/3/ Invitation
KARMA na ang bahala sa kung sino mang nilalang ang may kagagawan para lokohin ako. Kasalanan ko rin naman dahil nagpadala ako sa kuryosidad, sa susunod na makatanggap ulit ako ng liham ay hinding hindi ko na papatulan.
"Kung nandito lang si Kuya Samuel ipapabugbog ko 'yung lalaking 'yon," naiinis kong sambit sa sarili at paulit-ulit kong pinupunasan ng panyo 'yung labi ko. Unang halik mula sa estranghero?! Hindi ko matanggap. Kahit na ginawa niya 'yon para hindi ako mahuli ng mga humahabol sa akin.
Gabi na nang makabalik ako sa dorm, nadatnan ko ang ka-roommate namin ni Talia na nagbabasa ng libro sa desk niya. Huminga ako ng malalim at lumapit sa desk ko na katabi lang niya, napatingin ako sa kanya at ni hindi man lang siya nag-angat ng tingin para batiin ako.
"H-hello?"
Himalang nilapag niya ang binabasang libro sa mesa at tumingin siya sa akin, walang ekspresyon ang kanyang mukha. Ngayon ko lang siya napagmasdan ng mas maigi, bilugan ang kanyang mga mata, maputla siya, at may maalun-along buhok.
"Hi." Ngumiti ako nang sumagot siya sa akin, ang buong akala ko ay hindi niya talaga ako papansinin.
"Ako nga pala si Maria Sigrid Ibarra, Sigrid na lang ang itawag mo sa akin. Ikaw? Anong pangalan mo?"
"Andrea Marin." Matipid niyang sagot at hindi ko na alam kung paano ko ipagpapatuloy ang pag-uusap namin, gusto ko pa siyang makausap, kailangan ko ng kausap para makalimutan ko ang nangyari kanina.
"Anong course mo, Andrea?" umupo ako at humarap sa kanya, nakaramdam naman siya na gusto ko siyang makausap at humarap din siya sa akin.
"Fine Arts."
"Fine Arts?" namangha ako dahil iyon 'yung kursong gusto ko pero mas gusto nila papa na kumuha ako ng pang-medisina. "Ibig sabihin magaling kang gumuhit!"
Imbis na sumagot ay may kinuha siya, isang sketchpad, inabot niya sa'kin at kaagad ko namang binuklat, punum puno 'yon ng kanyang sketches. Magaling si Andrea, at masasabi kong mas magaling siya sa akin dahil sa detalyado niyang pagguhit.
"Ang galing mo naman—" natigilan ako pagbuklat ko ng isang pahina, isa 'yong sketch ng batang babae, dahil matalas ang memorya ko alam kong iyon ang babaeng nakita ko noon sa may puno at sa College of Chemistry! "A-andrea, kilala mo ang batang 'to?" tanong ko sa kanya at wala man lang pinagbago ang ekspresyon niya nang magkaroon ng pangamba sa aking tinig.
Umiling si Andrea bilang pagsagot. "Iginuguhit ko ang mga napapanaginipan ko."
"P-panaginip?" napalitan ng pagkamangha ang pangamba sa aking tinig. "K-kung ganon ay parehas pala tayo, minsan ipinipinta ko ang mga napapanaginipan ko."
"Nagkakatotoo rin ba ang mga panaginip mo?" bigla niyang tanong.
Namayani bigla ang katahimikan sa pagitan naming dalawa. Nagtitignan lang kami ni Andrea habang nakikiramdam kung sino dapat ang magsalita.
"Anong ibig mong sabihin?" balik kong tanong pero hindi na niya ako pinansin at nagpatuloy na siya sa pagbabasa, senyales na ayaw na niyang magpaabala.
*****
"Hi miss!" binilisan ko lalo 'yung paglalakad, hindi ko nilingon kung sino man ang tumawag sa'kin. Papunta ako sa college namin at kinakailangan kong dumaan sa malawak na quadrangle mula sa main building, hindi ko alam kung bakit ang daming estudyante ang naglilisawan lalo na sa may gitna ng quadrangle kung saan may malaking fountain. Ah, naalala ko na, ito 'ata ang sinasabi ni Talia na recruitment ng mga org.
Sa totoo lang, pang limang beses na may nagtangkang lumapit sa'kin pero dahil nga nagmamadali ako ay naiiwan ko kaagad sila, mahuhuli ako sa klase na ayokong ayoko dahil istrikto si Professor Paciano. Ngayon lang ako nagkaganito dahil sa nangyari kagabi. Hindi ko maiwasang ma-paranoid, hindi ako nakatulog ng maayos.
At higit sa lahat, hinding hindi ko malilimutan kung paano nagliwanag ng ibang kulay ang mga mata ng lalaking 'yon. Isagani―hindi ko rin makalimutan ang pangalan niya. Nagtugma sa pangalawang misteryosong liham na natanggap ko ang nangyari kagabi, 'Pagsapit ng dilim, magliliwanag ang paningin', na para bang alam na ng tao sa likod nito kung anong mangyayari noong mga oras na 'yon.
Mas lalong dumami ang mga tanong, pero hindi na natanggal sa isip ko ang kanyang mukha. Ibinubulong ng isang bahagi ng aking isip na gusto ko ulit siyang makita―gusto ko ulit makita si Isagani para itanong ang maraming bagay dahil may kutob ako na may alam siya.
Muntik ko ng mabunggo ang isang babae na biglang humarang sa dinadaanan ko, sumulpot na lamang siya kasunod ang dalawa pang babae. Magara ang suot nila, at masasabi kong namumukod tangi ang itsura ng babaeng nasa gitna na nakangiti sa'kin. Medyo napaatras ako.
"Sigrid Ibarra?" ngiting ngiti niyang sabi sa'kin. "Sawakas at nitiyempohan ka rin namin." Frizzy ang hairstyle niya, merong malaking Neon Yellow headband, makapal ang eyeshadow at may malaking hikaw na bilog.
Alangin akong ngumiti sa kanila.
"Paano niyo nalaman ang pangalan ko?" hindi ko kasi alam kung anong sasabihin ko at kung anong pakay nila sa'kin.
"Oh, because of your outstanding beauty, kumalat kaagad sa campus ang pangalan mo. Hindi na kami magpapaliguy-ligoy pa, Sigrid dear," inilabas nito ang isang maliit na card at ibinigay sa'kin, tiningan ko yon saglit at nakita ang dalawang Greek symbol. "Iniimbitahan ka naming sumali sa grupo namin." Hindi ko naitago yung pagkunot ng noo ko.
"Zeta Phi?" basa ko sa dalawang Greek symbols.
"And by the way, ako nga pala si Morgaine, ang founder ng Zeta Phi." Inabot nito ang kamay na tinanggap ko naman. Naalala ko si Talia, sorority ang grupong ito?
Natapos kaming magkamayan ni Morgaine nang magsalita ulit siya, "Alam kong nabigla ka sa imbitasyon namin, pero gusto kong bigyan mo kami ng chance na makilala ang Zeta Phi, magkakaroon kami ng house party mamayang gabi and I'd like you to come."
Hindi ako sigurado kaya hindi ako kaagad nakasagot sa kanya.
"I'm sorry pero baka hindi rin ako makasama."
"You see, Sigrid dear, this is actually a special bid. Hindi naman sa pagmamayabang pero our chapter is one of the popular here in Atlas, and lucky you, ikaw ang potential member na gusto naming kuhain."
"Maraming salamat sa paanyaya, Morgaine, pero pwede ko bang itanong kung...bakit ako?" tanong ko naman sa kanya, mas lumapad ang kanyang ngiti at hinawakan ang kanang kamay ko.
"So, hindi ka talaga aware kung gaano ka ka-popular sa campus kahit freshman ka pa lang?" amused niyang sabi. "We saw you in newspapers before, you're talented and most of all maganda ka." Ngumiti lang ako para itago ang totoo kong reaksyon. Hindi ako komportable sa mga sinasabi niya sa'kin.
"T-thank you."
"No need to be shy. Kaya naman, sana pumunta ka sa house party mamaya para makilala mo ang iba pang mga sisters, at pupunta rin 'yung fraternity na kaibigan namin."
"I'll check my schedule first, titingnan ko kung makakapunta ako mamaya." Halatang nadismaya siya sa sinabi ko pero nagawa pa rin niyang ngumiti sa'kin binitawan ang kamay ko.
"Okay, nice to meet you Sigrid, I hope makapunta ka mamaya."
"Nice to meet you too." Kinawayan nila ko bago sila umalis. Napahinga ko ng malalim, sa likuran ng card ay nakasulat ang address ng bahay na pag-gaganapan ng house party, sa isang executive village na malapit lang sa university.
Tumingin ako sa orasan at nakita ko na late na ko sa una kong klase. Lagot ako nito kay Professor Paciano.
*****
"SIGRID?" bigla akong napatingin sa kanya, muntik ko ng makalimutan na magkasama pala kami ngayon. "Mukhang napakalalim ng iniisip mo." nag-aalalang tanong ni Richard sa'kin. Nang magtama ang paningin namin ay kaagad akong nag-iwas tingin, ibinalik ko ulit yung atensyon ko sa binabasa ko.
"Pasensya na, Richard, ano nga ulit yung sinasabi mo?"
"It's odd."
"Ha?" napatingin ako sa kanya, at nakapangalumbaba lang siya habang nakatingin siya sa'kin.
"You're spacing out, kanina pa habang nagkaklase tayo sa Biology, hindi ka nakikinig sa prof." nasa library ulit kaming dalawa ngayon at inuubos ang natitirang oras dahil maaga na namang nag-dismiss ng klase si Professor Paciano at nag-iwan na naman ng assignment. Hindi ko rin napansin na hindi ko binibigyang pansin ang paligid, sa dami ng bagay na gumugulo sa isip ko. "May...problema ka ba? Okay lang kung... baka matulungan kita."
Sinara ko yung libro na binabasa ko at nagpakawala ng isang malalim na buntong hininga. "Wala naman masyado," sa tingin ko mas mabuting hindi ko sabihin sa kanya kung ano talaga ang iniisip ko, ayoko namang maabala si Richard. "May nag-imbita lang sa'kin na sumali ng sorority."
"Sorority?" tumango ako sa kanya at nabasa ko sa mukha niya ang pag-alala, "Kung ganon magiging sobrang abala ka na kapag naging miyembro ka, commitment and devotion to the chapter ang mga qualities ng pagiging member."
"Hindi pa naman ako umo-oo sa kanila." Sabi ko.
"Ganon ba," pero halatang hindi siya kuntento na iyon talaga ang iniisip ko. "May gagawin ka ba mamayang uwian?" bigla nitong iniba ang paksa.
"Wala naman," hindi ko sinabi sa kanya na inimbitahan ako sa house party ng sorority na gustong kumuha sa'kin. "Bakit mo natanong?"
"Yayayain sana kita," yumuko siya at halatang nahihiya, "na manghuli ng paru paro." 'Di ko na mapigilang matawa sa kanya, nagulat naman siya at biglang napatingin sa'kin, nagtataka. Hindi ako manhid at umpisa pa lang ay alam ko na may gusto siya sa'kin, base sa kanyang kilos at mga salita. Kabisado ko na nga ang mga senyales ng mga lalaking nagkakagusto sa akin.
"Sige." Mas lumapad ang kanyang ngiti at gayon din ako sa kanya. Baka sakaling makalimutan ko kahit panandalian lang ang mga bagay na naglulumagi sa aking isip.
Pagkatapos na pagkatapos ng pinakahuling klase ko ay kaagad kaming nagkita ni Richard katulad ng napag-usapan naming dalawa. Mag aalaskwatro pa lang ng hapon ng pumunta kami sa Magayuma Woods na nasa mismong likuran lang ng university namin.
Tig-isa kami ni Richard ng butterfly net, dinala niya ko sa lugar kung saan madalas siyang humuli ng mga paru paro. Hindi ko maiwasang mamangha ng marating namin yung lugar na 'yon na pinangalanan niyang Paraiso, dahil sa taglay na ganda ng kalikasan, ang mga bulaklak, mga halaman at matatayog na puno.
Tinuruan niya ako kung paano manghuli ng paru paro, dapat sa una'y dahan-dahan mong lalapitan ang mga ito para hindi mabulabog. Matapos ang ilang sandali'y may mga nahuli kami, nilagay niya 'yon sa mga garapon at pinagmasdan naming dalawa ang mga ito. Nagkuwento si Richard tungkol sa mga paru paro, kung paano magkakaiba ang disensyo ng mga paru paro, kung ano ang gamit ng mga disensyong iyon bilang camouflage effect at marami pang iba.
Kaagad din naming pinalaya ang mga paru paro at pinanood kung paano ito naglisawan sa ere na kay gandang pagmasdan. Tumingin ako kay Richard, masaya ko dahil kahit papano natulungan niya na mawala ang pangamba sa aking dibdib kahit na hindi ko sabihin sa kanya kung ano ang totoong ikinababahala ko.
Lulubog na ang araw nang mapagpasyahan naming dalawa na bumalik na ng campus, gusto niyang ihatid ako hanggang sa dorm building. He's such a good guy, naisip ko. Naglalakad kami habang sinusundan ang trails pabalik ng kalsada nang magsalita siya.
"I like you, Sigrid," pareho kaming huminto nang sabihin niya 'yon. "I know we've been friends for days but...I think every day my feelings get stronger."
"I like you too Richard," ngumiti ako sa kanya. "I like you as a friend. Hindi ko pa masasabi na I have the same feelings to you."
"It's fine, I don't expect you to return it. Gusto ko lang malaman mo, at sana okay lang sa'yo." Tumango ako sa kanya at sabay na ulit kaming naglakad hanggang sa marating namin yung pinaka entrance na sa mismong gilid ng kalsada. Ngunit may nakaabang na itim na sasakyan at mula roo'y lumabas ang isang lalaki.
"Alfred?" nagulat na sabi ni Richard. "Anong ginagawa mo rito?"
"I'm sorry, young master, pero pinapasundo ka kaagad ng mama mo dahil may importante kayong lakad mamayang gabi." Sabi nito atsaka biglang tumingin sa'kin.
"Ah, siya nga pala, Alfred, si Sigrid, she's my friend." tumingin naman siya sa'kin, "Sigrid, si Alfred, he's our loyal butler."
"Hello, Miss Sigrid." Bati sa akin ni Alfred at ngumiti ito sa akin.
"Uhm, I'm sorry Sigrid pero kailangan na naming mauna." Apologetic na pagkakasabi ni Richard sa'kin.
"Wag kang mag-alala, okay lang, malapit lang naman yung dorm. Salamat nga pala." Sabi ko naman. Sumakay agad siya ng kotse at bago iyon umalis ay kumaway muna siya sa'kin at kumaway din ako sa kanya.
Naglakad ako pabalik ng dorm, ilang metro ang layo mula rito sa likurang bahagi ng university. Nasa tapat na 'ko ng main gate nang may tumawag sa pangalan ko.
"Sigrid!" nakita ko si Morgaine na papalapit sa kinaroroonan ko, "I'm glad na nakita kita!"
"Hi, Morgaine." Bati ko naman sa kanya.
"You're just in time dahil papunta kami ngayon sa house party, wala ka ng klase 'di ba? Let's go!"
"Pero―"
"Come on, Sigrid, this is just really perfect. Look nandito na 'yung sasakyan." Saktong huminto sa gilid namin ang isang kulay itim na van at bumukas iyon at niluwa ang dalawang babaeng kasama nila sa sorority. Sobrang mapilit ni Morga, nakahawak na siya sa braso ko at handa akong hilahin.
"Morgaine, sorry talaga—"
Natigilan ako nang masulyapan ko ang loob ng van, 'yung batang babae! Nanlamig ang buo kong katawan nang makita ko ang bata na nakaupo sa loob ng van, ni hindi na ako nakakontra nang hilahin nila ako papasok sa loob ng van.
Anong ginagawa ng bata rito sa van? Hindi kaya...
Saktong napatingin ako sa labas, hindi ako tinatantanan ng mga misteryo dahil sa gilid ng gate nakatayo ang isang pamilyar na tao na nakatingin sa'kin. Hindi ako nagkakamali dahil hanggang ngayon ay hindi ko pa rin nakakalimutan ang kanyang mukha.
Si Isagani.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro