CHAPTER 2
Chapter Two
Ngiti
"Ano ba Jen! Huwag na kasi!" Kinakabahan kong sambit habang hawak ang kamay ng kaibigan kong gusto yata talaga akong patayin sa kahihiyan!
Humalakhak siya pero sa ginawa niya ay mas lalo lang akong nawindang sa kaba!
"Jennifer!" Halos mangiyak ngiyak ko ng sambit habang kinakaladkad niya ako papunta sa library dahil sa iisang dahilan.
Si Marcus...
"Para kang baliw Mir! 'Di ba gusto mo siyang makita? O ayan! Sinasamahan na nga kita, e. Hindi lang Monday ang araw na pwede mo siyang makita."
Bumagal ang lakad niya para ipaintindi sa akin ang mga plano niyang hindi ko alam kung tama ba o dapat ko ng iakyat sa korte suprema!
"Every Tuesday nasa library ang crush mo, ito palang ang confirmed. Wednesday nasa gymnasium dahil sa practice ng basketball. Tuwing Thursday at Friday naman, lahat ng klase niya ay sa building one kaya mahihirapan kang makita siya pero para saan pa at naging kaibigan mo ako? Handa akong magpakapagod sa'yo Mirthene sumaya ka lang!" Nakangising sabi niya habang pinipisil pisil ang kamay ko.
Isang hilaw na ngisi ang isinukli ko sa mga kahibangan niya. Parang noong isang buwan palang kaming magkakilala pero ang babaeng ito na yata ang tanging kayang bumasa sa mga laman ng utak ko.
Posible pala talaga 'yun no? Iyong makakahanap ka ng magiging kaibigan na kahit hindi naman planadong makasundo ay talagang ibinigay para sa'yo. Para suportahan ang lahat ng kabaliwan mo.
"A-Alam mo talaga ang schedule niya?" Lutang kong tanong habang nagpapatianod nalang sa paghila niya sa akin.
"Yup!" Tumango tango siya habang binabati ang mg kakilalang nakakasalubong.
"Paano?"
"Mir, ako pa ba? Hanggang ngayon ba pinagdududahan mo parin ang kapasidad ko bilang isang magaling na imbestigador?"
Napahagikhik ako sa narinig pero agad ring napawi ang mga ngiti ko ng matanaw ang library kung saan naroon ang pakay naming dalawa.
"Titignan lang natin ha. Huwag mo ng kausapin please? Baka makahalata na siyang may gusto ako sa kan'ya..." Napahinto ako dahil sa biglaang paghinto ni Jennifer.
Napaawang ang bibig ko dahil sa panlalaki ng mga mata niya.
"Seriously Mirthene? Gusto mo na ba talaga siya? Hindi lang crush kung hindi gusto na? As in gustong maging boyfriend? Asawa? Partner sa kama-"
Natataranta kong tinakpan ang bibig niya dahil sa kung anong mga litanya niyang kahihiyan na naman ang dulot sa akin!
"Jen!" Pinandilatan ko siya ng mga mata.
Natatawa naman niyang hinawi ang kamay ko.
"Relax!" Patuloy ang paghalakhak niya dahil sa naging reaksiyon ko.
Tahimik ang library sa pagpasok namin pero nabibingi parin ako sa lakas ng kalabog ng puso ko.
Isang buwan palang a? Sa loob ng isang buwan ay ilang beses ko palang siyang nakita pero bakit ganito na ako kung mag-react?
'Yung pakiramdam na sa tuwing nakikita ko siya ay hindi ko na mapigilan ang paglundag sa tuwa ng puso ko.
I've never been in love. Ni sa panaginip nga yata ay hindi ko naisip na magkaka-boyfriend ako dahil palagi ko lang naaalala ang mga kaibigan kong palaging bigo sa larangan ng pag-ibig.
Si Hillary... Ang best friend ko noong high school ay ilang beses ng niloko ng mga lalaking naging boyfriend niya. Na kahit ibinigay na niya ang Bataan at ilang mga karatig probinsiya ay iniwan parin siya!
Si Amanda... Ang class president namin noong third year high school.
Mabait 'yon, masipag at matalino pero iniwan parin. Hindi dahil sa pagiging perfectionist at mataba ang utak kung hindi dahil sa pagiging maalaga niya. Can you imagine that? Kapag pala maalaga ka sa isang tao ay nakakasakal na pala 'yon?
Huminga ako ng malalim ng hilahin ako ni Jennifer papunta sa bakanteng lamesa na nasa harapan ng grupo ng mga kaibigan ni Marcus.
"Diyan lagi ang pwesto nila. May thirty minutes ka para titigan siya dahil may klase na sila sa pagtunog ng bell. Go on..." Nakangising bulong ng kaibigan ko at pagkatapos ay iniwan na ako matapos inguso ang hilera ng mga librong gagawin naming props sa pag-aaral.
Gusto ko sanang sumunod sa kan'ya pero natigilan ako sa pagtayo ng makita ang pag galaw ni Marcus at paglinga sa paligid.
Dahil sa kaba ko ay wala sa sariling hinalungkat ko nalang ang bag ko para ilabas ang binder at ang isang makapal na librong dala ko.
Sa kabila ng pagtuon ko sa librong nasa aking harapan ay siya namang pagbibilang ng oras ng aking utak.
I only have thirty minutes to look at him! Kabaliwan man ang naisipan ni Jen pero ano pa nga bang magagawa ko kung ang kabaliwang ding 'yon ang gustong gawin ng utak ko?
Dahan dahan kong ibinaba ang librong hawak ko para sulyapan ang gawi ni Marcus. Wala sa sariling umangat ang kamay ko para suportahan ang bibig kong gusto na namang umawang...
My head slowly tilted when Marcus leaned on the table. Sa bawat galaw ng mga kamay niya sa pagsusulat ng kung ano sa yellow paper ay para naman akong literal na nawawala na sa normal na pag-iisip.
Hindi ako makapaniwalang ganito ang kaba ko habang pinagmamasdan siya. Ni minsan ay hindi ako nagkainteres ng ganito kalala sa isang lalaki. Kung minsan kasi ay nagsasawa din ako kaagad sa pagtingin o di kaya naman ay nawawala kaagad ang paghanga ko sa isang lalaki pero kay Marcus...
Hindi ko kayang itigil...
Napatalon ako ng huminto siya sa pagsusulat at madaling napatuon ang mga mata sa aking gawi. Literal kong naramdaman ang marahas na pagbuhos sa akin ng tila isang drum na tubig na punong puno ng yelo.
Ni hindi ko nagawang umiwas ng titig o magkunwaring nag-aaral dahil ang mga taksil kong mata ay hindi na kumawala sa kan'ya.
Ilang beses akong napalunok sa kaba at ilang mura narin ang inilabas ng utak ko pero ng makita ang dahan dahang pag arko ng kan'yang labi gawa ng isang ngiti ay tila napalitan ng init ang tubig na ibinuhos sa akin.
Ang mapuputi at pantay pantay niyang ngipin ay tila indikasyon na tagumpay ang plano ni Jennifer!
Kinakabahan man ay napangiti narin ako pabalik sa kan'ya. Kung hindi pa siya siniko ng nasa tabi niyang lalaki ay hindi pa mapuputol ang lumalagkit kong titig sa kan'ya.
Ilang beses humiyaw si Jennifer habang ikinukwento ko ang nangyaring titigan at ngitian namin sa library.
"See? Ano masaya ka na? Pagtitiwalaan mo na ba ako?" Natatawa niyang sabi habang nilalantakan ang mga pagkaing nasa harapan namin.
Hindi ko alam kung bakit kahit na wala pa namang laman ang tiyan ko ay hindi ko naman magawang kumain. Nabusog na yata ako sa ngiti palang ni Marcus kanina.
"Uy! Hala? Mirthene! Marami pang oras para mag day dream! Huwag muna ngayon dahil kailangan nating ubusin 'to bago dumating ang sunod na klase. Kain na!" Patuloy na pagalit niya sa akin.
Tumango tango ako sa kan'ya at sinimulan ng kumain pero kahit na yata isang linggo akong hindi kumain ngayon ay busog na ako hanggang sa katapusan ng buwan!
Iyong ngiti palang ni Marcus... Parang isang buwang supply na ng groceries at limang kaban na bigas!
Napapangiti ako habang iniisip kung paano pa kaya kapag nagkaroon na kami ng pormal na pag-uusap? Baka buong taon na akong mabusog at hindi makakain!
"Mir..." Napapitlag ako ng marinig muli ang pagtawag sa akin ni Jen.
Humagikhik ako at tinanguan ulit siya.
"Sorry..." Tanging nasabi ko nalang dahil kahit na ano pa yata ang gawin niyang pagalit sa akin ay hinding hindi ko malilimutan ang ngiting 'yon...
Ang gwapong lalaking 'yon.
Ang lahat lahat ng pakiramdam na kaya niyang ipadama sa akin kahit sa maliliit na interaksiyon...
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro