Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

/8/ Sanity


HINDI ako baliw.

Iyon ang paulit-ulit na tumatakbo sa isip ko ngayon. Iyon din ang paulit-ulit kong sinabi sa kanila ngunit ni tila naging bingi sila at hindi pinakinggan ang aking mga pakiusap.

Pilit kong sinisiksik ang sarili ko sa sulok ng maliit na silid na kinalalagyan ko ngayon, binabalewala ko lamang ang lamig ng pader dahil napakanipis ng tela ng kamiseta na pinasuot nila sa akin kanina. Damang dama ko ang pagmugto ng aking mga mata dahil sa walang humpay kong pag-iyak magmula nang dalhin nila ako rito. Kasabay ng aking pusong tila dinurog na parang abo ay ang mga tinig pa rin na naririnig ko.

Mga tinig na nagmumula sa mga tunay na baliw na kasama ko rito sa loob ng selda. Kung anu-ano ang mga naririnig ko, may pabulong, may tumatawa, may sumisigaw, may umiiyak, may umaawit, lahat ng kanilang mga iniisp ay naririnig ko, ang kanilang pag-iisip na walang direksyon, wala sa katinuan.

At alam ko na hindi ako katulad nila.

Hindi ako baliw.

Pinikit ko ang aking mga mata at hindi ko na mabilang sa aking mga daliri kung ilang beses akong umusal ng panalangin, ilang beses akong humingi ng tulong ngunit tila naging bingi na rin ang langit at tuluyan na akong pinabayaan ng paniniwalang matagal kong pinangalagaan. Walang santo at mga anghel ang handang mag-alis sa akin sa impyernong 'to.

Hindi pa rin nawala ang mga samu't saring tinig na umaalingawngaw sa aking isip. Sinapo ko ang aking ulo gamit dalawang kamay, tila pinipigilan ang utak ko na akala mo'y sasabog. Atsaka ko sumigaw, sapat para marinig sa institusyong ito na nakatayo sa gitna ng kawalan.

Tumigil ang tatlong baliw na kasama ko, pati ang mga tinig sa aking isip ay nawala. Nakatingin silang tatlo sa akin at sabay-sabay nila 'kong pinagtawanan. Muling bumalik ang mga tinig. Naramdaman ko ang pagdaloy ng luha sa aking pisngi.

Oh, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?

*****

"MARIA Sigrid Ibarra?" nag-angat ako ng tingin at nakita ang maamong mukha ng nagpakilalang si Dr.Joselito, siya ang doktor na tumitingin sa mga pasyente sa institusyong ito tuwing Biyernes. 'Kaawa-awa, napakagandang dalaga pa naman.'

"Gusto kong linawin sa inyo, doktor, hindi ako baliw." Diretso ko siyang tiningnan sa mga mata habang seryoso kong ipinahayag iyon.

Isinuot niya muna ang salamin bago magsalita. "Ngunit ang sabi rito sa record mo ay nakakarinig ka ng mga boses, tama ba?" 'Iyon pa naman ang isa sa mga pangunahing sintomas ng mga nasisiraan ng ulo.' "Bukod ba roon ay hindi ka naman ba nakakakita ng kung anu-ano? Mga nilalang na―"

"Wala akong third eye, dok." Subalit naalala ko ang batang babae na laging nagpapakita sa'kin, iwinaglit ko 'yon sa aking isipan dahil ayokong mas isipin lalo na nababaliw nga ako.

Nangiti lang si Dr.Joselito at umiling. "Sige, ilang taon ka na nga ulit, Sigrid?"

"Labing walong taong gulang."

"Ano ang ginagawa mo sa buhay?"

"Kasalukuyang nag-aaral."

Marami pang tinanong si Dr.Joselito at lahat ng iyo'y nasagot ko naman ng mabuti, ang buong akala ko ay makukumbinsi ko na siya na hindi ako baliw pero sa huli'y naniniwala pa rin siya sa katotohanan na nakakarinig ako ng mga boses at iyon ang kanyang patunay na wala ako sa katinuan.

Oras ng tanghalian, sabay-sabay na kumakain sa kumedor ang lahat, animo'y mga preso kung ituring ng mga nurse ang bawat pasyente at hindi ko iyon nagustuhan. Kahit na hindi maganda ang aking pakiramdam dahil sa mga tinig ay tinulungan kong kumain ang katabi ko na pinaglalaruan lang ang kutsara at tinidor. Oras ng paliligo ay basta-basta lang binubuhusan ng malamig na tubig ang bawat pasyente, sapilitang hinubaran at tinatapatan ng mga hose, at akala mo'y nagdidilig lang sila ng halaman.

Oras ng tulog, lahat ay inihatid sa kanya-kanyang silid―hindi―sa selda. Suot ang manipis na kamiseta, ang kumot na amoy luma, maiksi at hindi sapat para punan ang lamig na nararamdaman. Nagsumiksik akong muli sa sulok habang yakap ang sarili. Hanggang sa pagsapit ng madaling araw ay hindi pa rin ako nilulubayan ng mga tinig.

Kapag nagpatuloy ako sa ganito, sigurado ako na hindi malayo na tuluyan akong masiraan ng bait.

*****

TATLONG araw na ang nakalipas at paulit-ulit ang dinanas ko sa loob ng institusyong ito. Hindi na 'ko nagtataka kung bakit mas lumalala ang ibang pasyente rito, dahil sa maling pagtrato ng mga empleyado. Tatlong araw at mas lalo ring lumalala ang kalagayan ko, hindi ako gumagaling, kahit ano at ilang gamot ang iturok at ipainom sa'kin, walang nangyayari. Sinubukan na rin nila akong kuryentehin ng paulit-ulit para magamot ang isip ko pero wala pa ring talab.

Maraming beses akong nagigising tuwing madaling araw, sumisigaw, umiiyak. Pakiramdam ko malapit ng mapatid ang pisi ng katinuan ko. Nagising na lang ako isang araw, nakatulala sa kawalan.

'Lubos kitang naiintidihan, Sigrid Ibarra.' Bigla akong nabuhayan sa narinig kong boses,isang babae. S-sino?

'Huwag kang matakot. Katulad mo ay nakakarinig din ako ng mga boses na nasa utak mo,' Luminga-linga ako, hinahanap kung sino ang taong 'yon. 'Nandito lamang ako.'napahinto ako nang makita ko ang isang ale di kalayuan, nakaupo sa swing at nakatingin sa akin, dahan-dahan akong naglakad papunta sa kinaroronan niya, at mas lalong lumalakas ang boses. 'Lumapit ka pa, at ako'y may sasabihin.'

Magkaharapa na kaming dalawa, hindi bumubuka ang kanyang bibig ngunit alam kong siya ang nagmamay-ari ng boses.

Sino ka? Tanong ko sa aking isip.

'Kagaya ng sinabi ko, magkapareho tayong dalawa, dahil sa kakayahan natin pareho tayong napunta sa lugar na 'to. At gusto kong sabihin sa'yo, hindi ka baliw.'

Pero hindi ko na kayang tiisin ang mga naririnig ko. Hindi ako makapaniwala na nag-uusap kaming dalawa sa pamamagitan ng isip.

'Maaari kitang tulungan. Maaari kitang turuan kung paano kontrolin ang iyong kapangyarihan.'

Paano?

'Una sa lahat dapat mong maintindihan na may mga katulad natin na nabubuhay sa mundo, mga nilalang na ipinanganak na natatangi, hindi normal, may tinataglay na kakayahang hindi normal.'

Hindi normal?

'Isa kang Telepath Sigrid, kaya mong makabasa ng isip ng ibang tao.'

Telepath?

'Kapag itinuro ko sa'yo ang paraan kung paano kontrolin ang iyong kapangyarihan, gamitin mo iyon para makalabas ka sa institusyong ito.'

Ngunit bakit hindi mo rin iyon gamitin para makalabas dito?

'Ito na lamang ang lugar ang maaari kong puntahan dahil wala na 'kong babalikan sa labas.'

Pero―

'Maraming naghihintay sa'yo sa labas ng institusyong ito, Sigrid Ibarra.'

Anong ibig mong sabihin?

'Hanapin mo si Melchor Enriquez Morales, siya ang makakasagot sa mga katanungan mo.'

Melchor Enriquez Morales?

'O mas kilala bilang ,Memo.'

Naalala ko ang lalaki sa ospital, siya raw ang nagligtas sa akin mula sa isang aksidenteng hindi ko maalala. Nagbigay siya ng papel na may nakasulat na 'Memo'. Hindi kaya'y Melchor Morales ang pangalan ng lalaking 'yon?

'Makinig kang mabuti, Sigrid. Hindi na ako magpapaliguy ligoy pa.' muli kong narinig ang boses ng misteryosang ale.

Nakatayo pa rin ako sa harapan niya habang siya nama'y nanatili pa ring nakaupo sa swing, nakahawak sa dalawang rehas na kinakalawang. Hindi napapatid ang titig namin sa isa't isa, hindi rin bumubuka ang aming mga bibig sapagkat sa isip kami nag-uusap.

Sino 'ka? At paano mo nalaman ang pangalan ko? Tanong ko sa kanya.

'Mahalaga pa bang malaman 'yon ngayon? Hindi ba't mas importante na matutunan mo kaagad kung paano kontrolin ang iyong kapangyarihan at makalabas ka ng buhay mula sa institusyong ito?'

Saglit akong napaisip sa sinabi niya. Tama siya ngunit nababahala pa rin ako. Isa raw akong telepath, sinabi niya iyon kanina at magkapareho kaming dalawa na may ganong klaseng abilidad. Isang bagay na ang napatunayan ko ngayon, hindi talaga ako baliw, may mga tao na katulad ko na mayroong kakaibang kakayahan—ang makabasa ng isip.

'Isa pa, katulad na lang din ng naiisip mo, hindi ba't mahalaga rin na magkatulad tayong dalawa at nakakapag-usap tayo ng ganito?'

Sino pa ang mga katulad natin na ganito?

'Hindi ko 'yan masasagot sapagkat iilan pa lamang tayong natatagpuan ni Memo. Hindi rin maniniwala sa'yo ang mga doktor kapag ipinaliwanag mo sa kanila ang kapangyarihan na mayroon ka. Ngunit mayroon pang paraan para sila mismo ang magpalaya sa iyo.'

Paano?

'Una sa lahat ay kailangan mo munang mapag-aralan kung paano gamitin ang kapangyarihan mo.'

Tumayo siya at medyo napaatras ako. Tsaka ko lang napagmasdan ng maigi ang kanyang anyo, bakas ang lumipas na kagandahan sa kanyang mukha, malalam ang mga mata na may kalungkutan ngunit blangko, ang marka ng katandaan ay makikita at ang pumumuti ng kanyang maikling buhok. At higit sa lahat ay ang kanyang maliit na tattoo sa kanyang kanang kamay, isang crescent moon.

'Sumunod ka sa akin ngunit wag kang magsasalita.'

Tumango ako, naglakad siya at sumunod lang ako sa kanyang likuran. Napansin kong papunta kami sa loob ng gusali, hindi kami umiimik pareho hanggang sa marating namin ang dining hall. May kanya-kanya kasing schedule ang pagkain ng mga pasyente kung kaya't hindi sabay-sabay ang pagkain sa dami rin ng pasyente.

Napatakip na naman ako ng tainga dahil nagsimula na namang dumami ang mga boses na naririnig ko. Andito na naman sila. Akma akong aalis ngunit hinawakan niya ako sa braso.

'Wag kang tumakas. Ikaw lang din ang makakagawa ng paraan para matulungan ang sarili mo.'

Pero ang mga boses... hindi ko na sila kaya.

'Nandito ka ngayon para pag-aralan kung paano kontrolin ang kapangyarihan mo, Sigrid.' Napapkikit ako saglit at walang nagawa kundi makinig sa kanya. Umupo kaming dalawa sa bakanteng pwesto. Hindi pa rin nawawala ang mga tinig ngunit nangingibabaw pa rin ang kanyang boses.

'Nahihirapan ka ngayon dahil sa samu't saring tinig na naririnig mo. Hindi lang sila basta tinig, Sigrid, they are thoughts from other people, these are the thoughts that you're unconsciously getting, kahit na hindi mo gustuhin automatic silang nasasagap ng isip mo.' Napatingin ako bigla sa kanya nang sabihin niya 'yon, nag-iba ang punto ng pananalita niya, bakas na may mataas siyang edukasyon na nakuha, hindi ko tuloy naiwasang isipin kung bakit at paano siya napunta rito sa insititusyon, pero katulad ng sinabi niya kanina, hindi 'yon mahalaga ngayon.

Paano ko sila mapapahinto?

'Isa lamang ang paraan para mawala ang mga tinig, ngunit kinakailangan nito ng maraming pagsasanay hanggang sa matutunan mong kontrolin ang iyong kapangyarihan.'

Ano 'yon?

'Huwag kang mag-isip ng kahit na ano.'

Napamaang ako sa sinabi niya.

'Kailangan mong matutunan ang isang matinding konsentrasyon. Sa gitna ng maraming tao at maraming boses na iyong naririnig, kailangan mong matutunan na iblangko ang iyong isip nang sa gayon ay makontrol mo kung sino lang ang gusto mong mabasa. Naiintindihan mo ba'

Susubukan ko.

'Mabuti. Alam ko namang kaya mong matutunan na kontrolin ang iyong kapangyarihan.'

At ipinikit ko ang aking mga mata.

*****

DUMAAN muli ang tatlong araw at tuluyan nang nawala ang mga tinig sa aking isip. Katulad ng mga ipinayo sa'kin ng ale na tumulong sa akin, na hanggang ngayon ay hindi ko alam ang pangalan, nagawa kong iblangko ang aking isip at dahil doon ay nawala ang mga samu't saring isip na nasasagap ko. Iyon din ang naging huli naming pagkikita dahil hindi ko na siya mahagilap sa loob ng institusyon. Bigla siyang naglaho na parang bula.

Nandito ako sa pwesto kung saan una kong nakita ang ale na tumulong sa'kin, ang pinagkaiba nga lang ngayon ay wala siya sa swing, at wala na rin sawakas ang mga boses na gumugulo sa aking isip. Maya-maya'y sumapit ang oras ng check-up, muli kong natagpuan ang aking sarili sa loob ng opisina ni Dr. Joselito.

"Kamusta, Sigrid?" nakangiti niyang pahayag sa'kin.

"Mas mabuti pa sa mabuti." Sagot ko naman, ginantihan siya ng ngiti. At dahil nga kaya ko ng makontrol ang kapangyarihan ko ay hindi ko na naririnig kung anong iniisip niya.

"Natutuwa naman ako na malaman 'yan." At katulad ng dati'y nagtanong lang siya ng nagtanong ng kung anu-ano, parang nakikipagkwentuhan lang na normal, lumipat pa siya ng upuan katapat ko, inalam niya karamihan ang personal kong buhay pero bigla akong nagtaka. Kakaiba ang titig at ngiti niya.

"Mukhang masaya ka 'ata, dok." Hindi ko napigilang magtanong.

"Wala naman." Atsaka ko inalam kung ano ang iniisip niya, 'Masaya ako sapagkat hindi ka talaga tunay na nasisiraan ng bait.' Muntik ko ng maipakita na nagulat ako mabuti na lang ay napigilan ko ang sarili ko. 'May pag-asa akong suyuin ka.' Pinigilan ko rin ang sarili ko na mapaismid sa nalaman ko.

"Baka naman," saglit akong nag-iwas ng timgngin at ibinalik ulit ang titig sa kanyang mga mata. "Nakikita mo na hindi naman talaga ako baliw." Sa pagkakataong ito ay siya naman ang nagulat at kitang kita ko 'yon sa kanyang mga mata. "Hindi ba, dok?"

"H-hindi kita maintindihan, Sigrid." 'Paano niya nasabi kung anong naiisip ko?'

"Paano mo nalaman na hindi ako baliw?"

Nag-iwas na siya ng tingin, tumayo siya at tinalikuran ako.

'Sasabihin ko ba ang totoo?'

"Ano ang totoo, dok?" tumayo rin ako at humarap siya sa'kin. Umiling siya at kitang kita sa kanyang mga mata ang takot.

"Ang ingay niyo masyado," may biglang nagsalita, pareho kaming natigilan ni Dr.Joselito upang tingan kung sino 'yon. "This is getting exciting isn't it, Sigrid?" Napakunot ako. Nakita ko ang isang lalaki na kampanteng nakaupo sa sofa, ngunit wala namang tao roon kanina at sigurado ako na kaming dalawa lang ni dok ang pumasok sa silid na 'to.

"M-Me―" napatingin ako kay Dr. Joselito dahil mas gulat na gulat siya sa nakita.

"Leave us alone." Malamig na pagkakasabi ng misteryosong lalaki at kaagad lumabas si Dr.Joselito ng walang imik.

"Finally," nakaupo pa rin siya. "Remember me, Sigrid?"

Napakunot ako sa sinabi niya at pilit siyang minumukhaan.

"For heaven's sake, what happened to you, Sigrid Ibarra? Nasaan ang gifted memory mo?" Atsaka ko biglang naalala, siya yung lalaki sa ospital. Siya raw ang nagligtas sa akin. "Excellent! Now, you remember."

"Memo?"

Mabagal siyang pumalakpak, na rinig na rinig sa buong silid, tumayo siya sa kinauupuan at dahan-dahang lumapit sa akin.

"Natutuwa ako na naalala mo pa, Sigrid." Hindi ko alam kung bakit kumabog ng malakas ang dibdib ko habang papalapit siya sa akin.

"Bakit ka nandito?" matigas kong tanong sa kanya.

"Woah, I like that face," ngumisi siya at humakbang pa lalo palapit sa akin. "Naiinip na kasi ako at naiirita ko sa ideya na may balak pa sa'yo ang doktor na 'yon. Hindi ba't usapan natin na hahanapin mo ako? Pero nagbago na ang isip ko. Sinusundo na kita ngayon."

"Sinusundo? Hindi kita maintindihan." At sinubukan kong basahin kung ano ang nasa isip niya ngunit wala akong napala.

"Oh no, don't even try to read my mind, Sigrid, I am more than powerful than you," nabigla ako sa sinabi niya. Ibig sabihin... ang taong to... "Hindi porket tinuruan ka ni Ofelia kung paano kontrolin ang kapangyarihan mo ay kaya mo na kaagad akong tapatan."

Ofelia? Siya yung babaeng nagturo sa akin kung paano kontrolin ang kapangyarihan ko, at may kinalaman siya sa taong ito.

"Allow me to formally introduce myself, Sigrid. I am Melchor Enriquez Morales, but everyone calls me Memo."

"Ano ba talagang kailangan mo sa'kin?"

"We're on the same boat. We are special that's why I need you to come with me. Tungkulin kong tipunin lahat ng mga kagaya nating mga Aeons." Aeons? "Yes, that's what I call on our kind, on those people who have gifted powers. Kung sasama ka na sa'kin mas maipapaliwanag ko sa'yo lahat."

Inilahad niya ang kanyang palad sa'kin, hindi ko alam kung bakit may tumutulak sa'kin na tanggapin ang kamay niya―kahit na ayoko.

Ngumiti si Memo nang tanggapin ko ang kanyang kamay. Ano 'tong nararamdaman ko?

"Very well. Let's go back to Atlas University, my goddess of memory."


Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro