Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Letter #2

January 11, 20** - 8:04 PM





Mahal kong Mac,

Kumusta ka na? Kumusta ang araw mo? Masaya ka ba ngayon? Ako kasi hindi, eh. Isang linggo na naman ang nakalipas mula no'ng sumulat ako. Natanggap mo ba iyon? O nabasa man lang? Sana naman oo, kasi naghihintay pa rin ako ng kasagutan mula sa 'yo kahit alam ko namang napaka-imposible no'n. Napadaan nga pala ako kanina do'n sa park na palagi nating pinupuntahan. At alam mo ba, habang nakatanaw ako sa mga taong nando'n ay hindi ko mapigilan ang malungkot.

Ang dami kasing alaala ang nagbalik sa aking isipan habang tinitingnan ang mga magkasintahan, magkaka-pamilya at magkakaibigan na nando'n. Sobrang saya nila, samantalang ako, heto't mag-isa at parang unti-unting pinapatay ng kalungkutan.

Sa lugar kasi na 'yon tayo madalas magkita dati habang kumakain ng balut at nagku-kuwentuhan. Ang simple lang ng kaligayahan nating dalawa no'n. Hindi kasi tayo gaya ng ibang magkasintahan na sa mga manahaling restaurant kumakain at nagkikita. Hindi ka naman kasi mayaman at ayaw mo rin na ako ang gumagastos kahit pa ako ang may stable na trabaho sa ating dalawa. Kaya napagkasunduan na lang natin na do'n kumain dahil pareho naman nating paborito 'yon.

Masaya na tayo sa simpleng bagay na 'yon, masaya na tayong nag-uusap at nagtatawanan na para bang tayong dalawa lang ang naroon, ni hindi natin alintana ang sinumang makakakita o makakapansin sa atin. Ang mahalaga lang sa atin ay masaya tayong magkapiling.

Kailan ko kaya uli iyon mararanasan? Kailan kaya kita makakasama uli sa lugar na 'yon? Kailan nga ba iyon mangyayari kasi nakaka-miss na Mac, eh. Sobrang nakaka-miss.

Hindi ko nga akalain na ang masasayang sandaling 'yon ay magkakaroon ng katapusan at mauuwi din sa isang alaala. Hindi ko kailanman iyon naisip, Mac kasi ang buong akala ko, ikaw at ako pa rin hanggang sa dulo. Na ikaw at ako pa rin ang magkasamang bubuo ng masasayang alaala. Ngunit isang malaking akala lang pala ang lahat ng 'yon.

Ikaw ba naiisip mo rin ang mga pangyayaring iyon? Ikaw ba naaalala mo rin ang masasayang sandali natin sa lugar na 'yon? Sa pakiwari ko kasi'y nakalimutan na 'yon at hindi mo na naaalala. Pero kahit gano'n pa man ang mahalaga'y naging bahagi ka pa rin ng alaalang iyon, na kailanma'y hindi ko makakalimutan.

Hanggang dito na lang muna ang liham kong ito. Mag-iingat ka palagi. Umaasa ako na sa susunod kong pagsulat ay mayroon kana ring kasagutan.



Hindi pa rin nakakalimot,
Kiera








Sender⏪ Kiera Abalos
Receiver⏩ Mac Punzalan

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro