Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 44

Chapter 44

Tawag


Liwanag na tila talim ng espada...

Liwanag na siyang higit na magniningning sa gitna ng digmaan...

Liwanag na siyang uupo sa pinakamatayog na trono...

Sa gitna ng pagpili sa pagitan ng magkasalungat na direksyon, sa sandaling tila ang oras ay tumigil, paghinga'y naimpit, paghagpos ng pawis sa pisngi'y nanlamig, mga alikabok sa hangi'y nabitin, mga nagsasagupang kapangyariha'y tila nanlabo at ingay na karahasan ay tila hinihigop sa kawalan.

Mga katagang kusang inusal ng aking sariling mga labi'y kinilala bilang propesiya. Propesiyang bumulong sa bingit ng aking pagpili sa gagawing pinakamahalagang desisyon.

"Leticia..."

Isang malambing na boses ang siyang umagaw sa aking atensyon. Sa isang iglap ay muling nahati ang aking direksyon, sa daan patungo sa pagpili ng direksyon patungo kay Dastan at sa mga Le'Vamuievos o sa daang patungo sa malambing na boses na siyang hinahanap-hanap ko.

Kusang humakbang ang aking mga paa sa pamilyar na lugar na itinuri kong siyang pinakamainit na parte ng Deeseyadah.

Init ng unang pagpaparamdam ng pagmamahal. Sa balon ni Diyosa Neena.

"D-diyosa Neena..."

Matamis na ngiti ang isinalubong niya sa akin. Nanlambot ang aking mga tuhod habang sapo ko ang aking bibig upang pigilan ang anumang ingay na aking maaaring gawin.

Tumulo ang aking maiinit na luha, marahan niyang ibinuka ang kanyang mga braso sa akin at kusa nang tumakbo ang aking mga paa patungo sa kanya.

"Diyosa Neena..."

Halos itapon ko ang aking buong sarili sa kanya, mainit na yakap ang tumanggap sa aking buong sistema. Tuluyan nang yumugyog ang aking mga balikat at sinimulan ko nang humikbi na tila isang batang hindi na nais kumawala sa kanyang ina.

"Leticia, ang layo na ng narating mo..."

Gusto kong umiling sa kanya. Ano na nga ba ang narating ko simula nang isakripisyo niya ang kanyang buhay para lamang sa akin?

May mga bagay ba akong maipagmamalaki sa kanya ngayon? Ang tanging maibabahagi ko lamang sa kanya ay walang katapusang suliranin na hanggang ngayon ay hindi ko pa rin alam kung paano masasagot.

"P-paanong malayo na, Diyosa Neena? Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin nakikita ang dulo ng laban ko. At habang tumatagal ay tila mas humahaba ang daan patungo sa aking tagumpay."

"Leticia, simula nang ipaglaban mo ang iyong posisyon bilang Diyosa ng Buwan, nagsimula ka nang tahakin ang daan patungo sa'yong tagumpay. Pinakawalan mo si Nikos na siyang sinisisi ng lahat, naputol ang ilang daang taong pader na nakapagitan sa mga lobo at bampira---"

"Dahilan kung bakit may naglahong dalawang emperyo, ngayon ay isinisisi nila iyon lahat sa mga taga Parsua Sartorias. Marahil ang dalawang reyna'y sinisisi si Reyna Talisha kung bakit sa loob ng pitong emperyo'y sa kanila mga naglaho. Ngunit ako ang may kasalanan..."

"Ikaw ba ang pumili ng emperyo, Leticia?" natigilan ako sa tanong ni Diyosa Neena.

"Ang sumpa mismo ng pinakamalakas na diyosa ang siyang pumili ng emperyong maglalaho." Pinunasan ni Diyosa Neena ang luha ko sa aking pisngi.

"Ang lahat ng pangyayaring nagaganap ay may dahilan, Leticia, maliit man o malaking detalye."

"Ngunit Diyosa Neena, iyon na ang aking ginagawa. Ang lahat ng nakikita ko, mula sa panaginip, pangitain, mga hakbang mula sa ibang emperyo at maging ang mga nangyari sa nakaraan ay lubos kong binibigyan ng pansin." Nagsimula nang sumakit ang ulo ko.

Ilang beses ko man masaksihan ng iba't-ibang parte ng nakaraan, makatanggap ng maraming tanong at konklusyon hanggang ngayon ay wala pa rin akong makitang magandang kasagutan.

Tama bang tapusin ang lahat sa digmaan? At kung magawang magwakas nito, ano ang maaari naming panghawakan upang hindi na muli ito maulit?

"Leticia, ang dapat mong gawin ay tumingin hindi lang sa iisang parte."

"Tingnan ang buong larawan? Gano'n ba, Diyosa Neena? Ngunit matagal ko na iyong ginagawa at sinusubukan ko pa itong tingnan sa iba't-ibang anggulo. Mula sa Parsua Sartorias, Gosos at Jedalya. Ginagawa ko ang lahat malaman at maramdaman ang kanilang saloobin."

Sa pagkakataong ito'y hinawakan ni Diyosa Neena ang kamay ko.

"Leticia, hindi lang ang buong larawan ang kailangan mong tingnan..." kumunot ang noo ko sa sinabi ni Diyosa Neena.

Ilang minuto kaming nagkatitigan bago ko unti-unting nasagot ang nais niyang iparating sa akin.

"A-ang gumuhit ng larawan..."

Tumango si Diyosa Neena. "Ang larawan ay paraan ng isang mangguguhit upang iparating ang kanyang mga mensahe..."

Nakagat ko ang pang-ibabang labi ko.

"Hindi magkakaroon ng sunod-sunod na suliraning ganito kung hindi tinaraydor ang pinakamataas na diyosa noon. Hinayaan niyang mahirapan ang iba't-ibang salinlahi upang iparamdam niya ang lahat ng sakit ng kanyang naramdaman. Hindi ba't tama ako? Ang pinakamalakas na diyosa pa rin ang tatapos sa lahat ng ito."

Habang nagpapaliwanag ako kay Diyosa Neena, biglang pumasok sa aking isipan ang imahe ni Reyna Talisha, Claudia at Aenor.

"N-ngunit paano kung ang nangyari sa nakaraan ay nagsilbi lamang palang isang panakip butas? Paano kung ang larawang nais kong unawin ay ginawa ng hindi iisang kamay?"

Nanatiling tahimik si Diyosa Neena habang nakikinig sa mga sinasabi ko.

"Dapat ko bang hanapin ang pinakamalakas na diyosa? O gumawa ako ng paraan para ang tatlong reyna na mismo ang magharap-harap? Kung iisipin, tila ang kanilang tatlong mga anak ang lumalaban sa labang silang mismong mga reyna ang nagpasiklab."

Biglang bumalik sa aking naalala ang propesiyang siyang aking binanggit.

Liwanag na tila talim ng espada, paano kung ang ibig sabihin nito'y ang mga hari ang siyang magmimistulang mga liwanag na talim ng kanilang mga inang reyna?

Ipinilig ko ang ulo ko at marahan ko muling sinalubong ang mga kamay ni Diyosa Neena. Pinisil ko iyon upang iparamdam sa kanya ang nararamdaman ko sa mga oras na ito.

"T-tulungan mo akong maliwanagan, Diyosa Neena."

Umangat ang kanyang kanang kamay at isinumping niya ang ilang hibla ng aking takas na buhok sa likuran ng aking tenga.

"Gusto ko man tumulong sa'yo, Leticia, ngunit ang aking mga salita'y may kanilang mga limitasyon."

Nais ko muling umiyak sa kanyang harapan, alam kong kalabisan na ang humingi ng tulong sa kanya sa dami na ng nagawa niya para sa akin ngunit... siya Diyosa Neena, ang higit sa pagkakatiwalaan ko magpakita man siya sa panaginip o sa kahit anong paraan.

"Diyosa Neena..." nagmamakaawa na ang aking mga mata sa kanya.

Huminga nang malalim si Diyosa Neena. "Ang liwanag na talim ay punong-puno ng kataksilan, ngunit nag-uumapaw sa pagmamahal... tinangkang linisin ng ikatlong humawak ngunit siya'y hindi nagtagumpay, ika'y makagagawa ng isang--"

Ngunit hindi na nagawang matapos ni Diyosa Neena ang kanyang mga sasabihin dahil tuluyan na siyang nalusaw sa aking harapan.

"Leticia!"

Nagising ang aking buong diwa sa boses ni Dastan, nanatili pa rin akong nasa gitna, sa pagitan ng dalawang direksyon.

"Magtungo ka sa mga Le'Vamuievos. Huwag kang mag-alala sa akin." Ilang salitang binitawan ni Dastan na siyang nagpakilos sa akin.

Umangat akong muli sa lupa at hinayaan ang sariling magpatangay sa hangin habang mabilis na nakasunod sa malaking tubig at kay Pryor na tila nakatayo rito.

Ang paglusob ng Emperyo ng Gosos at Jedalya sa Parsua Deltora ay unang yugto pa lamang ng isang malaking digmaan.

Digmaang na ano nga ba ang pinag-ugatan? Ito ba'y laban sa pagitan ng siyang pinakamalakas na hari? Laban ng paghihiganti? O labang umiikot sa isang manipulasyon?

Isang uri ng hakbang kung saan ay magdadala ng higit na pinsala sa Parsua Sartorias.

Sa laban ng tatlong liwanag, apoy at ningning sa dilim, ano ang laban ng kahariang walang kislap ng tubig? Ang Deltora ang isa sa pinakamalakas na kakampi ng Sartorias at sa sandaling mawala ang suporta nito, ang paglusob sa Parsua Sartorias sa mata ng iba pang mga emperyo ay isa nang malaking katunayan na walang kapasidad ang haring nanunungkulan doon upang maghari sa mas malaking nasasakupan.

Isang napakagandang istratehiya laban sa Parsua Sartorias.

Hindi lingid sa aking kaalaman na ang kaharian ng Parsua Sartorias ay mainit na sa mga mata ng iba't-ibang kaharian sa buong Nemetio Spiran, hindi lang sa mga nasabing naglahong mga emperyo kundi pati na rin sa mga naglalakihang emperyo na hanggang ngayon ay hindi pa rin nais tanggapin na sa pinakamaliit na emperyo magmumula ang haring mamumuno sa lahat.

Ngunit nangako kami ni Dastan sa isa't-isa na pagtatagumpayan namin ang unang yugto ng digmaang ito.

Nasa akto na akong igagawad ang aking kapangyarihan upang gabayan ang sabay na pagsugod ng magkapatid na Le'Vamuievos sa diyosa.

Ngunit isang malakas na presensiya ang biglang tumama sa akin, huli na ang bago ko nagawang makailag nang may isang gintong pana ang tumama sa akin.

Malapit sa aking puso.

"L-leticia!"

Sigaw ni Dastan nang nagsimulang bumulusok ang aking katawan mula sa ere patungo sa lupa.

Hindi diyosa, hindi mula sa dalawang bampirang kalaban ni Dastan kundi mula ito sa isang simpleng kawal na tila natulala nang nagawang mapana ang isang totoong diyosa.

Tumalon nang mataas si Dastan upang sambutin ako, ngunit sa kanyang likuran ay nakasunod si Ahren at Claudeous.

"D-dastan—" sinubukan ko siyang balaan.

Nang inakala ko nang aatake ang dalawang hari sa kanya, isang malakas na pag-atake ang ginawa ni Claudeous kay Ahren upang hindi nito maabot si Dastan at magawa akong sambutin ng aking hari.

Gintong pana. Isang nakamamatay na armas laban sa diyosang katulad ko.

Nangangatal ang buong katawan ni Dastan habang yakap ako nang sandaling lumapag kami sa lupa. Hindi na ako makahinga nang maayos, parang anumang oras ay sasabog ang buong katawan ko sa sobrang init ng nararamdaman ko.

"H-how should I treat you? T-tell me... please..." sa unang pagkakataon ay mas namayani ang takot sa buong sistema ng Hari ng Parsua Sartorias.

Hindi mawari ang mga mata niya sa akin, naglalakbay iyon sa aking nanlalamig na mukha, sa panang nakatusok sa aking dibdib, sa mga braso ko at sa bawat parte ng aking katawan.

"C-can I turn you? Tell me..."

Sa kabila nang panghihina ko, ramdam ko ang mainit na labanan sa magkabilang direksyon. Si Ahren at Claudeous na ngayon ay nagtatalo, si Pryor at Tobias na tila nawawala na sa kanilang sarili. Isang himala na hanggang ngayon ay nagagawa pa rin nilang ilagan ang mga atake ng diyosa.

"L-leticia... tell me..." nagniningas na ang mga mata ni Dastan, nakalabas na ang kanyang mga pangil at hinihintay niya na lamang ang pagsang-ayon ko.

Umiling ako sa kanya.

"H-hindi ako magiging bampira..." nang sandaling bigla akong mapaubo ng aking sariling dugo, nanlaki na ang dating kalmadong mga mata ni Dastan.

Ang kawal na kanina'y tulala ay nagawa pang humugot muli ng panibagong pana mula sa kanyang likuran, ngunit ang nagniningas na mga mata na ni Dastan ang sumagot sa kanya.

Sa isang iglap ang kawal na may hawak na pana ay bigla na lang sumabog na liwanag.

"Healer... we need a healer... si Claret. Si Claret." Wala sa sarili akong binuhat ni Dastan.

"Zen. Si Zen." Tawag niya sa pangalan ng kanyang kapatid ngunit tila sarili niya lang ang kanyang kinakausap.

"Dastan..." sinubukan kong hawakan ang kanyang pisngi, nawawala na rin sa sarili si Dastan.

Akma na muling hahakbang si Dastan na tila handa nang tumalon nang mataas upang magamot ako nang biglang may bumagsak sa harapan namin. Akala ko'y tubig lang iyon, pero unti-unting bumalik ang anyo nito, si Tobias na nababahiran na ng sariling dugo.

Hindi rin nagtagal ay bumagsak na rin si Pryor. Nagawa kong malanghap ang dugo ni Pryor at Tobias, may halong lason ang bawat atake ng diyosa!

Natulala na si Dastan sa magkapatid na Le'Vamuievos.

"Go, save her. Kaya na namin ito ni Pryor." Sabi ni Tobias habang pilit tumatayo.

Umiling ako kay Dastan.

"Makakatagal pa ako, ibaba mo muna ako, mahal ko..." humigpit ang yakap sa akin ni Dastan.

Narinig ko ang malakas na pagsigaw ni Pryor, napasinghap din si Tobias at napadasal na ako sa dalawang diyosa na nasa panig ko, Diyosa Neena at Diyosa ng Asul na apoy.

Tuluyan nang nanghina ang katawan ni Rosh, dahilan kung bakit nawala na ang harang ng diyosa na siyang pumigil sa atake at higit na kapangyarihan niya.

At kasalukuyan na siyang lumilipad sa direksyon namin. Inilabas muli ni Dastan ang kanyang nagliliwanag na espada, humarang sa amin si Tobias bilang pagprotekta at tumakbo si Pryor sa kapatid niya upang sambutin ito mula sa pagbagsak.

Ngunit bago pa man tuluyang bumagsak ang katawan ni Rosh, at maabot ng mga kamay ni Pryor, may kung anong bagay ang sumambot sa kanyang katawan, kasabay ng biglang pagiging gintong abo ng diyosa mula sa hindi pangkaraniwanang buga ng apoy.

Sabay-sabay kaming napatingala sa aninong nakadungaw mula sa kasalukuyang sirang palasyo at sa malaking bunganga na nakabuka na ngayo'y naglalabas na lamang ng usok.

"D-dragon... Rosh can summon a damn dragon?" napaluhod na si Pryor habang pinagmamasdan ang kapatid niyang natutulog sa buntot ng dragon.

Umiling si Tobias.

"He can't... but how?" tanong ni Tobias.

Isa lang ang maaaring kasagutan dito. Sa kabila ng kirot sa aking dibdib, nagawa kong ngumiti kay Rosh na payapang natutulog kasabay nang unti-unting pagbagsak ng talukap ng aking mga mata.

Pinilit kong ibigay sa kanila ang kasagutan bago ako tuluyang mawalan ng lakas.

"Ang babaeng itinakda sa kanya ang tumawag sa dragon..."

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro