Chapter 12
Chapter 12
Hangin
"Huwag na huwag mong pagtataasan ng boses ang aking reyna."
Kanyang tinig na bago sa aking pandinig, bantang may dalang karahasan at salitang nakapapaminsala sa dumadaloy na buhay ang dapat mamayani sa mga binitiwan nitong kataga. Ngunit huling dalawang salita'y tila nagdala ng kalituhan sa aking puso at isipan.
Ang kanyang mga mata'y tila uri ng apoy na handang tumupok sa kahit anong bagay na hamplusin nito. Ang kanyang paraan ng pagliliyab ay animo'y nakamamatay sa nakapaligid, naghahangad ng pagyuko na dapat katakutan at kapangyarihang dapat tingalain. Ngunit ang mga mata niya sa mga mata ko'y may hatid na ibang uri ng panganib.
Kakaibang uri ng pagliliyab na tila ako lamang ang nakadarama. Sino ang lalaking ito na may mga matang nagsusumigaw ng pagka-uhaw?
At ang marinig ang katagang, aking reyna...
Nagawang mag-iwas ang aking mga mata mula sa lalaking bampira nang matagpuan ang daang bampira, lobo at ilan pang mga nilalang na unti-unting lumuluhod sa akin.
Ngunit sa bawat pagluhod ng mga ito, iisang nilalang lamang ang nanatiling nakatayo na hanggang ngayon ay hindi mag-alis ng paninitig sa akin.
Hindi ito ang inaasahan kong mangyayari, ang mga lobo ay may dahilan pa para igalang at luhuran ako, ngunit ang makitang maging ang ibang nilalang ay gawin ito para sa akin—ano ang—
Natigil ako sa pagtatanong sa aking sarili at unti-unti kong muling ibinalik ang mga mata sa bampira at muling pinurosesa ang mga katagang huli niyang sinabi. Pumasok sa alaala ko ang istorya ng unang dyosa na bumaba rito. Na kung sinong nilalang ang mapapares sa isang dyosa ay magkakaroon ng higit na kapangyarihan sa lahat na siyang maaaring maghari sa mundong ito.
Gusto kong umiling sa kanilang lahat. Nagkakamali sila... hindi ako—
Ngunit nagpatuloy pa rin ang sunod-sunod nilang pagluhod. Hindi ako ang inyong reyna, hindi ako maaaring ipares sa isang bampira at lalong wala akong nararamdaman—
Muling akong natigil sa pagdiskusyon sa aking sarili nang bumalik sa aking isip ang ginawa ko simula nang makababa rito sa lupa. Siya—sa kanya ako kumukuha ng enerhiya, siya ang dahilan kung bakit ako nakababa, dahilan kung bakit hindi ko nagawang sirain ang katawan at kitilin ang buhay ni Lily para lamang makababa rito. Hindi ang presensiya ng Glaoch sa katawan ni Lily ang sumuporta sa akin, kundi ang lalaking bampirang ito.
Hindi na mawala ang kalituhan sa aking kaanyuan habang pinagmamasdan ang bampira, o tamang sabihin na hari, dahil ito ang tawag sa kanya ng ilang mga bampira.
Siya ang dahilan kaya nagagawa kong gamitin ang kapangyarihan ko bilang dyosa ng walang restriksyon. Ang kanyang presensiya...
Nang sulyapan ko si Lily ay naluluha itong nakatitig sa akin. Yumakap ito kay Adam na nagpalambot sa puso ko.
Nagtagumpay ako, natigil ang digmaan, magkasama na ang pagmamahalang buong puso kong isinugal, ilang taong pinaglaban at araw-araw na pinagdasal ng isang magandang katapusan.
Ito ako, isa lamang akong hamak na dyosang may dalang pag-ibig. Wala akong karapatan para magtamasa ng ganito, dahil ako'y isinilang para maglingkod sa pag-ibig hindi para maranasan ito.
Sinubukan kong ipikit ang aking mga mata para magpaalam. Ngunit ang huling bitaw ng kanyang mga salita'y tila uli ng tali na pilit akong hinihila patungo sa kanya.
"I've been waiting for you, My Queen."
Ang grupo ng mga bampirang nasa kaliwang bahagi ng malaking bitak ng lupa ay nagsisimula nang maglaho at bumalik sa kanilang mga emperyo. Ngunit ang kakaunting bilang ng mga bampira sa kanang bitak ng lupa'y tila nais maging saksi nang unti-unting paglapit sa akin ng kanilang hari.
"Ating bigyan ng pribadong oras si Haring Dastan at ang kanyang reyna!" anunsyo ng isang bampira.
Matataas na halaman ang dahan-dahang humarang. Hinayaan ko ang aking mga paa na lumapat sa lupa at itigil ang pagliliwanag ng aking katawan.
Narinig ko ang yabag ng mga kabayo, lobo at iba pang nilalang na papalayo na sa amin.
Sa malawak na lupain na puno ng iba't-ibang nilalang na walang buhay, mga espadang naliligo sa dugo, mga pana na may hatid na lason, mga kalasag at mga uri ng kangyarihan na nakapananakit...
Aming landas ay nagtagpo...
Sa pagliit ng aming pagitan, sa paglakas ng pintig ng puso, tila gumagawa ito ng kakaibang musika na kailanman ay hindi ko natuklasan sa mundo ng mga dyosa.
Tila ang haring ito'y uri ng sining na dapat kong pag-aralan, ngunit ako'y isang uri ng dyosang may tungkulin at hindi nakaukit sa kasulatan ng buwan na pag-aralan ang sining na taglay ng bampirang nasa aking harapan.
Oh punyal mula sa buwan... tila ang kanyang mga hakbang patungo sa akin ay higit pa hiwang bumubulong ng hinagpis. Bakit puso'y tila naiipit ngunit naghahangad pa rin...
Natigil ang kanyang mga hakbang at ang espasyo sa pagitan nami'y tila umuubos sa aking hangin.
Walang ngiti, walang mga salita ngunit ang mata'y higit na sumisigaw... pangungulila, pang-aangkin, pananabik at higit sa lahat ang init na tila humahalo na sa hangin.
Banayad na humaplos ang hangin, tangay ang maliliit na dahon mula sa gumagapang na halaman ngunit 'di nito nagawang maputol ang kanyang mga titig.
Nag-iwas ako ng tingin sa hari at kusang humakbang paatras ang aking isang paa.
"Ang 'yong mga mata'y nagkamali sa pagkilala..." ang aking mga salita'y sinasalungat ng bawat tibok ng aking puso.
Mga paa'y sa unang pagkakataon ay nais gumawa ng pagta-traydor upang humakbang patungo sa kanya.
"Kung ganoon'y malugod kong tatanggapin ang pagkakamali ng aking mga mata..."
Sa hindi maipaliwanag ay lumukso sa tuwa ang aking puso dahil sa mga salitang kanyang binitawan.
Oh punyal mula sa talim ng buwan, ang bampirang ito'y sinusubok ang aking emosyon at damdamin.
Nanatili itong hindi gumagalaw, sa halip ay matikas itong nakatindig habang ang mga kamay ay kapwa nakatago sa kanyang likuran. Aking mga mata'y nasanay lamang sa iisang lalaking imahe ay hindi inaasahang higit na humahanga sa kanyang kaanyuan.
Umiling ako sa kanya, nais kong ipaalala sa kanya na isa akong dyosa na may responsibilidad, hindi ako ang reynang kanyang tinutukoy.
"Ngunit hindi ko nais na tanggapin mo ang ganitong uri ng pagkakamali, posibleng nagkaroon lamang ng—" natigil ako dahil maging ako ay walang maisip na dahilan sa nararamdaman naming ito.
Dahil alam kong wala akong alam na salitang maaaring idahilan sa kanya, pinili kong takbo at iwan ang hari. Ang kagubatan ang unang tumama sa aking mga mata, dahilan kung bakit ako nagtungo rito.
Inakalang ang aking kapangyarihan ay magagawang maghiwalay sa akin mula sa kanya, hinayaan ang sariling humimpil sa likuran ng isang malaking puno, sapo ang aking dibdib na tila napipiraso sa distansyang aking ginawa mula sa kanya.
Ngunit marahas akong napahugot ng paghinga nang maramdaman ang kanyang presensiyang lumalapit sa akin mula sa aking likuran.
Umiling ako at muling tumakbo mula sa sumunod na puno, ngunit sa pagkakataong ito'y hindi na siya nagparamdam mula sa likuran dahil tuluyan na akong naharang sa pagitan ng malaking puno at ng mismong hari.
Walang salita ang namayani sa amin, sa halip ay nagpatuloy ako sa pagtakbo patungo sa mga puno at paulit-ulit na pagkakahuli mula sa kanya. Hindi niya ako pinipigilan at hinahayaan niya akong tumakbo, pero hindi rin ito tumitigil na habulin ako.
Sa huli, ako ang unang napagod... hindi ugali ng katawan ng diyosang mapagod, ngunit ang gawing paglayo sa kanya ay tila uri ng pag-ubos ng aking lakas.
Hawak ko ang aking dibdib habang habol ang aking paghinga, pumapatak ang pawis mula sa aking noo habang patuloy ang mga mata namin sa titigan.
"Tila ang aking reyna'y nangangailangan ng hangin..." hindi nagawang kumilos ng aking mga paa nang saglit abutin ng hari ang ilang hibla ng aking buhok.
At nang sandaling maglapat ang kanyang mapulang labi sa dulo ng aking buhok, sa kanyang bahagyang nakayukong katawan at isang kamay na nasa likuran, tila isa maihahalintulad ko ang aking sarili sa isang nauupos na kandila.
Ang kanyang mga matang nakapikit habang ang dulo ng aking buhok ay nasa kanyang mga labi, ay nagdala sa akin ng isang uri ng pag-aasam...
Nang sandaling tumindig nang tuwid ang hari at bitawan ang hibla ng aking buhok, agad akong nakaramdam ng kalungkutan... ano ito, Leticia?
Hindi ko na nagawang kontrolin pa ang panlalambot ng aking tuhod sa uri ng damdaming ito, ramdam ko ang unti-unting pagbagsak ng aking katawan ngunit naging maagap ang hari dahil agad yumakap ang kanyang mga braso sa akin.
Nagsilbing gabay ang kanyang buong katawan sa nanghihina kong katawan, dito na marahil nagsisimula ang naging epekto ng aking pagbaba o di kaya ay ang maling nararamdamang ito?
Pilit kong inangat ang aking paningin sa hari at kusa kong inangat ang aking mga kamay para hawakan ang kanyang mga pisngi.
"Naninikip ang dibdib ko, ang hangin ko'y unti-unting nauubos..." bulong ko sa kanya na halos magdikit ang aming mga labi.
"Dahil hindi ka pa handang tanggapin ako... sa mundo ito'y ako ang 'yong hangin..."
"Mali..." nahihirapang sagot ko.
"Hayaan mo ako... At paluluguran kita ng aking hanging para lamang sa'yo, mahal ko..."
Umiling ako at pilit inihiwalay ang sarili sa kanya. Muling tumakbo at hinanap ang presensiyang magbabalik sa akin sa buwan.
Natapos ang digmaan sa pagitan ng mga iba't-ibang imperyo sa hindi ko inaasahang dahilan. Wala ito sa aking plano at lalong hindi ko ito inaasahan.
Nakarating na ako sa mataas na talampas para muling umalis matapos ang digmaan, ngunit alam kong nakasunod pa rin ang Hari ng Sartorias sa akin.
"Isa akong dyosa, nagkakamali ka Mahal na hari. Naririto lamang ako para itigil ang digmaan." Tuluyan na akong humarap sa kanya at pilit ginamit ang aking natitirang lakas.
Ngunit ang kanyang presensiya at ang matinding epekto sa aking buong katawan ay nagsisimula nang sumalungat sa aking mga salita. Mas lumalakas ito habang tumatagal. Ang kanyang mga matang nangungusap at ang paraan ng kanyang pagtitig ay simula na ng aking trahedyang pagbagsak.
Hindi sumagot ang Hari ng Sartorias, sa halip ay umihip ang banayad na hangin dahilan kung bakit sumayaw ang aking mahabang buhok.
"Nawa'y maging maayos ang 'yong panunungkulan, Mahal na Hari." Hindi na ito nagbigay ng emosyon sa aking harapan, sa halip ay nagsimula itong humakbang papalapit sa akin.
Buong akala ko ay sa mismong harapan ko ito magtutungo, ngunit lumampas ito at tumapat lamang sa akin habang nakatanaw sa kalawakan ng kapaligiran kung saan nakadungaw ang talampas.
Nasa likuran ang mga kamay nito at mas pinili nitong hindi na ako pagmasdan.
"Nawa'y hindi ka bumalik sa inyong mundong dala'y kasinungalingan, aking dyosa."
"Kahit kailan ay hindi ako magdadala ng kasinungalingan, Mahal na Hari."
"Ngunit ang 'yong mga mata at mga salita ay magkasalungat. Ang 'yong mga mata'y nais ako ngunit ang 'yong mga salita'y pinagkakaila ako."
"Nagkakamali ka mahal na hari," mabilis na sagot ko.
Muling humarap sa akin ang hari at sa pagkakataong ito ay ginagawaran niya ako ng titig na may kawilihan.
"Kung ganoon, ako ang 'yong unang kasinungalingan, aking mahal." Tuluyan na akong napasinghap sa sinabi ng Hari ng Sartorias.
"Nagkakama—" hindi na ako binigyan pa ng pagkakataon ng Haring muling salungatin ang kanyang mga salita.
Natagpuan ko ang sarili kong gahibla ang distansya sa mula sa kanya na nagniningas ang mga mata, ang kanyang mga kamay sa aking magkabilang pisngi at ang kanyang mainit na paghinga na unti-unting tumutunaw sa akin.
Hindi ko na nais tumakbo pa...
"Nais ako ng 'yong mga mata, itinatanggi ako ng 'yong mga salita ngunit—" nagsimulang humaplos ang kanyang ilang daliri sa aking mga labi. "Ang ating mga labi'y kapwa nauuhaw, aking mahal."
Kahit saglit ay hindi nagkaroon ng lakas pumiglas ang aking buong sistema, lalo na nang sandaling lumapat ang kanyang mga labi sa akin.
Halik ng isang haring katumbas ng isang malinis na ilog na may banayad na pagdaloy, na nanaisin kong habang-buhay na maanod.
Pinakawalan ng hari ang aking mga labi kasabay ng paglukso ng dibdib kong sumisigaw ng agad na pangungulila.
"Hahayaan kitang kumawala sa akin sa panahong ito, ngunit sa muli mong pagbaba sa mundong ito, habang buhay ka nang aangkinin ng Hari ng Sartorias." Marahan nitong hinaplos ang aking buhok bago ako makaramdam nang biglaang pagtulak dahilan kung bakit unti-unting bumulusok ang aking katawan mula sa talampas.
"Hanggang sa muli, aking dyosa."
Mali man sa aking isipan, pinagpatuloy ko ang pagpikit ng aking mga mata habang bumubulok ang aking katawan.
At ipagpatuloy ang isang uri ng halik bago ang aking huling sandali bilang isang malayang dyosa.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro