/1/ Warning
HOW does a mirror work?
"Most mirrors are made up of a sheet of glass with a coat of silver paint on the back. If there were no paint on the back, the light would go through the glass the way it goes through a windowpane. The silver paint reflects the light that strikes it. The glass is to protect the soft paint and keep it bright. When you stand in front of a mirror, you see yourself because the light is reflected from you to the mirror and back from the mirror to your eyes. Regular mirrors are usually flat, and you see a true image of yourself. Because the light bounces straight back out, your image is reversed."
Sa pagkakaalala ko, elementarya ako noong huli kong mabasa ang depinisyon kung paano gumagana ang mga salamin. Mula pa noong bata ako ay nakaugalian ko na ang pagkuwestiyon sa lahat ng nakasanayang paniniwala ng lahat. Inaalam ko rin kung paano gumagana ang isang bagay, kung bakit ganito ang isang organismo at kung anu-ano pa. Para maibsan ang uhaw ko sa mga tanong, hinahanap ko mismo ang mga sagot at matatandaan iyon habambuhay. Photographic memory kung tawagin nila ang tawag sa kakayahang ito.
Pinagmasdan kong maigi ang sarili ko sa salamin, hinawi ko ang ilang hibla ng buhok na nakaharang sa aking mukha at ipinagpatuloy ang pagkuskos gamit ang basang bimpo sa braso ko na natapunan ng pintura. Napahinga ako ng malalim, tinatapos ko kasi iyong huli kong ipinipinta bago ako umalis sa bahay na 'to. Nakalulungkot mang isipin ngunit kailangan ko nang lumisan kinabukasan.
Nang matanggal ko na ang mantya sa aking braso, lumabas ako ng banyo ng aking silid at nadatnan ang mga naiwan kong gamit, ang canvas sa kabalyete, ang mga paintbrush at pintura. Bago ako magpatuloy sa aking ginagawa, kinuha ko ang isang plaka at isinalang iyon at pinatugtog sa lumang Gramophone. Nocturne Op. 9 No. 2 by Frederic Chopin ang sumunod na nagharing himig sa paligid.
Muli kong hinawakan ang pinsel at ipinagpatuloy kong ipininta ang senaryo na napanaginipan ko kagabi, Isang isla na mayroong pitong tao na nakatayo sa isang bangin habang lumilitaw ang araw. Wala akong ideya kung sinu-sino ang mga tao sa aking panaginip, magkakahawak sila ng kamay at tila kagagaling lang mula sa pagsubok. Masasabi kong isa 'yong makabuluhang panaginip at sa hindi malaman na kadahilanan ay naantig ang aking damdamin, may kung anong hiwaga ang bumabalot sa bawat panaginip kung kaya't napagpasyahan kong ipinta ang senaryo.
"Sigrid?" napalingon ako at narinig ang tatlong katok mula sa pintuan ng aking silid, lumapit ako sa Gramophone inihinto ang tumutugtog na musika bago ko buksan ang pinto.
"Mama." Binuksan ko ng malaki ang pinto para makapasok siya sa loob at nang makita niya na nakakalat ang mga gamit kong pangpinta ay halatang nagulat siya.
"Handa ka na ba bukas, hija? Bakit hindi pa nakaayos ang gamit mo?" itinuro niya yung ginagawa ko at ang ilang painting na naka-sabit sa pader ng silid ko. Umiling ako sa kanya at hinawakan siya sa kamay, niyaya ko siyang umupo sa sofa.
"Hindi ko na po dadalhin." Tinutukoy ko ang mga gamit kong pangpinta.
"Pero, anak, hindi ba't hilig mo ang pagpipinta? Bakit hindi mo sila dadalhin sa dormitoryo?" bakas ang pag-alala ng tinig nito, iniisip niya na baka hindi ko kayanin na hindi magpinta dahil ito ang isa sa mga iniibig kong gawin.
"Mama, sa tingin ko mas kailangan kong pag-igihan ang pag-aaral sa kolehiyo, uuwi pa rin naman ako dito hindi ba?" ngumiti ako sa kanya at upang bigyan siya ng kasiguraduhan na magiging mabuti ang kalagayan ko. Tumango lamang si mama atsaka siya'y tumayo.
"Oh siya, mag-ayos ka na at dadalo pa tayo sa misa, humingi ka na rin tuloy ng basbas kay Padre Jose para sa bago mong paglalakbay."
"Opo." inihatid ko si mama hanggang sa makalabas siya ng silid, nang maiwan akong mag-isa ay napaupo akong muli. Bagong paglalakbay. Hindi ko maiwasang isipin kung anu ano ang mga naghihintay sa'kin sa hinaharap.
*****
KILALA ang pamilya namin sa buong bayan ng Sta.Maria, marahil kilala ang aming mga ninuno na naging minsang pinuno ng bayang ito. At isa pa, maliit lamang ang bayan na ito at halos ng tao ay magkakakilala, kaugalian na ng mga tiga-rito sa amin na magbatian ang bawat mamamayan.
Hindi pa nagsisimula ang misa ngunit marami ng tao ang nakaantabay sa labas ng simbahan. Maya-maya'y may isang batang lalaki ang lumapit sa'kin at nagulat ako nang abutan niya 'ko ng Mirasol. Ngumiti ako at kinuha yon mula sa munti niyang kamay. Sunflower ibig sabihin ay adoration.
"Salamat." Sabi ko at ngumiti ang mahiyaing bata atsaka may itinuro sa malayo, malapit ang isang puno ay may kumpol ng mga tao, may nagpapabigay marahil pero hindi ko alam kung sino .
"Maria Sigrid." Nagulat kami pareho ng bata kaya tumakbo na ito palayo bago ko pa matanong kung kanino ito galing. Lumingon ako at nakita ang tumawag sa'kin, si Kuya Samuel, ang panganay sa aming pitong magkakapatid.
"Kuya." Humalukipkip ako dahil tinawag na naman niya ako sa buo kong pangalan.
"Kanino galing yan?" tanong niya sa hawak-hawak kong bulaklak. "Bago mo na namang manliligaw?" umiling-iling ako, mahigpit ang kuya ko at may pagka-istrikto kaya hanggang ngayon walang nagtatangkang lumapit na lalaki sa'kin.
"Hindi, may nagpapaabot lang." minasamaan niya ng tingin yung isang grupo ng kabataan malapit sa'min atsaka niya 'ko inakbayan.
"Tsk, subukan lang nilang lumapit sa'yo at malalagot sila sa'kin."
"Kuya―" pero bago pa 'ko makaangal sa kanya ay nilapitan na kami nila mama at inanyayaang pumasok na sa loob ng simbahan, malapit ng magsimula ang misa.
Nang matapos ang misa at makahingi ng basbas kay Padre Jose, umuwi kami sa bahay at naghihintay ang isang masaganang hapag. Hindi ko sukat akalaing nagpahanda ng ganitong kagarbong selebrasyon sila mama para sa'kin. Tuwang-tuwa ang mga nakababatang kapatid ko at sabay-sabay kaming nagsalu-salo sa mga masasarap na pagkain.
"Pagbutihan mo sa kolehiyo, Sigrid. Hindi na kami makapaghintay ng mama mo na maging isang dalubhasang doctor ka balang araw." masayang wika ni papa. Tumango lamang ako, kahit na saloob-loob ko'y hindi ko naman talaga gusto maging doktor, pero gagawin ko 'yon para sa ikagagalak nila. Pang-apat ako sa pitong magkakapatid pero ako lamang ang pinadala sa isang tanyag na boarding school sa siyudad para mag-aral ng medisina, ako ang inaasahan nila namag-aangat ng reputasyon ng pamilya Ibarra.
"Sigrid," napalingon ako at nakitang nasa pintuan si Ate Sara, ang sumunod kay Kuya Samuel. Kanina pa tahimik ang buong kabahayan matapos ang maliit na selebrasyon. "Pwede ba 'kong pumasok?"
"Oo naman." Sagot ko at tumuloy siya, akala ko uupo siya sa sofa pero naglakad-lakad siya sa harapan ng aparador.
"Ito yung kauna-unahan mong trophy hindi ba?" lumapit ako sa kanya para makita kung ano yung tinutukoy niya."Nagwagi ka sa isang piano contest, six years old ka palang noon."
"Ate―"
"Itong mga trophy na nakuha mo noong elementary," tinuro niya 'yon isa-isa. "Gulat na gulat ang mga teachers mo noon dahil kaya mong bigkasin ang bawat kapitolyo ng bansa, kabisado mo rin ang mga naging presidente ng Estados Unidos, pati mga scientific names ng bawat hayop at halaman hindi mo pinatawad."
Sa totoo lang hindi ko maintindihan ang pinupunto ni Ate Sara, hindi ko maiwasang mapakunot-noo habang hinayaan ko lang siyang sabihin ang bawat trophies na naka-display sa kwarto ko, pati na rin ang awards na nakuha ko sa mga paintings ko, pati na mga achievements ko mula elementary hanggang highschool.
"Ate Sara," sawakas ay huminto rin siya at humarap sa akin.
"Malinaw ang dahilan kung bakit ikaw ang pinadala nila papa para pag-aralin sa university na 'yon, Sigrid," diretsong nakatingin sa'kin si Ate Sara, seryoso ang itsura niya. "Matalino ka, sobrang talino, kaya mong gawin kahit ano, lahat 'ata ng talento na sa'yo. Ikaw ang pinagmamalaki niya sa lahat. Gusto ka niyang maging doktora, kahit na ayaw mo."
"Ano bang gusto mong iparating, Ate Sara?" hindi na 'ko nakatiis at sinagot ko siya. Nagbago ang kanyang ekspresyon, ngumiti siya at hinawakan ako sa kamay.
"Gusto kong pagbutihan mo, para kila papa at mama." Iyon ang huli niyang sinabi atsaka siya lumabas ng kwarto habang ako ay naiwan lang na nakatulala sa kawalan. Totoo lahat ng sinabi ni ate, pero minsan gusto kong isipin na palagi siyang may ipinararating. Ayoko lang isipin na iba ang kahulugan ng mga 'yon.
Kung alam lang nila ang aking inililihim, na mayroon akong isang kakatwang kakayahan. Nagsimula ang lahat noong minsang tinuturuan ng piano lesson si Ate Sara, anim na taong gulang pa lang ako noon, at natatandaan ko pa nang mapakinggan ko ang piyesa na tinutugtog ng maestro. Isang araw nagulat silang lahat na kaya kong tugtugin ng buo ang piyesa. Simula noon ay tinawag nila kong prodigy.
Huminga ako ng malalim at pumunta sa pintuan, sinara ko na 'yung pinto. Kailangan kong pag-igihan sa pag-aaral. Tutal sa pagiging magaling sa lahat ng bagay, iyon ang dahilan kung bakit nila ako pinadala sa unibersidad na 'yon.
*****
UNIVERSIDAD de Atlas
Magarbo masyado. Entrada pa lamang ng eskwelahan halos mapanganga na 'ko sa laki at gara nito. Hindi na 'ko nagtataka kung bakit sinasabi nila na puro lamang mga anak ng alta ang nag-aaral dito. May kaya lamang ang pamilya namin at maraming sinakripisyo ang aking pamilya para lang mapag-aral ako sa mamahaling paaralang 'to.
WELCOME FRESHMAN SCHOOL YR 1980
Malaki ang bagahe na bitbit ko dahil simula ngayon hanggang sa katapusan ng semester ay dito na muna ako titira. Bukas pa naman magsisimula ang opisyal na klase kaya kailangan ko munang mahanap ang kwarto ko sa girl's dormitory na nasa likurang bahagi ng unibersidad.
Hindi ko maiwasang mahiya habang naglalakad sa pasilyo dahil halos lahat ng tao na narito ay nakatingin sa'kin. Parang ngayon lang sila nakakita ng tao kaya mas lalo kong binilisan ang paglalakad, bigla tuloy akong nabunggo dahil hindi ako nakatingin sa dinadaanan ko.
Sa ikatlong palapag natagpuan ko ang room 305. Kakatok pa lang ako nang bumukas bigla ang pinto at tumambad sa'kin ang isang babae na tiyak kong kasing edad ko lang. Ang kapal ng make-up niya, iyon ang una kong napansin.
"Oh, hello!" masigla nitong bati sa'kin. "Pasok ka!" binuksan niya ng mas maluwag ang pinto at pumasok ako. Pinagmasdan ko ang loob ng silid, sa unang kama ay maraming gamit na nakakalat sa ibabaw nito, bakante ang gitna, at ang nasa dulo'y may isang babaeng nakaupo roon. Mayroon ding tatlong study table, isang malaking tokador, at mayroong dalawang bintana na natatakpan ng kulay rosas na kurtina.
"Ayy! Teka nakalimutan kong magpakilala," bakas ang kaartehan sa magaslaw at matinis na boses ng babae. "My name is Natalia Javier, but you can call me Talia." Inabot nito ang kamay, akala ko makikipagkamay siya sa'kin pero nagulat ako ng hilahin niya 'yung kamay ko para ilapit ang mukha ko at nakipagbeso-beso sa kanya. "Sawakas, meron akong ka-level sa ganda rito, akala ko isang wirdong nerd na naman ang magiging roommate ko. So, anong name mo, sis?"
"Maria Sigrid Ibarra," sumulyap ako sa isa pa naming kasama ngunit wala itong kibo.
*****
SA kabutihang palad hindi naman ako na-late sa unang araw ng klase. First class ko ang Biology.Marami nang tao sa loob ng lecture hall pero mabuti na lang may napwestuhan pa 'ko dito sa medyo bandang dulo.
Wala pa naman ang professor kaya naman inayos ko muna 'yung mga gamit ko sa mesa. Tsaka ko napansin 'yung katabi ko, pinapanood niya 'yung paru paro na nasa loob ng isang garapon, bigla tuloy siyang tumingin sa'kin nang maramdaman ang pagtitig ko.
"Do you like butterflies?" hindi ako naging handa sa tanong niya kaya napatango lang ako ngunit sa loob loob ko'y naaawa ako sa munting nilalang na nasa garapon. "No, no, hindi ko gawain ang insect preservation, papakawalan ko rin naman 'to mamaya." Mukhang nabasa niya ang iniisip ko base sa ekspresyon ng aking mukha. Ngumiti siya sa'kin ng makahinga ako ng maluwag. Mas napagmasdan kong mabuti ang kanyang itsura, nakahati sa gitna ang buhok at may malaking salamin.
"Ako nga pala si Sigrid, Sigrid Ibarra."
"N-nice name, Sigrid. I'm Richard, Richard Morie." Siya naman ang hindi naging handa nang magpakilala ako, saktong dumating ang aming professor.
Medyo istrikto ang unang professor, mahusay ito at batikan sa kanyang larangan, naging maayos din naman ang mga sumunod pang klase. Kaklase ko si Richard sa lahat ng subjects kaya naging magkaibigan kami 'agad at magkasama buong araw.
Hapon na at kailangan ko nang bumalik ng dorm, naglalakad ako papasok sa loob ng gusali, wala akong kasabay na naglalakad at tahimik na tahimik ang paligid.
"Ravi."
Huminto ako sa paglalakad nang makita ang isang batang babae na nakatayo sa puno malapit sa entrada, mga sampung metro ang layo mula sa kinatatayuan ko.
Batang babae? Anong ginagawa niya rito? Baka anak ng isa sa mga empleyado o...
"Hi, Sigrid!" muntik na 'kong mapatalon nang may tumapik sa balikat ko. Paglingon ko'y nakita ko si Talia. "Kakatapos lang ng class mo? Sabay na tayo umakyat!"
"May bata." Hindi ko pinansin 'yung sinabi niya.
"Huh, saan?" itinuro ko ang kinaroroonan ng bata ngunit wala na iyon nang muli kong tingnan. "Wala naman! Naku ha, don't scare me!" Nagkibit balikat na lang ako at sabay kaming nagtungo ni Talia sa aming silid.
Pagdating sa loob ay nadatnan naming ang isa pa naming roommate, abala ito sa pagbabasa habang nakaupo sa kanyang kama at hindi man lang niya kami pinansin ni Talia.
Pagkaupo ko sa aking kama ay napansin ko ang isang puting sobre na nakapatong doon. Dala ng kuryosidad ay kaagad ko itong binuksan at nakuha ang isang sulat.
'UMALIS KA NA HANGGA'T MAAGA PA, Sigrid Ibarra'
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro