Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

/16/ Peculiars


UMUULAN ng pera sa entablado na habang halu-halo ang ingay mula sa matinis na musika, mga paghiyaw ng mga tao. 'Di kalayuan ay nagwawala pa rin si Kero. Tila bumagal ang buong paligid nang tumingin si Annie sa direksyon namin, pare-pareho kaming napahinto. Walang emosyon ang kanyang mukha at muli niyang ibinaling ang atensyon sa kanyang kalaban, muling bumilis ang oras nang pumasok sa stage ang berdugo.

Narinig kong muli ang pag-aalpas ni Kero habang hawak siya nina Isagani at Rare.

"At heto na nga mga kaibigan may bagong kalahok ang hahamon sa ating defending champion na si Batumbakal!" naghiyawan ang mga tao nang hubarin na ni Annie ang leather jacket niya at nang bumuwelo ang kanyang kalaban.

Ngunit may muntik na akong makalimutan.

Si Richard!

Hinanap siya ng aking paningin ngunit hindi ko na siya mahagilap. Hindi ako pwedeng magkamali na guni-guni ko lang 'yon. Sigurado ako na siya ang nakita ko.

"Anong klase kayong mga kaibigan?!" hiyaw ni Kero sa amin dahil wala kaming magawa pare-pareho. "Wala man lang ba kayong gagawin?!"

"Hindi lang ikaw ang nag-aalala Kero!" sumagot si Ruri na nakatayo lang din sa gilid nila.

"Wala ka na sa katinuan kaya kailangan mo munang kumalma!" si Isagani, parehas tagaktak ang pawis nila ni Rare na namumula na ang mga kamay dahil din sa pagpigil ng paglabas nito ng kapangyarihan.

"Kumalma?!" tila wala na nga sa katinuan si Kero dahil para siyang mababaliw. Nagsimula ang labanan sa ring. Sunud-sunod ang pag-atake ng kalaban ni Annie pero mabuti't mabilis niya iyong naiilagan. Nang makabawi si Annie naman ang sumugod at nagpaulan ng suntok sa kalaban pero mabilis rin ito, tila pantay ang lakas nilang dalawa.

"Sigrid!" narinig kong tawag sa'kin ni Isagani, nanghihingi ng tulong at lumapit ako sa kanila para subukang pakalmahin si Kero.

"Kero, please, mas gugulo ang sitwasyon kapag nag-eskandalo ka rito. We just need to be patient and wait for—"

"Maghintay sa ano?! Maghintay na masaktan siya?!" hindi ako nakasagot sa sinabi niya.

"Nakahanap na ba ng katapat ang ating defending champion?! Mukhang nalalamangan na si Batumbakal ng ating new challenger!" napatingin akong muli sa ring at nakitang nahihirapan si Annie dahil sa mabilis na paghataw ng mga kamo ng Berdugo. Sinasalag lahat ni Annie ngunit tila hinahabol na siya nito sa buong ring dahil hindi siya makabuwelo.

At nang makakuha ng pagkakataon si Annie para makasuntok ay mabilis nasalo ng palad ng Berdugo ang kamao niya na labis niyang ikinagulat. Malakas si Annie, at alam niya sa sarili niya na higit pa sa lakas ng normal na tao ang meron siya pero nagawang masalo ng berdugo ang kanyang kamao. Maaari kayang kaparehas niyang may kapangyarihan ang berdugo?

Saglit silang nagkatitigan, hawak-hawak ng berdugo ang kamao ni kamao ay sa isang iglap ay napaikot si Annie sa ere at bumagsak siya sa ring.

"Totoo ba ito?! Sa unang pagkakataon ay may nagpabagsak sa ating kampeyon?!"

Mas lalong umalpas si Kero at sa labis na galit niya ay hindi niya napigilan, tumalsik si Rare at Isagani sa magkabilang gilid niya at mabilis pa sa kidlat na tumakbo siya papuntang ring.

"Kero!" sigaw ni Ruri.

"S-sigrid! P-pigilan mo siya!" sigaw ni Isagani sa'kin.

Nakita ko si Kero na naglikha ng eskandalo dahil nang makalapit siya ay hinarangan siya ng mga mamang nagbabantay. Habang sa stage ay sunud-sunod na nakatanggap ng suntok si Annie hanggang sa muli siyang bumagsak sa sahig ng ring.

Hindi ko hinabol si Kero dahil sa pamamagitan ng kapangyarihan niya ay tumalsik ang mga nagbabantay at nagawa niyang makapasok sa ring. Mas lalong umingay ang tao kasabay ng mga bulung bulungan kung bakit may dumagdag sa ring.

"B-bakit hindi mo siya pinigilan?!" hindi ko namalayan na nasa tabi ko na si Isagani at akma siyang susugod papunta sa kinaroroonan nila Kero pinigilan ko siya.

"Kanina bago magsimula ang laban, nakita ko na may itinurok sa kalaban ni Annie at sa tingin ko iyon ang dahilan kung bakit sobrang lakas nito katulad ni Annie." Sabi ko sa kanya.

"Hindi natin problema yan sa ngayon," wika ni Rare na inalalayan ni Ruri. "Malaking problema kapag nagpakitang gilas si Kero." Alam ko kung ano ang ibig niyang sabihin. Isa sa mga patakaran na mahigpit ni Memo sa amin, hindi namin pwede basta-bastang ipakita sa iba kung ano ang mga kapangyarihan namin.

"Hindi," sabi ko sa kanila. "Hindi gagawin ni Kero 'yon." Nakita namin na sinaklolohan muna ni Kero si Annie, inakay niya 'to hanggang sa makalabas ng stage.

"Aba, aba, ito ba ang knight in shining armor ng ating defending champion?!" nagtawanan at naghiyawan ang mga manonood. Si Kero ang humarap sa kalaban ni Annie at hinayaan lang siya ng mga staff dahil mas nagiging interesado ang palabas.

Umatake ng suntok si Kero pero parang bato na hindi man lang nasaktan ang berdugo, nagtawanan ang mga tao. Umatake ang kalaban ng isang suntok at natumba agad si Kero, bumangon muli at lumaban. Naging paulit-ulit hanggang sa hindi na kayananin ni Kero subalit patuloy pa rin siyang bumabangon para lumaban, para kay Annie.

Nag-iwas na ng tingin si Ruri dahil hindi na niya matagalan. Ganoon din si Rare. Kami ni Isagani ang matatag na nanonood sa kalagayan ni Kero.

"Hindi natin siya pwedeng pabayaan." Sabi ko, at sabay-sabay silang napatingin sa'kin

"Huwag mong sabihing—"

"I will distract the foe's thought," wala na kong pake kung malaman man ni Memo na ginamit ko ang kapangyarihan ko sa labas, dahil sa simula pa lang na nagpasya kaming pumunta rito ay nilabag na namin ang isa sa mga batas niya, at isa pa hindi naman kami mga bata.

Bumagsak na naman si Kero, hindi siya kaagad nakabangon kaya sabay-sabay na nagbilang ang mga tao.

"One! Two! Three!"

Gagawin ko pa lang sana ang balak ko pero nakita ko si Annie na muling pumasok ng ring. Hinila ng mga medic palabas si Kero nat muling tumunog ang bell.

"Tuloy pa rin ang laban mga kaibigan!" malakas na naghiyawan ang mga manonood.

Sumugod si Annie at sunud-sunod na umatake, walang tigil, mas mabilis, hanggang sa natamaan niya ito ng sunud-sunod, walang palya at buong lakas. Parang kung anong himala at bigla siyang lumakas ng sampung beses kaysa kanina. Bawat suntok ay may kasamang hiyaw, at ang pinakahuli niyang atake'y isang sipa na tumama sa dibdib ng berdugo at tumalsik ito sa malayo.

Tumunog ang bell. Nanalo si Annie.

"S-si Kero!" sigaw ni Ruri at sabay-sabay kaming tumakbo kung nasaan man ito. Muli kong tiningnan ang kaninang kinaroroonan ni Richard at ng mga elitista, wala siya roon, ngunit may isang matandang lalaki ang nakatingin sa amin.

*****

"SINONG nagsabi sa inyo na pwede niyo akong pakialaman?!" dumagundong ang boses ni Annie sa paligid.

Matapos ang palabas kanina'y dali-dali kaming umalis doon, hindi na nga nagawang kuhanin ni Annie ang premyo niya. Napadpad kaming anim dito sa ilalim ng tulay 'di kalayuan sa pinanggalingan naming gusali kanina.

Walang kumibo sa'min. Kita ang pasa at sugat ni Annie. Si Kero nama'y ganoon din, duguan ang labi at may malaking pasa sa mukha.

"Alam niyo ba kung gano ka-delikado yung lugar na 'yon?!" sigaw niya sa'min, "Hindi ba kayo marunong mag-isip?! Kung anu-ano ang pinakikialaman niyo na hindi niyo naman dapat pakialaman!"

Tumingin ako kay Isagani, hinihintay ko siyang sumagot, dahil hindi naman kami aabot sa ganito kung hindi dahil sa prediksyon na nakita niya, pero nanatiling nakatikom ang kanyang bibig habang nakatingin lang kay Annie.

"Ang dami mong satsat," hindi na nakatiis si Rare. "Pasalamat ka nga—"

"At dapat ko pa kayong pasalamatan?!"

"Hindi mo kasi alam—"si Ruri

"Ano?!"

"Nag-aalala kami sa'yo." Pagtuloy ko sa sinabi ni Ruri. Napatingin sa'kin si Annie at saglit na natigilan, bigla siyang umismid.

"Wala ba kaming karapatang mag-alala sa'yo?" si kero, nakaupo at nakasandal sa pader, maya-maya'y tumayo siya at iika-ikang lumapit kay Annie. "Pinakealaman ka namin dahil nag-aalala kami sa'yo—dahil nag-aalala ako sa'yo."

Sarkastikong tumawa si Annie at muling sumeryoso, "Nag-aalala?" biglang may pumatak na luha sa kanyang pisngi na hindi namin inaasahan. Napakagat labi siya at pinipigilan ang damdamin, napatingin sa sahig. Hanggang sa hindi na niya kinaya at umiyak siya sa harapan namin. Hindi man namin maintindihan kung bakit siya umiiyak.

"Hoy, bakit ka ba ngumangalngal dyan." Sita ni Rare.

"Napuwing lang ako." Sabi ni Annie.

"Annie," si Kero. "Handa akong mamatay para sa'yo. Kasi... mahal kita."

"Gago." Sagot nito.

"Bumalik na tayo sa dorm, marami pang araw para diyan." Yaya ni Isagani.

"Teka lang," saad ni Annie. "May dapat tayong puntahan."

*****

2:45 am

"Alam niyo kung nandito si Memo siguro nakabigti na tayo ng patiwarik." wika ni Kero habang kumakain ng sundae. Well. Nandito kami ngayon sa isang diner, nilibre kami ni Annie ng ice cream dahil ayaw niya pang umuwi at sulitin na raw namin ang ganitong pagkakataon.

"Hoy, Annie, sa tingin mo madadaan mo kami sa ice cream lang?" seryosong wika ni Rare at itinaas ang braso. "Nakita mo ba tong sugat ko sa braso?" dahil sa gawa ni Kero kanina.

"Wow, bakit sinabi ko ba kasing puntahan niyo ko?" balik sagot ni Annie.

"Bored lang ako."

"Kunwari lang 'yang si Rare pero nag-aalala rin 'yan sa'yo." Si Isagani.

"Pero kung hindi dahil kay Sigrid hindi kami sasama kanina." Si Ruri na nagiging madaldal at komportable na.

"Si Isagani kaya," pasa ko sa katabi ko at nagkatinginan kaming dalawa. Ako ang unang nag-iwas ng tingin. "May tanong nga pala ako, Annie." Bigla kong nasabi para lang mabaling ang atensyon ko sa iba.

"Ano?"

"Bakit kailangan mong sumali sa laro na katulad non?" tinutukoy ko ang pakikipaglaban niya sa underground death match.

Napasandal si Annie at napatingin sa kawalan. Naghihintay kaming lahat sa kanyang kasagutan.

"Kailangan kong kumita ng malaking pera," simula niya. "Bukod sa baon ang pamilya namin sa utang, nasa ospital ang tatay ko, araw-araw na may binabayaran pati mga gamot. Kumbaga maswerte na lang ako dahil libre akong nakakapag-aral dahil sa Night Class pero kailangan ko pa rin silang buhayin."

Walang nakaimik sa'min matapos niyang ipaliwanag ang sagot sa tanong ko.

"Komplikado ang buhay ko sa madaling salita," pumangalumbaba si Annie sa mesa habang pinaikut-ikot ang kutsara. "Para saan pa't hindi ko gagamitin ang kapangyarihang mayroon ako, kung ito na lang ang paraan para mabuhay sa mundong ito, bakit hindi?"

"Hindi ka naman nag-iisa," seryosong wika ni Kero. "Akala mo ba ikaw lang ang namumrublema? Hindi porke't ganito ang kapangyarihan ko madali ng mabuhay araw-araw."

"Tsaka, Annie, hindi mo naman din kailangang ilagay ang buhay mo sa alanganin para lang sa pera." Si Ruri.

"Alam ko, Ruri."

Namayani muli ang katahimikan, napasulyap ako sa labas ng bintana at nakita ang unti-unting pagbuhos ng ulan. Wala ng umimik pa sa amin ngunit nadama ko na matapos ang mga pangyayari ay may kung anong namagitan sa aming lahat, hindi man nakikita pero tiyak kong iyon din ang nararamdaman nila.

"Waiter, isa pa nga nito."

"Hoy Rare, nakakarami ka na." si Annie.

"Libre mo, 'di ba."

"Patay gutom ka ba?"

Narinig ko na lang ulit na nagkukulitan sila, isang bagay na ngayon lang 'ata nangyari sa tagal na magkakasama sila. Nakita ko ang kakaibang saya sa mga mata ni Ruri, ang dating takot at pangamba ay nawala. Nabuking din sawakas ang tinatagong magaan na ugali ni Rare. Ang pagiging malambot ni Annie sa kabila ng matigas nitong personalidad. Nailabas din ang tunay na galak ni Kero at hindi pagpapanggap katulad ng lagi niyang ginagawa. At si Isagani na lubos na natutuwa sa kanila kahit na hindi gaanong nagsasalita.

Masaya na rin ako ang makita silang masaya. Sabi nga sa lumang kasabihan, huwag nating husgahan kaagad ang mga bagay na lagi nating nakikita sa panlabas nitong anyo. At napatunayan ko na tama iyon ngayong gabi.

Habang abala sila ay hindi ko naiwasang mapatingin muli sa labas dahil may kung anong tumawag ng aking pansin. Isang itim na sasakyan ang nakaparada 'di kalayuan at kitang kita ko ang lalaki na nasa loob nito ang nakatingin sa kinaroroonan namin, siya rin ang matandang lalaki na nakita ko kanina na nakamasid sa amin. Sinundan niya ba ako?

At kahit malayo'y sinubukan kong basahin ang kanyang isip.

"They are Peculiars and they really do exist."



Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro