Chapter 11
Chapter 11
Reyna
Ginusot ko ang liham mula sa nakatataas na dyosa. Inaasahan ko na ang bagay na ito, ngunit nakapagtatakang hindi ito kasing aga gaya ng inaakala ko. Sigurado akong hindi biro sa kanilang mata ang pagpares ko sa bampira at lobo, ano kaya ang maaaring dahilan para hindi sila agarang umaksyon ukol dito? Mukhang masyado talagang abala ang Deeseyadah sa mga dyosang babagong silang?
Ngunit nakatala sa liham na inaanyayahan na ako ng mga dyosang magtungo sa aming mundo, wala na akong balak dumalo rito. Lalo na't nalalapit na ang digmaan na siyang kinatatakutan ko.
Hindi na rin ako magugulat na isa sa mga araw na ito ay makakarating na rin sa kanila ang ginawa kong pagpapares sa dalawang nilalang na may posisyon sa ibabang mundo.
Ang aking pagbaba sa lupa noon ay hindi kasing dali ng maaari kong pagbaba sa sandaling magkaroon ng digmaan sa lupa sa pagitan ng mga bampira at lobo. Isa ng malaking dahilan ay ang aking bendisyon bilang isang ganap na dyosa.
Nang mga panahong bumaba ako sa lupa dala ang aking anyong bata ay wala pa akong presensiya bilang isang makapangyarihang dyosa, dahilan kung bakit hindi agad nalaman ng kapwa ko dyosa ang aking pagbaba. Isa pa, hindi naging palaisipan sa mga nakatataas na dyosa ang aking pagbaba sa kaalamang ninais lamang akong gamitin ng dyosa ng asul na apoy para sa kanyang pansariling mga plano.
Hanggang ngayon ay nagsisisi ako dahil hinayaan ko si Hua na gumawa ng rason para mas kamuhian ng Deeseyadah ang Dyosa ng asul na apoy. Ngunit dapat ko pa ba itong isipin sa mga oras na ito? Anumang oras ay isa na rin ako sa uri ng dyosa na kamumuhian ng mundong ito.
Mabilis lumipas ang mga araw, hindi kami umalis ni Nikos sa panunuod sa mga nangyayari sa ibaba. At tulad ng aming inaasahan, nakararanas na ng matinding paghihirap ang huling pares, si Adam at Lily.
"P-Paano ka makakababa?" nakailang ulit na si Nikos sa akin sa katanungang ito.
Tanging sa En Aurete lamang mayroong lagusan patungo sa iba't-ibang klase ng mundo at ang may kakayahan lamang dumaan dito ay ang mga nakakataas na dyosa, mga mandirigma at ang mismong mga residente ng aming mundo. Simula nang manirahan ako sa buwan, ay nawalan na ako ng kakayahang dumaan sa aming lagusan.
Lalong hindi ako maaaring basta na lamang bumaba mula sa buwan, dahil matagal na itong labag sa batas simula nang mangyari ang masalimuot na nakaraan ng pinakamalakas na dyosa. Ang kanyang pagbaba na nagbunga nang walang katapusang hirap.
Pero may isang paraan na maaring gamitin ng isang dyosa kung higit na talaga nitong kailangang bumaba mula sa lupa. Ito ay ang tinatawag na Glaoch.
Ang Glaoch ay isang uri ng presensiya o enerhiyang maaaring ilagay sa katawang ng kahit sinong babaeng nilalang, hindi lingid sa mga lobo ang kaalamang ito ngunit sa kanilang nalalaman ay ang glaoch ay maaari lang manirahan sa katawan ng isang lobo. Ito ay maaari rin sa ibang nilalang, na siyang isinalin ko kasabay nang panahong ipinares ko si Lily at Adam.
Alam kong kaakibat ng pagpapares ng dalawang magkaibang lahing may dalang kapangyarihan ay magdudulot ng isang malaking kaguluhan, kaya hindi na ako nag-alinlangan pa para maghanap ng tatlong babae ng panahong 'yon.
Ngunit ang inaasahan kong maaring tumulong sa akin ay isa pa ring malaking problema, dahil ang isa sa kanila'y naging isang puno mula sa isang emperyo at naging alay para sa isang dyosa na hanggang ngayon ay hindi ko mapangalanan. Isa itong uri ng dyosa na tumutulong din sa mga bampira, buong akala ko'y ang dyosa ng asul na apoy lamang ang umalis sa Deeseyadah, ngunit sino ang dyosang ito?
Ang pangalawang babae naman ay nagdadalang-tao, hindi ito maaaring gumabay sa aking pagbaba dahil sa batang nasa sinapupunan nito. At ang huling babae naman ay nanakawan ng presensiya ng Glaoch sa pamamagitan ng mahika, sinubukan kong hanapin kong nasaan na kasalukuyan ang presensiya nito at halos mawalan ako nang malay nang malaman kung nasaan ito.
Ang Glaoch ay nasa katawan ni Lily!
Masyadong malakas ang aking kapangyarihan kung iisang katawan lamang mula sa lupa ang sasalo at gagabay sa aking presensiya, hindi na magagawang tumulong ng unang dalawang babae dahil sa sitwasyon ng mga ito dahilan kung bakit mabibigay lahat ng responsibilidad kay Lily.
Sa papaanong paraan ko matutulungan ang pagmamahalan nila ni Adam kung sa sandaling bumaba ako sa lupa ay lagutan ng hininga si Lily dahil sa aking kapangyarihan?
Lumuluha akong humarap kay Nikos. Hindi ko na alam ang gagawin ko, papaano pa ako makabababa?
"A-Ang mismong susi ko kung paano bumaba sa lupa ay siyang maging dahilan ng kamatayan ng babaeng bampira, Nikos... hindi ko na alam ang gagawin ko."
Kasalukuyan nang nakalayo si Lily at Adam mula sa kanilang magkaibang mundo, ngunit sa bintana ng dimensyon kapwa kami saksi ni Nikos sa kasalukuyan nang kumikilos na mga bampira at lobo para pigilan at paghiwalayin sila.
Nalalapit na ang bagay na akala ko ay aking higit na napaghandaan.
Ipinaliwanag ko kay Nikos ang konsepto ng Glaoch at ang sinapit nito sa lupa at katulad ko'y natulala na rin siya.
Anong desisyon ang gagawin ko? Bumaba at pigilan ang digmaan ngunit ang kapalit ay ang kamatayan ng bampirang babae? O ang manuod sa katapusan ng digmaan na ang kapalit ay libong buhay ng mga inosenteng nilalang?
Pero isa akong dyosa ng buwan! Ang aking responsibilidad ay bigyan ng magandang pag-ibig ang isang lobo, ngunit anong gagawin ko sa sandaling bumaba ako? Habang-buhay na kalungkutan para kay Adam.
"Mali ba ang desisyon ko, Nikos?"
Hindi makapagsalita si Nikos sa katanungan ko, halos blangko na ang aking isipan. Simula nang makitil ang aking ikatlong pares at dalawin ako ng mga ito sa aking panaginip na may ngiti pa rin sa kanilang mga labi ay hindi na napanatag ang aking loob.
"Simula nang nakilala kita Leticia, kailanman ay hindi ka pa nakakagawa ng maling desisyon." Suminghap ako sa sinabi ni Nikos na parang hindi ko na kaya pang maniwala sa kanya.
"Sinasabi mo ba na tama pa rin ang nagawa kong desisyon?"
"Parehong kamatayan ang maaari kong piliin! Ang kamatayan ng prinsensang bampira na magdudulot ng walang katapusang kalungkutan sa lobong pinangangalagaan ko o ang libong kamatayan na panunuorin ko hanggang sa matapos ang digmaan. Walang tamang desisyon sa dalawang ito!"
Hindi na nakaya ng aking sarili ang matinding problema, dahil bumigay na ang aking katawan. Mabilis akong nasambot ni Nikos at inalalayan niya akong maupo sa aking trono. Habang si Hua ay tahimik lamang nagmamasid sa amin.
Lumuhod sa harapan ko si Nikos at marahan niyang hinawakan ang dalawa kong kamay.
"Just tell me what to do, Leticia. Anong bagay ang maaari kong maitulong sa'yo? You've been helping me for years... gusto kong may gawin para sa'yo. Sa unang dyosa na aking nirerespeto."
Gusto kong magsalita, gusto kong humingi ng tulong kay Nikos... pero walang lumabas na kahit isang salita mula sa akin... dahil wala... wala siyang maaaring gawin. Suliranin ko ito... tanging sa akin lamang.
Umiiling akong may luha sa harapan ni Nikos. Hindi ko na alam ang gagawin ko, para isang kahindik-hindik na katanungang... sino ang papatayin ko? Ang Prinsesang bampira o ang libong nilalang sa digmaan?
Hindi na muling nagsalita si Nikos, sa halip ay hinayaan niya akong yumakap nang mahigpit sa kanya. Buong akala ko ay mapananatili kong gising ang aking diwa ngunit sa paghigpit ng mga braso ko kay Nikos, unti-unting bumibigat ang talukap ng aking mga mata hanggang sa lamunin ako ng kadiliman.
Nang sandaling nagmulat ako ng aking mga mata, para akong binuhusan nang malamig na tubig at mabilis akong bumalikwas. Agad hinanap ng aking mga mata ang bintana ng dimensyon, kasalukuyan nang nasa harap nito si Nikos na kapwa nakakuyom ang mga kamay.
"Nagsisimula na..." mahinang sabi nito.
Nangatal sa aking buong katawan nang bumungad ang digmaang nagaganap sa ibabang mundo. Nahati ang mga bampira at mga lobo sa magkabilang grupo, walang pakundangan ang kanilang pagpapatayan.
Ako ang puno't-dulo ng digmaang ito!
Kasalukuyan nang nakasakay sa likuran ng lobo ang prinsesang bampira habang habol ang mga ito ng mga kalaban mula sa lupa at ere, pilit silang pinuprotektahan ng mga bampira at lobo na nakapaligid sa kanila, pero may mga atake pa rin na nakaabot sa kanila. Ilang beses akong halos mapasigaw sa nakikita ko.
Dapat may gawin ako, dapat ay hindi ako nanunuod lang nang ganito! Para akong nanghihina sa bawat ingay ng pana na tumatama sa katawan ng isang nilalang, ang danak ng dugo, ang sigaw ng karahasan, ang ingay ng mga kabayo, ang mga espadang nagtutunggali at ang pagtawag sa mga pangalan.
"H-Hindi ganito ang nais ko... Nikos..."
"Why?" rinig kong daing ng babaeng bampira.
Nahandusay na ito sa lupa dala ang kamandag na lason mula sa punyal na sumaksak sa kanyang katawan. Walang makalapit sa kanya dahil kapwa abala ang kanyang mga kasamahan para protektahan siya laban sa mga kalaban.
Wala siyang tigil sa pagluha kasabay ng dugong lumalabas sa kanyang bibig. Nanghihina akong pagmasdan ang resulta ng aking desisyon.
"Lumaban ka Lily, huwag na huwag mong ipipikit ang mga mata mo. Utang na loob, huwag Lily. Huwag, tandaan mo nandito pa kami. Nandito pa kaming mga kapatid mo." Sigaw sa kanya ng isa sa kanyang mga kapatid.
Saksi ako kung paano siya protektahan ng kanyang mga kapatid, kung paano ang mga ito nagpaulan ng mga salita sa kanya para lamang lumaban.
"P-Paano pa ako bababa? Nanghihina na ang katawan niya..."
"Adam..." muling tawag ng prinsesang bampira. Hindi ipakita ng bintana ng dimesyon si Adam.
Nasaan siya?
"Lily!" kusang humawak ang kamay ko sa aking dibdib nang makarinig ako ng panibagong boses na tumawag sa prinsesa nang may mga nakalampas na mga bampirang nais kitilin ito.
"H-Hindi maaari!" humakbang na ang aking mga paa patungo sa bintana ng dimensyon na parang magagawa kong abutin ang prinsesa, ngunit apat na babae ang humarang sa apat na konseho.
"Hinding hindi kami papayag!" tumulong muli ang aking luha. Dahil nakikilala ko ang apat na babaeng ito! Sila ang mga babaeng pinili ng asul na apoy!
Sinubukan nilang lunasan ang lasong lumalamon sa katawan ng prinsesa, hinintay nila si Adam na sugatan na rin at buhat na ng isang bampira para maitabi kay Lily at kumuha ng lakas sa isa't-isa. Ngunit sobrang dami na ng tama ng dalawang ito, nahihirapan na silang lumaban.
Isa lamang ang maaari nilang tulungan.
"Buhayin n'yo siya. Please...choose her instead of me. I love her so much..." hirap na sabi ni Adam nang marinig niyang isa lang sa kanila ang matutulungan ng mga itinakdang babae mula sa asul na apoy.
"Hindi ganito..." paulit-ulit na bulong ko.
"No, choose him. Choose him instead of me..." giit ni Lily.
"Mas malalim ang sugat ko Lily, isipin mo ang mga kapatid mong maiiwanan. Maraming luluhang mata kapag nawala ka."
"No Adam, you'll die. I'll die, no. Walang pipiliin sa atin. Wala, sasama ako sa'yo, sasama ako sa'yo."
"Listen sweetheart, mawawala ang lahat nang pinaghirapan nila kapag nawala ka. Hindi lang ako ang nagmamahal sa'yo. Hindi lang ako, mahal ko."
"Adam please, Adam..."
Gusto ko nang takpan ang tenga ko habang naririnig ang masasakit na salita ng paghihiwalay mula sa kanila. Anong klaseng dyosa ako kung hahayaan ko ang ganitong klase ng paghihirap? Anong silbi ng mga ipinangako ko?
"N-Nikos..." mahigpit akong yumakap sa kanya. "Hindi ko man ito nais sabihin, ngunit mukhang ito na naman... tumakbo ka... sa malayo... palayain mo ang sarili mo. Hanggang dito na lang ang aking pagtulong sa'yo..."
"A-Anong—" mabilis kong pinunasan ang luha ko. Kung magawa ko man kitilin si Lily sa gagawin kong pagbaba, maaari ko siyang buhayin kapalit ang aking sariling buhay.
Mukhang ito na ang aking huling misyon bilang isang dyosa mula sa buwan. Humakbang na ako papalayo sa kanya at hinayaan ang sarili kong magliwanag taglay ang simbolismong ako ay isang ganap na dyosa.
Ipinikit ko ang aking mga mata at pilit hinahanap sa ibabang mundo ang presensiya ni Lily na siyang aking magiging lagusan. Ngunit sa aking paghahanap, ibang uri ng presensiya ang humihila sa akin pababa.
Makapangyarihan...mainit at nakapagpapawala ng tibok ng aking puso...
Para ako nitong hininila... isang uri na anyayang aking ikapanghihina o mas higit dapat sabihing aking ikamamatay sa sandaling hindi tanggapin ng aking presensiya. Ano ito--
Sa pagtagal ng pagtawag sa akin ng presensiyang ito, sa paggulo ng aking sistema, tumitindi ang aking pananabik...
Buong puso kong tinanggap ang presensiyang ito pababa sa lupa. Kasabay nang malakas na pagsabog sa lupa at ang pagmulat ng aking mga mata sa gitna ng digmaan.
Naagaw ang atensyon nilang lahat at natulala sa aking kaanyuan, kapangyarihan at sa aking biglaang pagbaba. Taas noo akong humarap sa kanilang lahat, sa kabila ng presensiyang isinisigaw ng aking sistema.
Hinahanap... nananabik at tila nangungulila... ano itong nararamdaman ko?
"Nalalaman n'yo ba ang ginagawa n'yong lahat?"
"Alam nyo ba ang ginagawa nyong lahat?" unang salitang lumabas sa aking mga labi.
"Sa tingin n'yo ba ay matatapos ang lahat sa walang katapusang digmaan?! Paulit ulit lang itong mangyayari! Bakit hindi n'yo sila hayaang magmahalan? Dahil may sarili kayong pinaniniwalaan? Dahil alam n'yong may mga kasalanang muling mabubuhay kapag hinayaan silang dalawa?! Sa tingin n'yo ba ay pagmamahalan sa pagitan ng isang lobo at bampira ang dahilan kung bakit unti-unting may naglalahong mga emperyo? Pagmasdan n'yo ang kabuuang ito! Kayo mismo ang bumubura sa sarili n'yong emperyo!" sigaw ko.
Hinanap ng aking mga mata si Lily at Adam, gamit ang aking sariling kapangyarihan, nilunasan ko ang pisikal na sakit na kanilang nararanasan.
"Gumising kayo sa sarili n'yong kahibangan!" sinubukan kong payanigin ang lupa para iparating ang aking kapangyarihan.
Alam kong limitado lamang ang kapangyarihan ng mga dyosang katulad ko sa mundong ito, ngunit tila may pinanggagalingan ang aking kapangyarihan.
Saan?
Hinayaan ko ang sarili kong nakalutang sa pagitan ng biyak na lupa, sa gitna ng magkatunggaling grupo.
"Hinding-hindi namin isusuko ang Parsua! Dadaan muna kayo sa bangkay naming lahat bago nyo makanti ang aming emperyo!" sigaw ng isang bampira mula sa grupo ni Adam at Lily.
"Tumigil na kayo!" muli kong sigaw, hindi ba ang mga ito nakakaintindi ng kagustuhan ko? Hindi ba nila nalalaman na higit akong makapangyarihan sa kanila?
Pansin ko ang kalituhan sa mga mat ani Lily, maging ako ay hindi ko alam ang kasagutan. Dapat ay katawan niya ang gamit ko.
"Itigil na ang digmaang ito, huwag n'yong hayaang mabulag kayo sa maling paniniwala at hahantong sa walang katapusang kamatayan!" malakas na ulit ko.
"Hindi siya dapat paniwalaan! Dyosa lamang siya ng mga lobo! Wala siyang pakialem sa ating mga bampira! Wala kang karapatang magmarunong sa aming lahat!" pagtutol ng isang bampira mula sa kabilang grupo.
Bibigyan ko sana ito ng atensyon, ngunit napako ako sa aking posisyon nang makita ng aking mga mata ang pagdanak ng dugo nito. Humiwalay ang katawan nito sa kanyang ulo...
Mula sa atake ng isang bampira na may mga matang may mga titig na nakapang-aangkin...
"Huwag na huwag mong pagtataasan ng boses ang aking reyna."
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro