Chapter 25
Chapter 25
Hari
Gusto ko silang pigilan, gusto kong huwag umalis si Naha para sabihin ko sa kanya ang lahat ng nalalaman ko pero hindi ko nais tanggalin ang ngiti sa kanyang mga labi habang nakayakap siya sa braso ni Evan at nakaharap sa aming lahat.
Lahat ng mga Gazellian ay nasa harapan ng palasyo para ihatid si Naha at Evan na patungo sa mundo ng mga tao. Kapwa sila nakasuot ng kasuotan ng mga tao, si Naha ay nagpagupit ng maiksing buhok na may matingkad na kulay, maiksi rin ang kanyang kasuotan na nasa kalahati na ng kanyang hita at maging ang kanyang mga balikat ay nakalabas din. Ang damit ng mga tao'y maaaring magdala ng kasalanan dito sa mundong ito. Habang si Evan naman ay nakasuot ng itim na pantalon, pang-itaas na asul na nakatupi hanggang siko, may telang nakasabit sa kanyang leeg na may kakaibang hugis at ang kanyang mga mata'y may mga salamin.
"We'll come back after Naha's graduation."
"I bet she will not graduate, uuwi rin kayong dalawa dahil nabuntis si Naha, natanggal ka sa trabaho dahil nakikipagrelasyon ka sa estudyante mo. Worst nabuntis nga." Ikinumpas ni Lily ang kanyang kamay sa hangin na parang tinatamad itong sabihin ang bagay na inaasahan niyang alam na ng lahat.
Nagtawanan ang mga Gazellian, ngumuso si Naha habang si Evan naman ay napapakamot sa kanyang kilay.
"Naha's goal is to seduce him on class. What a good start for a student." Umiiling na sabi ni Claret.
"I thought we're friends, Claret?" Umikot ang mga mata ni Naha.
"Uso condom sa mundo ng mga tao." Sabat ni Caleb na natatawa.
"Nah, isang maletang bote ng langis ang dala namin ni Evan." Simpleng sagot ni Naha.
"Nahara! You little—"
"Eh? Pikon na si Prof. Guevarra? 'Di na tayo tutuloy sa five star hotel mamaya? Galit ka na e." Yumakap ito kay Evan na napabuntong-hininga na lamang.
"Ayos na ba lahat ng dadatnan n'yo sa mundo ng mga tao?" tanong ni Claret.
"All settled." Si Casper ang sumagot na napag-alaman ko na madalas nagtutungo sa mundo ng mga tao.
"Kukunin ko lang ang schedule ko, next week na rin kasi ang simula ng klase." Sagot muli ni Naha.
"With that outfit?" tanong ni Claret.
"Yes, it's fine, Claret. Makaluma pa yata no'ng panahon mo." Tumango lang si Claret na parang hindi maniwala kay Naha.
"Mag-ingat kayong dalawa." Sabay yumuko si Evan at Naha sa paalala ni Reyna Talisha.
"We will miss Uncle Evan and Aunt Naha!" naiiyak na sabi ni Divina.
"We will give you pasalubong! For these cuties!" kinurot ni Naha ang pisngi ni Divina, Dawn at Dusk.
Binuhat na ni Evan ang dalawang malaking maleta. Yumuko siyang muli sa aming lahat at tumalikod na siya, nauna na itong maglakad kay Naha na nakikipag-usap pa sa mga bata.
Saglit akong nagtaka, hindi ba at magkaiba ang mga kagamitan ng mundong ito sa mundo ng mga tao? Ano pa ang kailangan nilang dalhin mula rito?
"Evan, be careful, baka mabasag." Sabi ni Naha na nagsimula nang sumunod sa kanya.
"S-Shalani Nahara!" tumawa lang si Naha bago ito kumaway sa aming lahat. Lakad takbo siyang humabol kay Evan.
"Yes, hon... I love you too!" bigla na lang tumalon si Naha sa likuran ni Evan at sumakay rito habang hirap na hirap maglakad si Evan na may dalang dalawang malalaking maleta patungo sa karwahe.
"They are really funny." Kumento ni Harper.
"Kalla, do you want to ride on my back too?"
"Tigilan mo ako, Finn."
Umalis na si Kalla na sinundan ni Finn, sumunod si Claret, Zen at Divina na mukhang nag-aaway na naman, magkasabay naman si Lily, Reyna Talisya, Adam, Dawn at Dusk pumasok, nahuli si Caleb na kinukulit si Harper habang si Casper naman ay tahimik na nakasunod sa kanila.
Naiwan kaming dalawa ni kamahalan sa harap ng palasyo. Saglit akong sumulyap sa kanya, hindi man siya nakangiti, alam kong masaya siya para sa kapatid niya. Si Evan ang huling Gazellian na nakaranas ng matinding paghihirap para lang makasama ang kanyang kapares, hindi ko man narinig ang lahat, alam kong hindi biro ang kanilang naging karanasan.
"Leticia..." hanggang ngayon ay kahit simpleng pagtawag niya sa aking ngalan ay halos magbigay ng matinding kaba sa aking dibdib.
"Dastan..." unti-unti akong humarap sa kanya.
Napakabilis ng kamay ng hari dahil hawak na nito ang dulo ng ilang hibla ng buhok ko.
"Nais mo bang mamasyal?"
"Ngunit alam kong marami ka pang kailangang gawin..."
"Makapaghihintay ang aking mga gawain. Pauunlakan mo ba ako, aking reyna?" tanong niya sa akin kasabay ng paghalik sa dulo ng aking buhok.
Sa paanong paraan ako tatangi kung ganitong klase ang kanyang katanungan?
"D-Dalhin mo ako kung s-saan mo nais... Dastan..."
"Marahil ay marami akong nanaisin, Leticia..." bumitaw ang kamay niya sa hibla ng aking buhok, hinawakan niya ang aking kamay at kapwa kami naglakad patungo sa palasyo.
Inakala kong tatawag si Dastan ng mga tagasunod na siyang mag-aayos ng aming karwahe ng gagamitin sa aming pamamasyal, ngunit sa halip ay nagpatuloy kami sa aming silid.
Agad naming nakasalubong si Casper na may ilang librong dala na mukhang kagagaling lamang sa ikatlong silid aklatan.
"Casper, kanselahin mo ang lahat ng aking pagpupulong sa araw na ito." Agad na tumango si Casper.
"K-Kamahalan, anong maaari kong idahilan?" pansin ko ang pag-aalinlangan sa katanungan ni Casper.
"Karamdaman."
"Masusunod, Mahal na Hari. Isang karamdaman." Ulit nito na parang pinaalalahanan ang sarili.
Hindi na sumagot si Dastan at pinagpatuloy niya ang paglalakad habang hawak ang aking kamay.
Nang makapasok kami sa loob ng aming silid, agad humiwalay sa akin ang hari at nagtungo ito sa kanyang malaking aparador, buong akala ko ay bubuksan niya ito pero saglit lang itong itinulak ng hari, may itinatago pala itong maliit na pintuan.
Pinagmasdan ko lamang ang ginagawa ni Dastan, akala ko ay isa itong lagusan pero ito pala'y lagayan lamang ng ibang kagamitan. Humakbang ako patungo sa kanya.
"Anong itinatago mo rito?"
Inilabas ni Dastan ang isang pares ng kasuotan na kailanman ay hindi ko naisip na isusuot ng isang hari, normal na kasuotan na may kulay abong kulay.
"Ano ang gagawin—" mabilis nakalapit sa akin si Dastan, ang kanyang malambot na kamay ay nasa ilalim na ng baba ko at marahan niya akong dinampian ng halik sa labi.
"Aking kasuotan sa pamamasyal."
Unti-unti ko nang naiintindihan ang nais iparating ni Dastan, siya'y lumalabas sa palasyo, hindi bilang hari kundi isang normal na nilalang na hindi nanunungkulan sa isang malaking emperyo.
Hindi na ako nagtanong sa kanya, gamit ang kapangyarihan ko bilang dyosa, mabilis kong itinago ang aking magarbong saya at pinalitan ito ng kasuotang nahahawig ng sa kanya.
Pinagmasdan ako ni Dastan. "You're still a Queen." Nag-init ang pisngi ko sa sinabi niya.
Tumalikod ako nang nagsimula na siyang maghubad, nabigyan man ako ng pagkakataong makita ang ganda ng katawan ng hari, hindi pa rin ako sanay na hantaran itong titigan.
Habang nagbibihis si Dastan ay nagsimula akong magtanong sa kanya. "Paanong hindi ka nakikilala ng iyong nasasakupan? Napaka-imposibleng hindi ka nila mapansin."
"Isa lamang akong hamak na binatang manlalakbay. Hindi nila ako makikilala, halika na, aking reyna."
Akma ko na sanang tatanggapin ang kanyang kamay nang matigilan ako sa kanyang kaanyuan.
Nang sandaling humarap ako kay Dastan ay may takip ang ibang bahagi ng kanyang mukha, dahilan kung bakit kanyang magagandang mga mata lamang ang nakikita. May nakasaklob na sa kanyang ulo na siyang higit na nakapagtatago sa kanyang pagkakakilanlan.
Pero sa kanyang mga mata'y agad ko siyang nakikilala. Kusang gumalaw ang aking dalawang kamay at hinawakan ang saklob sa ulo ng hari, bahagyang yumuko ang kanyang ulo dahilan para mas lalong magtama ang aming mga mata at kanyang mga braso'y yumakap sa aking bewang.
"At ika'y kasintahan ng hamak na manlalakbay na ito." Ngumiti ako sa sinabi niya.
Tumingkayad ako, kasabay ng pagpikit ng aking mga mata, isang magaang halik ang ibinigay ko sa hari sa pagitan ng manipis na telang nakaharang sa aming mga labi.
"Masaya akong nakapaglalakbay ka ng malaya. Buo akala ko'y habang buhay ka nang nakakulong sa palasyong ito." Hinaplos niyang muli ang aking pisngi.
"A king should see his empire, not through his royal eyes with his shining crown while sitting on his throne. He should witness the movement of his empire the way his subjects see it."
Sa pagkakataong ito, hindi aking pisngi ang nahaplos kundi ang aking mismong puso. Napakalaki ng pagmamahal ni Dastan sa Parsua Sartorias na maging ako'y matindi itong nararamdaman.
Ang lalaking ipinares sa akin ng asul na apoy ay ang nilalang na siyang pinapangarap ko, idinadalangin at ilang taon nang ibinubulong sa tadhana. Isang pinunong hindi nag-aanlinlangan tumungo para tumingin sa ibaba.
Nanalangin akong may isilang na katulad niya na siyang maaaring makapagpatigil ng baluktot na paniniwala ng iba't-ibang mundo, ngunit ang mapares sa kanya'y isa nang malaking karangalan.
Hindi ko napigilan ang sarili kong mapaluha. Masyado akong nagagalak at sa akin siya ibinigay ng Dyosa ng Asul na apoy.
"Napakabuti mo, Dastan... ika'y nararapat lamang bilang isang hari."
Hindi sumagot sa akin si Dastan, pinunasan nito ang ilang butil ng aking luha bago niya hinawakan ang aking kamay at sabay kaming nagtungo sa isa pang nakatagong pintuan.
Isang mahabang hagdanan ang aming dinaanan habang may hawak niya pa rin ang aking kamay, ang isa niyang kamay ay may hawak na lampara. Sa bawat pagbaba namin, nakakarinig ako ng agos ng tubig.
"Saan tayo patungo?"
"Sa ilalim ng palasyo sa likurang bahagi, naghihintay rito ang aking kabayo."
Nang nasa dulo na kami ng hagdanan, muntik na akong pasigaw sa gulat nang may itim na mabalahibong nilalang ang pilit na kumawala sa pagitan ng malalaking rehas. Nagsimula itong magwala na tila nais akong abutin, ngunit nang ang malalaki nitong mga mata ay tumama sa haring siyang nasa likuran ko na nagsabit muna ng lampara ay agad natahimik ang halimaw.
"A-Ano ang—"
"Embargo."
"Nag-aalaga kayo ng ganitong klase ng nilalang?"
"Nandito na ang mga embargo simula ng ako'y isilang, Leticia. Patawad, isa ito sa pagkakakilanlan ng Sartorias, ang emperyong ito lamang ang may embargo." Hinawakan ni Dastan ang aking balikat at inilalayan niya na ako muling maglakad.
Habang patuloy kami sa paghakbang, unti-unti nang nagliliwanag hanggang sa makarating kami sa bukana, naghihintay nga rito ang isang kabayo na kulay kayumanggi.
"Hindi kilala ang kabayong ito bilang aking pag-aari." Binuhat ako ni Dastan at isinakay rito. Sumunod siya sa akin, yumakap bago hawakan ang tali ng kabayo.
'Di ko mapigilang maalala ang unang pagkakataong sabay kaming sumakay sa kabayo. Tinatakbuhan ko siya noon dahil sa nakita ko.
Wala sa sarili kong inangat ang palad na lumapat sa pisngi ni Dastan nang mga panahong galit na galit ako sa kanya.
Ramdam kong mas humilig ang katawan sa akin ni Dastan at huli na nang ibaba ko ang aking kamay nang silipin niya ako.
Ilang beses siyang nasamid na siyang ipinagtaka ko. Hinila niya na ang tali at sinimulan niyang patakbuhin ang kabayo. Hindi ako nag-abalang pagsaliputin ang buhok ko dahil nakatirintas ito.
Nagsisimula na kaming lumayo sa palasyo ng Parsua Sartorias.
"Dastan, madalas mo ba itong gawin?"
"Oo. Simula pagkabata ko."
"Walang sinuman ang nakaalam?"
"Si Ama, minsan niya akong nahuli sa ilalim ng palasyo." Tumango ako.
"Saan ang paborito mong puntahan?"
"Sa lahat Leticia..."
"At paano ka nakikisalamuha sa ibang nilalang? Ang iyong pino at pormal na kilos ay hindi magagawang itago ang iyong dugong bughaw."
"Isa akong manlalakbay na dating nanungkulan sa palasyo. Marahil ay naniwala na sila sa simpleng paliwanag na ito." Muli akong tumango sa sinabi niya.
"Hindi ba sila magtatakang may kasama kang babae?"
"Tulad ng sinabi ko, ikaw ay aking kasintahang ipinapasyal." Saglit akong napaisip, kung siya'y naglalakbay sa pagkakakilanlan na isang binata, hindi marahil mangyaring may mga babaeng magkaroon ng interes sa kanya.
Hindi sagabal ang takip na tela sa ibabang bahagi ng kanyang mukha para sabihing isa siyang makisig na bampira.
"Ano'ng iyong iniisip aking reyna?" tanong niya. Hindi ko napansin na natahimik na pala ako.
Nagkaroon na kami ng koneksyon sa aming mga isipan na siyang kakayahan ng bawat magkakapares, pero nais ni Dastan na bigyan ako ng pribadong pag-iisip, hindi niya gustong makaramdam ako ng hindi pagiging kumportable.
"H-Hindi na ako makapaghintay makita ang pinagkakaabalahan mo sa labas ng palasyo."
Nakarating kami sa isang malawak na pamilihan kung saan nagsabog ang iba't-ibang uri ng nilalang. Inalalayan ako ni Dastan bumaba sa kabayo bago niya ito hinila at dinala sa isang matanda na kung hindi ako nagkakamali ay tumatanggap ng ginto bilang kabayaran sa pagbabantay ng mga kabayo.
"Natad!" masiglang bati ng matandang lalaki na parang pamilyar na kay Dastan.
"Kay tagal kitang hindi nakita, ano'ng iyong pinagkakaabalahan ngayon, hijo?" tipid na yumuko si Dastan sa matandang lalaki.
Bigla na lang akong pinataasan ng balahibo. Ngumiti ang mga mata ni Dastan sa bati ng matanda, sinong hari ang basta na lang yuyuko sa isang gusgusing matanda?
"Natad! Magandang araw!" bati sa kanya ng isang malaking babae na katabi ang asawa nito, nagtitinda ang mga ito ng mga bulaklak.
Tumungo si Dastan sa kanila bilang pagbati.
"Natad! Salamat sa gamot na ibinigay mo sa anak ko! Tumigil na ang pagdurugo ng kanyang sugat." Natutuwang balita ng isang lalaki na may mga itinitindang mga patalim.
"Natad! Laro ulit tayo!" apat na bata ang tumatawang tumakbo sa palibot ni Dastan, natigil lang ang mga ito nang tawagin sila ng kanilang mga magulang.
Hanggang sa nagsunod-sunod ang bawat nilalang na bumabati kay Dastan, hindi ko man nakikita sa likod ng telang nagtatago sa kanyang mga labi, alam kong totoong nakangiti ang hari.
Namamangha akong napatitig sa kanya. Ano pa ang bagay na higit na magpapahulog sa akin sa haring ito?
Napaka-puro niya...
Ngumiti ako habang pinagmamasdan siyang nakikipag-usap sa matanda. At binigkas ko ang ilang salitang madalas kong naririnig mula sa mga babaeng minahal ng mga lalaking Gazellian.
"I love you..." bulong ko.
Natigilan si Dastan sa pakikipag-usap sa matanda at lumingon siya sa akin. Hindi ko alintana ang paulit-ulit kong pagluha kung mula ito sa galak.
Ngunit hindi ko inaasahan ang ginawa ng hari, hindi siya nagdalawang isip tanggalin ang maskara niya, saksi ako at ang matandang lalaki.
"I love you too, My Queen." Mahinang sabi niya sa akin.
Ibinalik niya ang kanyang maskara at hinarap ang matandang tulala sa kanya. Inangat ni Dastan ang kanyang isang daliri malapit sa kanyang nakatakip na labi, hudyat sa matanda na huwag ikakalat ang anumang kanyang nasaksihan.
Sa pagkakataong ito'y higit na yumuko ang matandang lalaki.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro