Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 50

Chapter 50

Pagtalikod

Naalimpungatan ako sa aking mahimbing na pagkakatulog nang maramdaman ko ang marahang pag-angat ng aking katawan.

Pilit kong iminulat ang aking mga mata, at ilang beses iyong ikinurap. Sinalubong iyon ng matipunong dibdib ng Hari ng Sartorias habang buhat ako patungo marahil sa kama.

"Rest..." halik sa ibabaw ng aking noo ang siyang nagpangiti sa akin.

Ipinikit kong muli ang aking mga mata at mas dinama ang init ng kanyang katawan.

Nang tuluyan na kaming makarating sa ibabaw ng malambot na kama ay naramdaman kong muli ang kanyang mapang-angking yakap, bago kami nagsalo sa isang makapal na kumot.

Hinayaan ko ang aking sariling magsumiksik sa katawan ng aking hari. Hindi man namulat ang aking mga mata'y alam kong pinagmamasdan niya ako. Ang kanyang mga daliri'y marahang hinahaplos ang iba't-ibang parte ng mukha ko.

Ngunit ang hari'y tila hindi nakapagpigil na nakalimutan ang unang salitang binitawan sa akin, dahil ng sandaling naramdaman ko ang tungki ng kanyang ilong sa akin, alam kong nais niya ng atensyon.

"Hmm..." nanatili akong hindi nagmumulat, ngunit hinayaan ko siyang mas kabigin ang katawan ko. Ang kanyang mga daliri'y ngayon naglalaro ng mga guhit sa aking likuran.

"Ako'y hanggang ngayon ay hindi makapaniwala..." bulong niya.

Nang mabagal na sundan ng mga daliri ni Dastan ang gulugod ng aking likuran, napapitlag na ako at napamulat. Mas nagdikit ang aming mga katawan sa ilalim ng makapal na kumot.

Nakatuon ang isang braso ni Dastan sa kanyang unan habang nawiwiling pinagmamasdan ako sa bawat reaksyong gagawin ko sa paglalaro ng kanyang isang kamay.

Nag-init ang pisngi ko. "S-saan ka naman hindi makapaniwala, Mahal na Hari?"

Lahat nang nangyari'y isang katotohanan, at walang parte sa aking katawan ang hindi niya sinamba at minarkahan.

"To your words... to your actions... hindi mo ba alam na sa'yong simpleng mga salita'y, ang isang hari'y maging mas nagiging uhaw, gutom--"

Hindi ko siya pinatapos. "Handa akong sagutin ang lahat ng uhaw at gutom mo, Dastan..."

Nang muli kong salubungin ang mata niya'y nagningas na naman iyon. "Leticia..."

"Akala ko'y tuluyan na akong mahahati, Mahal na Hari, masakit pala iyon sa una..." bakas ang pag-aalala sa kanyang mga mata ng sabihin ko iyon.

"Pata—" agad kong tinakpan ang mga labi ng hari sa dapat niyang sasabihin. Hindi ko nanaisin na ihingi niya ng patawad ang ginawa namin.

"Hindi namayani ang sakit, Mahal na Hari... at hindi ko akalaing magugustuhan kong magpaubos..."

"Nagawa ko bang ubusin ang lahat ng nais mo, aking reyna?" nanghihina akong tumango sa hari.

"Gusto ko ang ang pag-ubos... at paghigop mo sa akin..."

Sa pagkakataong ito'y mas bumaba si Dastan, siya naman ngayon ang nakasiksik sa leeg ko at bahagyang nakaangat ang ulo upang magtama ang aming mga mata.

"Mga katungkulang ikamamatay ko kung hindi ko ipagkakaloob sa aking reyna..." suminghap ako sa kasagutan ni Dastan.

Bumalik sa aking mga alaala ang mga ginawa niya sa akin. At maglaro kong inikot ang ilang daliri ko sa hibla ng aking mahabang buhok, mas nag-iinit ang pisngi ko.

Ngumuso ako at marahang bumulong. "Paghigop..."

"Hihigupin at uubusin kita..." mas mahinang bulong ng Hari ng Sartorias.

Hindi ko na nagawang salubingin pa ang kanyang mga mata, dahil siya'y humiwalay na sa akin. Itinakip niya ang kanyang kaliwang braso sa kanyang mga mata at tuluyan na akong namangha at mas nahulog sa kanyang kakisigan.

Sa unang pagkakataon, narinig kong humalakhak ng malakas ang Hari ng Sartorias, sobrang gaan nito dahilan kung bakit ramdam na ramdam ko ang kanyang galak at tuwa.

Ang kanyang makisig na pagtawa ay hindi lang tumagal ng segundo kundi minuto. Halos matunaw ang puso ko habang pinagmamasdan siya.

Tumatawa ang Hari ng Sartorias, tumatawa ang lalaking mahal ko...

"Dastan..."

Umiiling siya habang pinakakalma ang sarili. "Ang iyong mga salita'y pinaliligaya ako, Leticia..."

Hindi mapawi ang aking ngiti. Nang tumigil siya sa pagtawa ay hinagip niya ang dalawa kong mga kamay. "Ngunit mas higit akong pinaligaya ng mga kamay na ito..."

Mariin niyang hinalikan ang mga kamay ko. "Ang mga labing ito..." humalik siya sa labi ko.

"Ang buong kabuuan mo, aking diyosa..."

Naglaho ang tumatawang hari at bumalik muli ang tila simbong apoy sa kanyang mga mata.

"Tila ako lamang ang nangangailangan sa ating dalawa..." hinaplos ni Dastan ang mga labi ko.

Ngunit mariin akong umiling upang hindi sang-ayunan ang sinabi niya. "Kailangan din kita, Dastan..."

"Hinahanap-hanap ko ang iyong mga pangil sa balat ko, ang tunog ng pag-inom mo, ang ginagawa ng mga labi mo sa bawat parte ng katawan ko... gustong-gusto ko iyong lahat, hinahangad din kita, Dastan..."

Binigyan ako ng hari ng tipid na halik sa aking mga labi. "Don't tempt me... mahina ka pa... kailangan mo ng pahinga..."

Tumango ako sa sinabi niya.

"Sleep... gigisingin kita kapag bumalik na ang iyong lakas."

Humalik ako sa pisngi ni Dastan. "Napaligaya mo ako, Mahal na Hari..."

**

Maingay na musika mula sa tambol at trumpeta ang siyang gumising sa amin ni Dastan. Inakala kong gabi ang sasalubong sa amin, ngunit nakapagtatakang buhay na buhay ang buong kaharian ng Parsua Sartorias dahil sa aming silid pa lamang ang dinig niya ang ingay mula sa labas.

Iniyakap ko ang kumot sa aking katawan nang sandaling umupo ako sa kama, ang hari'y nanatiling nakasubsob sa kama na tila iritado sa kasiyahang kanyang naririnig.

"Ano'ng kasiyahan ang ipinagdiriwang ngayon ng kaharian, Dastan? Tila hindi nila tayo binigyan ng abiso."

Simula nang mag-isa kami ni Dastan at mas mapagtibay ang aming koneksyon, mas naging bukas na ang haring ipakita sa akin ang ilan sa hindi ko akalaing ugali at mga kilos niya.

Isa na rito ay ang ginagawa niyang pagtatakip ng malaking unan sa kanyang ulo na tila nais niyang tanggalin ang malakas na ingay na kasalukuyang bumubuhay ngayon sa palasyo.

"I will cut their heads!"

Kumunot ang noo ko sa narinig. "Sino?"

Bumangon na siya at hindi ko inaasahan ang maagang pagsasalubong ng kanyang kilay. Tipid siyang humalik sa labi ko bago siya naunang bumaba sa kama.

Hindi inilantana ng hari ang kanyang kahubaran sa aking harapan, dahil mabagal pa siyang naglakad patungo sa isang maliit na lamesa para magsalin ng pulang alak, inisang lagok niya lamang iyon bago niya ibinagsak muli sa lamesa.

"How I hate this lame King's tradition.

Nagtungo siya sa tokadora at isinuot ng kanyang gintong roba, hinayaan ni Dastan ang nakalugay niyang buhok.

"Tradisyon?"

"Do you still remember my first attempt, Leticia? Noong inakala ng lahat na--" suminghap na ako sa sinabi ni Dastan.

"A-alam nilang lahat?!" hinawakan ko ang magkabilang pisngi ko habang umiiling sa kahihiyan.

"They'll know, kahit hindi magbigay ng anunsyo ang palasyo. Hindi pa nagkakaroon ng dilim simula nang ipagkaloob mo ang sarili mo sa akin, Leticia."

Nagsimula na akong bumaba sa kama, at hinigpitan ko ang pulupot ng kumot sa katawan ko. Ngunit nang nag-akma akong magtungo sa bintana upang sumilip ay agad akong hinila ni Dastan patungo sa kanya.

"Wear something first, My Queen. This will not be a King's massacre party, I am a very jealous king. Your body with my blankets is for my eyes only..."

"Very well."

Mabilis kong sagot na nakapagpagulat kay Dastan.

"Y-you can--"

Tipid akong tumawa at tinalikuran ang hari. "Sabi ni Naha ay madali raw akong turuan ng mga bagay-bagay."

Suminghap siya sa sinabi ko. "From all the ladies, Evan's mate?"

Sinimulan ko nang hanapin ang sarili kong roba, at nang makita ko iyon ay agad ko nang isinuot. Hinintay ako ni Dastan makapag-ayos ng sarili bago niya ako inalalayan magtungo kasama niya sa asotea ng kanyang silid.

Nakapulupot ang isa niyang braso sa aking bewang habang kapwa kami naglalakad at nang sandaling kusang magbukas ang malaking bubog na pintuan, sinalubong kami ng malakas na sigawan ng buong nasasakupan ng Parsua Sartorias.

Mas lalong nag-ingay ang napakaraming trumpeta, ang naglalakihang tambol mula sa bultong mga banda ng musiko na may iba't-ibang kulay ng uniporme, mga bata, matanda, iba't-ibang pamilya na nagsasabog ng mga bulaklak.

Ang kasiyahan ng buong Parsua Sartorias ay tila ang punong siyang aking nasaksihang nagliwanag nang gabing inangkin ako ng hari.

Sa himpapawid ay nagliparan ang naglalakihang ibon sakay ang ilang mga kawal ng palasyo upang magsabog ng iba't-ibang klase ng mga bulaklak. Ang nagtatayugang punong simbolismo ng mga Gazellian ay tila nagkaroon ng sariling mga sayawin kasabay ng hangin.

Ang paulit-ulit na pagtawag ng mga nilalang sa ngalan ni Dastan bilang kanilang hari'y nakakataba ng puso.

Nang sandaling lumingon ako kay Dastan, nawala na ang emosyong ipinakita niya sa akin kanina, hindi man siya nakangiti ang galak sa kanyang mga mata'y isa nang kalabisan.

Humalik sa aking noo si Dastan bago kami kapwa mas humakbang papalapit sa dulo ng asotea upang makita kami ng lahat ng mga nilalang na nakatingala sa aming dalawa.

"Ang Sartorias ay isang maliit na emperyo lamang, at darating ang panahon na higit pa rito ang tatanawin ng aking mga mata." Nanatiling nakatulala si Dastan sa napakaraming nilalang na ngayo'y nakangiti sa amin.

Kailanman ay hindi ko naging nais ang ingay at libong mga mata nakatingin sa akin, ngunit handa ko iyong harapin lahat...

Hindi lang dahil kay Dastan o sa kapalarang nakaguhit sa akin. Dahil ito'y siyang mismong itinitibok ng aking puso.

"Sasamahan mo ako, Leticia, mahal ko... sasamahan mo akong mahalin ang mga nilalang na ito..."

"Hinding-hindi kita iiwan, Mahal na Hari..."

**

Ang pananaginip sa nakaraan ay naging parte na ng aking sistema simula nang bumaba ako sa lupa.

Hinayaan ko ang sarili kong tumitig kay Reyna Talisha na kasalukuyang nagbabasa ng aklat sa kanyang silid. Hinintay kong magpakita si Haring Thaddeus at makarinig ng rebelasyon na siyang inihahayag lamang sa panaginip ngunit hindi ko inaasahan ang siyang nangyari.

Biglang dumugo ang ilong ni Reyna Talisha. Ang bawat patak ng kanyang sariling dugo'y nagsimulang bahiran ang kanyang aklat dahilan kung bakit niya iyon nabitawan.

Tila ang dugong nakikita niya'y humila ng kanyang lakas dahil napasalampak na siya sa sahig, ngunit ang higit na nakagulat sa akin ay ang bigla niyang pagsusuka ng sariling dugo.

Isa lamang ang maaaring dahilan ng biglaang pagsusuka ng dugo ng isang bampira, lobo o kahit sinong may itinakdang kapareha. Iniwas ko ang aking mga mata sa reyna, mukhang nakukuha ko na kung saang panahon ito.

Sa biglang pagpapakita ng kanyang kuneho, mas nakumpirma ang aking hinala. Ang hari'y may—

Ngunit isa siyang diyosa, bakit hindi siya gumawa ng paraan upang masolusyunan iyon? Bakit hinayaan niya ang kanyang sariling magdusa? Maaari ko iyong ikamatay kung sa 'kin iyon mangyayari.

Sumunod na ipinakita ang pamilyar na puno na may kulay rosas na mga dahon, kung hindi ako nagkakamali ay tila kawangis iyon ng punong simbolismo ng Prinsipe ng mga nyebe.

Isang napakagandang isla na napapalibutan ng malakristal na lawa, tila iyon ay may mga diyamanteng nakatago sa ilalim na siyang bumubulong sa sinuman na lumubog doon at magpaalipin.

Ang isla'y kaakit-akit ngunit tila may nakatagong kapahamakan sa may mahihinang puso at damdamin. Ngunit ang pinaka-atraksyon nito ay ang malaking puno na nagpapaulan ng dahong kulay rosas.

Akala ko'y ito na ang tanging kagandahan ng isla, ngunit nang sandaling maagaw ang atensyon ko ng tinig mula sa paanan ng puno, nais kong bawiin ang lahat ng sinabi ko.

Dahil si Reyna Talisha at ang puti nitong kasuotan ang siyang mas nagbigay buhay at liwanag sa buong isla.

Kahit siya'y nababahiran ng pawis, hindi maayos na buhok at mga matang nangangamba, hindi maipagkakailang isa siya sa pinakamagandang diyosang nilikha ng Deeseyadah.

"Si T-thaddeus po?" ramdam ko ang sakit sa kanyang boses habang hinahanap ang kanyang asawa.

Isang matandang babae at ang kanyang kuneho lamang ang kanyang kasama.

Sa araw na ito isisilang ang Prinsipe ng mga Nyebe, at wala si Haring Thaddeus.

"Mahal na Reyna, padating na ang hari..."

Naglandas na ang luha sa mga mata ng reyna. "B-bakit kailangang dito ko iluwal ang bata? Magagawa ko ito sa Sartorias..."

"Kailangan ng prinsipe ang presensiya ng puno, Mahal na Reyna..."

"Nais kong makita si Thaddeus... gusto kong hawakan ang kamay niya..."

Ilang beses man tinawag ng reyna ang ngalan ng hari habang iniluluwal ang ikalawang prinsipe, ni anino nito'y hindi man lang nagpakita.

At nang araw na iyon, sumabay ang unang luha ng ikalawang prinsipe sa walang katapusang luha ni Reyna Talisha.

Ang sunod na ipinakita ay ang paulit-ulit na pag-alis ni Finn at Haring Thaddeus sa Parsua Sartorias.

"Mahal na Reyna, ang hari'y patungo na naman--"

"Lumps, itigil mo kung anong sasabihin mo."

Sa bawat pagbalik ni Finn at Haring Thaddeus, palagi na lang iyong may regalo sa kanya, habang si Finn na bata at musmos pa lamang ay nadudulas na sa kanyang sariling ina.

Sinusuklayan ni Finn ang buhok ni Reyna Talisha. "Basta, you are prettier than her!"

Gumuhit ang pait sa mga mata ni Reyna Talisha. "Who?"

Natigilan si Finn at umiling sa kanya. "Father loves to kiss you a lot! Lagi rin nakatitig sa'yo si ama..."

Natutuwang sabi ni Finn na parang siya mismo ang nagkukumbinsi sa sarili na mas mahal ni Haring Thaddeus si Reyna Talisha kaysa kay Danna.

"She's kind..." bulong ni Finn, agad siyang umiling sa sariling niyang sinabi at bigla niyang niyakap si Reyna Talisha.

"You're kinder! I love you, Mother..."

Nagpatuloy ang paglalakbay ko sa nakaraan. Hanggang sa umabot ako sa parteng—

"Sa tingin mo hindi ko alam ang ginagawa mo, Thaddeus?!" lumuluhang sigaw ni Reyna Talisha.

"T-talisha... mahal ko..." kumirot ang dibdib ko, pareho sila ni Dastan ng tawag sa amin.

Sinubukang lumapit ni Haring Thaddeus sa reyna ngunit humakbang iyon papalayo sa kanya.

"Huwag mo akong lapitan! Huwag mo akong hawakan! Alam ko! Alam ko ang lahat lahat! Nagbubulag-bulagan lang ako! Kasi mahal na mahal kita, Thaddeus! Mahal na mahal... pero paulit-ulit mo 'kong sinasaktan... ang sakit-sakit na... sawang sawa na 'ko!"

Malayong-malayo si Reyna Talisha sa magandang diyosang nasasaksihan ko sa mga unang panaginip ko, halos lamunin na ng nag-uumapaw na galit, kalungkutan at poot ang kanyang presensiya.

"Talisha... mahal kita... mas mahal kita sa inaakala mo..."

Umiling ang reyna. "A-ayoko... hindi ko na kaya, Thaddeus..."

Natulala ako nang si Haring Thaddeus ang lumuha sa harapan ng reyna. "Nagkakamali ka... ikaw at ang mga anak natin ang pinakamahalaga sa akin... mahal na mahal kita, Talisha..."

Nang nagsimula muling lumapit si Haring Thaddeus ay mas lumakas ang sigaw ni Reyna Talisha, sinubukan niyang gumamit ng sariling kapangyarihan upang pigilan ang hari ngunit marahas siyang nayakap at nakabig ng hari, siniil siya nito ng halik.

Nanlaban ang reyna, sa pagitan ng kanyang mga luha at mga braso, ngunit ang hari'y hindi nagpatinag.

Nilunod ng hari ng mga halik ang reyna hanggang kapwa nila sagutin ang galit, lungkot at pagmamahal ang isa't-isa sa kanilang kama.

"T-talisha..." ilang beses umiling ang reyna habang kapwa sila humihingal ng hari.

"T-thaddeus..."

Hindi ko alam kung bakit nanatiling mulat ang aking mga mata, dahil ba may dapat akong makita...?

At tuluyan na ngang nagimbal ang aking buong sistema nang bigla may kinuha si Reyna Talisha sa ilalim ng kanilang unan.

Huli na ang lahat nang tumakbo ako sa kama upang pigilan ang nangyari. Dahil ang mga kamay mismo ng reyna habang hawak ang pamilyar na punyal na kumislap sa sinag ng buwan, ang siyang unti-unting tumapos sa buhay ng Hari ng Sartorias.

"Danna..." usal nang hari habang itinuturo ang likuran ng reyna.

Nanlalaking mga mata ni Danna ang siyang nakasaksi sa pagpatay ni Reyna Talisha sa kilala at tinitingalang Hari ng Sartorias sa kasaysayan.

Tuluyang nabalot ng kadiliman ang aking buong panaginip.

Ngunit ang inakala ko pagtatapos ng isang bangungot ay umpisa pa lamang, dahil nang sandaling nagmulat ang aking mga mata.

Aking mga kamay ay nangangatal, ang punyal na inakala kong tagapagligtas ay kasalukuyang nababalutan ng pamilyar na dugo, at ang aking posisyon ay kawangis ng sa reyna...

Naglaglagan ang aking mga luha habang nakikita ang mga mata ni Dastan na punong-puno ng pagtataka, ang dugo sa kanyang labi'y nagsisimula nang lumabas...

"D-dastan..."

Bigla kong narinig ang boses ni Diyosa Neena at ang kanyang babala sa akin.

"Ang liwanag na talim ay punong-puno ng kataksilan, ngunit nag-uumapaw sa pagmamahal... tinangkang linisin ng ikatlong humawak ngunit siya'y hindi nagtagumpay, ika'y makagagawa ng isang--"

"D-dastan..." hindi ko alam kung anong dapat kong sabihin o gawin.

Nangangatal kong hinawakan ang punyal upang tanggalin iyon, ngunit isang malakas na pagsigaw ang umagaw sa aking atensyon.

Si Reyna Talisha.

Nasundan siya ng mga taga-sunod, at ang higit na nakapagpalala ng sitwasyon ay si Lily.

Ang prinsesang Gazellian na sandaling makitang nasasaktan ang kapatid ay sarado na ang isipan sa kahit anong eksplanasyon.

"L-lily... Mahal na Reyna... mali ito..." pagmamakaawa ko habang hawak ang punyal.

Ngunit handa nang umatake sa akin si Lily. Handa na akong tanggapin iyon at pagdusahan nang biglang may humarang sa kanyang atake.

Si Nikos.

Sumunod si Hua na sapilitan na akong inilayo kay Dastan na nagsisimula nang ipikit ang mga mata habang pilit akong inaabot.

"Mali ito... Hua... hindi ako... hindi ko ito gagawin kay Dastan... nangako ako sa kanya..."

Ngunit walang nakinig sa akin.

Tila bumalik ang panahong tumatakas ako sa Deeseyadah, dahil sa maling paratang.

At hindi ko akalaing ang ikalawang lugar na itinuri kong tahanan ay muling ipararanas sa akin ang habulin ng poot at kamatayan.

Kasalukuyang tumatakbo ang kabayo ni Nikos habang nakasubsob ako sa likuran niya at walang tigil na lumuluha.

Hindi ko na alam ang nangyayari. Masaya pa kami ni Dastan.

Ito ba'y ginawa sa akin ni Reyna Talisha dahil alam niyang darating ang panahon ay madidiskubre kong siya ang totoong pumatay sa hari?

Siya'y kalaban ang turing sa akin. Ngunit sino siya sa Deeseyadah?

Kusa akong bumitaw kay Nikos at hinayaan ko ang sarili kong mahulog sa kabayo, hindi ko ininda ang sakit ng buong katawan ko at hinayaan kong magpagulong-gulong ako.

At nang sandaling makabangon at makaluhod ako sa lupa, inilabas ko ang punyal. Akma ko na iyong isasaksak sa aking sarili nang may umagaw niyon sa akin.

Hindi dalawa kundi tatlong kabayo ang pumalibot sa akin, tatlong nilalang ang kapwa nakatitig sa akin, si Nikos, Hua... ngunit ang isa'y nanatiling may balot na puting tela ang mukha.

Niyakap ng kanyang mga malalaking halamang ugat ang aking punyal. Tinanggal niya ang telang puti at inilahad niya ang kanyang mga kamay sa akin.

Ang prinsipeng unang naglahad sa akin ng kamay nang unang tumapak ang aking mga paa sa Parsua Sartorias.

"Ito ang unang pagkakataong tatalikuran ko ang mga Gazellian."

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro