Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 33

Chapter 33

Unang yugto

Sa pagkagat ng dilim na dapat kadiliman ang mamayani, sa kapaligirang amoy ng dugo ang pilit nangingibabaw, musika'y isang karahasan sa bawat tama ng espada, mga katwirang namamaluktot na dala'y patuloy na hiwa ng sakit, mga matang nag-aakusa mula sa maling paniniwala, at mga kapangyarihang tila patalim.

Aking liwanag ay pinagyaman, mula sa kislap ng buwan, ningning ng mga punyal at mainit na yakap mula sa hari ng Sartorias.

Tila natigil ang oras sa gitna ng digmaan, pagsaksi ng daang mga mata'y tila hinigitan pa ang isang malaking pagtatanghal, musika ng espada'y pinalitan ng malamig na sipol hangin, ingay ng mga kanyon at yabag ng mararahas na kabayo'y naglaho sa pag-agos ng tubig.

"Ang aking reyna'y tila napaaga ng pagsundo sa akin." Bulong sa akin ng Hari ng Sartorias na nanatiling nakayakap ang isang braso mula sa aking likuran.

Ang aking puso'y nais umawit dahil ramdam ko ang mabilis na pintig ng puso ng hari, sa halip na takot ay galak ang nararamdaman ko mula sa kanya.

Umangat ang aking kaliwang kamay at marahan kong hinaplos ang gilid ng kanyang mukha habang nanatiling nakatitig ang aking mata sa mga diyosa ng Deeseyadah.

"Hindi ko nais na ika'y makipaglaro sa ibang diyosa, aking hari."

Buong akala ko'y ibang mga kataga ang maririnig mula sa kanya ngunit ang kanyang mga salita'y tila hindi maaaring gawaran ng mga ngiti sa digmaan.

"Isang uri ng pagbabantang masarap pakinggan, ngunit aking kinatatakutan..." bulong ng hari sa aking isipan.

Nanatiling umiikot ang mga punyal sa pagitan namin ni Dastan na siyang aming proteksyon sa anumang klaseng atake na nais makasakit sa amin.

Hindi ko maiwasang mag-angat ng tingin sa hari at salubungin ang kanyang mga mata. Sa halip na mga labi'y aming mga noo'y saglit na pinagdikit kasabay ng pagpikit ng aming mga mata.

"Hindi ko akalaing ang aking hari'y may kinatatakutan..."

"Hindi ko akalaing ang aking reyna'y marunong magbanta... ako'y nahuhumaling..."

At nang sandaling kapwa kami magmulat, ang aming mga matang may magkaibang kulay ay sabay na nagningas sa harapan ng mga kalaban.

Pinakawalan na ako ni Dastan at hinayaan niya akong humakbang patungo sa tatlong diyosa na hanggang ngayon ay hindi pa rin makabawi sa kanilang nasaksihan. Marahil ay impormasyon lamang ang ibinigay sa kanila at hindi nila inaasahang ang aking mabilisang desisyon, lalo na ang pagpapakita sa lugar na ito.

"I-isa kang taksil, Leticia! Ano'ng karapatan mong gamitin ang kapangyarihan ng buwan para manakit ng kapwa mo diyosa at manlinlang ng mga bampira?"

Nagsimula na silang umatake sa akin, ang kanilang mga kumikislap na puting enerhiya ay sunod-sunod nilang ibinabato sa akin. Aking mga kamay ay ngayon ay nakatuwid at ang bawat galaw nito'y sinusundan ng aking mga punyal upang protektahan ang aking sarili.

"Leticia..."

Nang maramdaman kong hahakbang papalapit sa akin si Dastan ay agad akong hindi sumang-ayon.

"Dastan, ang diyosa ay matatalo lamang ng isa pang diyosa."

"Ang aking kapangyarihan ay may kakayahang-" pinutol ko ang anumang sasabihin ni Dastan.

"Ngunit hanggang ngayon ay misteryo pa rin ito sa ibang emperyo, hindi mo ito nais ipaalam sa nakararami hanggang-" ang mga kapatid niya mismo ang nagsabi sa akin na tanging sila lamang ang nakakaalam ng mas higit na kapangyarihan ni Dastan.

Kilala ang hari sa manipulasyon nito sa dugo ngunit lingid sa kaalaman ng lahat, siya lamang ang nag-iisang bampirang kayang umangkin ng liwanag.

"Isang haring may kakayahang umangkin ng liwanag..." malumanay na sabi ko.

"Dalawang uri ng liwanag, aking reyna..." tipid akong ngumiti sa sinabi ng hari.

Tuluyan na kaming nagkaroon ng distansya ni Dastan, siya'y naging abala sa mga heneral ng batalyong kasama ng mga kalaban, mga kawal at bampira habang ako'y sinimulan nang palibutan ng kapwa ko mga diyosa.

Ang tatlong diyosa'y maaari ko pang higitan sa lakas ngunit kung hihigit pa ito sa tatlo hindi ko na kayang ipangakong magagawa ko silang matalo, lalo na't ipinanganak ako mula sa puno ng En Aurete na hindi isang mandirigma.

Umabot sa hangin ang tunggalian namin ng tatlong diyosa, ang bawat apak namin sa hangin ay katumbas ng iba't-ibang uri ng guhit na bilog na may halik ng mahika at sa bawat pag-alis namin dito ay tanging naiiwan ay gintong mga alikabok.

Ang aking puting kasuotan at nakapusod na buhok ay tila sumusunod sa kakaibang uri ng pagsasayaw, hindi hatid ay galak ng pagtatanghal kundi sayaw ng karahasan.

"Dastan... kailangang itigil ang ginagawa ng ikalawang prinsipe ng Deltora. Ang pagprotekta sa isang buong emperyo gamit ang kapangyarihang hihigit sa hawak ng kanyang katawan ay maaaring kumitil sa kanyang buhay..."

Suminghap si Dastan sa sinabi ko. Sa kabila ng pagkumpas ng aking mga kamay at pakikipaglaban sa tatlong diyosa, binigyan ko ng atensyon ang higanteng lotus na halos kainin ng buo ang buong emperyo ng Parsua Deltora para lamang mapanatili itong ligtas sa malaking pagkasira at pag-atake, ang bawat pagitan ng talulot ng malahiganteng bulaklak ay tila malaking talon na umaagos sa lupa na siyang kasalukuyang unti-unting pumupuno sa gitna ng digmaan.

Ang higanteng pulang lotus ay higit na nabigyang buhay dahil sa nakadungaw na buwan.

"S-sa sandaling muling bumuka ang lotus, sisipsipin nito ang kapangyarihan at lakas ng bampirang nagmamanipula sa kanya..."

Hindi na nag-aksaya ng oras si Dastan, agad siyang nakahanap ng mabilis na kabayo at marahas siyang sumakay rito, nagtungo siya sa pinakamataas na lugar kung saan maririnig siya ng mga kapatid niyang kasalukuyan nang nakakalat sa digmaan.

"Find the core of that red lotus! Rosh is in danger!"

Muli kong ibinalik ang aking atensyon sa mga diyosang aking kalaban, kapwa na sila nakataas ang kilay sa akin habang nakangising may panunuya.

"Kakapusin kayo sa oras, wala nang isang oras muling bubuka ang pulang lotus at ang hangal na prinsipeng naglakas ng loob gamitin ang kakayahang iyan ay sasama sa pagkasira."

Nang muli kong sulyapan ang mga Gazellian, wala sa kanila ang magawang makalapit sa umaangat na lotus dahil sa mga humahabol sa kanila.

"N-nasaan ang mga kapatid niya?"

"Nasa loob sila ng palasyo, Leticia. Trapped. Probably fighting with other goddesses."

Ngunit mas maraming katulad kong diyosa, mga bampira, lobo at iba pang mga nilalang ang higit na masasaktan kung hahayaan kong mamayani ang pinaplano ni Tatiana, ng matataas na diyosa at ng hari ng naglahong emperyo.

Inihaplos ko sa hangin pataas ang aking kanang kamay na mas mataas sa aking ulo, isang mahinang pitik sa aking daliri ang aking ginawad. Inilahad ko ang aking kaliwang kamay sa aking unahan na may kumpas na tila isang uri ng alon patungo sa kanila.

Nagsimula akong bumulong ng isang uri ng dasal, hanggang sa ang aking mga punyal ay nagkaroon ng gintong mga sinulid na siyang nagsimulang mag-ugnay sa bawat dulo nito.

Ang aking kaanyuan sa ere na kanina'y pinaluluguran ng mga punyal ay napalitan ng tila isang mahabang gintong tali na pumapalibot sa akin. At nang sandaling ang aking dalawang kamay na ang humawak dito ay ako na mismo ang unang sumugod sa tatlong diyosa.

Ang pag-ikot ng aking katawan sa ere ay sinasabayan ng gintong alikabok sa hangin, buhok at kasuotang sumasayaw at nagningning na tali.

Patuloy pa rin sila sa pagtawa ang mga diyosa dahil mabilis nilang naiiwasan ang aking pag-atake.

"Hindi mo kami mahuhuli, Leticia. Isa kang takil! Hindi ka magtatagumpay sa maitim mong balak kasama ang karelasyon mong kadugo ng bampirang kumitil sa ating tinitingalang diyosa." Nakagat ko ang aking pang-ibabang labi, si Nikos ang tinutukoy nila.

"At hindi ka pa nakuntento? Pati sa isang pipitsuging hari ng mundong ito'y inihain mo na rin ang sarili mo? Isang kasiraan sa mga diyosa!"

Umawang ang bibig ko sa aking narinig, ito na ba talaga ang tingin nilang lahat sa akin? Isang maruming uri ng diyosa...

Nawala ako sa konsentrasyon dahilan kung bakit tinamaan ako ng isang atake.

"Leticia!" sigaw ni Dastan nang makitang bumubulusok ang katawan ko patungo sa lupa.

Mabilis tumakbo patungo sa aking direksyon si Dastan na handa akong sambutin, ngunit madiin akong tumutol sa kanya. Sa digmaang ito, higit na mahalaga ang harapin ang mga kalaban at huwag na huwag ang mga itong tatalikuran dahil higit itong nakapapahamak.

"Aking hari, hayaan mo ako... kahit sa oras lamang na ito..."

Natigil sa pagmamadaling makarating sa akin si Dastan, mabilis kong iginalaw ang katawan ko sa ere kasabay ng aking pagbulusok sa lupa, ang tatlong diyosa'y nananatiling lumulutang sa ere sa kanilang mga matang nanliliit at nanghahamak sa akin.

Lingid sa kanilang kaalaman, iniwan ko ang tali na siyang nagniningning sa ibabaw ng kanilang mga ulo. Gumuhit ang ngiti sa aking mga labi ng sabay kong inangat ang aking mga kamay at unti-unti itong pinagdaop.

Ang gintong tali ay nagsimulang magbago ng anyo, isang kasangkapan na tanging ang tubig at kalangitan lamang ang higit na nakakasaksi.

"Oh liwanag na may talim... dala'y pising may madiing bigkis... dinggin ang aking panalangin... bigyang buhay ang panibagong habi, aking mga mata'y magmistulang karayom, galaw nito'y paghabing hila ang nagniningning na sinulid..."

Nang sandaling ang dasal ay mataimtim na mausal, mga mata'y nagliwanag kasabay ng buwan, gintong tali'y naging isang lambat.

Huli na ang lahat bago makita ng mga diyosa ang lambat na dumakip sa kanila, gumawa ang lambat ng sariling tali upang magkaroon ng koneksyon sa aking mga kamay. At nang sandaling abot kamay ko na ang tali ng gintong lambat, binigyan ko ng pansin ang pagsabay sa hangin.

Ako'y muling umapak sa lupa, sa aking isang tuhod na nakaluhod, mabagal na pagbaba ng puting kasuotan at mahabang buhok, nakakrus ng mga brasong may dalang gintong tali, nakapikit na mga mata at labing nakangiti.

"Tatlo." Usal kong may ngiti sa labi.

Nagwawalang mga diyosa ang nakapagpatayo sa akin, hinarap ko sila sa aking mabagal na hakbang.

Pinaulanan nila ako ng iba't-ibang uri ng insulto, ngunit matapang ko itong tinanggap. Sinalubong ko ang kanilang mga mata sa pagitan ng gintong lambat.

"Sana'y sa muli nating pagkikita'y makita n'yo ang totoong liwanag. Hanggang sa muli nating pagkikita, mga diyosa mula sa Deeseyadah." Yumuko ako sa kanila bago ako tumalikod at hinanap si Dastan.

Natagpuan ko siyang pinagmamasdan ako, muling umangat sa ere ang aking mga paa at agad kong iniyakap ang sarili sa kanya. Saglit na yakap sa isa't-isa bago muling ibinalik ang atensyon sa lumulutang ng bulaklak.

"My brothers tried to infiltrate, walang makapasok mula sa labas, Leticia. We can't find the core." Napatingin ako sa tubig na hanggang tuhod na ni Dastan. Hindi rin magtatagal ay mas tataas na ito at higit nang mahihirapang makipaglaban ang lahat.

Mula sa posisyon namin ni Dastan sinubukan kong gamitin ang aking kapangyarihan kung magagawa ko ring makapasok ngunit masyadong malakas ang ginawang harang ng prinsipe na kahit ang kapangyarihan ko ay walang magawa, at kung mayroon man ay kailangan ng panahon.

Kaunti na lang ang oras na natitira sa amin.

Kapwa na kami nakatitig ni Dastan sa lumulutang na lotus, kailangan naming makapasok dito kahit anong mangyari. Nakagat ko ang aking pang-ibabang labi habang iniisip kung paano makakapasok dito.

Kung hindi gumana gamit ang kapangyarihan ko o maging ng kakayahan ng mga bampira, bakit hindi namin subukan---

Hindi ko na natapos ang iniisip ko dahil naunahan ako ni Dastan dalhin ito sa mga salita.

"We infiltrate it together, my Queen."

Huminga ako nang malalim sa sinabi ni Dastan, kapwa tuwid ang aming mga mata sa bulaklak na kasalukuyang pinamumugaran ng mga diyosa at magkakapatid na pilit ipinaglalaban ang sariling emperyo.

Sa likuran namin ng hari'y tatlong presensiya ang umagapay sa akin.

"We'll push you with our abilities." Madiing sabi ng Prinsipe ng mga nyebe.

Gumuhit ang kidlat sa kalangitan hudyat ng pagbabalik ng isa pang Gazellian.

"Nandito lang kami sa labas, naghihintay..." mahinang sabi ni Caleb.

Sobrang bilis ng pagtibok ng puso ko, sobrang lakas na hindi magawang kumalma... ngunit ang presensiya ng hari sa tabi ko'y pilit bumubulong ng kapanatagan sa aking sistema.

Sa ilalim ng buwan, sa rumaragasang tubig, sa batalyon ng nagtutunggaling mga emperyo, aming mga kamay ay nagdaop...

Hudyat ng sabay naming pagtanggap bilang hari't reyna sa unang yugto ng digmaan.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro