Chapter 3
Chapter 3
Pangako
"Rejected mate?" tanong ko sa bagong dating na bampira.
Dumiin ang aking kamay sa hinahawakan kong kahoy at mas iniharang ito sa aking unahan na parang may magagawa ito para protektahan ang sarili ko.
Isa lamang akong mahinang dyosa at hindi kayang ipagtanggol ang sarili sa mga oras na ito. Kung alam ko lamang na humihina ang kapangyarihan ng isang dyosa sa sandaling bumaba rito, ay hindi na ako sumugal pa.
Ngunit hahayaan ko bang habang buhay akong pahirapan ng aming dyosang maestra? Ito na lamang ang tanging paraan para hindi na ako makaranas pa nang matinding pagmamalupit sa kanya.
Matapang kong sinagot ang titig ng bampira. Ngunit sa pagtagal ng aming mga mata sa isa't-isa, bakit parang tila iba ang sumasalamin sa kanyang mga mata?
Lungkot, pagod at matinding pagdaramdam...
Dahilan kung bakit unti-unting nanghina ang aking mga kamay sa paghawak ng kahoy, parang may emosyon sa kanyang mga mata na tila maaapektuhan ang kung sino mang tititig sa kanya.
Ang kanyang kalungkutan ay higit pa sa talon na muntik nang lumamon sa akin.
Ang makilala bilang isang dyosa sa mundong hindi naman ako nararapat ay isa nang malaking panganib. Ngunit bakit sa halip na matinding pag-iingat ang nais mamayani sa akin, ito ako at nagsisimulang humakbang patungo sa kanya at itanong ang kanyang matinding suliranin?
Kailanman ay hindi nais ng mga dyosa mula sa Deeseyadah ang mga nilalang na may pangil, namulat na ako sa tradisyon at paniniwala rito dahil sa nangyari sa nakaraan, ngunit tama ba ang paraang bigyan ng pare-parehong pagtingin ang mga ito dahil sa kasalanan ng kanilang ninuno?
"P-Paano mo nalamang isa akong dyosa?"
Mapait na ngumiti ang bampira at marahan siyang yumuko bilang pagbati.
"I possessed the tarnish blood. I am in the lineage of King Andronicus Clamberge III."
Suminghap ako sa sinabi niya. Dapat ay tumakbo ako, dahil ang kanyang ninuno ang unang nangahas kumalaban sa isang dyosang katulad ko, pero may kung anong pumigil sa aking mga paa para manatiling nakatindig at salubungin ang kanyang mata.
Nagawa kong humakbang paatras ngunit muli itong bumalik sa nauna nitong posisyon.
Ang kanyang mga mata'y sumisigaw ng ilang taong pagdurusa.
"Kung ganoon ay nakilala mo ako dahil sa dugong nananalaytay sa'yo." Tumango sa akin ang bampira.
"They sent you here to chase me?" tanong nito sa akin.
Marahas akong umiling, wala akong nalalaman sa aksyon ng mga dyosa tungkol sa trahedyang nangyari sa pagitan ng sinaunang dyosa at ang pitong pinakamatataas na upuang pinagtaksilan siya.
"Then why are you here?" kunot noong tanong nito.
"Hinahanap ko ang punyal ng unang dyosa."
"Sa lugar na ito?"
"Sa talon." Itinuro ko sa kanya ang aking pinanggalingan.
Sa pagkakataong ito ay mas kumunot ang kanyang noo. "Bakit tila hindi ka na natatakot sa akin?"
Nag-iwas ako ng tingin sa kanya.
"Bata man ako sa'yong paningin, ngunit ang mga mata ko'y higit pa sa aking kaanyuan. Ang 'yong presensiya'y hindi sumisigaw ng karahasan, kundi puro lamig at kalungkutan."
Hindi sumagot sa akin ang binata ng ilang minuto.
"Maaari kitang tulungang hanapin ang punyal." Alok nito sa akin.
"At ang kapalit na nais mo?"
"Just a little talk? Ilang taon na akong walang nakakausap. I've been hiding and running for years." Natatawang sabi nito.
Isang huwad na pagtawa.
Tumango ako sa kanya. Nagbalik kami sa talon, eksaktong nagsisimula nang umalis ang mga babaeng bampira kanina, pero hindi pa rin matigil ang kanilang pag-uusap tungkol sa dalawang prinsipe ng Sartorias.
Hindi tulad ng naunang prinsipe kanina, mabilis lamang nakuha ng bampira ang punyal sa talon.
Titig na titig ako sa punyal na hawak ko habang inaalala ang ilang oras na iginugol ng prinsipe kanina. Bakit kaya hindi niya nakita?
Tila marunong lamang siya sa batas, pero hindi siya marunong maghanap. Saglit akong ngumisi nang maalala ko ang hitsura nito nang subukan ko siya sitahin sa napakarami niyang sinasabi.
"Bakit parang gulat na gulat ka? Hindi mo inaasahang nandito ang punyal?" umiling ako sa bampira.
"May prinsipeng tumulong sa akin kanina, sinubukan niyang hanapin ang punyal nang maraming beses, wala siyang nakita."
"Marahil ay isa siyang bampira na may malabong mga mata." Natatawang sabi ng bampira.
"Ngunit hindi ba at matalas ang mga mata ng mga bampira, isa pa, isa siyang prinsipe. Sinabi niyang galing siya sa Sarotias..." natigil sa pagtawa ang bampira.
"Anak ni Thaddeus..."
Ibinaba ko ang punyal sa aking tabi at mas binigyan ko ng atensyon ang bampira.
"Ngayong sinabi mo ikaw ay nasa salinlahi ng haring siyang kinamumuhian ng mga dyosang katulad ko, anong kalagayan mo sa mundong ito?"
"A criminal?"
Bumalik sa akin ang unang salitang binitiwan niya sa akin. Hindi lahat ng nagtatago ay kriminal, ang ilan ay tumatakbo dahil wala nang mapagpilian o kaya ay wala nang panahon para magpaliwanag dahil matagal nang sarado ang katwiran para sa kanila.
May ilan akong nalalaman tungkol sa nangyaring nakaraan, karamihan sa matataas na dyosa ay naging matatag sa patingin sa lahing lumapastangan sa pinakamataas na dyosa, ngunit may ilan din na nais nang putulin at magsimulang muli.
Ang isa sa kilalang dyosa na tumayo at pinaglaban ang pagputol sa paulit-ulit na galit laban sa mga bampira ay ang dyosa ng asul na apoy. Sa mundo ng Deeseyadah ay taksil ang tingin sa kanya ng lahat ng mga dyosa, itinakwil at pinalayahas sa pagpapayag ng kapayapaan.
Nagpaliwanag ito ng maaaring paraan para palambutin ang nakasanayang damdamin ng mga bampira. Ang mga bampirang mabibigyan ng hindi pangkaraniwang lakas at kapangyarihan ay ipapares sa ilalim ng kapangyarihan ng mga dyosa, sa mga nilalang may kakayahang makapagpalambot ng damdamin na walang bahid ng salamangka at anumang kapangyarihan.
Ang mga malalakas na bampira na maaaring magkaroon ng tukso para abusuhin ang kanilang mga kapangyarihan ay ipapares sa tao. Ipapares sila, hindi para magkaroon ng kahinaan, kundi magkaroon ng kabiyak na siyang magbibigay ng linaw, timbang at pag-aalaga sa kapangyarihang mayroon sila.
Ang pagmamahal ng isang tao ang maaaring maging dahilan para mapigilan ang muling pagsilang ng isang bampirang uhaw sa posisyon at kapangyarihan.
Hanggang ngayon ay wala na akong nababalitaan tungkol sa dyosa ng asul na apoy, kung saan ito naglalagi at kung papaano ito nabubuhay malayo sa mundong kanyang nakasanayan, ang tanging aking nalalaman ko lamang ay hindi nito napagtagumpayan lahat ang kanyang mga plano, masyado na itong nanghihina dahil sa paglayo sa kanyang sariling mundo.
"Ikaw? Tila hindi isang bata ang aking nakakausap."
"Hindi ako isang bata, kung hindi ako nagkakamali ay higit pa ang edad ko sa'yo." Muling tumawa ang bampira.
"Para saan ang punyal?"
"Para hindi na ako makatanggap nang matinding paghihirap."
"May ganito sa inyong mundo?"
"Bawat mundo ay may kani-kanilang uri ng paghihirap. At ikinalulungkot kong sabihin na hindi ligtas ang mundo ko sa salitang ito." Tumango siya sa sinabi ko.
"Minsan ba ay nakakapagod maging dyosa? Anong mga gawain n'yo?" marahan akong tumanaw sa kalangitan.
"Isa ako sa mga dyosang walang tungkulin at dagdag lamang sa populasyon, kaya wala akong masasabing pinagsasawaan ko sa mga oras na ito." Hindi rin nagtagal ay umiling ako sa sinabi ko.
"Muntik ko nang makalimutan, nagsasawa na pala ako sa pag-ukit sa gintong bato, sa pamalo ni maestra at sa walang katapusang pagkutya sa akin ng mga dyosang kasabayan ko." Muli siyang tumawa sa sinabi ko.
Hindi ko alam kung bakit sa tuwing sinusubukan niyang tumawa ay kumikirot ang dibdib ko. Ito ba ang nararamdaman ng dyosa ng asul na apoy noon?
Na gumawa siya ng paraan para matigil na ang pandadamay sa mga inosenteng nilalang?
Ang bampirang ito ay walang nagawang masama sa nakaraan, ang tanging kanyang kasalanan lamang ay ang pagdadala ng dugong hindi niya nais makamtan.
"Pamilyar ka ba sa dyosa ng asul na apoy?"
"The ex-human goddess?"
Saglit akong natigilan sa sinabi ng bampira. Marahil hanggang ngayon ay katanungan pa rin sa mga bampira kung saan nanggaling ang asul na apoy, saan nila nakuha ang ideya na isa itong dating tao?
Kung ganoon ay napupuno ng iba't-ibang kwento ang kanyang pinagmulan at tanging kami lamang may dyosa ang totoong nakakaalam nito.
"Hindi ko rin alam, marami akong naririnig na alamat tungkol sa pinagmulan niya. Ngunit malaki ang respeto ng mga bampira sa kanya. Especially those women from the prophecy."
Hinayaan kong magbigay ng impormasyon sa akin ang bampira, dito ko nakumpirmang iisang emperyo lamang ang kaya niyang bahagihan ng kanyang kapangyarihan. At ito ay ang buong emperyo ng Parsua.
Simula nang nagkaroon ng mga itinakdang babae mula sa asul na apoy ay walang kahit anong indekasyong may nanungkulang naging abusado sa kanilang mga nasasakupan.
Saglit akong napangiti. Kung ganoon ay nagtatagumpay ang dyosa ng asul na apoy sa kanyang mga ipinangako na hanggang ngayon ay kataksilan pa rin sa mga kapwa ko mga dyosa.
Ramdam kong nagsisimula nang gumising si Hua sa aking leeg.
"Buong akala ko'y ang lahat ng dyosa ay may kani-kanilang tungkulin."
"Ikaw ang may hawak ng desisyon kung nais mong magkaroon ng tungkulin." Tumango siya sa akin.
"Ano ngayon ang balak mo?"
"Muling tatakbo at magtatago? Kamatayan kung mahuhuli." Mapait na sagot niya sa akin.
"Uulitin ko ang katanungan mo sa akin, sa ilang taon mong pagtakbo, hindi ka ba nagsasawa?"
"Watching her, while loving him? It's a torture. Pero mahal ko siya, buong akala niya siguro ay tumalab sa akin ang kanyang mahika. But it did work, yes. Pero tanging sa kanya. I'm already living by just watching her from a far." Saglit akong natulala sa kanya.
Hindi ko naintindihan ang ibig niyang sabihin.
Nahiga ang bampira sa lupa at ginawa niyang ulunan ang kanyang dalawang mga kamay habang nakatitig sa langit.
"Vampires are born tied with their mates. May pagkakataong nagagawa itong manipulahin ng mga dyosa, pero ang karamihan sa amin ay sadya nang nakatadhana, my mate rejected me."
"Dahil sa dugong nananalaytay sa'yo?"
"Probably, and I am not a Prince or a King. Isang kasiraan sa mata ng lahat. Ano ba ang laban ko kay Thaddeus?"
Tama ang sinabi niya, hindi tungkulin magtakda ng mga dyosa para sa mga bampira, dahil may kung anong bagay na sadyang nagkokonekta sa bampira at sa kapareha nito sa tamang panahon at oras, hindi katulad ng mga lobo na nasa amin ang pagpapasya.
Sa kalagayan naman ng dyosa ng asul na apoy, ipinaliwanag nito na karamihan sa malalakas na mga bampira ay hindi nabibigyan ng pagkakataong magkaroon ng kapareha dahil natatakpan ng mga kapangyarihan nito ang paghahanap sa kanilang magiging kapares, dito pumapasok ang kanyang kapangyarihan na siyang magtatakda sa mga babaeng hahawak at magmamahal sa mga bampirang maaaring sumunod sa dating hari ng nakaraan.
Paano pa nakakayanan ng bampirang ito na mabuhay? Buong lahi niya ang nagtatakwil sa kanya, itinulak siya ng babaeng siyang dapat sumalo sa kanya at ngayon ay nagagawa pa niya itong panuorin sa malayo habang nagmamahal ng iba.
Naramdaman ko ang pag-iinit ng sulok ng aking mga mata. Bakit parang kay lupit ng mundong ito?
"N-Nais kong may gawin... ngunit isa lamang akong klase ng dyosang walang higit na kapangyarihan. Hindi ako kasing tapang ng dyosa ng asul na apoy, wala akong kakayahang mabuhay mag-isa, mabilis akong masindak at takot ako sa tungkulin... patawad...wala akong magawa."
Hindi na ako umasa pa sa kanyang kasagutan, ngunit sa unang pagkakataon ay nakatanggap ako ng totoong pagtawa mula sa bampira. Sa tagal nang pagtawa nito ay halos magtanggal siya ng luha sa sulok ng kanyang mga mata.
"Hindi ko inaasahang ganito ang unang engkwentrong mararanasan ko mula sa isang dyosa. You should hate me or curse me, o dapat ay magtawag ka ng maraming dyosa para lubos akong pahirapan. But you're apologizing!"
"Higit kang nahirapan dahil sa ipinataw na pangmamata ng nakaraan, tama ang asul na apoy, dapat ay matagal nang inayos ang lamat, maraming katulad mo ang madadamay."
"Hindi ko na alam ang dapat kong sabihin."
Tumayo na ako at kinuha ang punyal sa lupa. "Maari ko bang malaman ang 'yong ngalan, bampira?"
Sumulyap ito sa akin, pero nanatili pa rin siyang nakahiga sa lupa.
"You can call me Nikos. But my damn father named me after the King who ruined us, Andronicus Clamberge IV."
"Nikos." Ulit ko sa pangalan niya.
"Hua, maaari na siguro tayong umalis... nagsisimula nang magpakita ang buwan." Muntik ko nang makalimutan na mabilis lang pala ang araw sa mundo ng mga bampira.
Nanatili akong nakatayo habang nasa likuran ko ang bampirang nagngangalang Nikos. Marahan kong inangat sa ere ang punyal at itinapat ito sa sinag ng buwan.
"May hihilingin sana ako, Nikos."
"Ano 'yon, mabuting dyosa?"
Umihip ang hangin, sumayaw ang aking mahabang buhok at mas nagningning ang punyal sa ilalim ng sinag ng buwan.
"Mabuhay ka pa nang matagal, maaari kang tumakbo nang tumakbo, ngunit huwag na huwag kang mapapagod mabuhay. Binigyan mo ako ng rason para lagyan ng titulo ang aking pagiging dyosa..."
Unti-unti akong humarap sa kanya, yumakap ang sinag ng buwan sa aking kaanyuan, humaplos ang aking mainit na luha sa aking pisngi, muling sumipol ang hangin at mas naging mahinahon ang talon.
Bumadya ang totoong kaanyuan ng aking mga anino mula sa batang babaeng nakatayo patungo sa perpektong hugis ng isang ganap na dyosang hindi kayang matahin ng kahit sinong nilalang.
"Aangkinin ko ang buwan at itatama ang lahat... mula sa unang sumpang inilapat ng unang dyosa..."
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro