Chapter 13
Chapter 13
Pagbabalik
Sa mundong namulat na sa iisang pananaw, kumilala ng iisang kasalanan, nagsarado ng eksplanasyon para magbigay ng pangalawang pagkakataon, nagpikit ng mga mata upang mapanatili ang pinaniniwalang kalinisan at gumawa ng napakaraming musikang nang-iiwan ng katotohanan...
Ano ang laban ng nag-iisang nilalang na tumayo para magbukas ng bagong daan? Ano ang silbi ng nag-iisang tinig sa ilang libong taong boses na may iisang isinisigaw at pinaniniwalaan? Anong kapalaran ang nararapat sa dyosang sinubukang putulin ang walang katapusang kalupitan na pilit ipinagsasawalang bahala sa paglipas ng mga taon?
Marahas akong pinaluhod ng mga mandirigmang dyosa sa ginta ng gintong bulwagan sa harap ng libong mga dyosa mula sa iba't-ibang panig ng mundo.
Napuno ng sigawan at mga salitang kaugnay ang salitang pagtataksil ang buong bulwagan.
"Leticia, alam mong mahigpit na ipinagbabawal ang pagpapares sa isang bampira at lobo!" sigaw ni Dyosa Evelyn.
"Isang kapangahasan! Hindi ka na ba nadala sa dalawang emperyong naglaho dahil sa kagagawan mo?!" sigaw din ni Dyosa Victoria.
Alam kong maibabato sa akin ang sisi tungkol sa bagay na ito, matagal ko nang tinanggap na kung kakalabanin ko ang sumpa ng unang dyosa, hindi ko maiiwasan na makasalubong pagsasakripisyo, isa na nga ay ang dalawang emperyo.
Hanggang ngayon ay pinagsisihan ko pa rin ang nangyaring paglaho ng mga ito, pero matapos akong dalawin sa aking panaginip ng dalawang pares na siyang una kong isinugal, nagkaroon ako ng pag-asa na hindi tuluyang nawala ang mga emperyong ito.
May hiwaga pa rin sa likod ng sumpa ng unang dyosa na hanggang ngayon ay naghihintay sa isang nilalang na maglalakas ng loob tuklasin ito.
"Ngunit tama pa ba ito? Hindi na natin kailangan pang ipagpatuloy pa ang lamat ng nakaraan, kung mayroon naman tayong kasalukuyan na higit maaari natin harapin. Patuloy na kalupitan sa dalawang magkabilang lahi lamang ang ating pinagyayaman, sa halip na magmahalan ay nagbibigay ng karahasan ang sumpang iginawad ng unang dyosa."
"Kinukwestiyon mo ba ang desisyon ng pinakamalakas na dyosang isinilang sa mundong ito, Leticia?"
Napuno ng bulungan ang buong bulwagan sa tanong ni Dyosa Evelyn.
"Kailanman ay hindi ko kinuwesyon ang desisyon ng pinakamalakas na Dyosa at siguro'y kung ako ang nasa kanyang posisyon ng mga panahong 'yon ay naggawad din ako ng parehong sumpa. Ngunit ang nais ko lamang iparating ay ang hindi pagiging angkop nito sa kasalukuyan, siguro'y malaki ang naging tulong nito sa nakaraan ngunit iba ang nakaraan sa kasalukuyan. Hindi niya ba naiisip ang mga nilalang sa ibaba ng mundong ito na naaapektuhan ng pinanatili nating batas? Bilang dyosa ng buwan, tungkulin kong gumawa ng magandang pag-ibig at wala rito ang restriksyon!"
Muling napuno ng sigawan ang bulwagan sa hindi pagsang-ayon ng mga dyosa sa mga sinabi ko, maging ang matataas na dyosa na nakatayo na mula sa kanilang mga trono dahil sa tindi ng aming usapan.
"H-Hindi kaya---" hindi natapos ni Dyosa Victoria ang kanyang sasabihin, muntik pa itong mawalan ng panimbang kung hindi inalalayan ng dalawang dyosa na nasa kanyang tabi.
"N-Ngayon ay nagiging malinaw sa akin ang lahat..." tinanggal nito ang pagkaka-alalay sa kanya ni Dyosa Evelyn at Dyosa Emma.
"Nakukuha ko na ang pinaglalaban ni Leticia!" saglit akong nabuhayan ng loob nang marinig ang sinabi ng dyosa. Naiintindihan niya na ba ako?
Sa gilid ng aking mga mata ay nakikita ko si Hua at Dyosa Neena na kasalukuyang lumuluha habang pinagmamasdan ang sitwasyon ko. Lumingon ako sa kanya para bigyan siya ng ngiti at ipahiwatig na magiging maayos ang lahat ngunit ang malakas na boses ni Dyosa Victoria ang nagpatigil sa akin para isipin pa ang kaayusan.
Nagkamali ako, walang makakaintindi sa nais kong ipaglaban. Dahil bulag na silang lahat, takot na ang mga ito sa pagbabago at sarado ang isipan ng mga ito para sa bagong reyalisasyon.
"Mga mandirigmang dyosa! Ilabas ang salamin ng kalinisan!"
Mas lalong lumakas ang ugong ng bulungan ng mga dyosa nang marinig ang bagay na gagamitin sa akin sa harap nilang lahat. Nangatal ang buo kong katawan, hindi maaari... mali ang naiisip nila.
"Dyosa Victoria! Nagkakamali ka—" hindi ko natapos ang anumang aking sasabihin. Dahil tatlong malalaking salamin na nakasisilaw ang iniharap sa akin, ipinikit ko ang aking mga mata, hindi ko magawang igalaw ang mga kamay ko dahil sa pagkakatali nito at ang tangi ko lamang nagawa ay bahagyang iiwas ang aking katawan.
Halos magunaw ang buong bulwagan sa matinding uri ng pagkakagulat na inihatid ng salamin ng kalinisan sa kanilang mga mata.
Ang kakayahan ng salaming ito ay para makita kung malinis pa ang isang dyosa mula sa kamay ng isang lalaki. Kahit simpleng paghawak lamang ng lalaki sa isang dyosa ay may kaakibat na lamat sa mga salamin.
Ngunit hindi lamang saglit na paghawak ang aking natanggap... kundi halik... mainit at nakapanghihinang halik mula sa Hari ng Sartorias...
Sabay-sabay nabasag ang tatlong salamin sa harapan nilang lahat. Biglang nagkaroon ng malakas na hangin na halos tumangay sa aking katawan.
Mariin itasak ng mga mandirigmang dyosa ang kanilang mga espada sa lupa para maalalayan ang kanilang mga sarili, humawak sa kanilang mga upuan ang mga dyosang nanunuod at gumamit ng kapangyarihan ang tatlong matataas na dyosa para mapanatili ang kanilang pagtayo.
Nanlalaki ang mga mata kong napatulala sa mga salamin, paanong ganito katindi ang epekto ng kanyang halik sa salamin ng kalinisan? Mababasag lamang ito kung higit sa halik ang nagawa ng lalaki sa isang dyosa.
Anong klase ng halik ang iginawad sa akin ng Hari ng Sartorias para itanggi na ako ng mga salamin bilang isang dyosa? Tanging halik lamang ito ngunit hindi na ako nais tanggapin ng salamin na siyang isa sa kumikilala sa amin.
"Leticia..."
"May relasyon si Leticia at ang bihag na lalaki!" sigaw ni Tatiana.
Lalong nagulo ang buong bulwagan sa isiniwalat nito, pilit naming lahat itinago ang kasarian ni Nikos para wala nang anumang impormasyon ang kumalat sa Deeseyadah, ngunit bakit kailangan niya pang sabihin ito?
"Nagkakamali kayo, hindi—" patuloy ako sa pag-iling sa kanilang lahat.
"Ngayon ay naiintindihan ko na kung bakit sobra ang dedikasyon mo para makuha siya, Leticia! May relasyon kayo ng bihag! At nagawa mo pang ibigay ang sarili mo, ikaw na isang dyosa!" tuluyan na akong lumuha sa sinabi ni Tatiana.
"Maduming uri ng dyosa..."
Pinaulanan ako ng masasakit na salita sa buong bulwagan. Kung gaano ako kadumi at kung paano ko sinira ang reputasyon ng mga dyosang katulad ko, isang malaking pagkakamali at mababaw ng uri ng nilalang.
Sa malayo ay tanaw ko ang nag-iisang nilalang na nakatakip ang mukha at nakatungo sa likuran ng mga dyosa. Si Nikos.
Paulit-ulit akong umiiling habang lumuluha, huwag na huwag siyang magpapakita. Hanggang dito na lang ang kaya ko, ito na siguro ang hangganan ko.
Bago pa man ito makalapit sa akin ay nasabihan ko na si Hua na tulungan ito at pigilan na muling makalapit sa akin.
Hindi ko alam ko kalayaan na ba para sa kanya ang ginawa kong ito, ngunit ang makasama siya nang napakaraming taon ay hindi-hindi ko makakalimutan, siya ang aking naging gabay at hinding-hindi ko pagsisihan ang ginawa kong pagtulong sa kanya.
Tapos na ang misyon naming dalawa na magkasama, ngayon ay maaari na siyang tumuloy mag-isa, sa nag-iisang misyon na ipinasa sa kanya ng bampirang kanyang sabay na kinamumuhian at hinahangaan.
"Sige na, Nikos... mas malayo pa ang mararating mo... malayo pa. Sige na..."
"Bilang nakatataas na dyosa at saksi ng kanyang kapangahasan para sirain at dungisan ang pinangangalagaang reputasyon at pamumuhay ng mga dyosa. Ngayon araw na ito! Sa harap ng napakaraming dyosa ng Deeseyadah! Pinapatawan ko si Jewellana Leticia ng habang-buhay na pagkakakulong!"
Napayuko na ako sa lupa at hinayaan ang sariling lumuha. Tanggap ko na ang bagay na ito, inaasahan ko na ang magiging resulta ng aking mga desisyon, pero ang sakit pa rin, sobrang sakit.
Na alam mong tama, alam mong makabubuti sa lahat pero dahil naiiba ka, dahil hindi ka naaayon sa lahat, ikaw ang mali, ikaw ang may sala. Ikaw ang makasalanan kahit ginawa mo ito mula sa'yong malinis at malinaw na intensyon.
"Sa salang pagmamaliit sa unang dyosa, pagpapalaya sa bihag, pakikipagrelasyon at higit sa lahat pagbibigay ng sarili na labag sa patakarang pang-dyosa, walang kapatawaran, walang respeto, nararapat lang ikulong at hindi na maging halimbawa pa."
**
Mainit na paglandas ng mga luha, samyo ng hanging banayad, sayaw ng mga piraso ng bulaklak, huni ng mga ibon, kumpas ng mga puno, bulong ng mga ilog, patnubay ng mga bundok at walang katapusang yakap ng liwanag—mundong may gandang nakakubli'y sa akin ay nangangalit.
Mundong aking pinaglingkuran, ako ngayo'y handang talikuran.
Aking paniniwala'y inakalang kataksilan, aking hinihiling na kapayapaan, paglabag sa batas ang mariing tiningnan.
Ang aking di masukat na katapata'y—isang iglap ay isinabahala.
Ako ngayo'y walang saysay, ako ngayo'y nakakulong, tinanggalan ng kapangyarihan, tinanggalan ng katungkulan.
Isang dyosang inakusang nais umangkin sa karapatang kalabisan.
Ang tanging nais ko lamang ay tumulong at tuldukan ang digmaan, ngunit hindi ko inaasahang may mas malaking dahilan kung bakit nais ng pagkakataong ako'y bumaba sa lupa at pumagitna sa digmaan.
Pumatak muli ang aking mga luha at mas dumiin ang aking mga yakap sa aking binti habang nananatili akong nasa loob ng isang gintong kulungan sa gitna ng mahinahong kagubatan na napalilibutan ng mga punong ay may maliliit na dahong kulay rosas at puti.
Ilang taon na akong nakakulong dito sa kasalanang ipinaratang sa aking hindi nararapat.
Pinunasan ko ang aking mga luha nang makarinig ako ng yabag, ilang taon na akong walang nakakausap na kahit anong nilalang, maging si Hua ay hindi hinahayaang lumapit sa akin.
Pilit kong pinaglinaw ang aking mga mata sa imahe ng dyosang papalapit sa aking kulungan, hinawakan ko ang aking gintong rehas para mas lumapit sa paparating ng dyosa at nanghihinang gumuhit ang ngiti sa aking mga labi nang makita si Dyosa Neena.
"Dyosa Neena..."
"Leticia..."
Agad siyang napaluha at lumuhod sa aking kulungan, hinawakan niya ang aking mga kamay.
"Patawad at ngayon lamang kita nadalaw." Umiling ako sa kanya na may ngiti sa aking mga labi.
"Nagagalak ako at d-dinalaw mo ako rito..." marahan niyang hinaplos ang aking pisngi.
"Patawad dahil hindi kita nagawang ipagtanggol..."
"Wala kang dapat gawin Dyosa Neena at lalong hindi ko nanaisin na madamay ka sa akin." Sa pagkakataong ito ay siya naman ang umiling sa akin.
"Naririto ako para sagutin ang katanungang alam kong matagal nang bumabagabag sa'yo... ang pagkabasag ng salamin ng kalinisan..."
"Dyosa Neena, hindi ko—" ngumiti siya sa akin.
"Alam ko Leticia... alam ko... at hindi man lang kita nagawang ipagtanggol." Humagulhol ito ng pag-iyak sa harapan ko.
"Anong ibig mong sabihin, Dyosa Neena?"
"Leticia, minsan ka nang lumuha sa aking balon dala ang isang matinding hinagpis." Nalilito akong tumitig sa kanya.
"Hindi kita maintindihan, Dyosa Neena... sinasabi mo ba na minsan ay hiniling kong mawala ang aking alaala?"
Tumango siya sa akin. "At ang kaalamang ito ay maaaring tumulong sa akin noon para hindi ako makulong?"
"Hindi. Dahil kahit anong eksplanasyon ay hindi nila tatanggapin noon man o ngayon." Biglang sabat ni Hua na lumabas gumapang mula sa likuran ni Dyosa Neena.
"Ngunit ano ang nakapaloob sa aking luhang ibinigay sa balon?"
Tinanggal ni Dyosa Neena ang kanyang dalawang kamay sa aking kamay at marahan niyang inabot ang aking magkabilang pisngi. Dahan-dahan kong ipinikit ang aking mga mata nang naglapat ang kanyang labi sa aking noo.
Kasabay nang mainit na paglapat ng kanyang labi ay ang unti-unting pagbalik ng mga alaalang minsan kong ninamnam at dinala sa aking puso...
Kapwa naglandas ang mga luha sa aming mga mata habang mas lumilinaw ang aking mga alaala.
"Magbabalik ako, ika'y aking magiging hari at sabay nating itatama ang lahat ng pagkakamali ng mundong ito..."
"At ika'y aking magiging reyna..."
"Hindi sa pagitan ng usok t apoy..."
"Kundi sa haplos ng ating mga labi... ako'y maghihintay..."
"Hindi nabasag ang salamin dahil hindi ka na malinis na dyosa, kundi nabasag ito dahil hindi ka na kaya nitong angkinin bilang kanyang dyosa, dahil... may iisang nilalang na lamang ang maaaring umangkin sa'yo."
Paliwanag ni Dyosa Neena, bumalik ang aking mga alaala kasama ang Dyosa ng Asul na apoy at ang sumpa nito, ang mga nakita ko na nagpaluha sa akin...
"Hindi ko alam kung dapat ko bang sabihin ito, ngunit mula sa bintana ng dimensyon, ang lalaking iyong kapares ay kasalukuyang lumalaban sa isang matinding karamdaman na maaaring maging dahilan ng kanyang pagkamatay, tanging ang iyong presensiya lamang ang kanyang kailangan..."
Suminghap ako sa sinabi ni Dyosa Neena.
"A-Ang aking hari'y may karamdaman?" tumango siya sa akin.
Wala sa sarili akong napahawak sa aking mga labi at nasambit ang kanyang pangalan.
Ako'y darating aking hari.
"Dastan..."
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro