Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 17

A/N: Hi, readers! I don't really proofread. Expect errors. Sorry.

Chapter 17

Pagsalubong

Isa lang ang ibig sabihin ni Hua, sa sandaling iwan ko na ang Deeseyadah sa pagkakataong ito, kailanman ay hindi na ako makababalik.

Hindi ko na masisilayan pa ang ganda ng mundong bumuhay sa akin, ang mga ginto, kristal, ang nagniningning na puti, ang mahiwagang puno ng En Aurete at maging si Dyosa Neena.

Sa matinding paninidigan ng mga dyosa rito na mapanatiling malinis ang mundong ito, hindi na sila nagbibigay ng pagkakataon magbukas para sa pagbabago.

Isang uri ng pagbabago na itinuturi nilang kasalanan.

Ngunit hindi ba nila naiisip na kailanman ay hindi nila mapapanatili ang panuntunan mula sa nakaraan? Patuloy na magbabago ang lahat at kung hindi sasabay sa agos ng pagbabago, ano na lang ang mangyayari sa mundo?

Isang pamumuhay na huwad at pawang kasinungalingan.

"Kailangan mo nang magdesisyon, Leticia."

"Papaano kung sundan nila ako sa inyong kaharian? Dadalhin ko lamang ang suliranin sa tahimik mong mundo."

"Leticia, saka na natin isipin ang bagay na ito. Kailangan mo nang umalis sa mundong ito sa lalong madaling panahon. Hindi na magagawang patagalin pa ni Dyosa Neena ang pagpupulong at ang huling desisyon, maaaring bukas, sa susunod na mga araw o sa susunod na linggo. Mas mahihirapan tayong tumakas kung ang kanilang mga mata'y nakatutok na sa'yo."

Nanatili akong tahimik at inisip ang mga salita ni Hua. Dalawa lamang ang mundong siyang maaari kong takbuhan, ito'y ang mundo ni Hua o ang mundo ng mga bampira.

Wala akong kasiguraduhan sa magiging hatid ko sa mundo ni Hua, ngunit alam kong sa sandaling bumaba ako muli sa mundo ng mga bampira, magiging limitado lang ang pagbaba ng mga dyosa kung nais ako ng mga itong sundan.

Ilang taon na ang nakalilipas ng huli akong bumaba sa lupa, ano na kaya ang kanyang kalagayan at ng kanyang emperyo? Masaya na kaya siya ngayon at ang babaeng—

Huminga ako nang malalim, kung bababa ako sa kanilang mundo, iisa lang ang aking rason, ito ay ang ilihis ang mga dyosang posibleng humabol sa akin sa kaharian ni Hua.

Hindi ko yata kayang isugal ang buhay ng kapwa nilalang ni Hua, dahil lamang nais akong nitong tulungan.

"Hua, sa mundo ng mga bampira. Sa Nemetio Spiran."

"S-Sigurado ka ba, Leticia?" tumango ako sa kanya.

Hindi na nag-aksaya pa ng oras si Hua, lumipad na ito sa labas ng aking kulungan at muli niyang ginaya ang aking kaanyuan. Nasa akma nang magliliwanag ang aming mga katawan nang makarinig kami ng nagmamadaling yabag ng mga paa.

Iniluwa nito si Dyosa Neena na may dalang lampara, agad kong nakita ang luha sa kanyang mga mata.

"Hindi ko na kayang makipagtalo sa kanila... ang sakit pagmasdan na unti-unti nang nababaluktot ng akalang kalinisan ang mundong ito. Kailangan nang umalis ni Leticia sa oras na ito, dahil bukas ng umaga'y paiinumin siya ng gatas na may lason."

Para akong kakapusan ng hininga nang marinig ko ang sinabi ni Dyosa Neena, tinanggap ko na ang habangbuhay na pagkakapiit, ngunit hindi pa rin ba ito sapat? Hindi ba nila nakita ang kaayusan sa mundo ng mga bampira at lobo?

Humawak ako sa aking ginto rehas na lumuluha.

"Dyosa Neena, ano pa ang ginagawa mo rito? Mapanganib nang makita ka rito, nagpaplano na kami ni Hua."

"Hindi ko na kaya, Leticia... wari ko'y unti-unti na rin akong inaagawan ng buhay sa maling pamamalakad sa mundong ito."

Umiling ako sa kanya. "Dyosa Neena, ngayong wala na akong titulo at boses sa mundong ito, dapat ay mas isang manatiling hanggang ngayon ay hindi pinipiling pumikit sa katotohanan." Gusto kong isama si Dyosa Neena, makasama nang mas matagal ngunit mas kailangan siya rito, mas malaki ang kanyang misyon.

"Kung ang aking laban sa mundong ito'y tapos na, ikaw ay mayroon pa. Siguro'y ito rin ang iniisip ng asul na apoy noon pa man, na dapat ay mas isang dyosang mananatili, tulad ng sabi mo'y tumutulong sa likuran ng mga anino. Marami pang isisilang na katulad ko, katulad ng asul na apoy... at ikaw Dyosa Neena ang sasalubong sa kanila at gagabay tulad ng kung papaano mo kami pinatnubayan."

Kapwa na kami lumuluha sa isa't-isa ni Dyosa Neena. Nagmadali siyang lumapit sa aking kulungan at pilit namin niyakap ang isa't-isa. Dahil alam namin sa aming mga sarili na talagang ito na ang huli naming pagkikita.

"Hindi kita maaaring isama... dahil ikaw lang ang nararapat mangalaga sa mahiwagang balon. Ikaw lamang...Dyosa Neena." Nanghihina siyang tumango sa akin.

Kumalas ako ng yakap sa kanya, tumingin ako kay Hua at binigyan siya ng senyas. Muling nagliwanag ang aming mga katawan hanggang sa magkapalit kami ng posisyon, agad nagbalik si Hua sa kanyang anyo at walang kahirap-hirap na lumabas dito.

Magagawa na sana akong itago ni Hua gamit ang kanyang kapangyarihan nang biglang nagbuksan ang sunod-sunod na simbo na siyang nakasabit sa pader. Ngunit bago tuluyang sumabog ang liwanag ang ipakita ang aming sitwasyon, mabilis nakapagpalit ng anyo si Hua bilang ako at sa isang iglap ay marahas niyang iginapos gamit ng kanyang braso ang leeg ni Dyosa Neena at may itinutok itong kapareho ng aking punyal.

"Bigyan n'yo kami ng daan, kung hindi n'yo gustong makita ang kamatayan ng dyosa ng balon!" sigaw ni Hua gamit ang katawan ko.

Tumambad sa mga dyosang mandirigma ang dalawang Leticia at si Dyosa Neena. Nakarinig kami ng halakhak, hinintay namin lumabas sa anino ang tumatawa, si Dyosa Evelyn.

"Sa tingin n'yo ba ay maniniwala kami? Si Dyosa Neena ang nangunguna para tulungan ka? Bakit n'yo sasaktan ang kakampi n'yo?"

Tatawagin ko sana ang pangalan ni Hua, ngunit tumalim ang mga mata niya sa akin.

"Humahanga na ako sa'yo, Leticia. Bihira lang ang dyosang may kakayahang makapagparami."

"Hindi ako nagbibiro. Kikitilin ko ang dyosang ito." Kumuyom ang mga kamao ko nang may kaunting dugo na ang lumalabas, baka hindi ko na kayanin, baka ipatigil ko ito at hayaan na lang sila.

"D-Dyosa... tulungan n'yo ako. Ginamit lang nila ako para makatakas, ngayon ay alam ko na ang tunay nilang kulay—handa akong kitilin—"

"Tahimik!" sigaw ni Hua.

Kita ko sa tatlong pares ng mga mata ng tatlong matataas na dyosa, nagkakaroon na sila ng pag-aalinlangan.

"M-Maghanda kayo ng karwahe!" mas lalong lumalakas na boses ni Hua.

"Madali maghanda kayo." Utos ni Dyosa Emma.

Nagsimula nang maglakad si Hua habang marahas niyang hinihila si Dyosa Neena na may punyal malapit sa kanyang leeg.

"Sumunod ka, 'wag kang lalayo." Utos sa akin ni Hua na nasa unahan.

Nahawi ang mga kawal at hinayaan nila kaming maglakad papalabas ng tore ng piitan. Hindi ko alam kung hanggang kailan sila susunod kay Hua, pero alam kong sa sandaling sumugod sila ng sabay-sabay ay wala kaming laban.

"Leticia, bumilang ka ng hanggang sampu at ipikit mo ang iyong mga mata habang sinusundan ako. Magtiwala ka sa akin."

Wala akong sinabi, sumunod ako sa lahat ng ipinag-uutos ni Hua. Ipinikit ko ang aking mga mata habang naglalakad kami patungo sa labasan ng tore ng piitan.

"Anim..."

Sa bawat pagbigkas ko ng bilang, ramdam ko ang pagbigat ng tensyon.

"Pito..."

"Makakalaya ka Leticia..."

"Walo..."

"Leticia..." rinig ko ang mahinang tawag sa akin ni Dyosa Neena.

"Siyam..."

At nang sandaling bigkasin ko ang huling bilang---

"Sampu."

Tumambad sa akin ang hindi ko mabilang na kawangis ko.

"Protektahan si Leticia!" sigaw ni Hua dala ang kaanyuan ko tulad ng mga langgam na kasalukuyang tumatakbo at sumusugod sa mga mandirigmang dyosa na ngayo'y tuluyan nang naalerto.

Binitawan na ni Hua si Dyosa Neena at hinawakan niya na ang aking mga kamay.

"Tayo na Leticia..."

Walang salitang namagitan sa amin ni Dyosa Neena at nagkaroon kami ng sariling pag-uusap sa aming mga mata.

Sa bawat pagtakbo naming magkahawak kamay ni Hua ay may nakakasalubong kaming mga langgam dala ang kaanyuan ko na siyang pumuprotekta sa amin.

"Hua... sino ka? Sabihin mo sino ka ba talaga?"

Buong akala ko ay makapagpapatuloy kami ni Hua sa pagtakbo ngunit lumipad sa ere ang dalawa sa matataas na dyosa at kasalukukuyan nang nagpapaulan ng atake sa amin.

Sinubukan kong gamitin ang kapangyarihan ko para hindi kami tamaan ng atake gamit ang aking mga punyal, ngunit hindi nito kayang pantayan ang kanilang mga kapangyarihan.

Nagpalit kami ng posisyon ni Hua at siya ngayon ang pilit humaharang sa mga atake ng mga ito, ngunit papalapit na sila ng papalapit sa amin, kahit ilang langgam na rin ang nagtangkang pigilan sila.

Ngayon ay kasalukuyan na kaming inuulan ni Hua ng mga kulay gintong sibat, buong lakas kong pinarami ang punyal para lamang pigilan ang mga ito pero may ilan pa rin ang tumagos. Buong akala ko'y tatamaan na ako nang humarang si Hua sa akin.

"Hua!"

"Tumakbo ka na, Leticia! Naghihintay na ang karwahe!"

"Hua!" akma akong lalapit sa kanya nang mas tumindi ang titig ng kanyang mga mata sa akin. Ang aking kaanyuan na punong-puno ng pinaghalong emosyon.

"Takbo! Huwag mong sayangin ang lahat ng ito, Leticia!"

Nangangatal akong tumalikod at tumakbo patungo sa karwahe. Sa dumami ang bilang ng mga langgam na dala ang aking kaanyuan at hinarangan nila ang dalawang dyosa at mga mandirigma.

Nangunguna na sa kanila si Hua.

Bakit biglang nagkaganito?

"'Wag hayaang makatakas si Leticia! Isa siyang malaking kasiraan sa ating mga dyosa!" sigaw ni Dyosa Evelyn.

Muling nagpaulan ng napakaraming pana ang mga mandirigmang dyosa sa kabila ng pilit na pagpigil sa kanila ng mga langgam.

"Leticia, takbo!"

Ginawa ko ang lahat para lang makatakbo, ngunit kahit gaano pa ito kabilis hindi pa rin ako nakatakas sa dalawang pana na tumama sa akin.

Isa sa aking likuran, dahilan kung bakit sumuka ako ng aking sariling dugo at ang ikalawang pana ay sa aking kanang paa.

Bumagsak ako sa lupa, sa harap mismo ng karwahe na siyang magdadala sa akin sa mundo ng mga bampira.

"Leticia! Kaunti na lang! Tumayo ka! Gumapang ka! Kailangan mong mabuhay!" sigaw ni Hua sa akin.

Rinig ko pa rin ang matinding ingay ng sagupaan sa likuran ko, kailangan kong makaalis dito, ayokong sayangin ang lahat ng sakripisyo nila. Kailangan ko nang bumaba at ipagpatuloy ang aking misyon.

Pinilit kong gumapang kahit ramdam ko ang kirot sa bawat parte ng aking katawan, nalalasahan ko na ang sarili kong dugo, hinang-hina na ako.

"Paulanan ng pana! 'Wag n'yong hayaang makatakas!"

Nakarinig akong muli ng sunod-sunod na yabag, buong akala ko'y mga kalaban ito, ngunit kapwa ito ni Hua na humarang sa akin at pinurutektahan ako.

Nakikita ko ang limang kaanyuan ko na pilit lumalaban.

Sa nangangatal kong kamay ay pilit kong hinawakan ang karwahe, halos ilang beses bumitaw ang aking kamay nang humawak ako sa bakal nito.

Gumapang ako nang gumapang, dala ang iba't-ibang sakit hanggang sa makapasok ako sa loob ng karwahe. Sumunod sa akin ang limang langgam o ang sarili ko na kapwa na sugatan at may bahid ng dugo.

"Tayong lima ang nakaatasan mapanatili ang kanyang kaligtasan hanggang sa makalabas na ang karwaheng ito." Narinig kong sabi ng isa sa kanila.

Nang isarado nila ang pinto ng karwahe narinig ko ang sunod-sunod na ingay ng pana na pilit nilang inihabol.

Sa nanghihina kong katawan, sumilip ako sa maliit na butas ng karwahe para makita ang aking mundo, si Dyosa Neena, si Hua at ang mga kapwa nilalang nito na tumulong sa akin, bago ako bumulong sa karwahe na dalhin ako sa mundo ng mga bampira.

Ngunit mukhang hindi talaga nila ako nais mabuhay pa, dahil nakalampas ang tatlong matataas na dyosa at gumawa sila ng pamilya na linya.

Suminghap ako. Isang sumpa.

"Sa ngalan ng tatlong dyosang pinakamatataas, si Leticia na siyang nakasakay sa karwahe ay anim na beses mamamatay sa loob nito bago pa man lumapat ang kanyang mga paa sa lupa---" marahas nang pinatakbo ng mga kasamahan ni Hua ang karwahe sa pag-aakalang matatakasan namin ang liwanag na nagmula sa sumpa ng tatlong dyosa.

Ngunit alam kong kahit gaano kabilis ang karwahe ay hindi nito maiiwasan ang sumpa.

"Leticia!" rinig ko ang sigaw ni Hua habang lumilipad na ang aming karwahe habol ng liwanag.

Tuluyan ko nang inilabas ang kalahati ng katawan ko sa bintana.

"Patawad... hindi ko magagawang mabuhay---" ngunit ang mga salita ko'y di natuloy nang makita ang isa sa pinakamahalagang dyosang nakilala ko ay sinaksak ang kanyang sarili.

Sa mundo ng mga dyosa, may isa pang uri ng sumpa ang maituturing na pinakamalakas.

Ang agaw-buhay na sumpa ng isang dyosa.

"Dyosa Neena!" sigaw ko kasabay ng aking mga luha. Halos tumalon ako sa bintana, pero marahas akong niyakap ng mga kauri ni Hua.

Sobrang dami na ng nagsakripisyo!

"Sa ngalan ng Dyosang nagmamay-ari ng balon, sa aking buhay na nagsisimulang maubos, si Leticia na siyang nakasakay sa karwahe ay mabubuhay! Maririnig ang aking dasal patungo sa lupa, anim na may nagtataglay ng busilak na puso ang magliligtas at sasalubong sa kanya!"

Ito ang huling salita ni Dyosa Neena bago siya paulanan ng mga pana sa kanyang katawan.

"Dyosa Neena! Dyosa Neena!" halos mahalit ang boses ko sa pagtawag sa kanyang pangalan habang inililipad ako papalayo sa aking mundo.

"Dyosa Neena! Bakit... nangako ka sa akin..."

"Leticia... hanggang dito na lang kami at ang mahika... bababa ka sa lupa ng nag-iisa lamang..."

Hindi ko na nagawang sumagot at pinagpatuloy ang pag-iyak habang bumabalik sila sa kanilang totoong anyo. Nangangatal ang kamay kong hinawakan ang punyal... nais ko nang tapusin ang buhay ko...

Napakarami nang nagsasakripisyo... kung siguro'y pumayag ako sa aking tadhana...

Handa ko nang saktan ang sarili ko ng biglang magpakita sa akin ang asul na apoy... nasa isipan ko ito...at sa halip na poot ang maramdaman mula sa kanya, ako'y binibigyan niya ng ngiti.

"Mabubuhay ka Leticia... mabubuhay ka. 'Wag mong hayaang matalo ka ng emosyon mo, nais ka nilang mabuhay. Buhayin mo ang sarili mo, lumaban ka..."

Nabitawan ko ang punyal, mariin akong kumapit sa karwahe sa kabila nang mabilis nitong pagbulusok sa lupa, babagsak ako, masisira ako kasama nito... hindi ko maililigtas ang sarili ko.

Pilit akong tumayo at inabot ang bintana, sa kabila ng kumimikot kong katawan at paa, idinungaw ko ang sarili sa ibaba.

Muling tumulo ang luha ako... nagawa ni Dyosa Neena... natalo niya ang sumpa ng tatlong pinakamalalakas na dyosa.

D-Dahil...

Anim... anim na mabibilis na kabayo mula sa iba't-ibang direksyon ang nagmamadaling magtungo sa akin, sa lugar na pagbabagsakan ko.

Ramdam ko ang biglang pagbaba ng temperatura, umuulan ng nyebe.

Nag-iba ang hampas ng hangin dahilan kung bakit bumagal ang aking pagbulusok.

Ang mga pana na patuloy na sumusunod sa akin ay nasusunog sa pagtama ng mga kidlat.

Tumataas ang lupa na tila may tumatalon at nanunulay dito.

At may kung sino na tila bumubulong sa akin na huwag akong matakot.

At malalaking halaman na bigla na lang tumubo na tila gumawa ng malaking duyan na siyang sasalo sa akin.

Hanggang sa makarinig ako ng malakas na boses na tila kasing lamig yelo ngunit punong-puno ng diin at determinasyon.

"Brothers, Rosh... let's all save Dastan's Queen!"

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro