Letter #1
January 4, 20** 8:02 PM
Mahal kong Mac,
Kumusta kana? Sana ay nasa mabuti kang kalagayan. Kung nasaan ka man ngayon, sana'y masaya ka. Ako? Well, heto.. pinipilit pa ring magpakatatag kahit na gustong-gusto ko nang sumuko. Pinipilit maging okay, kahit hindi naman. Pinipilit ngumiti kahit na sa loob-loob ko'y gusto ko nang umiyak.
Gumawa nga pala ako ng account dito kasi gusto kitang sulatan, kahit pa hindi ako sigurado kung matatanggap mo ito o mababasa mo. Basta ang mahalaga lang sa akin ay masabi ko ang mga nararamdaman at saloobin ko.
Dalawang buwan na pala nakakalipas mula no'ng maghiwalay tayo, pero ang mga sugat na dulot no'n ay napaka-sariwa pa rin para sa akin. Patuloy pa rin kasi sa pagdurugo itong puso ko na tila wala nang kahit anong lunas ang makakagamot dito.
Parang kailan lang masayang-masaya pa tayo. Parang kailan lang punung-puno pa tayo ng mga pangarap, pero ang lahat ng iyon bigla na lamang naglaho na parang bula at alam mo kung ano 'yong natira? Para lamang akong pumikit nang saglit pero pagmulat ko, nawala na'ng lahat.
Nasaan na nga ba 'yong dating tayo? Nasaan na nga ba 'yong ikaw at ako na magkita at magka-usap lamang ay masayang-masaya na? Babalik pa ba 'yon? Kasi kung oo, handa akong maghintay, Mac kahit gaano pa 'yon katagal. Kasi mahal kita eh. At minamahal pa rin kita hanggang ngayon. Pero wala eh, mukhang sa ganito na lang talaga magwawakas ang lahat.
Minsan nga napapaisip ako eh, kung nararamdaman mo rin ba itong nararamdaman ko. Kung nalulungkot ka ba o nasasaktan pa rin hanggang ngayon. O baka tuluyan mo na talaga akong nakalimutan? Madali lang naman kasing gawin 'yon eh, 'di ba? Sobrang dali lang, Mac.
Pero kung gano'n nga, wala na akong magagawa pa. Kasi 'yon ang kagustuhan mo. Kasi 'yon na ang desisyon mo. Tatanggapin ko na lang siguro 'yon, kahit pa sobrang sakit no'n para sa akin. Kahit pa hindi na ako sigurado kung magmamahal pa ako ng iba o hindi na. Kahit pa habambuhay na ang pighating nararamdaman ko dahil do'n.
Basta ang hiling ko lang ay maging masaya ka, kahit pa hindi na ako ang dahilan no'n. Mag-iingat ka palagi at alagaan ang iyong sarili. Nawa'y pagpalain ka rin at makamit ang iyong mga mithiin sa buhay.
Nangungulila pa rin,
Kiera
Sender⏪ Kiera Abalos
Receiver⏩ Mac Punzalan
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro