Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 14

Chapter 14

Pagdating

Hindi ko alam kung ano ang ginawa ni Dyosa Neena para hayaan siya ng matataas na dyosa na kausapin ako ng matagal, pero malaki ang pasasalamat ko sa kanya dahil ibinalik niya ang mga alaala ko.

"Kung nais mong malaman kung bakit hindi ko agad sinabi ang bagay na ito—" umiling ako sa dapat sasabihin ni Dyosa Neena at hinawakan ang kanyang mga kamay sa pagitan ng gintong mga rehas.

"Dahil alam kong kilala mo ako, mas pipiliin kong lumipas muna ang mga taon at hayaang pagdusuhan ang mga ginawa ko. Oo, tamang nagawa kong tuldukan ang bawal na pagmamahalan sa patigan ng lobo at bampira, ngunit ang mga naunang paglalaho ng mga emperyo ay totoong kasalanan ko. Nais kong pagbayaran ito..."

Tumango sa akin si Dyosa Neena.

"Ngunit ngayong bumalik na sa akin ang mga alaala, nais kong tuparin ang aking pangako. Nangako akong magbabalik ako..."

Nakaramdam ako ng kirot sa aking dibdib nang saglit na bumalik sa akin ang magandang imahe ng bampirang babae na nagngangalang Elizabeth.

Binitawan ko ang mga kamay ni Dyosa Neena, naupo sa aking kulungan at niyakap ang aking mga binti.

"A-Anong nangyari sa dalagang pinangakuan niya? P-Paano niya ako nakilala? Kapwa kami ginawaran ng sumpa ng Dyosa ng asul na apoy."

Naupo na rin si Dyosa Neena at sumandal ito sa aking kulungan.

"Isa lamang ang paliwanag Leticia, higit na malakas ang koneksyon n'yo sa isa't-isa. At kung nangyari man ang sumpa ng asul na apoy na magmamahal ang hari sa ibang babae, nabigyan lamang ito ng pagkakataon dahil sa inyong malaking distansya at sa pagbura ng inyong mga alaala."

Dumiin ang yakap ko sa aking sarili at mas itinago ko ang aking mukha sa aking mga tuhod. Nangako akong magbabalik, ngunit ng sandaling magkita kami ang nais ko lang ay tumakbo sa kanya.

"Nakilala niya ako... habang ako'y kalituhan lamang ang namayani sa akin. Ngunit hindi ko maitatangging may bumubulong sa puso ko nang sandaling..." nakagat ko ang aking pang-ibabang labi.

"Siguro'y dahil pilit mo siyang kinalimutan mula sa sakit." Hindi ako makasagot sa sinabi ni Dyosa Neena.

Determinado na akong bumalik sa lupa at tuparin ang aking panibagong pangako, ngunit mukhang nakakalimutan kong isa nga pala akong bilanggo.

"Ngunit may isa pang dahilan kung bakit mas nauna siyang makilala ka, Leticia..." nag-angat ako ng paningin kay Dyosa Neena.

Mas lumapit sa akin si Dyosa Neena, ngumiti ang kanyang mga labi at marahan niyang inabot ang aking pisngi.

"Mas higit ang pagmamahal ng hari sa'yo, Leticia..."

Lumukso ang dibdib ko sa mahinang bulong ni Dyosa Neena sa akin. Gusto kong maniwala, gusto kong ngumiti at magdiwang... ngunit pinipigil ito ng imahe ng babaeng ginawaran ng hari ng higit pa sa halik.

"Ipinakita ng iyong mga alaala, Leticia, ang galit sa mga mata ng Dyosa ng asul na apoy, ngunit kung ako ang tatanungin ay higit pa rito ang nais niyang iparating. Ika'y ipinares niya sa nilalang na tulad mo'y may hangaring kay linis at kung anuman ang ginawa niya ay nasisiguro kong—" ako ang tumapos sa sinabi ni Dyosa Neena.

"Maaaring palabas lamang na siyang hindi sinubukang linawin sa akin ni Hua." Sumulyap ako sa kaibigan kong langgam na nananatiling tahimik.

Tumango si Dyosa Neena. Matagal ko itong naisip nang minsang magtalo kami ni Hua, na ginawa lamang ng Dyosa ng asul na apoy ang sumpa para hindi ako pag-initan ng mga nakatataas na Dyosa at maipagpatuloy ko ang aking misyon sa mundong siyang dapat humulma sa akin.

Ginawa niya lamang ito para maihanda ang aking sarili sa takdang panahon ng aking pagbaba.

Si Hua na inakala kong isinawalang bahala ang kapwa namin paghanga sa asul na apoy ay hindi lang pala ako tinulungan, kundi mataktika itong sumunod sa nais mangyari ng unang Dyosang binansagang taksil ng kanyang sariling mundo.

"Sa'yong pagbaba, Leticia. Ang Diyosa ng asul na apoy ang higit mong malalapitan at sa pagkakataong ito, mapuprotektahan mo na ang sarili mo." Paliwanag ni Diyosa Neena.

Ito ang sinabi sa akin ng Diyosa ng asul na apoy nang ipares niya ako sa hari na noon ay prinsipe pa lamang. Kailangan kong maging malakas na dyosa sa lupa at ang pinakamagandang maaaring pagkuhanan ng kapangyarihan sa lupa na walang limitasyon ay... pag-ibig.

"Magiging tatlong dyosa sila sa lupa, Dyosa Neena. Tatlong diyosang piniling manirahan sa ibabaw ng lupa matapos ang makasaysayang kaguluhang nangyari sa pinakamalakas na diyosa. Magiging tatlo na ang ituturi nilang mga taksil." Mahinang sabi ni Hua.

Bigla kong naalala ang diyosa na siyang pinag-alayan ng buhay ng babaeng siyang dapat may hawak ng Glaoch na siyang naging puno.

"Sino ang dyosang ito?" tanong ko.

"Ang kanyang naging pagkawala sa mundong ito ay hindi naging kasing ingay ng sa'yo o ng sa asul na apoy. At base sa'yong nakalap, katulad din ito ng asul na apoy na limitado ang kapangyarihan." Muli akong tumango sa sinabi ni Dyosa Neena.

"Maaari kayong magtulungang tatlo."

Ako, ang diyosa ng asul na apoy at ang diyosang pinag-alayan ng babaeng siyang dapat may hawak ng Glaoch. 

"Ngunit higit ka nang makatutulong sa kanila, sa inyong tatlo ikaw lamang ang hindi magkakaroon ng limitasyon, dahil magmumula ang iyong lakas sa hari at ganoon din siya."

Hindi na ito bago sa aking pandinig dahil maging ang mga lobo ay ganito rin sa kanilang mga kapareha.

"Kung hindi magkakaroon ng problema, maaari n'yong maitama ang lahat sa maiksing panahon lamang. Ikaw ang magiging pinakamalakas na dyosa at siya ang kikilalaning pinakamalakas na nilalang dahil itinakda siya sa isang dyosang katulad mo." Paliwanag muli ni Dyosa Neena.

Sana'y ganito na nga ang susunod na mangyayari, ngunit tila maaga pa para mag-isip na magiging maayos ang lahat. Lalo na't hanggang ngayon ay nakapiit pa rin ako sa gintong kulungang ito.

"Anong partikular na karamdaman ang dumapo sa kanya?"

"Ayon sa bintana ng dimensyon may nakalalasong pana ang tumagos sa kanyang katawan." Bumuka ang bibig ko para magsalita, pero pinili ko rin itong itikom. Pansin ko na may nais pang sabihin si Dyosa Neena at tinitimbang niya pa ito kung paano niya sa akin ipapaliwanag.

"Mayroon pa ba?"

"Simula nang bumaba ka sa lupa, maraming bilang ng nilalang ang tinitingala siya at handa siyang respetuhin bilang pinakamataas na hari ng mga bampira sa hinaharap, ngunit may ilan pa rin umalma." Saksi ako nang bumaba ako.

"At ngayong dumating sa kanila ang balita na nanghihina ang iyong hari, malaki ang posibilidad na gamitin nila ito para pigilan ang maaaring mangyari sa hinaharap, isama pa ang katotohanan na tinanggihan mo ito sa muli mong pagbaba."

Napasinghap ako sa sinabi ni Dyosa Neena. Sa ginawa kong pagbaba, natigil ko ang digmaan ngunit naging dahilan din ito para maging mainit sa mata ng ibang emperyo ang Parsua Sartorias na pinaghaharian niya.

"Kung gano'n ay kailangan ko nang bumaba sa lalong madaling panahon."

Tumango si Dyosa Neena.

"Ngunit sa paanong paraan?"

"May nalalaman ako..." tipid na sagot ni Hua.

Lumipad si Hua mula sa balikat ni Dyosa Neena, lumapag ito sa lupa, kapwa kami tumitig sa katawan nito nang unti-unti itong magliwanag at tuluyan na akong natulala nang ang kaibigan kong langgam ay nagbago ng anyo.

Naging kawangis ko na si Hua!

"P-Paanong nakapagpapalit ka ng anyo?! H-Hindi mo sinabi sa akin!" hindi sumagot sa akin si Hua at bumalik ito sa pagiging langgam.

Pansin ko na hindi na nagulat si Dyosa Neena at mukhang nakuha nito ang kalituhan sa aking isipan.

"Oh Leticia, ang kabuuan ng sekreto ng mundong ito ay nasasaksihan ng aking balon." Ngumiti ito sa akin.

Sa pagkakataong ito ay mas binigyan ko ng pansin si Dyosa Neena at si Hua.

"Bakit n'yo ako tinutulungan ng ganito? Alam n'yo ang mangyayaring mangyari sa inyo sa sandaling malaman nila ito."

"Leticia, isa lamang akong uri ng dyosa na nalalaman ang tama, ngunit duwag at natatakot lumaban. Siguro'y hanggang ganito na lang maitutulong ko, ang pagtulong sa likod ng inyong mga anino..."

Pilit akong yumakap kay Dyosa Neena sa pagitan ng mga rehas. Ngunit habang nakayakap ako'y mariin akong nakatitig kay Hua. Simula nang nakaisip ako'y nasa tabi ko na siya...

Ito na ba ang panahon para itanong kung saan talaga siya nagmula? Sino ba talaga si Hua?

Nang dumating na ang mga tagabantay ay tumigil na kami sa pagsasalita. Tahimik akong iniwanan ni Dyosa Neena, ngunit ibinulong nito na matapos ang dalawang araw ay magbabalik sila ni Hua para sa aking pagtakas.

**

Patuloy akong humahanga sa ginawang pagtutulungan ni Dyosa Neena at ni Hua, kasama ang mga kaibigan nitong langgam.

"Ngunit p-paano siya?" tanong ko sa langgam na pumalit sa aking gintong kulungan. Kasalukuyan na nitong dala ang aking kaanyuan.

"Daang libo ang mga kaibigan kong langgam, Leticia. Maaaring halinhinan silang magpanggap bilang ikaw..."

"Ngunit hindi rin magtatagal ay malalaman din nilang nasa lupa na ako." Katwiran ko.

"Ito ang suliranin na ikaw na ang kailangang lumutas." Hinaplos ni Dyosa Neena ang pisngi ko.

Buong akala ko'y ang tanging kakayahan lamang ng balon ni Dyosa Neena ay tumanggap ng luha, ngunit dito niya kami dinala.

Biglang nagbago ng anyo si Hua at naging isa itong unipormadong binatilyo, inilahad niya ang kanyang kamay sa akin.

"Kailangan na nating tumalon."

Bago ko hawakan ang kanyang kamay ay muli kong hinarap si Dyosa Neena at yumakap ako rito nang mahigpit.

"Maraming salamat..."

"Mag-ingat ka, Leticia... ang pinakamatapang na Dyosa ng Buwan." Lumandas ang luha mula sa aking mga mata.

Hinawakan ko ang kamay ni Hua at sabay kaming tumalon sa balon. Malamig na tubig ang sumalubong sa amin at mabilis kaming bumulusok.

Buong akala ko ay mananatiling tubig ang yayakap sa amin hanggang sa salubungin na kami ng hangin at malalaking ugat ng halaman, hindi ko mapigilan ang mapasigaw. Nang makakita ako ng lupa, inakala kong babagsak ako rito pero kapwa kami sinalo ng ugat ng malaking puno.

Naunang bumaba si Hua bago ako nito inalalayang bumaba. Madilim ang pinagbagsakan namin, kaya kapwa kami tumanaw sa maliit na liwanag. Magkahawak ang kamay namin ni Hua habang patuloy kami sa paglalakad at nang tuluyan na kaming yakapin ng liwanag, tuluyan ko nang nakilala ang lugar na pinanggalingan namin.

Isang napakalaking puno.

"N-Nasaan tayo, Hua?" narinig kong sumipol ng malakas si Hua. Hindi kami naghintay ng matagal dahil nakakakita na ako ng karwaheng papalapit sa amin.

May dalawang unipormadong lalaki rin na nasa unahan nito na siyang nagmamaneho.

"H-Huwag mong sabihin na—" ngumiti ang binatilyong anyo ni Hua sa akin.

"Mga kapwa ko sila langgam. Kasalukuyan tayong nasa pinakadulong parte ng Parsua Deltora, ang emperyong nagmamay-ari ng pinakamaraming lagusan patungo sa iba't-ibang mundo."

Si Hua at ang isa pa nitong kapwa langgam na naka-anyong bampira ang umalalay sa akin sa karwahe, may nakahandang mga kasuotan dito na siyang gagamitin ko sa pagharap sa hari. Hindi na naging mahirap sa akin ang magpalit ng kasuotan at bahagyang takpan ng manipis na kulambo ang aking mukha.

Posibleng may mga makasalubong kami at hindi magandang makilala ako, kung mangyaring nasa parehong digmaan sila ilang taon na ang nakararaan.

Nang sandaling tumakbo ang karwahe patungo sa Parsua Sartorias, biglang nabalot ng musika ang buong kapaligiran na tila makapagpapatigil sa isang nilalang gumawa ng kilos para makinig na lamang.

Ang musika'y pinamumunuan ng isang plauta...

Kusang pumikit ang aking mga mata para damhin ito, anong klaseng musika ito na tila kayang pantayan ang musika ng mga Dyosa?

"Saan ito nanggagaling?" tanong ko kay Hua.

Kahit papalayo na ang aming karwahe ay naririnig ko pa rin ang musika.

"Marahil ay nagkakaroon ng pagtatanghal sa mga oras na ito sa loob ng kanilang palasyo, kilala ang emperyong ito sa natatangi nilang musika at pinamumunuan ito ng mismong mga nanunungkulan dito."

Humahanga akong napatanaw sa lugar kung saan nakatindig ang pinakataas na gusali o ang kanilang palasyo.

Musikang maririnig sa buong emperyo na unti-unting tumutuloy sa puso...

"Tila ang mga emperyo sa mundong ito'y higit pa sa aking inaasahan..." nguniti ako sa labas ng karwahe kasabay ng ilang pagpatak ng piraso ng mga rosas mula sa kalangitan.

Masyadong malayo ang pagitan ng Parsua Deltora at Sartorias na kailangan pa ng araw kung hindi mabibilis ang kabayong humihila sa akin. Dahil anim at mabibilis ang aming mga kabayo, oras lamang ang aming naging paglalakbay.

Nagulat din ako nang sabihin ni Hua na ang anim na kabayong humihila sa amin ay pawang mga langgam din.

Nang sandaling nasa pagitan na kami ng hangganan ng dalawang emperyo, ang pag-ulan ng mga pulang oras ay napalitan ng maliliit na dahon na siyang isinasayaw ng hangin mula sa naglalakihang mga punong mukhang nakapalibot sa buong emperyo ng Parsua Sartorias.

Bumagal ang pagtakbo ng aming mga kabayo ng sandaling makapasok na kami sa Sartorias, pansin ko ang pagsulyap ng ilang mga bampira sa pagdaan ng aming karwahe.

Pinagdaop ko ang aking mga palad nang makaramdam na ako ng kaba sa aking dibdib. Nasa iisang emperyo na tayo...Dastan...

Muli akong tumanaw sa labas ng bintana at hinayaan kong pagmasdan ang unang punong kumuha sa aking atensyon.

Isang matikas na puno na tila sumisigaw ng kapangyarihan at awtoridad, hindi ito tulad ng ibang puno na nais sumayaw sa hangin, dahil kung gumagalaw ito ay tipid lamang.

Lumipad ang ilang malilit na dahon nito sa karwahe hanggang ang isang piraso ay magtungo sa aking ilong. Kusa akong napangiti sa hindi ko maintindihang dahilan.

"Malapit na tayo, Leticia."

Tinanggal ko muna ang dahon sa ibabaw ng aking ilong, humarap kay Hua at ngumiti sa kanya.

Itinaas ko ang puting talakbong na nababahiran ng ginto at dyamante sa aking ulo, nanatili akong nakayuko habang inaalalayan ako ni Hua sa pagbaba sa aking karwahe. Sinalubong kami ng dalawang taga-sunod ng palasyo, si Hua ang nakipag-usap dito.

Nang makaakyat kami sa ilang baitang ng palasyo patungo sa malaking pintuan nito na bahagyang nakaawang, pilit kong kinalma ang sarili ko.

"Lily, samahan mo akong sumalubong. May panauhin daw tayo!" rinig kong sigaw ng boses ng isang lalaki.

Dalawang kawal ang agad lumabas sa malaking pinto at kapwa nito hinawakan ang dalawang dulo nito.

Nanatili akong nakatayo sa gitna at may nakayukong ulo. Halos marinig ko ang malakas na tambol ng dibdib ko.

Magkikita na kami...

Kasabay nang unti-unting pagbubukas ng malaking pintuan ng palasyo ng Parsua Sartorias ay ang marahan kong pagbaba ng puting talakbong sa aking ulo na siyang humaplos sa aking buhok na may ilang hiblang nakatirintas at maliliit na puting bulaklak.

Yumuko akong bilang pagbati at pagrespeto sa dalawang bampirang agad kong nakikila bilang mga maharlika. Hinawakan ang aking saya at marahan itong ibinuka.

At sa pagtama ng kanilang mga mata sa aking kaanyuan, tila ako'y muling nakasaksi ng kislap ng mga bituin sa malawak na kalangitan.

"Magandang araw, mahal na prinsesa, mahal na prinsepe... Ako'y lubos na nalulungkot sa balitang aking natanggap at kung hindi n'yo mamarapatin ang aking dugo'y higit na makatutulong sa ating hari..."

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro