
Chapter 16
Chapter 16
Parusa
Hindi ako tumigil sa pagpapatakbo ng kabayo habang lumuluha. Kumikirot ang dibdib ko sa lahat ng nakita ko, bumabalik ang sakripisyong ginawa ko, ang pagtulong sa akin ni Hua at Dyosa Neena, ang hirap para lamang makarating ako sa mundong ito.
Ang mga luhang pumatak mula sa aking mga mata, sa pangungulila sa kanya, pananabik at pag-aalala, ang mga planong aking pinag-isipan sa sandaling magkrus ang aming mga landas para sa ikabubuti ng kanyang emperyo at ang kanyang mga salita't pangako.
Isa siyang malaking kasinungalingan.
"Ang ating mga labi'y kapwa nauuhaw, aking mahal."
Nakagat ko ang pang-ibabang labi ko, ngunit siya'y nasaksihan kong naghahanap ng pananggal uhaw sa iba.
"Sinungaling... taksil..."
Habang ako'y lumuluha, hindi ko magawang igalaw ang kamay ko na ginamit ko para masampal siya. Hindi ako makapaniwala na sa unang pagkakataon ay pinangunahan ako ng galit at nagbuhat ako ng kamay para makapanakit ng iba.
Pero higit niya akong sinaktan.
"Hahayaan kitang kumawala sa akin sa panahong ito, ngunit sa muli mong pagbaba sa mundong ito, habang buhay ka nang aangkinin ng Hari ng Sartorias."
Ngunit siya'y may ibang inaangkin. "Taksil... taksil..."
Paulit-ulit akong nagsasalita sa aking kamay na parang maririnig niya ang sinasabi ko.
"At ika'y aking magiging reyna..."
Buong akala ko'y sa iisang babae lamang titingin ang isang bampira? Ngunit bakit parang lumampas na sa isa ang kanyang tinitingnan... ngunit higit sa pagtingin ang aking nasaksihan...
"Kundi sa haplos ng ating mga labi... ako'y maghihintay..."
"M-Maghihintay? Saan? Hindi ko makita sa paraan ng iyong pagkagat..."
Lubos akong nagdamdam nang malamang siya'y nakararanas ng matinding panghihina, wala akong tigil sa pagsisi sa sarili ko dahil sa inakala kong kanyang matinding paghihirap.
Ngunit ano ang nakita ko? Buong akala ko'y nag-aagaw buhay na siya.
"Taksil siya... hindi na ako babalik..."
Akala ko'y halos hindi na siya makatayo, nakaratay ang katawan sa kama, hindi na magawang makilala ang aking presensiya ngunit iba pala ang dahilan.
Pinagpatuloy ko ang pangangabayo, hindi ko na alam kung saan ako makakarating. Saana ko pupunta?
Siguro'y mas mabuting bumalik na lamang ako sa piitan, hindi ako kailangan ng Hari ng Sartorias at lalong hindi ko bubulagin ang sarili ko sa kanyang mabubulaklak na pananalita.
Tila ang kanyang mga salita'y isang uri ng rosas na kay daming tinik, aakalaing sobrang ganda at kaakit-akit, ngunit sa sandaling malapitan ay nakapananakit.
Bakit nga ba hindi ako nagulat? Nagawa niyang—
"H-Hua!" sigaw ko.
"H-Hua, bumalik na tayo!" mas malakas na sigaw ko.
Ayoko nang isipin pa ang nakita ko noon at ngayon. Maaaring may bahid ng kapangyarihan ng asul na apoy ang kanyang nagawa noon kasama si Elizabeth, pero ngayong nakita niya na akong bumaba at pinangakuang maghihintay?
Ano pa ang ipaliliwanag niya?
Nakahinga ako ng maluwag nang mapansin ko na hindi na ito nakasunod sa akin, bigla na lang ito naglaho na parang bula mula sa aking likuran.
Mas lalo akong nasaktan nang malaman ito. Hiniling kong huwag niya akong sundan, ngunit ang mabilis niyang pagsuko ay isa nang malaking paliwanag na isa siyang haring punong-puno ng kasinungalingan.
Hinila ko ang renda ng kabayo, bago yumakap dito. Hinayaan ko ang sarili kong humagulhol sa pagluha.
Ang sakit, sobrang sakit...
Bakit hinayaan ko ang Dyosa ng Asul na apoy na ipares ako sa nilalang na mananakit sa akin?
Naghintay ako ng ilang oras bago ako matagpuan ni Hua. Halos magmakaawa ako sa kanya para lang ibalik ako sa Deeseyadah, mas mabuti nang manatili ako sa sarili kong mundo.
Ang mahalaga'y naputol na ang sumpa sa pagitan ng lobo at bampira, hanggang dito na lang siguro ang misyon ko sa lupa.
"Hua... nais ko nang bumalik. Hindi ako ang kailangan ng hari ng emperyong ito..."
Pansin ko ang pagdilim ng mukha ni Hua dahil sa sinabi ko.
"May alam akong kaharian, Leticia."
Umiling agada ko sa sinabi ni Hua. "Nararapat lang ako sa Deeseyadah."
"Sigurado ka ba?" tumango ako.
Labag man sa kagustuhan ni Hua ay sumundo siya sa kagustuhan ko. Pumitas lamang si Hua ng isang prutas sa pinakamalapit na puno at agad itong nagpalit anyo bilang isang karwahe. Nagbago na rin ng anyo ang mga kaibigan nitong mga langgam.
Nanatiling nakatayo si Hua sa may pinto at inilahad nito ang kanyang kamay sa akin. Pero bago pa man hawakan ang kanyang kamay ay hindi ko na napigilan ang sarili kong magtanong sa kanya.
"Hua, sino ka? Saan ka nagmula?"
Pansin ko ang pagkagulat niya sa katanungan ko. "Pinanganak ako para paglingkuran ka, Leticia."
"Ngunit bakit ako?"
"Dahil ikaw ang Dyosa ng Buwan na hinihintay ng lahat. Paumanhin, ngunit hanggang dito na lang ang maaari kong sabihin."
Hinayaan ko nang alalayan ako ni Hua at pumasok na ako sa karwahe. Sumunod siya sa akin at nang sandaling nagsarado na ang pinto ay nagsimula na itong tumakbo.
"May sinusunod ka, Hua?" nagtatakang tanong ko.
"Ikaw lang, Leticia."
"Hindi, ang ibig kong sabihin, sino ang nag-utos sa'yo na gabayan ako? Hindi naman maaaring sa sandaling unang nagmulat ang iyong mga mata ay alam mo na kailangan mo akong bantayan."
Saglit tumanaw sa bintana si Hua at sa unang pagkakataon na nagpalit siya ng anyo bilang isang makisig na binatilyo ay sumilaw ang ngiti sa kanyang mga labi.
"Isang nilalang na aking habang-buhay bibigyan ng respeto."
Nais ko pa sanang magtanong sa kanya nang ibinalik na ni Hua ang kanyang langgam na kaanyuan at lumabas siya ng bintana. Hindi na niya nais itong pag-usapan pa.
Patungo na kaming muli sa Parsua Deltora, marahil ay dito na kami muling dadaan pabalik sa Deeseyadah. Wala na akong naririnig na musika nang sandaling lampasan namin ang hangganan ng Sartorias at Deltora, siguro'y tapos na ang pagtatanghal ng mga maharlika.
Sumandal na ako nang maayos sa karwahe, siguro'y mas mabuting magpahinga na lang ako, sinabi ko kay Hua na hindi na kailangan pa na magmadali ang aming mga kabayo.
Ipipikit ko na sana ang aking mga mata nang maramdaman ko ang kanyang presensiya. Wala sa sarili akong sumilip sa bintana na halos ilabas ang kalahati ng katawan ko.
"Humahabol siya." Napalingon ako kay Hua na nakabalik na agad sa loob ng karwahe.
"At maabutan niya tayo, nasusundan niya ang iyong presensiya, Leticia."
"A-Anong gagawin natin, Hua? Hindi ko na siya nais makita o kausapin... dahil alam kong bibigyan niya lang ako ng mabulaklak na mga salita na pawang mga kasinungalingan lamang..."
"Dapat ay sanayin mo na ang sarili mong itago ang iyong presensiya."
"Ngunit papaano?"
Muli akong sumilip sa bintana, sa paglayo namin sa daan patungo sa Deltora, sinasabayan ito ng pagbabago ng kulay ng aming karwahe. Nanatiling nakahawak ang kamay sa akin ni Hua habang ramdam ko na tila nanghihina ang buong kong katawan.
Nag-utos si Hua na itigil ang karwahe at kapwa na kami nakatanaw sa papalapit na Hari na tila unti-unting bumabagal ang pagpapatakbo ng kabayo. Pero hindi rin nagatagal ay tumigil ito at ilang beses luminga sa iba't-ibang direksyon na parang may sinusundan na biglang nawala.
Nang tingnan ko ang mga kamay namin ni Hua, kapwa pa rin ito magkahawak. Kinukuha niya ang aking presensiya at itinatago niya ito mula sa Hari.
Muli kong ibinalik ang aking mga mata sa Hari, hindi pa rin ito umaalis sa kanyang pinagtigilan at nanatili siyang tila naghahanap. Pinanuod lang namin siya ni Hua, hanggang sa patakbuhin niya na ulit ang kanyang kabayo, hindi pabalik sa Sartorias kundi patungo sa Deltora.
Halos kalahating oras yata akong pinakiramdaman ni Hua bago siya nagtanong sa akin kung nais ko nang umalis, tumango lang ako bago kami bumalik sa mismong daan at bumalik na rin sa dating kulay ang aming karwahe.
Nakarating kami sa pinanggalingan naming puno na wala nang problema. Naglaho na ang mga karwahe at mga tagasunod na siyang kasama namin ni Hua.
Ilang beses humakbang ang aking mga paa sa nagsabog na bermuda sa lupa, hindi ko nagawang alisin ang aking mga mata sa harap ng malaking puno, hinayaan ko ang sarili kong yakapin ng hangin at muling lumuha.
"Kanina lamang ay nakangiti akong dumating dito, hindi ko akalaing mabilis magbabago ang pangyayari..."
"Leticia..."
Pilit akong ngumiti at humarap kay Hua. Sa pagkakataong ito ay ako ang naglakad ng kamay sa kanya.
"Tayo na Hua, umuwi na tayo..."
**
Nakabalik ako sa aking gintong kulungan na parang walang nangyari. Noong una ay inisip kong imposible na makalabas ako sa kulungan pero masyadong maraming kakayahan si Hua na hanggang ngayon ay hiwaga pa rin sa akin.
Madali lang ako nitong naipapasok at nailalabas sa kulungan, sa pamamagitan lang ng pagpapalit ng aming pwesto, papasok siya sa anyo niya bilang langgam at mananatili lang ako sa labas, ilang minuto lang ay magliliwanag ang aming katawan at magkakapalit kami ng pwesto.
Sa ngayon ay hiwaga pa rin kung bakit hindi nararamdaman ng mga dyosa ang kapangrihang ito ni Hua.
Ilang taon akong naging kuntento sa aking kulungan, dumadalaw sa akin si Dyosa Neena at hindi na ako iniwan ni Hua.
Kailanman ay hindi na namin pinag-usapan pa ang tungkol sa Hari ng Sartorias, pero alam kong saksi si Hua sa pag-iyak ko tuwing gabi.
"Leticia, alam mo na hindi ka maaaring habang-buhay manatili rito." Paalala ni Hua sa akin.
"Saan pa ako nararapat? Nagawa ko na ang alam kong kailagan kong gawin."
"Alam mo sa sarili mong hindi ka pa tapos at ang ginawa mo lamang ay pagtakbo." Naupo na ako sa aking kulungan at niyakap ang mga binti ko.
"Sa tingin ko'y sapat na ang ilan taong mong pagtatago, Leticia."
"Ngunit hindi ko na nais bumaba pa sa lupa, masasaktan lamang ako. Paulit-ulit na lang, Hua."
"Inanyayahan na kita noon pa man, Leticia. Ang nais ko lang ay pumayag ka." Nagmatigas ako sa sinabi ni Hua, umiling lang ako sa kanya.
Hindi ko man itanong sa kanya, ang posibleng mundong sinasabi niya ay ang sarili niyang mundo at ayoko nang magkaroon pa ng ibang lamat ang Deeseyadah sa iba pang mundo.
"Sino na ngayon ang Dyosa ng Buwan?"
"Sa ngayon ay wala pa rin napipili ang buwan."
Natahimik ako sa sinabi ni Hua. Ilang taon na rin na walang nakaupo bilang opisyal na Dyosa na Buwan na kinikilala ng Deeseyadah, hindi man ito magkaroon ng komplikasyon dahil may kakayahan naman ang buwan na siyang magpares sa mga lobo, kailangan pa rin nito ng tulong ng isang dyosa, lalo na sa koneksyon nito sa mga lobo.
"Hindi ba at maraming mga dyosa ang nag-aaral at nagsasanay para makaupo sa iba't-ibang pwesto. Wala pa rin bang nakikita ang Deeseyadah na nararapat pumalit sa akin?"
Sa pagkakataong ito ay si Hua naman ang natahimik. Ang isa sa napansin ko kay Hua at Dyosa Neena ay ang limitadong impormasyon na ibinabalita nila sa aking tungkol sa labas.
"Ito ang matindi nating suliranin, Leticia."
"Suliranin? Maraming dyosa na nagsisikap at nangangarap na manungkulan sa buwan. Paanong magiging suliranin ito?"
"Hindi mo ba napapansin kung bakit napapadalas na ang pag-aalok ko para muling lumabas? O kaya ay ang dahilan kung bakit hindi na nakakadalaw dito si Dyosa Neena?"
"Hua... hindi ko maintindihan..."
"Kasalukuyang dumadalo sa maraming pagpupulong si Dyosa Neena at pilit ka nitong pinaglalaban, may ilan din dyosa na sumuporta sa kanya."
"Pagpupulong? Suporta? Ano ang ibig mong sabihin, Hua?"
"Leticia, kahit anong gawin ng Deeseyadah, kahit anong talento ang mayroon ang nasabing dyosa, wala pa rin itong silbi... dahil simula nang ikinulong ko ay hindi na nagparamdam ang kapangyarihan ng buwan sa Deeseyadah. Ayon sa pagpupulong ng mga nakatataas ng dyosa, ang dahilan nito ay ang pananatiling buhay ng dyosa na sumira sa nais ng buwan."
Suminghap ako sa sinabi ni Hua.
"Lumalaban si Dyosa Neena sa karapatan mo at ng mga susunod na henerasyong dyosa na maaaring ipiit sa gintong kulungan, ipinaglalaban niya na sapat na ang pagkakakulong ng panghabambuhay kaysa sa itinataas ng ilang mga dyosa nan a kamatayan."
Lumaglag ang mga balikat ko sa narinig mula kay Hua, halos mangatal ang buong katawan ko, nanlamig at nabalot ng matinding takot.
Ano ang nangyayari sa mundong pinakamamahal at pinaglilingkuran ko? Bakit umabot na ito sa imahe na halos hindi ko maatim isipin...
"Nagtalo kami ni Dyosa Neena, nais niyang lumaban sa pamamagitan ng pakikipagpulong at pangangatwiran, ngunit nakikita kong buo na ang desisyon ng mga nakatataas. Nais ko lang sabihin, Leticia na kung hindi mo nais sumama ng kusa, sapilitan ka naming ilalabas dito."
Gusto kong hindi maniwala sa mga sinasabi ni Hua, sa Deeseyadah pa rin ako lumaki at nakaisip. Ito ang humalma sa akin at nagturo ng mga tama o mali, pero ang malamang ang mundong nagbigay sa akin ng buhay ay---
Nasapo ko ang aking dibdib. Hindi ako makapaniwala...
"B-Binabalak nila akong kitilin..."
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro