pagtawa, pangungutya at pagkadismaya at maging mga matang punong-puno ng pang-iinsulto.
Handa nang tapusin ng tagapag-anunsyo ang aking pagtatanghal, ngunit nang sandaling ibuka ko ang aking mga labi na may dalang himig kasabay nang banayad na agos ng tubig... tuluyang nilamon ng aking introduksyon ang kanilang walang katapusang panliliit sa akin.
Sunod-sunod nagliparan pataas sa hangin ang bawat piraso ng tubig na may kawangis na hugis ng punyal.
Umusal ako ng dasal sa pamamagitan ng awitin.
Libong punyal sa kalawakan ng karagatan...
Agos ng tubig kayakap ng aking tinig...
Halik ng aking dasal... puso'y aking kinakatok...
Hangaring kasing linaw ng kristal, matang nais ay kapayapaan...
Mas lalong lumakas ang singhapan nang napakaraming dyosa nang unang humakbang sa dagat ang isa kong paa.
"N-Nakalulutang na-" pagkagulat at pagkamangha ang namayani nang sa unang pagkakataon, ang dyosang pinakaitan ng tadhana'y nagawang tumapak sa karagatan.
Parang sasabog ang puso ko nang sandaling magawa ko ang bagay na ibinubulong ng aking damdamin. Ito nga pala ang sinasabi ng dyosa ng balon.
Huling lumutang ang totoong punyal at nang sandaling mahawakan ko ito, umalingawngaw ang plautang inihanda ni Hua, ang mga kaibigan nitong kabibe at mga punong kawayan na siyang gumawa ng musikang katambal ng aking sayaw.
Muli akong humuni sa mabagal kong pagguhit sa hangin ng malaking bilog sa aking unahan at sa bawat kumpas ng punyal ay paghabol ng asul na tubig. At nang sandaling magdaop ang dalawang dulo ng maliit na tubig sa ere, ang libong punyal na nagsabog sa ibabaw ng karagatan ay gumawa nang nakahahalinang pagsabog na tila mga patak ng ulan.
Kasabay nang pagbuhos ng patak ng mga tubig, ay naglabas ako ng nagniningning na gintong alikabok, ngunit ang higit na nagpakislap dito ay ang unti-unting pagsilip ng natutulog na buwan sa likuran ng mga ulap.
Gumawa ako ng pag-ikot na may ngiti sa mga labi, kumpas ng aking mga kamay na may minimithing tungkulin, bawat indayog ng aking katawan ay simbolo ng talim ng libong punyal mula sa karagatan.
Bawat sining sa kanilang mga mata'y mula sa aking puso.
Maliliit na patak ng ulan ang siyang yumayakap sa akin...
Kanyang presensiya'y hindi kahinaan kundi kalakasan...
Talim mula sa karagata'y hindi panganib...
Kundi ang katahimikan nitong nakapananakit...
Katotohanang pilit ibinaon sa malalim na karagatan, aking aahunin at itatama, susugal sa tadhana, kahit nakapananakit na punyal man ang kanilang makita.
Sa ika-anim na kumpas ng aking mga kamay ay mas lumakas ang singhapan ng lahat.
"L-Leticia..." maging si Dyosa Neena ay nanlalaki ang mga matang nakatitig sa akin.
Ipinagpatuloy ko ang aking pagsasayaw, sa kabila nang init na nararamdaman sa aking katawan.
"A-Ang kaanyuan ni Leticia!"
Sa ikatlong pag-ikot ng aking buong katawan, mas lumakas ang ulan sa aking buong katawan. Tila lumiit ang aking kasuotan...
Unti-unting tumayo sa kanilang mga trono ang pinakamatataas na dyosa ng Deseeyadah.
Ang ilan sa mga dyosa ay nawalan ng balanse habang nakatitig sa akin, buong akala ko'y ang aking pagbabagong anyo ang higit na nakapagpagulat sa lahat. Ngunit nang sandaling tumalikod ako sa lahat... tuluyan nang nagtuluan ang mga luha mula sa aking mga mata.
Nanlambot ang aking mga tuhod at napasalampak ako sa tubig. Hindi ako makapaniwala...
Nangarap lang ako... nangarap lang ako...
Bumaba ang buwan.
Humalik ang buwan sa karagatan...
Umalingawngaw ang boses ng Punong Dyosa.
"Bigyang pugay! Ang pagsilang ng bagong Dyosa ng Buwan!"
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro