Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 36

Chapter 36

Anino

Ang Emperyo ng Gosos ay ang isa sa dalawang emperyong siyang naglaho mula sa sumpa ng pinakamalakas na diyosa mula sa nakaraan. Kung inaakala ng lahat na ang pagkalaho ng mga emperyo ay isa nang malaking dagok sa mga naiwan, ngayo'y mas masasabing higit itong mas nakaapekto sa mismong emperyong mga naglaho.

Sa paglipas ng mahabang panahon, ang tanging tumatak sa isipan ng mga nilalang na naiwan ay ang mismong pagkalaho ng dalawang emperyo, walang nangahas sumaliksik kung ano ang posibleng nangyari rito at namayani ang kaalamang ang pagkalaho ay katumbas na ng kamatayan.

Ngunit lingid sa kaalaman ng lahat, ang dalawang emperyo'y nanatiling buhay at lumalaban pabalik sa mundong sila'y nararapat. Sa mundong may uri ng liwanag na siyang kanilang karapatan.

Kung sana'y bumalik silang walang komplikasyon at agawan sa trono, kung sana'y pagtanggap at pagkakaisa ang mamayani sa sandaling muling makumpleto ang mga emperyo. Ngunit ito'y nasimulan na, kanilang mga mithiin ay nabuo nang magkakahiwalay at kanilang ipinaglalaban ay salungat sa bawat isa na magreresulta ng isang madugong labanan.

Ngunit ang malaking katanungan, ang kanila bang mga hakbang ay tulak ng sariling desisyon o ito'y may impluwensya ng mga diyosang itinuri akong taksil at kasalanan?

Sa paglipas ng maraming taon, ang malinaw at kumpletong kasaysayan sa pagitan ng pinakamalakas na diyosa at sa pitong pinakamatataas na trono'y nananatiling misteryo, iba't-ibang bersyon ang kumalat, paniniwala mula sa napakaraming labi at mga piling pangyayaring nais lamang ilathala.

Epekto nito'y hindi lang sa Nemetio Spiran kundi pati na rin sa Deeseyadah, at ang kanilang pagsali sa malaking suliraning ito sa pagitan ng mga emperyo ay isa nang malaking patunay na may bagay silang nais manatiling nakatago at mabubunyag lamang ito kung ang mamumuno'y wala sa kanilang mga kamay.

Huminga ako nang malalim at nanatili akong nakatitig kay Claudeous na tahimik nagbabasa ng aklat. Ang aking pananatili sa Emperyo ng Gosos o tamang sabihing ang parte ng kanilang nakaraan ay isang magandang paraan para bigyan ako ng pagkakataong pagdudahan ang panig na gusto kong suportahan.

Pilit kong ibinubulong sa isip kong parte lamang ito para pahirapan at lituhin ako ng emperyo at haring dapat suportahan, ngunit ang aking mga paa'y tila may sariling mga isip dahil sa bawat galaw ni Claudeous sa palasyo ito'y nakasunod... aking pandinig ay nanatiling nakabukas sa kanya at ang aking sarili'y tila natatagpuang ang atensyon ay nakatuon lamang sa prinsipe.

Sa maiksing panahon na pagmamasid ko kay Claudeous, agad kong nahuli ang pagkakaiba nila ni Dastan. Mas madalas siyang ngumiti, magaan ang kanyang personalidad at malambing siya sa kanyang mga magulang, maging sa matandang nag-aalaga sa kanya. Siya'y madalas magbiro, may angking katalinuhan at may mga matang tila laging nangungusap.

Nanatili akong nakatayo at nakatitig sa kanya, hindi kalayuan. Aking mga kamay ay bahagyang nakalapat sa puting marmol na poste habang nililipad ng hangin ang aking mahabang buhok at kasuotan.

"Lolo Magno, sa tingin mo, bakit isa ang Gosos ang napili ng diyosang maglaho? Bakit hindi ang ibang emperyo?"

"Isang katanungang hanggang ngayon ay wala pa rin kasagutan, mahal na prinsipe."

Bumuntong-hininga si Claudeous, sumandal sa kanyang upuan, isinarado ang kanyang aklat at ibinaba ito sa kanyang lamesa. Nanatiling naka-krus ang kanyang mga hita, bahagyang sumandal sa kanyang upuan at tumingala sa kalangitan. Kanyang kanang kamay ay marahang itinaas sa ere na tila inaabot ang bituin sa kalangitan.

"Sa tingin mo ba'y mapagtatagumpayan ko ang aking misyon?" ngumiti ang matanda sa prinsipe.

"Kailan ka pa hindi nagtagumpay, aking prinsipe? Ikaw ang itinakdang magpapalaya sa emperyong ito."

"Kinakabahan ako..."

Hinawakan ng matandang lalaki ang kamay ng prinsipe at saglit itong pinisil na para pakalmahin ito.

"Nasa likod kaming lahat at nakasuporta sa'yo, mahal na prinsipe."

Isa sa suliranin ng mga emperyong naglaho ay ang pagkaubos ng kanilang mga araw-araw na pangangailangan. Sa libong taon nilang paghiwalay sa iba pang emperyo, ang pagpapanatili ng kanilang pangangailangan ay isa nang napakahirap na gawain. At kung hahayaan pa itong mangyari, darating ang panahon na ang mga nilalang na naninirahan sa emperyo ng Gosos ang siya na rin magkakasakitan, para lamang manatiling buhay.

Ang Emperyo ng Gosos ay hindi na magagawang makatagal pa ng ilang daang taon kung hindi gagawa ang mga maharlika nito upang ibalik ang koneksyon nito mula sa ibang mga emperyo.

Isang bagay na gustong hadlangan ng pamilyang kasalukuyang nakaupo sa nakaraang aking nasasaksihan, at si Claudeous ang kinikilala nilang tulay na magliligtas sa kanila.

Nag-iisang anak si Claudeous, may iilan silang kamag-anak ngunit dahil na rin sa banta na maaaring mag-aklas ang mga nilalang na kanilang nasasakupan sa Emperyo ng Gosos, iniwan ang mga ito sa ere na siyang naging dahilan kung bakit ang hari, reyna at si Claudeous na lamang ang nananatiling magkasandal sa isa't-isa.

Umiiyak si Reyna Claudia habang hinahaplos ni Claudeous ang likuran nito.

"Inang reyna, hindi mahalaga ang dami ng suporta na ating matatanggap, ang importante ay magkakasama pa rin tayo ni ama. Kung nais nilang humiwalay sa atin at iwan tayo sa labang ito, wala tayong magagawa. Hindi natin kailangan ng marami kung napipilitan o hindi sila totoo sa atin. Mas masarap sa pakiramdam kunin ang tagumpay kung iyong mga nilalang na nasa likuran mo'y buong puso kang sinuportahan at hindi napilitan lamang."

Hinawakan ni Reyna Claudia ang magkabilang pisngi ng kanyang anak.

"Napakabuti mo, anak. Hindi ka ba naghihinanakit sa kanila? Sila dapat sa lahat ng nilalang ng emperyong ito ang dapat unang susuporta sa'yo, ngunit ito at tinalikuran ka nila..."

Ngumiti si Claudeous sa sinabi ng kanyang ina, hinawakan niya ang mga kamay nitong nakahawak sa kanyang pisngi at marahan niya itong hinalikan.

"Bakit naman ako maghihinanakit sa mga tumalikod gayong nandito pa kayo ni ama na siyang nagtitiwala sa akin?"

Pinunasan ni Claudeous ang luha ng kanyang ina at hinalikan niya ang noo nito, sa huli ay napakalma niya ang reyna at binigyan niya ito ng isang uri ng pagtatanghal na maging ako'y namangha.

Dahil ang silid ng reyna'y tila binalot ng saglit na kadiliman ngunit agad din nagliwanag ng may maliliit na kislap ang biglang lumilitaw sa iba't-ibang parte ng silid.

Ang silid na reyna'y tila parte ng ng kalangitang napupuno ng mga kumikislap na bituin.

"C-claudeous..." namamanghang banggit ng reyna sa ngalan ng kanyang anak.

"Ilang taon ko rin itong pilit pinag-aaralan, ina..." nakangiting inilapat ng reyna ang dulo ng kanyang daliri sa lumulutang na liwanag at nang sandaling mag-abot ito ay agad itong nalusaw.

"Ang ganda, anak..."

Hindi na muling nagsalita si Claudeous at hinayaan niyang mawili ang kanyang ina para ilayo sa kalungkutang dinadala nito. Hinintay niya itong makatulog bago niya ibinalik sa dati ang silid, kinumutan at muling hinalikan sa noo bago iwan sa kanyang silid.

Palabas na siya sa silid nang makasalubong niya ang kanyang ama. Tinapik siya ng kanyang ama sa kanyang balikat, saglit siyang yumuko bago siya ngumiti rito.

"Magpahinga ka na rin, ama."

"Ikaw rin, Claudeous..."

***

Buong akala ko ay may higit pa akong makikita ngunit tila niyakap ako ng matinding kaba nang ipakita sa akin ang isa pang parte ng nakaraan na nasisiguro kong nalalapit na sa iilang katanungan ko. Sa pagkakataong ito'y nasa loob silang muli ng silid kung saan binasahan si Claudeous ng matandang tagabasa ng bituin tungkol sa kanyang hinaharap.

"H-hindi ko na itutuloy... ayoko ina..." lumuluhang sabi ni Claudeous. Halos lumuhod ito sa harapan ng kanyang ina.

Ngayon ko napagtanto na mas malapit si Claudeous sa kanyang inang reyna higit sa kanyang amang hari.

"Claudeous, ngayon na ang takdang araw. Hindi natin ito maaaring palampasin..." mahigpit umiling si Claudeous habang hawak ang kamay ng kanyang ina. Ilang beses siyang sumulyap sa kanyang ama na parang humihingi ng tulong pero nakatungo lang ito at hindi sinasalubong ang kanyang mga mata.

"Ama... pareho tayo ng desisyon, hindi ba? Hindi ko na gustong ituloy..." pansin ko rin na lumuluha na ang matandang Magno habang pilit nagmamakaawa si Claudeous na huwag nang ituloy ang kanyang misyon.

Hindi ko maintindihan kung bakit nais nang umatras ni Claudeous sa misyon na nakalakihan niya pero habang nakikita ko ang malaking pagtutol niya, nagsisimula na akong mahanap ng dahilan kung bakit nais na niyang hindi ituloy ang kanyang misyon.

"Anak, matagal na nating hinintay ito..."

"Pero hindi n'yo sinabi sa akin ang paraan! Hindi ko nais, ina... hindi ko kayang gawin. Masaya na akong nag-iisa ang Gosos, gagawin ko ang lahat para mamuno sa emperyong itong hindi nagpapatayan ang ating nasasakupan. Gagawin ko ang lahat ng makakaya ko, ayoko nang ituloy ang misyon..."

Nangangatal ang kamay ng reyna habang pinupunasan ang luha ni Claudeous, tila bumalik ang eksena kung saan si Claudeous ang nagpapatahan sa kanyang ina, ngunit nabaliktad ito sa pagitan nila.

"Claudeous, lumaki ka sa misyong ito... hindi mo ito dapat bitawan... ikaw ang haring magliligtas sa lahat."

"Haring magliligtas sa lahat ngunit isasakripisyo ang sariling ina? Gano'n ba? Ito ba ang sinasabi nilang dakila? Kung ang tungkulin at misyong ito'y pagbitaw sa buhay ng aking ina, hinding-hindi ko ito tatanggapin... I will not sacrifice you for the throne, mother..."

"Claudeous, hindi lang Emperyong ito ang iyong mundo... hindi lang ang Gosos ang nakatakdang iligtas ng iyong mga kamay. Ang buhay ko kapalit ng libong buhay sa kasalukuyan at hanggang sa hinaharap ay isa nang magandang hudyat ng pagbabago... matagal ko nang tinanggap ang aking kapalaran at malugod ko itong yayakapin para sa'yong tagumpay."

"Ina... hindi... hindi ako pumapayag..."

Hindi ko na napigilan ang patak ng mga luha ko nang mahigpit yakapin ni Claudeous ang kanyang ina. Umiyak na rin ang hari at sumalo sa kanilang yakap.

"Ngunit mawawala ang lahat ng pinaghirapan mo, ang pinaghirapan ng iyong ama, ng salinlahi natin at ng emperyong itong hanggang ngayon ay umaasang muling magkakaroon ng kalayaan..."

"H-hindi ako kailanman magiging masayang maupo sa isang pwesto sa kaalamang ang isang paraan nito'y pagbitaw sa buhay ng aking ina..."

"Ang lahat ng nilalang ay may hangganan, Claudeous, at sa pagkakataong ito'y dumating na ang aking oras. Hayaan mo akong gampanan ang aking tungkulin bilang reyna at inang naghahangad ng kabutihan para sa kanyang anak."

Walang tigil sa paghalik si Claudeous sa kamay ng kanyang ina habang umiiling, habang siya'y nakaluhod ay ipinagdikit na ng hari at reyna ang kanilang noo, hindi ko man narinig ang bulong ni Reyna Claudia sa hari alam kong ilang kataga lang ito na ilang beses kong narinig mula kay Dastan.

Gusto ko nang ipikit ang aking mga mata dahil sa tindi ng bigat ng puso ko habang inihihiwalay na ng reyna ang kanyang sarili sa kanyang mag-ama. Ilang beses tinawag ni Claudeous tinawag ang kanyang ina ngunit ginantihan lang siya nito ng ngiti at buka ng bibig na punong-puno ng pagmamahal.

Ang katawan ng reyna ang siyang maaaring maging sakripisyo kung saan maaaring makatawid si Claudeous pabalik sa mga emperyong hindi nalapatan ng sumpa at sa mismong araw na ito ang nasabing oras kung saan kailangan na niyang tumawid at gawin ang unang hakbang ng kanyang misyon.

Ang misyong magpapalaya sa lahat, ang misyong magtatama sa tamang liwanag.

Ipinikit ko na ang aking mga mata nang sandaling magliwanag ang katawan ng reyna pero bago ko ito gawin ay nakita ko ang sabay na pagtulo ng luha ni Claudeous at ng kanyang ama na nakakuyom ang mga kamao.

Hinintay kong mawala ang matinding init sa buong silid bago ako naglakas loob magmulat, pinahid ni Claudeous ang bahid ng luha sa kanyang mukha, isinakbit ang maliit na telang tila supot sa kanyang balikat, saglit na lumungon sa kanyang ama na hanggang ngayon ay lumuluha at tipid na ngumiti sa sumisinghot na matanda.

Bukas na ang lagusan patungo sa pamilyar na lugar...

Mas lalong dumagundong ang pagtibok ng puso ko habang nagsisimula na siyang humakbang dito. Dahil ang kagubatang kanyang tatahakin ay ang...

Nakagat ko ang pang-ibabang labi ko at agad kong sinundan si Claudeous sa pagtawid sa lagusan.

"Hahanapin ko siya ina... sisiguraduhin kong ako ang kanyang magiging hari at itatama ang lahat..."

Nakarating na si Claudeous sa kagubatan malapit sa Parsua Sartorias kung saan naririnig ang malakas na agos ng tubig. Nagsimula siyang maglakad sa pagitan ng matataas na damo ng kagubatan habang sinusundan niya ang ingay ng batis.

Nagsisimulang manlamig ang buong katawan ko, naghahalo ang kaba, pagtataka at antipasyon sa aking anumang masasaksihan.

Hanggang sa kusang nanigas sa aking kinatatayuan ang aking mga paa nang marinig ko ang aking sariling boses... ang aking batang boses...

"Hua! Hindi ako marunong lumangoy!"

Gumuhit ang ngiti sa mga labi ni Claudeous at sinambit ang mga katagang kumurot sa aking dibdib.

"Ang aking diyosa..."

Narinig ko ang pagbagsak ng aking katawan sa batis, agad humakbang si Claudeous upang ako'y tulungan ngunit sa isang iglap ay natagpuan ko itong

Nakahandusay sa lupa habang may kung anong nilalang ang pilit nagpapasubsob sa kanya sa lupa upang hindi siya makatuloy sa akin.

Umawang ang bibig ko at sinubukan kong humakbang para tulungan siya ngunit hindi na ako makagalaw, pilit nagpupumiglas si Claudeous para lumaban ngunit ang tangi niya lang nagawa'y pilit abutin ang batis sa kanyang kanang kamay.

At isang anino ang tuluyang humarang sa kanyang mga mata upang ako'y hindi makita.

"Hanggang dito ka na lamang, mahal na prinsipe. Paumanhin."

Hindi nagawang makapagsalita ni Claudeous dahil sa lakas ng nilalang na pumipigil sa kanyang aksyon.

Hanggang sabay-sabay namin marinig ang yabag ng mga kabayo.

"Dastan! Tayo na! Hinahanap na tayo ni Lily."

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro